KUWENTO 77
Ayaw Nilang Yumukod
NATATANDAAN mo ba ang tatlong binatang ito? Oo, sila ang mga kaibigan ni Daniel na tumangging kumain ng masustansiyang pagkain ng hari. Tinawag sila na Sadrac, Mesac at Abednego. Tingnan mo at hindi sila yumuyukod sa malaking imaheng ito na gaya ng ginagawa ng iba. Alamin natin kung bakit.
Natatandaan mo ba ang Sampung Utos? Ito ang mga batas na isinulat mismo ni Jehova. Ang una sa mga ito ay nagsasabi: ‘Huwag kang sasamba sa ibang diyos liban sa akin.’ Ang mga binatang ito ay sumusunod sa utos na ito. Hindi ito naging madali para sa kanila.
Si Nabukodonosor ang nagtayo ng imaheng ito. Katatapos pa lang niyang sabihin sa bayan: ‘Kapag narinig ninyo ang tunog ng mga trumpeta, ng alpa at ng iba pang instrumento, kayo ay yuyuko at sasamba sa gintong larawan na ito. Sinomang hindi yuyukod at sasamba ay ihahagis sa isang mainit at nagniningas na hurno.’
Galit-na-galit si Nabukodonosor nang malaman na sina Sadrac, Mesac at Abednego ay ayaw yumukod sa imahen. Ipinatawag niya sila at binigyan sila ng isa pang pagkakataon para yumukod. Pero ang mga binata ay nagtitiwala kay Jehova. Ayaw pa rin nilang yumukod sa larawan at labagin ang utos ng Diyos.
Dahil dito, lalo pang nag-alab ang galit ni Nabukodonosor. May isang hurno malapit sa kaniya kaya’t siya ay nag-utos: ‘Painitin ang hurno nang pitong beses kaysa rati.’ Pagkatapos ay iniutos niya sa pinakamalalakas na lalaki sa kaniyang hukbo na gapusin ang tatlong binata at ihagis sila sa hurno. Napakainit ng hurno kaya ang malalakas na lalaki ay napatay ng apoy. Pero kumusta naman ang tatlong binata na kanilang inihagis?
Sumilip ang hari sa hurno, at nanginig siya sa takot. Nakakita siya ng apat na lalaki na naglalakad sa gitna ng apoy, bagaman tatlo lang ang kanilang inihagis. Hindi na sila nakagapos, at hindi sila napapaso ng apoy. Ang ikaapat na kasama nila ay tila isang diyos! Kaya lumapit ang hari sa pintuan ng hurno, at tinawag sina Sadrac, Mesac at Abednego para palabasin sila.
Nang makalabas na sila, nakita ng lahat na hindi sila nasaktan. Sinabi ng hari: ‘Purihin nawa ang Diyos ni Sadrac, Mesac at Abednego. Isinugo niya ang kaniyang anghel at iniligtas sila sapagka’t hindi sila sumamba sa alinmang diyos maliban sa iisa.’
Hindi ba magandang halimbawa ito ng katapatan na dapat nating tularan?