KUWENTO 37
Isang Tolda Para sa Pagsamba
ALAM mo ba kung anong gusali ito? Ito ay espesyal na tolda para sa pagsamba kay Jehova. Tinatawag din ito na tabernakulo. Natapos gawin ito isang taon pagkaalis ng mga Israelita sa Ehipto.
Nang si Moises ay nasa Bundok Sinai, sinabi sa kaniya ni Jehova kung papaano itatayo ang tabernakulo. Sinabi niya na gawin ito para madaling paghiwahiwalayin. Kaya kapag nagpalipat-lipat ang mga Israelita sa ilang, maaari nilang dalhin ang tolda.
Kung titingnan mo ang loob ng maliit na silid sa dulo ng tolda, makakakita ka ng isang kahon. Ang tawag dito ay kaban ng tipan. Sa bawa’t dulo, may isang anghel o kerubin na yari sa ginto. Isinulat uli ng Diyos ang Sampung Utos sa dalawang malapad na bato pagkatapos basagin ni Moises ang una. Itinago ito sa loob ng kaban ng tipan, kasama na ang isang garapon ng manna. Natatandaan mo ba kung ano ang manna?
Pinili ng Diyos ang kapatid ni Moises na si Aaron para maging mataas na saserdote. Siya ang nangunguna sa mga tao sa pagsamba kay Jehova. Ang mga anak niyang lalaki ay mga saserdote din.
Ngayon tingnan mo ang mas malaking silid sa tolda. Nakikita mo ba ang kahon na linalabasan ng usok? Ito ang altar na pinaghahandugan ng mga saserdote ng mabangong sangkap na tinatawag na insenso. Naroon din ang lampara na may pitong ilaw, at isang mesa na may 12 tinapay sa ibabaw.
Sa labas ng tabernakulo ay may malaking palanggana na puno ng tubig. Ginagamit ito ng mga saserdote sa paghuhugas. Mayroon ding malaking altar na pinagsusunugan ng mga patay na hayop bilang handog kay Jehova. Ang tolda ay nasa gitna ng kampo. Ang mga Israelita ay nakatira sa kanilang mga tolda sa palibot nito.