Introduksiyon sa Hebreo
Manunulat: Pablo
Saan Isinulat: Roma
Natapos Isulat: mga 61 C.E.
Mahahalagang Impormasyon:
Malamang na isinulat ni Pablo ang liham niya noong mga 61 C.E. habang nasa Roma. Lumilitaw na isinulat niya ito bago mawasak ang Jerusalem noong 70 C.E. dahil makikita sa liham niya na may sumasamba pa rin sa templo nang panahong iyon. Binanggit din ni Pablo na plano niyang pumunta agad sa Judea kasama si Timoteo, kaya lumilitaw na isinulat niya ang liham na ito noong malapit na siyang lumaya o pagkalayang-pagkalaya niya mula sa una niyang pagkabilanggo (mga 59-61 C.E.).—Heb 13:23.
Para sa mga Hebreong Kristiyano sa Jerusalem at Judea ang liham na ito. Noong mga 33-34 C.E., pinag-usig ang mga Kristiyanong iyon. (Gaw 8:1, 4) Noong mga 55 C.E. naman, naghirap sila dahil sa taggutom. Pero noong 56 C.E., tumanggap sila ng tulong mula sa mga kapatid sa Galacia, Macedonia, at Acaya. (1Co 16:1-3; 2Co 9:1-5) Nang matanggap ng mga Hebreong Kristiyano ang liham na ito noong mga 61 C.E., mas maayos na ang kalagayan nila. (Heb 12:4) Pero napapanahon pa rin ang liham na ito dahil patuloy pa rin silang ginugulo ng mga Judio at tinatrato nang di-maganda. Kailangan din nilang maghanda sa paparating na pagkawasak ng Judiong sistema, gaya ng inihula ni Jesus. (Luc 21:20-24) Hindi alam ni Pablo o ng mga Kristiyano sa Judea kung kailan iyan mangyayari. Kaya kailangan nilang gamitin ang panahong natitira para patibayin ang pananampalataya nila at matutong magtiis.—Heb 12:1, 2.
Isa sa mga dahilan kung bakit isinulat ang liham na ito ay para ipakitang nakahihigit ang paraan ng pagsamba ng mga Kristiyano kaysa sa Judaismo. Posibleng sinasabi ng ilang Judio na nakahihigit ang pagsamba nila kaysa sa mga Kristiyano dahil sa kanilang templo, mga saserdote, ninuno, kasaysayan, at iba pang pisikal na mga bagay. Naglalaman ang liham sa mga Hebreo ng magagandang argumento na magpapatibay sa pananampalataya ng mga Kristiyano at tutulong sa kanila na masagot ang sinasabi ng mga Judio. Para ipakitang nakahihigit ang Kristiyanismo, isinulat sa liham na ito kung paano nakahihigit si Jesu-Kristo:
Posisyon: Nakahihigit si Jesus sa mga anghel (Heb 1:4-6), kay Abraham (Heb 6:20; 7:1-7), kay Moises (Heb 3:1-6), at sa mga propeta (Heb 1:1, 2).
Tagapamagitan ng mas mabuting tipan: Si Jesus ang Tagapamagitan ng bagong tipan, “isang mas mabuting tipan” kaysa sa tipang Kautusan na si Moises ang tagapamagitan.—Heb 8:6-13.
Pagkasaserdote: Ang pagkasaserdote ni Jesus, na “gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec,” ay nakahihigit sa pagkasaserdote ni Aaron. (Heb 5:4-6, 10; 6:13-20; 7:5-17, 20-28) Hindi gaya ng ibang mataas na saserdote, hindi namamatay si Jesus kaya hindi siya kailangang palitan. Bukod diyan, maawain siya, di-nagkakasala, at nauunawaan niya ang kahinaan ng mga Kristiyano dahil sinubok siya sa lahat ng bagay.—Heb 2:17, 18; 4:14, 15; 7:23-25.
Handog: Sa Kautusan, kailangang pumasok ng mataas na saserdote sa Kabanal-banalan ng pisikal na santuwaryo taon-taon dala ang dugo ng mga toro at kambing. Pero si Jesus ay umakyat mismo sa langit. Iniharap niya kay Jehova ang halaga ng dugo niya na tumubos sa kasalanan ng lahat ng tao. (Heb 8:1-3) Hindi ito kailangang gawin ni Jesus nang paulit-ulit; “minsanan” lang niya ibinigay ang buhay niya bilang perpektong handog.—Heb 7:26-28; 9:24-28.
Pagkahari: Si Jesus ay nakaupo bilang Hari, hindi sa trono sa Jerusalem, kundi sa langit. Ang Kaharian niya ay “hindi mauuga.”—Heb 1:8, 9; 12:28.
Sa liham na ito, madalas sumipi si Pablo sa Hebreong Kasulatan. Sa unang kabanata pa lang, sumipi na siya nang di-bababa sa pitong beses para patunayang nakahihigit sa mga anghel si Jesus bilang Anak ng Diyos. (Heb 1:5-13) Para idiin o linawin ang isang punto, kadalasan nang inuulit ni Pablo ang isang salita o maikling ekspresyon at ipinapaliwanag ito. (Heb 10:37, 38; 12:26, 27; tingnan din ang Heb 3:7–4:11, kung saan sumipi siya sa Aw 95:7-11.) Madalas niyang gamitin ang Septuagint sa mga pagsipi niya.—Para sa halimbawa, tingnan ang study note sa Heb 1:6, 10; 2:13; 4:7; 8:9; 10:5; tingnan din sa Glosari, “Septuagint.”
Ginamit ang mga ekspresyong gaya ng “mas dakila,” ‘mas maganda,’ at ‘mas mabuti’ sa aklat ng Hebreo para idiin na nakahihigit ang pagsamba ng mga Kristiyano. Iisang terminong Griego lang ang ginamit sa mga ekspresyong ito. At sa 19 na paglitaw nito sa buong Kristiyanong Griegong Kasulatan, 13 ang makikita sa aklat ng Hebreo.—Para sa halimbawa, tingnan ang Heb 1:4; 7:19, 22; 8:6; 9:23; 11:16, 35, 40; 12:24.
Napakahalaga ng liham sa mga Hebreo dahil tinutulungan nito ang mga mambabasa na maintindihan na ang sagradong paglilingkod na hinihiling ng Kautusan ay lumalarawan sa mas dakilang mga bagay na may kaugnayan sa espirituwal na templo.—Heb 9:7-14, 23-28; 10:1.
Pinapatibay ng liham na ito ang pananampalataya ng mga Kristiyano dahil ipinaliwanag dito ang ibig sabihin ng pananampalataya at nagbigay ito ng maraming halimbawa ng mga lingkod ng Diyos na nagpakita ng katangiang ito.—Heb 11:1–12:2.
Maraming pampatibay at payo sa liham na ito, pero naglalaman din ito ng matitinding babala.—Heb 2:1-4; 3:12, 13; 4:11-13; 6:1-6; 9:13, 14; 10:22-31; 12:1, 2; 13:1-7, 9, 17.
Hindi binanggit ng manunulat ng liham na ito ang pangalan niya, pero pinapatunayan ng mga reperensiya, ibang manunulat, at mga ebidensiyang makikita sa mismong liham na si apostol Pablo ang sumulat nito:
Binanggit ng manunulat na nangungumusta ang “mga taga-Italya,” kaya posibleng isinulat niya iyon habang nandoon siya, malamang na sa Roma. Nabilanggo si Pablo sa sarili niyang bahay sa Roma nang mga dalawang taon.—Heb 13:24; Gaw 28:30.
Makikita sa liham na malapít kay Timoteo ang manunulat nito. (Heb 13:23) Dagdag na patunay iyan na si Pablo ang manunulat. Sa ilang liham na isinulat ni Pablo noong una siyang nabilanggo sa Roma, binanggit niya na kasama niya si Timoteo.—Fil 1:1; 2:19; Col 1:1, 2; Flm 1.
Kitang-kita sa mga argumentong mababasa sa liham ang istilo ni Pablo. Dahil para sa mga Judio ang liham, isinulat niya ito sa paraang nakikipag-usap ang isang Judio sa kapuwa niya mga Judio. (1Co 9:20, 22) Inatasan din kasi siyang magpatotoo sa “mga Israelita,” hindi lang sa mga Gentil. (Gaw 9:15) Totoo, may kaibahan ang pagkakasulat ng Hebreo sa iba pang liham ni Pablo. Iba rin naman kasi ang intensiyon ng pagsulat nito. Isinulat ito bilang “pampatibay-loob,” kaya hindi ito gaya ng liham ng isang naglalakbay na tagapangasiwa sa mga dinalaw niyang kongregasyon o sa iba pang tagapangasiwa na inatasan niya.—Heb 13:22.
Kinikilala ng sinaunang mga manunulat, gaya nina Pantaenus (ikalawang siglo C.E.), Clement ng Alejandria (ikalawang siglo C.E.), at Origen (ikatlong siglo C.E.), na si Pablo ang sumulat ng liham sa mga Hebreo.
Sa papirong codex na tinatawag na P46 (mga 200 C.E.), kasama ang Hebreo sa siyam na liham ni Pablo.—Tingnan sa Media Gallery, “Liham ni Pablo sa mga Hebreo.”
Sa mga akda ni Athanasius (ikaapat na siglo C.E.), kasama ang Hebreo sa “14 na liham ni apostol Pablo.”