PAGMAMASID SA DAIGDIG
Pagtutok sa Europa
Noon, ang Europa ay napakarelihiyoso. Pero ngayon, ang kalakhang bahagi nito ay hindi na ganoon karelihiyoso. Gayunman, baka ikagulat mong may kaugnayan sa Bibliya ang kamakailang mga balita mula sa Europa.
Kahalagahan ng Boses ng Ina
Ayon sa mga mananaliksik sa Milan, Italy, bumubuti ang kalusugan ng mga sanggol na ipinanganak na kulang sa buwan kapag naririnig nila ang boses ng kanilang ina gamit ang isang device na nasa pulso ng sanggol habang nasa ospital. Sinisikap ng pamamaraang ito na magaya kung paano naririnig ng sanggol ang boses ng kaniyang ina habang nasa sinapupunan pa siya. “Kapag maagang naririnig ng mga sanggol na kulang sa buwan ang boses ng kanilang ina,” ang sabi ng pag-aaral, “may magandang epekto ito sa kanila.”
ANG SABI NG BIBLIYA: “Pinayapa ko at pinatahimik ang aking kaluluwa tulad ng batang kaaawat sa suso sa piling ng kaniyang ina.”—Awit 131:2.
Pinalalaking Makasarili?
Ayon sa isang pag-aaral sa 565 bata sa Netherlands, ang mga batang itinuturing ng kanilang mga magulang na “mas magaling kaysa sa iba” at mga batang dapat daw bigyan ng “espesyal na pagtrato” ay nakakuha ng mas mataas na marka kaysa sa iba sa mga test tungkol sa pagiging makasarili at nagpakita ng pagiging mapagmataas. “Naniniwala ang mga bata kapag sinasabi ng kanilang mga magulang na mas espesyal sila kaysa sa iba,” ang sabi ng isang awtor sa pag-aaral. “Malamang na hindi iyan makabubuti sa kanila o sa lipunan.”
ANG SABI NG BIBLIYA: “Sinasabi ko sa bawat isa sa inyo riyan na huwag mag-isip nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin; kundi mag-isip upang magkaroon ng matinong kaisipan.”—Roma 12:3.
Positibong mga Centenarian
Ayon sa ulat ng mga mananaliksik sa Heidelberg University sa Germany, ang mga may-edad na nasa 100-taóng-gulang na ay gustong-gusto pa ring mabuhay sa kabila ng kanilang mga sakit at pisikal na mga limitasyon. Sa bawat apat na ininterbyung centenarian, tatlo ang naging maingat sa kanilang buhay at nagsikap na magamit ito sa pinakamahusay na paraan. Naabot nila ang kanilang mga tunguhin, naging positibo at punô ng pag-asa, nagkaroon ng makabuluhang buhay, at napanatili ang kanilang relihiyoso at moral na pamantayan.
PAG-ISIPAN: Gaya ng sinasabi sa Eclesiastes 3:11, ano ang ipinakikita ng ating pagnanais na patuloy na mabuhay?