Kabanata 23
Ikalawang Kaabahan—Mga Hukbong Mangangabayo
1. Sa kabila ng pagsisikap ng klero na sugpuin ang mga balang, ano ang nangyari, at ano ang ipinahihiwatig ng pagdating ng dalawa pang kaabahan?
PASIMULA noong 1919, nagdulot ng malaking paghihirap sa klero ang makasagisag na pagsalakay ng mga balang sa Sangkakristiyanuhan. Sinikap nilang sugpuin ang mga balang na ito, subalit lalo silang lumalakas kaysa rati. (Apocalipsis 9:7) At hindi lamang iyan! Sumusulat si Juan: “Ang isang kaabahan ay natapos na. Narito! Dalawa pang kaabahan ang darating pagkatapos ng mga bagay na ito.” (Apocalipsis 9:12) Higit pang nagpapahirap na mga salot ang naghihintay sa Sangkakristiyanuhan.
2. (a) Ano ang nangyari nang hipan ng ikaanim na anghel ang kaniyang trumpeta? (b) Saan kumakatawan ang “isang tinig mula sa mga sungay ng ginintuang altar”? (c) Bakit apat na anghel ang binanggit?
2 Ano ang pinagmumulan ng ikalawang kaabahan? Isinusulat ni Juan: “At hinipan ng ikaanim na anghel ang kaniyang trumpeta. At narinig ko ang isang tinig mula sa mga sungay ng ginintuang altar na nasa harap ng Diyos na nagsabi sa ikaanim na anghel, na may trumpeta: ‘Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates.’” (Apocalipsis 9:13, 14) Ang pagpapalaya sa mga anghel ay tugon sa tinig na nagmumula sa mga sungay ng ginintuang altar. Ito ang ginintuang altar ng insenso, at bago pa nito, ang insenso ng mga ginintuang mangkok mula sa altar na ito ay dalawang beses nang iniuugnay sa mga panalangin ng mga banal. (Apocalipsis 5:8; 8:3, 4) Kaya kumakatawan ang tinig na iyon sa nagkakaisang mga panalangin ng mga banal na nasa lupa. Nagsusumamo sila na mapalaya sana sila upang makabahagi sa higit pang masiglang paglilingkod bilang mga “mensahero” ni Jehova, na siyang saligang kahulugan ng salitang Griego na isinasaling mga “anghel.” Bakit apat ang anghel? Waring ipinahihiwatig ng makasagisag na bilang na ito na magiging napakaorganisado nila anupat masasaklaw nila ang buong lupa.—Apocalipsis 7:1; 20:8.
3. Sa anong paraan “nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates” ang apat na anghel?
3 Sa anong paraan “nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates” ang mga anghel na ito? Ang ilog ng Eufrates noong sinaunang panahon ang hilagang-silangang hangganan ng lupaing ipinangako ni Jehova kay Abraham. (Genesis 15:18; Deuteronomio 11:24) Maliwanag na nahahadlangan ang mga anghel sa hangganan ng kanilang bigay-Diyos na lupain, o makalupang dako ng paggawa, at hindi lubusang makapasok sa paglilingkurang inihanda ni Jehova para sa kanila. Madalas ding iugnay ang Eufrates sa lunsod ng Babilonya, at nang bumagsak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., 70 taóng nabihag doon ang mga Israelita sa laman, anupat “nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates.” (Awit 137:1) Nakagapos din sa katulad na paraan ang espirituwal na mga Israelita noong taóng 1919, nalulumbay at humihingi ng patnubay kay Jehova.
4. Ano ang atas ng apat na anghel, at paano ito naisakatuparan?
4 Nakagagalak, ganito ang maiuulat ni Juan: “At kinalagan ang apat na anghel, na nakahanda na para sa oras at araw at buwan at taon, upang patayin ang isang katlo ng mga tao.” (Apocalipsis 9:15) Si Jehova ay walang-mintis na Tagapag-ingat ng Panahon. May talaorasan siya at sinusunod niya ito. Kaya ang mga mensaherong ito ay pinalaya sa eksaktong panahon at nasa oras upang gampanan ang nararapat nilang gawin. Gunigunihin na lamang ang kagalakan nila nang makalaya sila mula sa pagkabihag noong 1919, na handang-handa sa gawain! Ang atas nila ay hindi lamang magpahirap kundi sa wakas ay “patayin ang isang katlo ng mga tao.” Kaugnay ito ng mga salot na ipinatalastas ng unang apat na tunog ng trumpeta, na humampas sa isang katlo ng lupa, ng dagat, ng mga nilalang na nasa dagat, ng mga bukal ng tubig at mga ilog, at ng mga pinagmumulan ng makalangit na liwanag. (Apocalipsis 8:7-12) Higit pa ang ginawa ng apat na anghel. ‘Pumapatay’ sila, anupat lubusang inilalantad ang patay na kalagayan sa espirituwal ng Sangkakristiyanuhan. Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng mga kapahayagang ginawa mula noong 1922 at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.
5. Kung tungkol sa Sangkakristiyanuhan, paano umalingawngaw noong 1927 ang tunog ng ikaanim na trumpeta?
5 Tandaan, katatapos pa lamang hipan ng anghel sa langit ang ikaanim na trumpeta. Bilang tugon dito, ang ikaanim sa serye ng mga taunang internasyonal na kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya ay ginanap sa Toronto, Ontario, Canada. Ang programa roon noong Linggo, Hulyo 24, 1927, ay isinahimpapawid sa 53 magkakakonektang istasyon ng radyo, na siyang pinakamalawak na network sa pagbobrodkast nang panahong iyon. Ang bibigang mensaheng iyon ay naparating sa mga tagapakinig na marahil ay umabot nang milyun-milyon. Una, isang mapuwersang resolusyon ang naglantad sa Sangkakristiyanuhan bilang patay sa espirituwal at nagpaabot ng ganitong paanyaya: “Sa panahong ito ng kalituhan, inuutusan ng Diyos na Jehova ang mga tao na lisanin at talikdan magpakailanman ang ‘Sangkakristiyanuhan’ o ‘organisadong Kristiyanismo’ at lubusang layuan ito . . . ; iukol [nawa] ng mga tao ang kanilang taos-pusong debosyon at katapatan nang lubus-lubusan sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Hari at kaharian.” “Kalayaan Para sa mga Tao” ang pamagat ng pahayag pangmadla na sumunod. Binigkas ito ni J. F. Rutherford sa kaniyang nakagawiang mapuwersang paraan ng pagsasalita, angkop sa ‘apoy at usok at asupre’ na sumunod na namasdan ni Juan sa pangitain.
6. Paano inilalarawan ni Juan ang mga hukbong mangangabayo na sumunod niyang nakita?
6 “At ang bilang ng mga hukbong mangangabayo ay dalawang laksa ng mga laksa: narinig ko ang kanilang bilang. At ganito ko nakita ang mga kabayo sa pangitain, at yaong mga nakaupo sa kanila: sila ay may mga baluting pula na gaya ng apoy at asul na gaya ng jacinto at dilaw na gaya ng asupre; at ang mga ulo ng mga kabayo ay gaya ng mga ulo ng mga leon, at mula sa kanilang mga bibig ay lumalabas ang apoy at usok at asupre. Sa pamamagitan ng tatlong salot na ito ay napatay ang isang katlo ng mga tao, dahil sa apoy at sa usok at sa asupre na lumalabas mula sa kanilang mga bibig.”— Apocalipsis 9:16-18.
7, 8. (a) Sino ang pumapatnubay sa dumadaluhong na hukbong mangangabayo? (b) Sa anu-anong paraan magkatulad ang mga hukbong mangangabayo at ang mga balang na nauna rito?
7 Maliwanag na dumadaluhong ang mga hukbong mangangabayong ito sa ilalim ng patnubay ng apat na anghel. Anong kasindak-sindak na tanawin! Ano kaya kung ikaw ang sasalakayin ng mga hukbong mangangabayong ito? Hitsura pa lamang ng mga ito ay nakasisindak na. Subalit napansin mo ba ang pagkakahawig ng mga hukbong ito ng mangangabayo sa mga balang na nauna rito? Ang mga balang ay gaya ng mga kabayo; sa hukbong mangangabayo ay may mga kabayo. Kaya kapuwa sila sangkot sa teokratikong digmaan. (Kawikaan 21:31) Ang mga balang ay may ngiping gaya niyaong sa mga leon; ang mga kabayo ng mga hukbong mangangabayo ay may mga ulong gaya niyaong sa mga leon. Kaya kapuwa sila nauugnay sa may lakas-loob na Leon mula sa tribo ni Juda, si Jesu-Kristo, na kanilang Lider, Kumander, at Uliran.—Apocalipsis 5:5; Kawikaan 28:1.
8 Ang mga balang at ang mga hukbong mangangabayo ay kapuwa nakikibahagi sa gawaing paghatol ni Jehova. Ang mga balang ay lumabas mula sa usok na nagbabadya ng kaabahan at mapangwasak na apoy para sa Sangkakristiyanuhan; mula sa bibig ng mga kabayo ay lumalabas ang apoy, usok, at asupre. Ang mga balang ay may mga baluting bakal, na nagpapahiwatig na ang mga puso nila’y ipinagsasanggalang ng di-matitinag na katapatan sa katuwiran; ang hukbong mangangabayo ay may suot na mga baluting kulay pula, asul, at dilaw, na gaya ng apoy, usok, at asupre ng nakamamatay na mga mensahe ng kahatulan na lumalabas sa bibig ng mga kabayo. (Ihambing ang Genesis 19:24, 28; Lucas 17:29, 30.) Ang mga balang ay may mga buntot na gaya ng sa alakdan upang magpahirap; ang mga kabayo ay may mga buntot na gaya ng ahas upang pumatay! Waring ang pinasimulan ng mga balang ay ipagpapatuloy naman ng mga hukbong mangangabayo sa mas matinding antas hanggang sa matapos ito.
9. Ano ang isinasagisag ng mga hukbong mangangabayo?
9 Kaya ano ang isinasagisag ng mga hukbong ito ng mangangabayo? Kung paanong pinasimulan ng pinahirang uring Juan, na may awtoridad na ‘manakit,’ ang tulad-trumpetang paghahayag ng kahatulan ni Jehova ukol sa banal na paghihiganti laban sa Sangkakristiyanuhan, aasahan natin na ang nabubuhay na grupo ring iyon ang gagamitin sa ‘pagpatay,’ samakatuwid nga, sa paghahayag na ang Sangkakristiyanuhan at ang kaniyang klero ay lubusang patay sa espirituwal, itinakwil ni Jehova at malapit nang ihagis sa “nag-aapoy na hurno” ng walang-hanggang pagkalipol. Oo, dapat mapuksa ang buong Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 9:5, 10; 18:2, 8; Mateo 13:41-43) Pero bago siya puksain, gagamitin muna ng uring Juan ang “tabak ng espiritu, samakatuwid nga, ang salita ng Diyos,” upang ilantad ang tulad-patay na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan. Ang apat na anghel at ang mga mangangabayo ang nangunguna sa makasagisag na pagpatay na ito sa “isang katlo ng mga tao.” (Efeso 6:17; Apocalipsis 9:15, 18) Nagpapahiwatig ito ng wastong pag-oorganisa at teokratikong patnubay sa ilalim ng pangangasiwa ng Panginoong Jesu-Kristo habang dumadaluhong sa pakikipagdigma ang nakasisindak na grupong ito ng mga tagapaghayag ng Kaharian.
Dalawang Laksa ng mga Laksa
10. Sa anong diwa may dalawang laksa ng mga laksang hukbo ng mangangabayo?
10 Paano aabot nang dalawang laksa ng mga laksa ang mga hukbong ito ng mangangabayo? Ang isang laksa ay literal na 10,000. Kaya ang dalawang laksa ng mga laksa ay aabot nang 200 milyon.a Nakagagalak, milyun-milyon na ngayon ang tagapaghayag ng Kaharian, subalit ang kanilang bilang ay napakalayo pa sa daan-daang milyon! Ngunit alalahanin ang mga salita ni Moises sa Bilang 10:36: “Bumalik ka, O Jehova, sa laksa-laksang mga libo ng Israel.” (Ihambing ang Genesis 24:60.) Literal na nangangahulugan iyon na, ‘Bumalik ka sa sampu-sampung milyon ng Israel.’ Gayunman, mga dalawa o tatlong milyon lamang ang bilang ng Israel noong panahon ni Moises. Ano kung gayon ang ibig sabihin ni Moises? Walang-alinlangang iniisip niya na ang mga Israelita ay magiging gaya ng “mga bituin sa langit at tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat,” na hindi mabibilang. (Genesis 22:17; 1 Cronica 27:23) Kaya ginamit niya ang salitang katumbas ng “laksa” upang ipahiwatig ang isang malaki subalit di-tiyak na bilang. Iyan ang dahilan kung bakit ganito ang salin ng The New English Bible sa talatang ito: “Mamahinga ka, PANGINOON ng di-mabilang na libu-libo ng Israel.” Kasuwato ito ng ikalawang kahulugan ng salitang katumbas ng “laksa” na masusumpungan sa mga diksyunaryong Griego at Hebreo: “isang di-mabilang na karamihan,” isang “karamihan.”—The New Thayer’s Greek-English Lexicon of the New Testament; A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, ni Gesenius, na isinalin ni Edward Robinson.
11. Upang maging laksa-laksa ang uring Juan kahit sa makasagisag na diwa lamang, ano ang kakailanganin?
11 Gayunman, ang mga kabilang sa uring Juan na naririto pa sa lupa ay wala pang 10,000—mas kaunti kaysa sa isang literal na laksa. Paano sila maihahalintulad sa di-mabilang na libu-libo ng mga hukbong mangangabayo? Upang maging laksa-laksa kahit na sa makasagisag na diwa lamang, hindi ba nila kakailanganin ang karagdagang mga katulong? Ito nga ang kinailangan nila, at sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, ito ang tinanggap nila! Saan nagmula ang mga ito?
12, 13. Anong makasaysayang mga pangyayari mula noong 1918 hanggang 1935 ang nagpapakita kung saan nagmula ang karagdagang mga katulong?
12 Mula 1918 hanggang 1922, sinimulang iharap ng uring Juan sa namimighating sangkatauhan ang maligayang pag-asa na “angaw-angaw na ngayo’y nabubuhay ay hindi na mamamatay kailanman.” Noong 1923, ipinagbigay-alam din na ang mga tupa ng Mateo 25:31-34 ay magmamana ng buhay sa lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Ganito ring pag-asa ang iniharap sa buklet na Freedom for the Peoples, na inilabas sa internasyonal na kombensiyon noong 1927. Sa unang mga taon ng dekada ng 1930, ipinaliwanag na ang matuwid na uring Jehonadab at ang “mga taong nagbubuntunghininga at dumaraing” dahil sa kalunus-lunos na espirituwal na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan ay siya ring makasagisag na mga tupa na may pag-asang mabuhay sa lupa. (Ezekiel 9:4; 2 Hari 10:15, 16) Sa pag-akay sa mga ito sa makabagong-panahong mga “kanlungang lunsod,” sinabi ng The Watchtower ng Agosto 15, 1934: “Narinig ng uring Jonadab ang tunog ng trumpeta ng Diyos at sinunod nila ang babala sa pamamagitan ng pagtakas tungo sa organisasyon ng Diyos at pakikisama sa bayan ng Diyos, at doon sila dapat manatili.”—Bilang 35:6.
13 Noong 1935, ang mga kabilang sa uring Jonadab na ito ay pantanging inanyayahan sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Washington, D.C., E.U.A. Doon, noong Biyernes, Mayo 31, binigkas ni J. F. Rutherford ang kaniyang tanyag na pahayag na “Ang Lubhang Karamihan,” kung saan buong-linaw niyang ipinakita na ang grupong ito sa Apocalipsis 7:9 (King James Version) ay siya ring mga tupa ng Mateo 25:33—isang nakaalay na grupo na may makalupang pag-asa. Bilang tanda ng mga bagay na darating, 840 bagong mga Saksi ang nabautismuhan sa kombensiyong iyon, na karamihan ay kabilang sa malaking pulutong.b
14. Magkakaroon ba ng bahagi ang malaking pulutong sa makasagisag na pagsalakay ng mga hukbong mangangabayo, at anong kapasiyahan ang ipinahayag noong 1963?
14 Nagkaroon ba ng bahagi ang malaking pulutong sa pagsalakay ng mga hukbong mangangabayo na nagsimula noong 1922 at pantanging idiniin sa kombensiyon sa Toronto noong 1927? Tiyak ngang may bahagi sila, sa ilalim ng patnubay ng apat na anghel, ang mga pinahirang uring Juan! Sa “Walang-Hanggang Mabuting Balita” na Asamblea na ginanap sa buong daigdig noong 1963, nakiisa sila sa uring Juan sa nakapagpapasiglang resolusyon. Ipinahayag nito na “napapaharap [ang sanlibutan] sa isang lindol ng pandaigdig na kaligaligan na hindi pa nito kailanman naranasan, at ang lahat ng pulitikal na institusyon at makabagong relihiyosong Babilonya nito ay yayanigin hanggang sa magkadurug-durog.” Ipinahayag ang kapasiyahan na “patuloy nating ihahayag sa lahat ng tao nang walang pagtatangi ang ‘walang-hanggang mabuting balita’ hinggil sa Mesiyanikong kaharian ng Diyos at sa kaniyang mga kahatulan, na gaya ng mga salot sa kaniyang mga kaaway subalit isasagawa upang mapalaya ang lahat ng taong naghahangad na sumamba sa Diyos na Maylalang sa wastong paraan sa espiritu at katotohanan.” Ang resolusyong ito ay buong-siglang pinagtibay ng kabuuang bilang na 454,977 dumalo sa 24 na asamblea sa palibot ng daigdig, at mahigit 95 porsiyento sa mga kombensiyonistang ito ay kabilang sa malaking pulutong.
15. (a) Noong 2005, ilang porsiyento ng mga manggagawang ginagamit ni Jehova sa larangan ang kabilang sa malaking pulutong? (b) Paano ipinahahayag ng panalangin ni Jesus sa Juan 17:20, 21 ang pakikiisa ng malaking pulutong sa uring Juan?
15 Patuloy na inihahayag ng malaking pulutong ang kanilang ganap na pakikiisa sa uring Juan sa pagbubuhos ng mga salot sa Sangkakristiyanuhan. Noong 2005, ang malaking pulutong na ito ang bumubuo sa mahigit 99.8 porsiyento ng mga manggagawang ginagamit ni Jehova sa larangan. Ang mga miyembro nito ay buong-pusong nakikiayon sa uring Juan, na siyang tinutukoy ni Jesus nang manalangin siya sa Juan 17:20, 21: “Humihiling ako, hindi lamang may kinalaman sa mga ito, kundi may kinalaman din sa mga nananampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita; upang silang lahat ay maging isa, kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo, upang sila rin ay maging kaisa natin, upang ang sanlibutan ay maniwala na isinugo mo ako.” Habang nangunguna ang pinahirang uring Juan sa ilalim ni Jesus, ang masigasig na malaking pulutong naman ay nakikibahagi sa kanila sa pinakamapangwasak na pagsalakay ng mga hukbong mangangabayo sa buong kasaysayan ng tao!c
16. (a) Paano inilalarawan ni Juan ang mga bibig at buntot ng makasagisag na mga kabayo? (b) Paano inihanda sa paglilingkod ang bibig ng bayan ni Jehova? (c) Ano ang kahulugan ng bagay na ang “kanilang mga buntot ay tulad ng mga serpiyente”?
16 Ang mga hukbong iyon ng mangangabayo ay nangangailangan ng armas sa pakikipagdigma. At kagila-gilalas na inilaan ito ni Jehova! Inilalarawan ito ni Juan: “Sapagkat ang awtoridad ng mga kabayo ay nasa kanilang mga bibig at nasa kanilang mga buntot; sapagkat ang kanilang mga buntot ay tulad ng mga serpiyente at may mga ulo, at sa pamamagitan ng mga ito ay namiminsala sila.” (Apocalipsis 9:19) Hinirang ni Jehova ang kaniyang nakaalay at bautisadong mga ministro ukol sa paglilingkurang ito. Sa pamamagitan ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at ng iba pang mga pulong sa kongregasyon at mga paaralan, tinuturuan niya sila kung paano ipangangaral ang salita upang makapagsalita sila nang may awtoridad sa pamamagitan ng “dila ng mga naturuan.” Inilagay niya ang kaniyang mga salita sa kanilang bibig at isinugo sila upang ihayag ang kaniyang mga kahatulan “nang hayagan at sa bahay-bahay.” (2 Timoteo 4:2; Isaias 50:4; 61:2; Jeremias 1:9, 10; Gawa 20:20) Ang uring Juan at ang malaking pulutong ay nakapag-iwan ng isang napakasakit na mensahe, na katumbas ng “mga buntot,” sa pamamagitan ng bilyun-bilyong Bibliya, aklat, brosyur, at mga magasin na naipamahagi nila sa nakalipas na mga taon. Para sa kanilang mga kaaway, na binabalaan hinggil sa napipintong ‘pamiminsala’ mula kay Jehova, ang mga hukbong ito ng mangangabayo ay waring dalawang laksa ng mga laksa.—Ihambing ang Joel 2:4-6.
17. May bahagi ba sa pagsalakay ng mga hukbong mangangabayo ang mga Saksi ni Jehova sa mga lupaing nasa ilalim ng pagbabawal ang gawain at hindi maipamamahagi ang mga literatura? Ipaliwanag.
17 Ang isa sa pinakamasigasig na pangkat sa mga hukbong ito ng mangangabayo ay binubuo ng mga kapatid sa mga lupaing nasa ilalim ng pagbabawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo, kailangan nilang ‘maging maingat gaya ng mga serpiyente at gayunma’y walang muwang na gaya ng mga kalapati.’ Dahil sa pagsunod kay Jehova, hindi nila magagawang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na nakita at narinig nila. (Mateo 10:16; Gawa 4:19, 20; 5:28, 29, 32) Tama kayang isipin na wala silang bahagi sa pagsalakay ng mga hukbong mangangabayo, yamang kakaunting inilimbag na materyal lamang, kung mayroon man, ang maipamamahagi nila nang hayagan? Aba, hindi! May bibig sila at awtoridad mula kay Jehova para gamitin sa paghahayag ng katotohanan ng Bibliya. Ginagawa nila ito sa di-pormal at mapanghikayat na paraan, anupat nagtatatag ng mga pag-aaral sa Bibliya at “nagdadala ng marami tungo sa katuwiran.” (Daniel 12:3) Bagaman hindi nila nagagamit ang kanilang buntot upang manakit sa diwa na sila’y nakapag-iiwan ng mga literaturang may tahasang mensahe, may makasagisag na apoy, usok, at asupre namang lumalabas sa kanilang mga bibig samantalang mataktika at maingat silang nagpapatotoo hinggil sa dumarating na araw ng pagbabangong-puri ni Jehova.
18. Gaano karaming literatura na may sumasalot na mensahe ang naipamahagi ng mga hukbong mangangabayo, at sa ilang wika?
18 Sa ibang dako naman, patuloy na inilalantad ng mga literaturang pang-Kaharian ang maka-Babilonyang doktrina at pamamaraan ng Sangkakristiyanuhan, upang sa makasagisag na paraan ay dulutan siya ng pinsalang karapat-dapat sa kaniya. Gamit ang makabagong mga paraan ng paglilimbag sa loob ng 68 taon bago ang 2005, nakapamahagi ang malaking hukbong ito ng mangangabayo ng bilyun-bilyong Bibliya, aklat, magasin, at mga brosyur sa mahigit 450 wika sa daigdig—mas marami pa kaysa sa literal na dalawang laksa ng mga laksa. Napakasakit ng tibo na iniiwan ng mga buntot na iyon!
19, 20. (a) Bagaman ang Sangkakristiyanuhan ang pangunahing puntirya ng sumasalot na mga mensahe, paano tumugon ang ilang naninirahan sa mga lupaing hindi saklaw ng Sangkakristiyanuhan? (b) Paano inilalarawan ni Juan ang pagtugon ng mga tao sa pangkalahatan?
19 Layunin ni Jehova na ang sumasalot na mensaheng ito ay ‘pumatay ng isang katlo ng mga tao.’ Kaya pangunahin nang pinuntirya nito ang Sangkakristiyanuhan. Subalit nakarating din ito sa mga lupaing hindi saklaw ng Sangkakristiyanuhan, kasali na ang mga lugar kung saan kitang-kita ang pagpapaimbabaw ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Napalapit ba kay Jehova ang mga tao sa mga lupaing ito nang makita nila ang pagsalot sa tiwaling relihiyosong organisasyon na ito? Marami nga ang napalapit! Maganda ang pagtugon ng maaamo at kaibig-ibig na mga taong naninirahan sa mga dakong hindi tuwirang naiimpluwensiyahan ng Sangkakristiyanuhan. Subalit kung tungkol sa mga tao sa pangkalahatan, ganito ang paglalarawan ni Juan sa kanilang pagtugon: “Ngunit ang mga nalabi sa mga tao na hindi napatay ng mga salot na ito ay hindi nagsisi sa mga gawa ng kanilang mga kamay, upang hindi nila sambahin ang mga demonyo at ang mga idolo na ginto at pilak at tanso at bato at kahoy, na hindi nakakakita ni nakaririnig ni nakalalakad; at hindi nila pinagsisihan ang kanilang mga pagpaslang at ang kanilang mga espiritistikong gawain at ang kanilang pakikiapid at ang kanilang mga pagnanakaw.” (Apocalipsis 9:20, 21) Walang pandaigdig na pagkakumberte para sa mga di-nagsisising ito. Lahat ng namimihasa sa kanilang masasamang pamumuhay ay mapapaharap sa kapaha-pahamak na paghatol mula kay Jehova sa dakilang araw ng kaniyang pagbabangong-puri. Subalit ang “bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay makaliligtas.”—Joel 2:32; Awit 145:20; Gawa 2:20, 21.
20 Bahagi lamang ng ikalawang kaabahan ang natalakay natin. Marami pang susunod na mangyayari bago lubusang matapos ang kaabahang ito, gaya ng makikita natin sa susunod na mga kabanata.
[Mga talababa]
a Ganito ang binabanggit ng Commentary on Revelation, ni Henry Barclay Swete, hinggil sa bilang na “dalawang laksa ng mga laksa”: “Hindi natin mahahanapan ng literal na katuparan ang napakalaking bilang na ito, at ang paglalarawang kasunod nito ay sumusuporta sa ganitong konklusyon.”
b Tingnan ang pahina 119-26 ng aklat na ito; gayundin ang Vindication, Ikatlong Aklat, inilathala noong 1932 ng mga Saksi ni Jehova, pahina 83-4.
c Di-tulad ng mga balang, ang mga hukbong mangangabayo na nakita ni Juan ay hindi nakasuot ng “tila mga koronang tulad ng ginto.” (Apocalipsis 9:7) Kasuwato ito ng katotohanan na ang malaking pulutong, na bumubuo ngayon sa kalakhang bahagi ng mga hukbong mangangabayo, ay hindi umaasang maghari sa makalangit na Kaharian ng Diyos.
[Larawan sa pahina 149]
Ipinababatid ng paghihip sa ikaanim na trumpeta ang ikalawang kaabahan
[Mga larawan sa pahina 150, 151]
Pinangungunahan ng apat na anghel ang pinakamatinding pagsalakay ng mga hukbong mangangabayo sa buong kasaysayan
[Mga larawan sa pahina 153]
Nakapamahagi ng milyun-milyong publikasyon na salig sa Bibliya ang di-mabilang na mga hukbong mangangabayo
[Mga larawan sa pahina 154]
Ang mga nalabi sa mga tao ay hindi nagsisi