KUWENTO 76
Nawasak ang Jerusalem
MAHIGIT nang 10 taon mula nang dalhing bihag ni Haring Nabukodonosor ang pinaka-edukadong mga Israelita sa Babilonya. At ngayon tingnan mo kung ano ang nangyayari! Nasusunog ang Jerusalem. At ang mga Israelita na hindi pinatay ay dinadalang bilanggo tungo sa Babilonya.
Tandaan, na nagbabala ang mga propeta ni Jehova na ganito ang mangyayari kung hindi magbabago ang mga tao sa kanilang kasamaan. Pero hindi nakinig ang mga Israelita. Kaya dapat silang parusahan. Sinasabi sa atin ng propeta ng Diyos na si Ezekiel ang tungkol sa masasamang bagay na ginagawa ng mga Israelita.
Si Ezekiel ay isa sa mga binata na dinalang bihag ni Haring Nabukodonosor mahigit na 10 taon bago naganap ang malaking kapahamakang ito sa Jerusalem. Si Daniel at ang tatlong kaibigan niya, sina Sadrac, Mesac at Abednego ay binihag din nang panahong iyon.
Kahit nasa Babilonya siya, ipinakita ni Jehova kay Ezekiel ang masasamang nangyayari sa Jerusalem at sa templo. Ginawa ito ni Jehova sa pamamagitan ng isang himala. Nakagigitla ang nakita ni Ezekiel!
‘Tingnan mo ang nakasusuklam na mga bagay sa templo,’ sabi ni Jehova kay Ezekiel. ‘Tingnan mo ang mga pader na natatakpan ng mga larawan ng mga ahas at iba pang hayop. At tingnan mo ang mga Israelita habang sinasamba ang mga ito.’
‘Nakikita mo ba kung ano ang lihim na ginagawa ng mga pinunong Israelita?’ tanong ni Jehova kay Ezekiel. Oo, nakikita din niya ito. Sila ay 70 lalaki, at lahat sila ay sumasamba sa mga diyus-diyosan. Akala nila hindi sila nakikita ni Jehova.
Pagkatapos ay ipinakita ni Jehova kay Ezekiel ang ilang babae na nasa hilagang pintuan ng templo. Sinasamba nila ang huwad na diyos na si Tammuz. At may 25 lalaki sa pintuan ng templo ni Jehova na sumasamba sa araw!
‘Walang paggalang sa akin ang mga taong ito,’ sabi ni Jehova. Hindi lang sila gumagawa ng masama, kundi dito pa mismo nila ito ginagawa sa aking templo!’ Kaya nangako si Jehova: ‘Madarama nila ang tindi ng aking galit. At hindi ako malulungkot kapag sila ay napuksa.’
Tatlong taon pagkatapos ipakita kay Ezekiel ang mga bagay na ito, ang mga Israelita ay naghimagsik laban kay Haring Nabukodonosor. Kaya lumaban siya sa kanila. Sa wakas, ang Jerusalem ay natupok at karamihan ng tao ay napatay o dinalang bihag sa Babilonya.
Bakit nangyari ito? Kasi ang mga Israelita ay hindi nakinig kay Jehova at sumunod sa kaniyang mga utos. Ito ay nagpapakita kung gaano kahalaga para sa atin na laging gawin ang sinasabi ng Diyos.
Sa pasimula may ilang tao na pinayagang manatili sa lupain ng Israel. Isang Hudiyo na nagngangalang Gedalias ang pinapangasiwa sa kanila. Pero si Gedalias ay pinatay ng ilang Israelita. Ngayon ay natakot ang bayan na baka dumating ang mga taga-Babilonya at patayin silang lahat dahil dito. Kaya pinilit nilang isama si Jeremias, at tumakas sila tungo sa Ehipto.
Kaya ang lupain ng Israel ay naiwang walang katao-tao. Sa loob ng 70 taon, ang lupain ay walang laman. Pero nangako si Jehova na ibabalik niya ang bayan sa lupain pagkaraan ng 70 taon. Samantala, ano ang nangyayari sa bayan ng Diyos sa lupain ng Babilonya? Tingnan natin.