KUWENTO 34
Isang Bagong Uri ng Pagkain
MASASABI mo ba kung ano ang pinupulot ng mga tao sa lupa? Ito ay maputi, manipis at parang niyebe. Ano iyon? Iyon ay isang bagay na makakain.
Isang buwan nang nakakaalis ang mga Israelita sa Ehipto. Nasa ilang sila. Konti lang ang nakukuhang pagkain doon, kaya nagrereklamo sila.
Kaya sinabi ni Jehova: ‘Magpapaulan ako ng pagkain mula sa langit.’ Ganito nga ang nangyari. Kinaumagahan, nang makita ng mga Israelita ang maputing bagay na ito, nagtanong sila: ‘Ano ito?’
Sumagot si Moises: ‘Ito ang pagkain na ibinigay sa inyo ni Jehova.’ Tinawag nila ito na MANNA. Ito’y lasang bibingka na may pulot-pukyutan.
‘Pulutin lang ninyo ang kaya ninyong kainin,’ sabi ni Moises. Kaya tuwing umaga ganito ang kanilang ginagawa. Kapag mainit na ang sikat ng araw, ang natirang manna sa lupa ay natutunaw.
Sinabi din sa kanila ni Moises na huwag silang magtitira ng manna hanggang sa kinabukasan. Pero ang iba ay nagtira. Kinabukasan, ito ay inuod at bumaho!
Tuwing ikaanim na araw, sinabi ni Jehova na sila ay kumuha ng doble. Sinabi niya na walang mahuhulog na manna sa ikapitong araw. Kung magtitira sila ng manna hanggang sa ikapitong araw, hindi ito magkakaroon ng uod at hindi ito babaho. Isa na naman itong himala.
Sa buong panahon na ang mga Israelita ay nasa ilang, sila ay pinakain ni Jehova ng manna.