Kabanata 1
Apocalipsis—Ang Maligayang Kasukdulan Nito!
1. Bakit natin masasabi na gusto ng Diyos na maging maligaya tayo?
ANG APOCALIPSIS KAY JUAN—ang kapana-panabik na aklat na ito ng Bibliya ang siyang maligayang kasukdulan ng banal na ulat. Bakit natin sinasabing “maligaya”? Sapagkat ang Awtor ng Bibliya ay inilalarawan bilang ang “maligayang Diyos,” na siyang nagkakaloob ng “maluwalhating mabuting balita” sa mga umiibig sa kaniya. Gusto niyang maging maligaya rin tayo. Kaya sa pasimula pa lamang ay tinitiyak na sa atin ng Apocalipsis: “Maligaya siya na bumabasa . . . sa mga salita ng hulang ito.” Sinasabi sa atin sa huling kabanata nito: “Maligaya ang sinumang tumutupad sa mga salita ng hula sa balumbong ito.”—1 Timoteo 1:11; Apocalipsis 1:3; 22:7.
2. Ano ang dapat nating gawin upang makasumpong ng kaligayahan sa pamamagitan ng aklat ng Apocalipsis?
2 Paano tayo makasusumpong ng kaligayahan sa pamamagitan ng aklat ng Apocalipsis? Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa kahulugan ng detalyadong mga tanda, o simbolo, na binabanggit dito at pagkilos na kasuwato nito. Ang maligalig na kasaysayan ng tao ay malapit nang sumapit sa kapaha-pahamak na kasukdulan, kapag inilapat na ng Diyos at ni Jesu-Kristo ang hatol sa kasalukuyang balakyot na sistema, upang halinhan ito ng “isang bagong langit at isang bagong lupa,” kung saan “hindi na magkakaroon [maging] ng kamatayan.” (Apocalipsis 21:1, 4) Hindi ba’t tayong lahat ay nagnanais mabuhay sa gayong bagong sanlibutan na may tunay na kapayapaan at katiwasayan? Mangyayari ito kung patitibayin natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, kasali na ang pumupukaw-damdaming hula ng Apocalipsis.
Apocalipsis—Ano ba Ito?
3. Ano ang akala ng marami hinggil sa kahulugan ng Apocalipsis at Armagedon?
3 Hindi ba tinatawag ding Pahayag ang Apocalipsis? Ganoon nga, sapagkat “pahayag” ang siyang salin sa Tagalog ng salitang Griego na a·po·kaʹly·psis. Iniuugnay ng maraming tao ang Apocalipsis sa pagkawasak ng daigdig sa pamamagitan ng digmaang nuklear. Sa isang lunsod sa Texas, E.U.A., kung saan ginawa ang napakaraming sandatang nuklear, karaniwang sinasabi noon ng relihiyosong mga tao, “Tayo ang unang maglalaho.” Ang mga klerigo sa lugar na iyon ay sinasabing “nakumbinsi na ang Armagedon ay hindi lamang tiyak na darating kundi napakalapit na, at na ang pangwakas na digmaan sa pagitan ng mga puwersa ng mabuti at masama, ng Diyos at ni Satanas, ay magaganap bilang isang nuklear na pagkawasak.”a
4. Ano ba ang tunay na kahulugan ng salitang “apocalipsis,” at bakit angkop na tawaging “Pahayag,” o Apocalipsis, ang huling aklat ng Bibliya?
4 Subalit ano ba talaga ang apocalipsis? Bagaman binibigyang-katuturan ito ng mga diksyunaryo bilang “isang napipintong pansansinukob na pagkawasak,” ang salitang Griego na a·po·kaʹly·psis ay may saligang kahulugan na “pag-aalis ng lambong” o “paghahayag.” Kaya ang huling aklat ng Bibliya ay angkop na pinamagatang “Pahayag,” o Apocalipsis. Ang masusumpungan natin dito ay hindi basta mensahe ng nakatakdang pandaigdig na kapahamakan, kundi kapahayagan ng banal na mga katotohanan na dapat magbigay sa atin ng maligayang pag-asa at matibay na pananampalataya.
5. (a) Sino ang mapupuksa sa Armagedon, at sino ang makaliligtas? (b) Anong maluwalhating kinabukasan ang naghihintay sa mga makaliligtas sa Armagedon?
5 Totoo, ang Armagedon ay inilalarawan sa huling aklat ng Bibliya bilang ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 16:14, 16) Subalit ibang-iba ito sa isang nuklear na pagkawasak! Ang gayong pagkawasak ay malamang na mangahulugan ng pagkalipol ng lahat ng buhay sa lupa. Sa kabaligtaran, ang Salita ng Diyos ay nagbibigay ng maligayang katiyakan na mga balakyot lamang na sumasalansang sa Diyos ang mapupuksa—sa pamamagitan ng mga puwersang kontrolado ng Diyos. (Awit 37:9, 10; 145:20) Isang malaking pulutong ng mga tao, mula sa lahat ng bansa, ang makaliligtas sa kasukdulan ng paghatol ng Diyos sa Armagedon. Pagkatapos, papastulan at aakayin sila ni Kristo Jesus tungo sa walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa. Gusto mo bang mapabilang sa kanila? Nakatutuwa naman, ipinakikita ng Apocalipsis na posible ito!—Apocalipsis 7:9, 14, 17.
Pagsasaliksik sa Banal na mga Lihim
6. Sa paglipas ng mga taon, anu-anong aklat ang inilathala ng mga Saksi ni Jehova upang magbigay-liwanag sa Apocalipsis?
6 Sing-aga ng 1917, inilathala ng Samahang Watch Tower ang aklat na The Finished Mystery. Ito ay talata-por-talatang komentaryo sa mga aklat ng Bibliya na Ezekiel at Apocalipsis. Pagkatapos, habang nagaganap ang mga pangyayari sa daigdig bilang katuparan ng hula sa Bibliya, inihanda naman ang napapanahong aklat na Light na may dalawang tomo, at inilabas ito noong 1930. Nakatulong ito upang higit na maunawaan ang Apocalipsis. Ang liwanag ay patuloy na ‘sumisinag para sa mga matuwid,’ kaya noong 1963, inilathala ng mga Saksi ni Jehova ang aklat na “Babylon the Great Has Fallen!” God’s Kingdom Rules! na may 704 na pahina. Detalyado nitong iniharap ang kasaysayan ng pagbangon at pagbagsak ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, at tinalakay nito ang huling siyam na kabanata ng Apocalipsis bilang konklusyon. Habang ‘lumiliwanag nang lumiliwanag ang landas ng mga matuwid,’ lalo na may kinalaman sa gawain ng kongregasyon, inilathala naman noong 1969 ang aklat na “Then Is Finished the Mystery of God,” na may 384 na pahina at tumatalakay sa unang 13 kabanata ng Apocalipsis.—Awit 97:11; Kawikaan 4:18.
7. (a) Bakit naglaan ang mga Saksi ni Jehova ng aklat na ito tungkol sa Apocalipsis? (b) Anu-anong pantulong sa pagtuturo ang inilakip sa aklat para sa kapakinabangan ng mga mambabasa?
7 Bakit inilathala at muling inilimbag ang isa na namang aklat tungkol sa Apocalipsis sa panahong ito? Lubhang detalyado ang karamihan sa impormasyon na nailathala na, at hindi posible noon na isalin at ilathala ito sa buong daigdig sa maraming wika. Kaya nakitang angkop na maglaan ng isang aklat tungkol sa Apocalipsis sa iisang tomo lamang at sa anyo na madaling maililimbag sa maraming wika. Karagdagan pa, inilakip sa tomong ito ang mga pantulong sa pagtuturo, tulad ng mga larawan, tsart, at mga sumaryo, na makatutulong sa mga mambabasa na maunawaan nang husto ang kapana-panabik na kahulugan ng kamangha-manghang hulang ito.
8. Ano pa ang mas mahalagang dahilan kung bakit inilathala ang aklat na ito?
8 Ang isa pang mas mahalagang dahilan kung bakit inilathala ang aklat na ito ay ang pangangailangang umalinsabay sa kasalukuyang katotohanan. Si Jehova ay patuloy na nagsisiwalat ng higit na liwanag sa kahulugan ng kaniyang Salita, at habang papalapit ang malaking kapighatian, makaaasa tayo na lalo pang lalalim ang ating kaunawaan hinggil sa Apocalipsis at sa iba pang mga hula. (Mateo 24:21; Apocalipsis 7:14) Mahalagang magkaroon tayo ng sapat na kaalaman. Gaya ng isinulat ni apostol Pedro tungkol sa banal na hula: “Mahusay ang inyong ginagawa sa pagbibigay-pansin dito na gaya ng sa isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa ang araw ay magbukang-liwayway at ang bituing pang-araw ay sumikat, sa inyong mga puso.”—2 Pedro 1:19.
9. (a) Gaya ng iba pang hula, ano ang ipinakikita ng Apocalipsis na lilikhain ng Diyos? (b) Ano ang bagong sanlibutan, at paano ka makaliligtas tungo roon?
9 Ang Apocalipsis ay nagbibigay ng karagdagang patotoo sa iba pang mga hula sa Bibliya, na nagpapakitang layunin ng Diyos na Jehova na lumikha ng mga bagong langit at isang bagong lupa. (Isaias 65:17; 66:22; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-5) Ang mensahe nito ay pangunahing ipinatutungkol sa pinahirang mga Kristiyano, na binili ni Jesus sa pamamagitan ng kaniyang dugo upang maging kasama niyang mga tagapamahala sa mga bagong langit. (Apocalipsis 5:9, 10) Gayunpaman, mapatitibay rin ng mabuting balitang ito ang pananampalataya ng milyun-milyong tao na umaasang mabuhay nang walang hanggan sa ilalim ng Kaharian ni Kristo. Kabilang ka ba sa kanila? Kung gayon, patitibayin ng Apocalipsis ang iyong pag-asa na mabuhay sa Paraiso, bilang bahagi ng bagong lupa, upang tamasahin ang kasaganaan ng kapayapaan, malusog na pangangatawan, at nag-uumapaw na mga paglalaan ng Diyos na hindi magwawakas kailanman. (Awit 37:11, 29, 34; 72:1, 7, 8, 16) Kung nais mong makaligtas tungo sa bagong sanlibutang iyon, mahalaga, oo, kailangang-kailangan, na magbigay-pansin ka sa detalyadong paglalarawan ng Apocalipsis sa makasaysayang kasukdulan na napipinto na ngayon.—Zefanias 2:3; Juan 13:17.
[Talababa]
a Süddeutsche Zeitung, Munich, Alemanya, Enero 24, 1987.
[Buong-pahinang larawan sa pahina 7]