KUWENTO 43
Naging Pinuno si Josue
GUSTO ni Moises na sumama sa mga Israelita sa Canaan. Pero ayaw siyang payagan ni Jehova. Alam mo ba kung bakit?
Dahil sa nangyari nang hampasin ni Moises ang bato. Tandaan, siya at si Aaron ay hindi nagsabi sa bayan na si Jehova ang nagdala ng tubig mula sa bato. Dahil dito sinabi ni Jehova na hindi niya sila papayagan na pumasok sa Canaan.
Kaya ilang buwan pagkamatay ni Aaron, sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Tawagin mo si Josue, at patayuin mo siya sa harap ni Eleazar na saserdote at ng bayan. Sabihin mo sa lahat na si Josue ang bagong pinuno.’ Ginawa ni Moises ang sinabi ni Jehova, gaya ng makikita mo sa larawan.
Pagkatapos ay sinabi ni Jehova kay Josue: ‘Lakasan mo ang iyong loob at huwag kang matakot. Aakayin mo ang mga Israelita tungo sa lupain ng Canaan gaya ng pangako ko sa kanila, at ako ay sasa iyo.’
Pagkatapos ay pinaakyat ni Jehova si Moises sa Bundok Nebo sa lupain ng Moab. Mula doon ay matatanaw ni Moises ang magandang lupain ng Canaan. Sinabi ni Jehova sa kaniya: ‘Ito ang lupain na ipinangako ko sa mga anak nina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinakikita ko ito sa iyo, pero hindi kita papapasukin doon.’
Si Moises ay namatay doon mismo sa taluktok ng Bundok Nebo. 120 taóng gulang siya. Lungkot-na-lungkot ang bayan sa pagkamatay ni Moises. Pero natutuwa sila dahilan sa si Josue ang kanilang bagong pinuno.