Kabanata 35
Pagpuksa sa Babilonyang Dakila
1. Paano inilalarawan ng anghel ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, at anong uri ng karunungan ang kailangan upang maunawaan ang mga tanda sa Apocalipsis?
BILANG karagdagang paglalarawan sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop sa Apocalipsis 17:3, sinasabi ng anghel kay Juan: “Dito pumapasok ang katalinuhan na may karunungan: Ang pitong ulo ay nangangahulugang pitong bundok, na sa ibabaw nito ay nakaupo ang babae. At may pitong hari: lima ang bumagsak na, isa ang narito, ang isa ay hindi pa dumarating, ngunit pagdating niya ay mananatili siya nang maikling panahon.” (Apocalipsis 17:9, 10) Inihahatid ng anghel na ito ang karunungan mula sa itaas, ang tanging karunungan na makapagbibigay ng unawa hinggil sa mga tanda sa Apocalipsis. (Santiago 3:17) Ipinauunawa ng karunungang ito sa uring Juan at sa kanilang mga kasamahan ang hinggil sa mapanganib na mga panahong kinabubuhayan natin. Pinasisidhi nito ang pagpapahalaga ng mga tapat-puso sa mga kahatulan ni Jehova, na malapit na ngayong isakatuparan, at ikinikintal sa isipan ang kapaki-pakinabang na pagkatakot kay Jehova. Gaya ng isinasaad sa Kawikaan 9:10: “Ang pagkatakot kay Jehova ang siyang pasimula ng karunungan, at ang kaalaman sa Kabanal-banalan ay siyang pagkaunawa.” Ano ang isinisiwalat sa atin ng karunungan mula sa Diyos hinggil sa mabangis na hayop?
2. Ano ang kahulugan ng pitong ulo ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop, at paano nangyari na “lima ang bumagsak na, isa ang narito”?
2 Ang pitong ulo ng mabangis na hayop na iyon ay sumasagisag sa pitong “bundok,” o pitong “hari.” Ang dalawang terminong ito ay kapuwa ginagamit sa Kasulatan upang tumukoy sa mga kapangyarihan sa pamahalaan. (Jeremias 51:24, 25; Daniel 2:34, 35, 44, 45) Sa Bibliya, anim na kapangyarihang pandaigdig ang binabanggit na nagkaroon ng malaking epekto sa buhay ng bayan ng Diyos: Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, Gresya, at Roma. Sa mga ito, lima ang bumangon at bumagsak na nang tanggapin ni Juan ang Apocalipsis, samantalang ang Roma pa rin ang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig noon. Katugmang-katugma ito ng mga salitang, “lima ang bumagsak na, isa ang narito.” Subalit kumusta naman “ang isa” na nakatakdang dumating?
3. (a) Paano nahati ang Imperyo ng Roma? (b) Anu-anong pangyayari ang naganap sa Kanluran? (c) Paano dapat malasin ang Banal na Imperyong Romano?
3 Ang Imperyo ng Roma ay tumagal at lumawak pa nga sa loob ng daan-daang taon pagkaraan ng panahon ni Juan. Noong 330 C.E., inilipat ni Emperador Constantino ang kaniyang kabisera mula sa Roma tungo sa Byzantium, na pinalitan niya ng pangalang Constantinople. Noong 395 C.E., nahati ang Imperyo ng Roma sa Silangan at Kanlurang bahagi. Noong 410 C.E., ang Roma mismo ay nahulog sa kamay ni Alaric, hari ng mga Visigoth (isang tribong Aleman na nakumberte tungo sa “Kristiyanismong” Arian). Sinakop ng mga tribong Aleman (mga “Kristiyano” rin) ang Espanya at pati na ang malaking bahagi ng teritoryo ng Roma sa Hilagang Aprika. Nagkaroon ng mga himagsikan, kaguluhan, at pagbabago sa Europa sa loob ng maraming siglo. Bumangon ang bantog na mga emperador sa Kanluran, gaya ni Carlomagno, na nakipag-alyansa kay Pope Leo III noong ika-9 na siglo, at ni Frederick II, na naghari noong ika-13 siglo. Subalit ang kanilang nasasakupan, bagaman tinawag na Banal na Imperyong Romano, ay mas maliit kaysa sa nasasaklaw ng Imperyo ng Roma noong kasikatan nito. Hindi ito bagong imperyo kundi pagsasauli lamang o pagpapatuloy ng sinaunang kapangyarihang ito.
4. Anu-ano ang naging tagumpay ng Silanganing Imperyo, subalit ano ang nangyari sa malaking bahagi ng dating teritoryo ng sinaunang Roma sa Hilagang Aprika, Espanya, at Sirya?
4 Ang Silanganing Imperyo ng Roma, na nakasentro sa Constantinople, ay nakatagal din sa isang mabuway na pakikipag-ugnayan sa Kanluraning Imperyo. Noong ikaanim na siglo, muling naagaw ni Emperador Justinian I ng Silangan ang kalakhang bahagi ng Hilagang Aprika, at nakialam din siya sa Espanya at sa Italya. Noong ikapitong siglo, nabawi ni Justinian II para sa Imperyo ang mga lugar sa Macedonia na nasakop ng mga kabilang sa tribong Slavo. Subalit pagsapit ng ikawalong siglo, ang malaking bahagi ng dating teritoryo ng sinaunang Roma sa Hilagang Aprika, Espanya, at Sirya ay napailalim sa bagong imperyo ng Islam at sa gayo’y wala na sa kontrol ng Constantinople at ng Roma.
5. Bagaman bumagsak ang lunsod ng Roma noong 410 C.E., bakit lumipas pa ang maraming siglo bago tuluyang nabura sa eksena ng daigdig ang bakas ng pulitikal na Imperyo ng Roma?
5 Ang lunsod mismo ng Constantinople ay nanatili nang mas matagal-tagal. Nakatagal ito sa malimit na pagsalakay ng mga Persiano, Arabe, mga taga-Bulgaria, at mga Ruso hanggang sa bumagsak ito sa wakas noong 1203—hindi sa kamay ng mga Muslim kundi sa mga Krusado mula sa Kanluran. Gayunman, noong 1453, napailalim ito sa kapangyarihan ng Muslim na tagapamahalang Ottoman na si Mehmed II at hindi nagtagal ay naging kabisera ito ng Imperyong Ottoman, o Turko. Kaya bagaman bumagsak ang lunsod ng Roma noong 410 C.E., lumipas muna ang marami pang siglo bago tuluyang nabura ang bakas ng pulitikal na Imperyo ng Roma sa eksena ng daigdig. Magkagayunman, naaaninaw pa rin ang impluwensiya nito sa relihiyosong mga imperyo na nakasalig sa papado ng Roma at sa mga relihiyon ng Silangang Ortodokso.
6. Anu-anong bagong imperyo ang naitatag, at alin sa mga ito ang naging pinakamatagumpay?
6 Gayunman, pagsapit ng ika-15 siglo, ang ibang mga bansa ay nagtatatag na ng bagong mga imperyo. Bagaman nasa teritoryo ng dating mga kolonya ng Roma ang ilan sa mga bagong imperyal na kapangyarihang ito, ang kanilang mga imperyo ay hindi mga pagpapatuloy lamang ng Imperyo ng Roma. Ang Portugal, Espanya, Pransiya, at Holland ay naging mga imperyo rin na may malalawak na nasasakupan. Ngunit ang naging pinakamatagumpay sa mga ito ay ang Britanya, na siyang namuno sa isang napakalaking imperyo na sinasabing ‘hindi nilulubugan ng araw.’ Sa iba’t ibang panahon, sinaklaw ng imperyong ito ang kalakhang bahagi ng Hilagang Amerika, Aprika, India, at Timog-Silangang Asia, pati na ang malaking bahagi ng Timog Pasipiko.
7. Paano umiral ang isang tambalang kapangyarihang pandaigdig, at ayon kay Juan, gaano katagal mananatili ang ikapitong ‘ulo,’ o kapangyarihang pandaigdig?
7 Pagsapit ng ika-19 na siglo, may ilang kolonya sa Hilagang Amerika na tumiwalag mula sa Britanya upang buuin ang independiyenteng Estados Unidos ng Amerika. Nagpatuloy ang ilang pulitikal na alitan ng bagong bansa at ng dating inang bayan. Gayunman, dahil sa unang digmaang pandaigdig, napilitang kilalanin ng dalawang bansang ito ang kanilang magkakatulad na kapakanan at pinagtibay ang isang pantanging ugnayan sa isa’t isa. Sa gayon, umiral ang isang tambalang kapangyarihang pandaigdig, na binubuo ng Estados Unidos ng Amerika, ang pinakamayamang bansa ngayon sa daigdig, at ng Gran Britanya, ang namamahala sa pinakamalawak na imperyo sa daigdig. Ito ngayon ang ikapitong ‘ulo,’ o kapangyarihang pandaigdig, na magpapatuloy hanggang sa panahon ng kawakasan at sa mga teritoryong nasasakupan nito ay unang naitatag ang makabagong-panahong mga Saksi ni Jehova. Kung ihahambing sa matagal na pamumuno ng ikaanim na ulo, ang ikapito ay mananatili lamang sa loob ng “maikling panahon,” hanggang sa lipulin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pambansang mga organisasyon.
Bakit Tinatawag na Ikawalong Hari?
8, 9. Ano ang tawag ng anghel sa makasagisag na kulay-iskarlatang mabangis na hayop, at sa anong paraan nagmumula ito sa pito?
8 Ang anghel ay patuloy na nagpapaliwanag kay Juan: “At ang mabangis na hayop na naging siya ngunit wala na, ito rin mismo ay ikawalong hari, ngunit nagmula sa pito, at ito ay patungo sa pagkapuksa.” (Apocalipsis 17:11) Ang makasagisag na kulay-iskarlatang mabangis na hayop ay “nagmula” sa pitong ulo; samakatuwid nga, ito’y iniluwal, o pinairal, ng mga ulo ng orihinal na “mabangis na hayop . . . mula sa dagat,” na siyang inilalarawan ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop. Sa anong paraan? Buweno, noong 1919, ang Anglo-Amerikanong kapangyarihan ang nangingibabaw na ulo. Bumagsak na ang naunang anim na ulo, at ang posisyon ng nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig ay nailipat na sa tambalang ulong ito at ngayo’y nakasentro rito. Bilang kasalukuyang kinatawan ng hanay ng mga kapangyarihang pandaigdig, ang ikapitong ulo ang nasa likod ng pagtatatag ng Liga ng mga Bansa at siya pa rin ang pangunahing promotor at pinansiyal na tagasuporta ng Nagkakaisang mga Bansa. Kaya sa makasagisag na paraan, ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop—ang ikawalong hari—ay “nagmula” sa orihinal na pitong ulo. Sa punto de vistang ito, ang pangungusap na nagmula ito sa pito ay kasuwatung-kasuwato ng nauna nang pagsisiwalat na ang mabangis na hayop na may dalawang sungay na gaya ng isang kordero (ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano, ang ikapitong ulo ng orihinal na mabangis na hayop) ang pasimuno sa paggawa ng larawan at siyang nagbigay-buhay rito.—Apocalipsis 13:1, 11, 14, 15.
9 Karagdagan dito, kabilang sa orihinal na mga miyembro ng Liga ng mga Bansa, kasama na ang Gran Britanya, ang mga pamahalaang nagpuno sa luklukan ng ilan sa mga naunang ulo, samakatuwid nga ang Gresya, Iran (Persia), at Italya (Roma). Nang maglaon, ang mga pamahalaan na nagpuno sa teritoryo na kontrolado ng naunang anim na kapangyarihang pandaigdig ay pawang naging mga miyembrong tagapagtaguyod ng larawan ng mabangis na hayop. Sa diwa ring ito, masasabi na ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop na ito ay nagmula sa pitong kapangyarihang pandaigdig.
10. (a) Paano masasabi na ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop ang ‘mismong ikawalong hari’? (b) Paano nagpahayag ng suporta sa Nagkakaisang mga Bansa ang isang lider ng dating Unyong Sobyet?
10 Pansinin na ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, “ito rin mismo ay ikawalong hari.” Kaya ang Nagkakaisang mga Bansa sa ngayon ay dinisenyo upang magmukhang isang pandaigdig na pamahalaan. May mga panahon na kumikilos pa nga ito na gayon, na nagsusugo ng mga hukbong sandatahan sa labanan upang lutasin ang internasyonal na mga hidwaan, gaya sa Korea, Peninsula ng Sinai, ilang bansa sa Aprika, at Lebanon. Subalit larawan lamang ito ng isang hari. Gaya ng isang relihiyosong larawan, o imahen, wala talaga itong tunay na impluwensiya o kapangyarihan maliban sa ipinagkaloob dito ng mga nagtatag nito at sumasamba rito. May mga pagkakataon na waring mahina ang makasagisag na mabangis na hayop na ito; subalit hindi pa nito nararanasan ang lansakang pagtalikod ng mga miyembrong pinamumunuan ng mga diktador na nagbulid sa Liga ng mga Bansa tungo sa kalaliman. (Apocalipsis 17:8) Bagaman may lubhang naiibang opinyon sa ibang mga larangan, isang prominenteng lider ng dating Unyong Sobyet ang nakiisa sa mga papa ng Roma noong 1987 sa pagpapahayag ng suporta sa UN. Nanawagan pa man din siya ukol sa “isang komprehensibong sistema ng pandaigdig na katiwasayan” na nasasalig sa UN. Gaya ng malapit nang matuklasan ni Juan, darating ang panahon na kikilos ang UN nang may malaking awtoridad. Pagkatapos nito, siya rin naman ay “patungo sa pagkapuksa.”
Sampung Hari sa Loob ng Isang Oras
11. Ano ang sinasabi ng anghel ni Jehova tungkol sa sampung sungay ng makasagisag na kulay-iskarlatang mabangis na hayop?
11 Sa nakaraang kabanata ng Apocalipsis, ibinuhos ng ikaanim at ikapitong anghel ang mga mangkok ng galit ng Diyos. Sa gayon, nalaman natin na ang mga hari sa lupa ay tinitipon tungo sa digmaan ng Diyos sa Armagedon at na ang ‘Babilonyang Dakila ay aalalahanin sa paningin ng Diyos.’ (Apocalipsis 16:1, 14, 19) Mas detalyado nating matututuhan ngayon kung paano ilalapat ang mga hatol ng Diyos sa mga ito. Makinig tayo uli sa anghel ni Jehova habang nakikipag-usap ito kay Juan. “At ang sampung sungay na iyong nakita ay nangangahulugang sampung hari, na hindi pa tumatanggap ng kaharian, ngunit tumatanggap sila ng awtoridad bilang mga hari nang isang oras na kasama ng mabangis na hayop. Ang mga ito ay may iisang kaisipan, kung kaya ibinibigay nila ang kanilang kapangyarihan at awtoridad sa mabangis na hayop. Ang mga ito ay makikipagbaka sa Kordero, ngunit, dahil sa siya ay Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, dadaigin sila ng Kordero. Gayundin, yaong mga tinawag at pinili at tapat na kasama niya ay mananaig din.”—Apocalipsis 17:12-14.
12. (a) Saan lumalarawan ang sampung sungay? (b) Paano masasabing ‘hindi pa tumatanggap ng kaharian’ ang makasagisag na sampung sungay? (c) Paanong ang makasagisag na sampung sungay ay may isang “kaharian” na sa ngayon, at gaano katagal ito iiral?
12 Ang sampung sungay ay lumalarawan sa lahat ng makapulitikang kapangyarihan na kasalukuyang nagpupuno sa buong daigdig at sumusuporta sa larawan ng mabangis na hayop. Iilan lamang sa mga bansang umiiral ngayon ang kilala noong panahon ni Juan. At yaong mga kilala noon, gaya ng Ehipto at Persia (Iran), ay may lubhang naiibang pulitikal na sistema sa ngayon. Kaya noong unang siglo, ang ‘sampung sungay ay hindi pa tumatanggap ng kaharian.’ Subalit ngayon, sa araw ng Panginoon, sila ay may isang “kaharian,” o pulitikal na awtoridad. Dahil sa pagguho ng malalaking imperyong kolonyal, lalung-lalo na mula noong ikalawang digmaang pandaigdig, maraming bagong bansa ang isinilang. Ang mga ito, pati na ang mga kapangyarihang matagal nang umiiral, ay tiyak na maghaharing kasama ng mabangis na hayop sa sandaling panahon—sa loob lamang ng “isang oras”—bago wakasan ni Jehova ang lahat ng pulitikal na awtoridad ng sanlibutan sa Armagedon.
13. Sa anong paraan may “iisang kaisipan” ang sampung sungay, at ano ang tiyak na magiging saloobin nila sa Kordero dahil dito?
13 Sa ngayon, nasyonalismo ang isa sa pinakamalakas na puwersang nagpapakilos sa sampung sungay na ito. May ‘iisa silang kaisipan,’ sa diwa na gusto nilang mapanatili ang kanilang pambansang soberanya sa halip na tanggapin ang Kaharian ng Diyos. Ito ang pangunahing layunin kung bakit sila sumusuporta sa Liga ng mga Bansa at sa organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa—upang mapanatili ang kapayapaan sa daigdig at sa gayo’y ipagsanggalang ang kanilang sariling pag-iral. Ang ganitong saloobin ay nagpapakitang tiyak na sasalansangin ng mga sungay ang Kordero, ang “Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari,” sapagkat nilalayon ni Jehova na halinhan ng kaniyang Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo ang lahat ng kahariang ito sa di-kalaunan.—Daniel 7:13, 14; Mateo 24:30; 25:31-33, 46.
14. Paano posibleng makipagbaka sa Kordero ang mga tagapamahala sa daigdig, at ano ang magiging resulta?
14 Sabihin pa, walang anumang magagawa ang mga tagapamahala ng sanlibutang ito laban mismo kay Jesus. Hinding-hindi nila siya maaabot sapagkat nasa langit siya. Subalit ang mga kapatid ni Jesus, ang mga nalabi sa binhi ng babae, ay naririto pa sa lupa at waring walang kalaban-laban. (Apocalipsis 12:17) Marami sa mga sungay ang nagpakita na ng matinding pagkapoot sa kanila, at sa ganitong paraan sila nakikipagbaka sa Kordero. (Mateo 25:40, 45) Subalit malapit nang dumating ang panahon na ‘dudurugin at wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng mga kahariang ito.’ (Daniel 2:44) Sa gayon, ang mga hari sa lupa ay makikipagbaka laban sa Kordero hanggang sa malipol sila, gaya ng malapit na nating makita. (Apocalipsis 19:11-21) Subalit sapat na ang ating natutuhan upang matalos na hindi magtatagumpay ang mga bansa. Bagaman sila at ang UN, ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, ay may “iisang kaisipan,” hindi nila madaraig ang dakilang “Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari,” ni madaraig kaya nila “yaong mga tinawag at pinili at tapat na kasama niya,” na kinabibilangan ng kaniyang pinahirang mga tagasunod na naririto pa sa lupa. Ang mga ito rin naman ay mananaig sa pamamagitan ng pananatiling tapat bilang tugon sa buktot na mga paratang ni Satanas.—Roma 8:37-39; Apocalipsis 12:10, 11.
Pagwasak sa Patutot
15. Ano ang sinasabi ng anghel tungkol sa patutot at sa saloobin at ikikilos ng sampung sungay at ng mabangis na hayop laban sa kaniya?
15 Hindi lamang ang bayan ng Diyos ang kapopootan ng sampung sungay. Ang pansin ni Juan ay muling ibinabaling ngayon ng anghel sa patutot: “At sinasabi niya sa akin: ‘Ang mga tubig na iyong nakita, na kinauupuan ng patutot, ay nangangahulugan ng mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika. At ang sampung sungay na iyong nakita, at ang mabangis na hayop, ang mga ito ay mapopoot sa patutot at gagawin siyang wasak at hubad, at uubusin ang kaniyang mga kalamnan at lubusan siyang susunugin sa apoy.’”—Apocalipsis 17:15, 16.
16. Bakit hindi makaaasa ang Babilonyang Dakila sa mga tubig niya bilang proteksiyon kapag binalingan siya ng pulitikal na mga pamahalaan?
16 Gaya ng sinaunang Babilonya na nanalig sa kaniyang depensang tubig, ang Babilonyang Dakila sa ngayon ay nananalig sa napakalaking nasasakupan niya na “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika.” Angkop na dito ibaling ng anghel ang ating pansin bago niya sabihin ang isang nakagigitlang pangyayari: Ang pulitikal na mga pamahalaan ng lupang ito ay marahas na babaling laban sa Babilonyang Dakila. Ano kung gayon ang gagawin ng lahat ng “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika”? Binababalaan na ng bayan ng Diyos ang Babilonyang Dakila na ang tubig ng ilog ng Eufrates ay matutuyo. (Apocalipsis 16:12) Sa wakas ay lubusang matutuyo ang mga tubig na iyon. Hindi na nila matutulungan pa ang kasuklam-suklam na matandang patutot sa oras ng kaniyang pinakamatinding kagipitan.—Isaias 44:27; Jeremias 50:38; 51:36, 37.
17. (a) Bakit hindi maililigtas ang Babilonyang Dakila ng kaniyang kayamanan? (b) Sa anong paraan hindi magiging marangal ang wakas ng Babilonyang Dakila? (c) Bukod sa sampung sungay, o indibiduwal na mga bansa, sino pa ang makikisali sa pagdaluhong laban sa Babilonyang Dakila?
17 Ang napakalaking materyal na kayamanan ng Babilonyang Dakila ay tiyak na hindi makapagliligtas sa kaniya. Maaaring ito pa nga ang magpadali sa kaniyang pagkapuksa, sapagkat ipinakikita ng pangitain na kapag ibinaling ng mabangis na hayop at ng sampung sungay ang kanilang poot sa kaniya, huhubaran nila siya ng kaniyang maharlikang mga kasuutan at lahat ng kaniyang mga alahas. Sasamsamin nila ang kaniyang kayamanan. “Gagawin [nila] siyang . . . hubad,” anupat kahiya-hiyang ihahantad ang kaniyang tunay na pagkatao. Anong tinding pagkapuksa! Hindi rin magiging marangal ang kaniyang wakas. Wawasakin nila siya, “uubusin ang kaniyang mga kalamnan,” hanggang siya’y maging isang walang-buhay na kalansay. Bilang katapusan, “lubusan [nila] siyang susunugin sa apoy.” Susunugin siya na waring may dalang salot, at hindi siya bibigyan ng marangal na libing! Hindi lamang ang mga bansa, na kinakatawanan ng sampung sungay, ang pupuksa sa dakilang patutot, kundi makikisali rin sa pagdaluhong na ito “ang mabangis na hayop,” samakatuwid nga, ang UN mismo. Sasang-ayunan nito ang pagpuksa sa huwad na relihiyon. Marami na sa mahigit 190 bansang miyembro ng UN ang nagkakaisang nagpahayag ng kanilang pagkayamot sa relihiyon, lalung-lalo na sa Sangkakristiyanuhan.
18. (a) Anong posibilidad ang nakita na babalingan ng mga bansa ang maka-Babilonyang relihiyon? (b) Ano ang magiging saligang dahilan sa lubusang pagsalakay laban sa dakilang patutot?
18 Bakit lalapastanganin nang gayon na lamang ng mga bansa ang dati nilang kalaguyo? Nakita natin sa kasaysayan kamakailan ang posibilidad na balingan ang maka-Babilonyang relihiyon. Dahil sa pagsalansang ng pamahalaan, humina nang husto ang impluwensiya ng relihiyon sa mga lupaing gaya ng dating Unyong Sobyet at Tsina. Sa mga Protestanteng bahagi ng Europa, wala nang gaanong nagsisimba dahil sa laganap na kawalang-interes at pag-aalinlangan, anupat halos patay na ang relihiyon. Ang napakalawak na imperyong Katoliko ay nababahagi dahil sa paghihimagsik at di-pagkakasundo, na hindi mapakalma ng kaniyang mga lider. Gayunman, hindi natin dapat kaligtaan na ang pangwakas at lubusang pagsalakay laban sa Babilonyang Dakila ay dumarating bilang kapahayagan ng di-mababagong paghatol ng Diyos laban sa dakilang patutot.
Pagsasakatuparan sa Kaisipan ng Diyos
19. (a) Paanong ang paglalapat ng hatol ni Jehova laban sa dakilang patutot ay maihahambing sa kaniyang paghatol sa apostatang Jerusalem noong 607 B.C.E.? (b) Sa ating panahon, ano ang inilalarawan ng tiwangwang na kalagayan ng Jerusalem pagkaraan ng 607 B.C.E.?
19 Paano ilalapat ni Jehova ang hatol na ito? Maihahambing ito sa ginawa ni Jehova laban sa kaniyang apostatang bayan noong sinaunang panahon, na hinggil sa kanila ay ganito ang kaniyang sinabi: “Sa mga propeta ng Jerusalem ay nakakita ako ng mga kakila-kilabot na bagay, pangangalunya at paglakad sa kabulaanan; at pinalalakas nila ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan upang hindi sila manumbalik, bawat isa mula sa kaniyang sariling kasamaan. Sa akin ay naging tulad silang lahat ng Sodoma, at ang mga tumatahan sa kaniya ay tulad ng Gomorra.” (Jeremias 23:14) Noong 607 B.C.E., ginamit ni Jehova si Nabucodonosor upang ‘hubaran ng kasuutan, kunin ang magagandang kagamitan, at iwang hubad at walang damit’ ang lunsod na iyon na mapangalunya sa espirituwal. (Ezekiel 23:4, 26, 29) Ang Jerusalem nang panahong iyon ay lumalarawan sa Sangkakristiyanuhan ngayon, at gaya ng nakita ni Juan sa naunang mga pangitain, igagawad ni Jehova sa Sangkakristiyanuhan at sa iba pang bahagi ng huwad na relihiyon ang gayunding kaparusahan. Ang tiwangwang na kalagayan ng Jerusalem pagkaraan ng 607 B.C.E. ay nagpapakita lamang sa magiging kalagayan ng relihiyosong Sangkakristiyanuhan matapos itong hubaran ng kaniyang kayamanan at ilantad sa kahiya-hiyang paraan. At ganito rin ang sasapitin ng ibang bahagi ng Babilonyang Dakila.
20. (a) Paano ipinakikita ni Juan na muling gagamit si Jehova ng mga tagapamahalang tao sa paglalapat ng hatol? (b) Ano ang “kaisipan” ng Diyos? (c) Sa anong paraan isasakatuparan ng mga bansa ang kanilang “iisang kaisipan,” subalit kaninong kaisipan ang talagang isasakatuparan?
20 Muling gagamit si Jehova ng mga tagapamahalang tao upang ilapat ang hatol. “Sapagkat inilagay iyon ng Diyos sa kanilang mga puso upang isakatuparan ang kaniyang kaisipan, ang pagsasakatuparan nga ng kanilang iisang kaisipan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang kaharian sa mabangis na hayop, hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos.” (Apocalipsis 17:17) Ano ang “kaisipan” ng Diyos? Tipunin ang mga tagapuksa ng Babilonyang Dakila upang lubusan siyang puksain. Sabihin pa, ang motibo ng mga tagapamahala sa pagsalakay sa kaniya ay isakatuparan ang kanilang “iisang kaisipan.” Aakalain nilang pabor sa kani-kanilang bansa ang pagbaling sa dakilang patutot. Maaaring isipin nilang banta sa kanilang pagkasoberano ang patuloy na pag-iral ng organisadong relihiyon sa loob ng kanilang nasasakupan. Subalit si Jehova ang talagang magmamaniobra sa mga bagay-bagay; isasakatuparan nila ang kaniyang kaisipan sa pamamagitan ng pagpuksa nang minsanan sa kaniyang matagal nang mapangalunyang kaaway!—Ihambing ang Jeremias 7:8-11, 34.
21. Yamang gagamitin ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop upang puksain ang Babilonyang Dakila, ano ang maliwanag na gagawin ng mga bansa kung tungkol sa Nagkakaisang mga Bansa?
21 Oo, gagamitin ng mga bansa ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, ang Nagkakaisang mga Bansa, upang puksain ang Babilonyang Dakila. Hindi sila kumikilos sa ganang kanilang sarili, sapagkat ilalagay ni Jehova sa kanilang puso “ang pagsasakatuparan nga ng kanilang iisang kaisipan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang kaharian sa mabangis na hayop.” Pagdating ng panahon, maliwanag na makikita ng mga bansa ang pangangailangan na patibayin ang Nagkakaisang mga Bansa. Palalakasin nila ito, anupat iuukol dito ang lahat ng kanilang awtoridad at kapangyarihan upang mabalingan nito ang huwad na relihiyon at makipagbaka nang matagumpay laban sa kaniya “hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos.” Sa gayo’y sasapit ang matandang patutot sa kaniyang ganap na katapusan. Mabuti nga’t wala na siya!
22. (a) Sa Apocalipsis 17:18, ano ang ipinahihiwatig ng anghel sa pagtatapos ng kaniyang patotoo? (b) Paano tumutugon ang mga Saksi ni Jehova sa paglutas sa hiwaga?
22 Marahil upang idiin ang katiyakan na ilalapat ni Jehova ang hatol sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ganito tinapos ng anghel ang kaniyang patotoo: “At ang babae na iyong nakita ay nangangahulugang ang dakilang lunsod na may kaharian sa mga hari sa lupa.” (Apocalipsis 17:18) Gaya ng Babilonya noong panahon ni Belsasar, ang Babilonyang Dakila ay ‘tinimbang sa timbangan at nasumpungang kulang.’ (Daniel 5:27) Ang kaniyang pagkalipol ay magiging mabilis at lubusan. At paano naman tumutugon ang mga Saksi ni Jehova sa paglutas sa hiwaga hinggil sa dakilang patutot at sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop? Masigasig nilang ipinahahayag ang araw ng paghatol ni Jehova samantalang sinasagot nang “may kagandahang-loob” ang lahat ng taimtim na naghahanap ng katotohanan. (Colosas 4:5, 6; Apocalipsis 17:3, 7) Gaya ng ipakikita ng ating susunod na kabanata, ang lahat ng nagnanais makaligtas kapag pinuksa na ang dakilang patutot ay dapat kumilos agad!
[Mga larawan sa pahina 252]
Pagkakasunud-sunod ng Pitong Kapangyarihang Pandaigdig
EHIPTO
ASIRYA
BABILONYA
MEDO-PERSIA
GRESYA
ROMA
ANGLO-AMERIKA
[Mga larawan sa pahina 254]
“Ito rin mismo ay ikawalong hari”
[Larawan sa pahina 255]
Itinakwil nila ang Kordero, at “ibinibigay nila ang kanilang kapangyarihan at awtoridad sa mabangis na hayop”
[Larawan sa pahina 257]
Gaya ng sinaunang Jerusalem, ganap na mawawasak ang Sangkakristiyanuhan bilang pangunahing bahagi ng Babilonyang Dakila