KUWENTO 56
Si Saul—Ang Unang Hari ng Israel
TINGNAN mo si Saul habang binubuhusan ng langis ang ulo ng lalaking yaon. Ganito ang ginagawa nila noon para ipakita na ang isa ay napili upang maging hari. Sinabi ni Jehova kay Samuel na buhusan ng langis ang ulo ni Saul. Ito ay mamahalin at mabangong langis.
Hindi inisip ni Saul na siya ay magaling na hari. Gusto siya ni Jehova, kasi hindi siya nagmamalaki at nagpapa-importante. Kaya pinili siya ng Diyos na Jehova na maging hari.
Pero si Saul ay mula sa isang mayamang pamilya, napakagandang lalake niya at siya ay matangkad. Mabilis din siyang tumakbo at napakalakas pa. Tuwang-tuwa ang bayan sapagka’t si Saul ang napili ni Jehova upang maging hari. Silang lahat ay sumigaw: ‘Mabuhay ang hari!’
Ang mga kaaway ng Israel ay lumilikha pa rin ng gulo. Kasisimula pa lamang maghari ni Saul, nang ang mga Amonita ay lumaban na sa Israel, pero si Saul ay nagtipon ng isang malaking hukbo kung kaya’t siya ay nagtagumpay laban sa kanila. Natutuwa ang bayan sa pagiging hari ni Saul.
Sa paglipas ng mga taon, inakay ni Saul ang mga Israelita sa maraming tagumpay. Matapang din ang anak ni Saul na si Jonatan. Tumulong si Jonatan para manalo ang Israel sa maraming digmaan. Isang araw, libu-libong Pilisteo ang lumaban sa mga Israelita.
Sinabi ni Samuel kay Saul na hintayin siya para maghain, o maghandog kay Jehova. Pero natagalan si Samuel, at natakot si Saul na baka sumalakay ang mga Pilisteo. Kaya naghain na siya. Pagdating ni Samuel, sinabi niya kay Saul na dahil sa pagsuway nito pipili si Jehova ng ibang tao para maghari sa Israel.
Pagkatapos nito ay sumuway uli si Saul, kaya sinabi ni Samuel sa kaniya: ‘Mas mabuti ang sumunod kay Jehova kaysa maghandog ng magagandang kaloob sa kaniya. Dahil sa hindi mo siya sinunod, hindi ka na papayagan ni Jehova na maging hari sa Israel.’
Nakikita natin na dapat lagi tayong sumusunod kay Jehova. At saka, nakita natin na ang isang mabuting tao, gaya ni Saul, ay puwedeng magbago at maging masama. Ayaw natin na maging masama, hindi ba?