Introduksiyon sa Lucas
Manunulat: Lucas
Saan Isinulat: Cesarea
Natapos Isulat: mga 56-58 C.E.
Panahong Saklaw: 3 B.C.E.–33 C.E.
Mahahalagang Impormasyon:
Lumilitaw na isinulat ni Lucas ang ulat niya pagkatapos isulat ni Mateo ang ulat niya pero bago isulat ni Marcos ang Ebanghelyo niya. Malamang na isinulat ni Lucas ang Ebanghelyo niya pagkabalik niya mula sa Filipos kasama ni Pablo pagkatapos ng ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero. Posibleng tinipon ni Lucas ang mga detalye ng ulat niya habang nakakulong nang dalawang taon si Pablo sa Cesarea bago ito dalhin sa Roma para umapela kay Cesar.
Maliwanag na isinulat ni Mateo ang Ebanghelyo niya pangunahin na para sa mga Judio, at lumilitaw na isinulat ni Marcos ang ulat niya pangunahin na para sa mga di-Judiong mambabasa, lalo na sa mga Romano. Pero isinulat ni Lucas ang Ebanghelyo niya para sa lahat ng tao. Mga 60 porsiyento ng ulat na ito ni Lucas ay hindi mababasa sa ibang Ebanghelyo. Bumanggit siya ng di-bababa sa anim na himala na hindi iniulat nina Mateo, Marcos, at Juan. (Luc 5:1-6; 7:11-15; 13:11-13; 14:1-4; 17:12-14; 22:50, 51) Marami rin siyang binanggit na ilustrasyon na hindi mababasa sa ibang Ebanghelyo; makikita ang ilang halimbawa sa Luc 10:30-35; 15:11-32; at 16:19-31.
Dahil doktor si Lucas, mas detalyado ang ulat niya tungkol sa pagkakasakit ng ilang indibidwal. (Luc 4:38; 5:12; Col 4:14) Makikita ang taas ng pinag-aralan ni Lucas sa bokabularyo niya, na mas malawak kaysa sa pinagsama-samang bokabularyo ng tatlong iba pang manunulat ng Ebanghelyo.
Hindi nabanggit ang pangalan ni Lucas sa Ebanghelyong ito, pero siya ang tinukoy na manunulat nito sa Muratorian Fragment (mga 170 C.E.). Kinikilala rin siya ng mga manunulat noong ikalawang siglo, gaya ni Clement ng Alejandria at ni Irenaeus.
Hindi kasama si Lucas sa 12 apostol at posibleng naging mananampalataya lang siya pagkamatay ni Jesus, kaya hindi niya nasaksihan ang lahat ng pangyayaring iniulat niya sa Ebanghelyo. Pero sinamahan niya si Pablo sa Jerusalem pagkatapos ng ikatlong paglalakbay nito bilang misyonero. (Gaw 21:15-17) Kaya nagkaroon siya ng pagkakataong makakuha ng tumpak na impormasyon tungkol kay Jesu-Kristo sa mismong lugar kung saan isinagawa ng Anak ng Diyos ang kaniyang ministeryo. Halimbawa, personal na nakausap ni Lucas ang marami sa mga taong nakakita sa mga pangyayari sa buhay ni Jesus, gaya ng mga alagad at posibleng pati ang ina ni Jesus na si Maria. Posible ring ginawa niyang reperensiya ang Ebanghelyo ni Mateo.