Kabanata 7
Kung Bakit Tayo Narito
1. Ano ang natatalos ng palaisip na mga tao?
MATAGAL nang pinag-iisipan ng tao ang kahulugan ng buhay sa lupa. Pinagmasdan nila ang malawak na kalangitang lipos ng bituin. Kanilang hinangaan ang makulay na paglubog ng araw at ang kaakit-akit na kabukiran. Ang palaisip na mga tao ay nakatatalos na lahat ng mga ito’y may isang dakilang layunin. Subali’t madalas ay iniisip nila kung papaano sila nasasangkot dito.—Awit 8:3, 4.
2. Anong mga tanong ang ibinangon ng mga tao?
2 May panahon sa kanilang buhay na karamihan ay nagtatanong: Tayo ba’y mabubuhay lamang nang panandalian, kamtin ang pinakamalaki mula sa buhay, at pagkatapos ay mamatay? Saan talaga tayo patungo? Higit ba ang ating maaasahan kaysa maiigsing yugto ng kapanganakan, buhay at kamatayan? (Job 14:1, 2) Ang tutulong sa atin na umunawa dito ay ang sagot sa tanong na: Papaano tayo napunta rito?
EBOLUSYON O PAGLALANG?
3. Ano ang turo ng ebolusyon?
3 Sa ibang lugar karaniwan nang itinuturo na lahat ng bagay ay kusang lumitaw, na ito’y nagkataon lamang o bunga ng sakuna. Sinasabi nila na sa loob ng milyun-milyong taon ang buhay ay kusang lumitaw, o sumulong, mula sa mabababang anyo ng buhay hanggang sa wakas ay umiral ang buhay-tao. Sa maraming lugar ang teoriyang ito ng ebolusyon ay itinuturo bilang isang katotohanan. Subali’t totoo bang tayo ay nagbuhat sa isang halimaw na nabuhay milyun-milyong taon na ang nakalipas? Ang pagkalawak-lawak na uniberso bang ito ay umiral bunga lamang ng sakuna?
4. Bakit tayo makapaniniwala na “nilalang ng Diyos ang mga langit at ang lupa”?
4 Sinasabi ng Bibliya: “Noong pasimula ay nilalang ng Diyos ang mga langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Sang-ayon ang mga katotohanan ng siyensiya na ang mga langit, at ang bilyun-bilyong bituin nito, pati na ang lupa ay nagkaroon ng pasimula. Ang mga ito ay nilalang. Ang paglalakbay ng mga bituin at planeta ay napakaayos anupa’t matatantiya nang hustung-husto ang magiging posisyon nila maraming taon patiuna. Kumikilos ang mga bituin at planeta ayon sa mga batas at prinsipyo ng matematika. Sinabi ng propesor ng matematika mula sa University of Cambridge, si P. Dirac, sa magasing Scientific American: “Marahil mailalarawan ang situwasyon sa pagsasabing ang Diyos ay isang matematiko na may napakataas na uri, at gumamit Siya ng pinaka-dalubhasang uri ng matematika nang likhain niya ang uniberso.”
5. Papaano ipinakikita ng ating pisikal na katawan na tayo’y nilalang sa halip na isang produkto ng ebolusyon?
5 Sinasabi ng Bibliya: “Alamin na si Jehova ang Diyos. Siya ang lumalang sa atin, at hindi tayo sa ganang sarili.” (Awit 100:3) Ang katawan natin ay nagpapamalas ng kamanghamanghang disenyo anupa’t isang manunulat ng Bibliya ang naudyukang magsabi sa Diyos: “Pupurihin kita sapagka’t kagilagilalas ang pagkalalang sa akin. . . . Ang mga buto ko’y hindi nalingid sa iyo nang ako’y gawin sa lihim . . . Nakita ng iyong mga mata maging ang aking binhi, at sa iyong aklat lahat ng bahagi nito’y nasulat.” (Awit 139:14-16) Kamanghamangha ang pagkakabuo ng sanggol sa bahay-bata ng ina. Ganito ang sabi ng magasing Newsweek: “Sa payak na salita, ito’y himala.” Idinagdag pa nito: “Walang pamamaraan upang matiyak ang mismong sandali ng paglilihi. Walang siyentipiko ang makapagsasabi kung anong kagilagilalas na mga puwersa ang kumikilos upang mabuo ang mga sangkap at masalimuot na mga nerbiyos ng binhi ng tao.”
6. Bakit mas makatuwiran ang maniwala sa paglalang kaysa sa ebolusyon?
6 Isaalang-alang ang ating dakilang uniberso, pati na ang sarili nating katawan at ang kamanghamanghang pagkakayari at disenyo nito. Ang matinong pangangatuwiran ay nagsasabi na ang mga ito ay hindi kusang lumitaw sa ganang sarili. Nangailangan ito ng Taga-Disenyo, isang Manlilikha. Suriin din ang ibang bagay sa paligid. Kapag nasa bahay, tanungin ang sarili: Ang akin bang mesa, ilaw, kama, silya, tukador, dingding, o maging ang bahay mismo, ay lumitaw na lamang at sukat? O kinailangan ba nila ang isang maygawa? Talagang kailangan ang matatalinong tao para gawin ang mga ito! Kaya papaano, kung gayon, masasabi na ang ating mas masalimuot na uniberso at tayo mismo ay hindi nangangailangan ng maylikha? At kung inilagay tayo dito ng Diyos, tiyak na may layunin siya dito.
7. (a) Papaano ipinakita ni Jesus na naniniwala siya sa paglalang? (b) Ano ang karagdagang patotoo na si Adan ay talagang persona?
7 Sinabi mismo ni Jesu-Kristo hinggil sa unang lalaki at babae: “Siya na lumalang sa kanila sa pasimula ay lumikha sa kanila na lalaki at babae at nagsabi, ‘Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kaniyang ama’t ina at makikipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman.’” (Mateo 19:4, 5) Dito’y sinisipi ni Jesus ang Genesis 1:27 at Gen 2:24 hinggil sa paglalang kina Adan at Eba. Kaya ipinakikita niya na ang ulat na ito ng Bibliya ay katotohanan. (Juan 17:17) Isa pa, tinutukoy si Enoc sa Bibliya bilang “ikapito sa hanay mula kay Adan.” (Judas 14) Kung si Adan ay hindi tunay na persona, hindi siya ipakikilala ng Bibliya sa tiyakang paraang ito.—Lucas 3:37, 38.
8. Anong paniwala hinggil sa pasimula ng tao ang hindi itinuturo ng Bibliya?
8 Sinasabi ng iba na di-umano’y ginamit daw ng Diyos ang ebolusyon sa paglalang sa tao. Inaangkin nila na hinayaan ng Diyos na kusang mabuo ang tao, at nang marating na ang isang tiyak na antas pinagkalooban Niya ito ng kaluluwa. Subali’t saanman sa Bibliya’y hindi lumilitaw ang ganitong palagay. Sa halip, sinasabi ng Bibliya na ang mga halaman at hayop ay nilikha “ayon sa kanikanilang uri.” (Genesis 1:11, 21, 24) At ipinakikita ng mga katibayan na ang isang uri ng halaman o hayop, sa paglipas ng panahon, ay hindi nagbabago tungo sa ibang uri. Ang higit pang impormasyon na nagpapatotoong tayo’y hindi produkto ng ebolusyon ay masusumpungan sa aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?
KUNG PAPAANO NILIKHA NG DIYOS ANG TAO
9. (a) Papaano inilalarawan ng Bibliya ang paglalang sa tao? (b) Ano ang nangyari nang ihinga ng Diyos sa ilong ng tao ang “hininga ng buhay”?
9 Nilikha ng Diyos ang tao mula sa lupa upang manirahan sa lupa, gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Pinasimulang hubugin ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Genesis 2:7) Mula dito’y makikita natin na ang tao ay tuwirang lalang ng Diyos. Sa isang pantanging gawa ng paglalang, nilikha ng Diyos ang tao na isang kompleto, buong persona. Nang hingahan ng Diyos ang ilong ng tao ng “hininga ng buhay,” ang kaniyang baga ay napuno ng hangin. Subali’t higit pa rito ang nagawa. Pinagkalooban ng Diyos ng buhay ang katawan ng tao. Ang puwersang ito ng buhay ay sinusustinehan, o pinaaandar, sa pamamagitan ng paghinga.
10. Ano ang kaluluwa ng tao, at papaano ito nilalang?
10 Gayumpaman, pansinin na hindi sinasabi ng Bibliya na ang tao ay binigyan ng Diyos ng isang kaluluwa. Sa halip sinasabi nito na pagkatapos pasimulan ng Diyos ang paghinga ng tao, “ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” Kaya ang tao ay isang kaluluwa, kung papaanong ang isa na nagiging doktor ay isang doktor. (1 Corinto 15:45) Ang “alabok ng lupa” na mula roo’y hinubog ang pisikal na katawan, ay hindi ang kaluluwa. Ni sinasabi kaya ng Bibliya na ang “hininga ng buhay” ay ang kaluluwa. Sa halip, ipinakikita ng Bibliya na ang pagsasama ng dalawang bagay na ito ang siyang nagpangyari na ‘maging kaluluwang buháy ang tao.’
11. Anong mga katotohanan sa Bibliya hinggil sa kaluluwa ng tao ang nagpapakita na ito’y di tulad-aninong bagay na makahihiwalay sa tao?
11 Palibhasa’y ang kaluluwa ng tao ay ang tao mismo, hindi ito isang tulad-aninong bagay na naninirahan sa loob ng katawan ni makakahiwalay ito sa katawan. Sa payak na paraan, itinuturo ng Bibliya na ang inyong kaluluwa ay kayo mismo. Halimbawa, binabanggit ng Bibliya ang paghahangad ng kaluluwa na kumain ng pisikal na pagkain, sa pagsasabing: “Ang iyong kaluluwa ay nagnanasang kumain ng karne.” (Deuteronomio 12:20) Sinasabi din nito na ang mga kaluluwa’y may dugo na nananalaytay sa kanilang mga ugat, sapagka’t binabanggit ang “dugo ng mga kaluluwa ng dukhang walang sala.”—Jeremias 2:34.
KUNG BAKIT INILAGAY NG DIYOS ANG TAO DITO
12. Ano ang layunin ng Diyos para sa mga tao sa lupa?
12 Hindi layunin ng Diyos na sina Adan at Eba ay mamatay pagkaraan ng ilang panahon at saka manirahan sa ibang dako. Mananatili sila rito upang alagaan ang lupa at lahat ng nabubuhay dito. Sinasabi ng Bibliya: “Binasbasan sila ng Diyos at sinabi sa kanila ng Diyos: ‘Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ang lupa at supilin ito, at magkaroon kayo ng pananakop sa mga isda sa dagat at sa lumilipad na mga nilalang sa himpapawid at sa bawa’t nabubuhay na nilalang na umuusad sa ibabaw ng lupa.’” (Genesis 1:28; 2:15) Sina Adan at Eba, pati na ang lahat ng kanilang magiging anak, ay maaari sanang lumigaya sa lupa magpakailanman, na ginagawa ang mga bagay na nais ng Diyos na kanilang gawin.
13. (a) Papaano tayo maaaring lumigaya? (b) Ano ang magdudulot ng tunay na kahulugan sa ating mga buhay?
13 Pansinin na “binasbasan sila ng Diyos.” Talagang may malasakit siya sa kaniyang makalupang mga anak. Kaya bilang maibiging Ama binigyan niya sila ng mga tagubilin sa kanilang ikabubuti. Makakasumpong sila ng kaligayahan sa pagtalima dito. Batid ito ni Jesus, kaya sinabi din niya: “Maligaya yaong nakikinig sa salita ng Diyos at sumusunod dito!” (Lucas 11:28) Sinunod ni Jesus ang salita ng Diyos. “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakalulugod sa kaniya,” sabi niya. (Juan 8:29) Iyan ang pinakasusing dahilan kung bakit tayo naririto. Ito ay ang pagkakaroon ng abala, maligayang buhay sa pamamagitan ng pamumuhay na kasuwato ng kalooban ng Diyos. Magkakaroon ng tunay na kahulugan ang ating buhay ngayon kung paglilingkuran natin si Jehova. At sa paggawa nito inihahanay natin ang sarili ukol sa buhay na walang-hanggan sa Paraiso sa lupa.—Awit 37:11, 29.
KUNG BAKIT TAYO TUMATANDA AT NAMAMATAY
14. Sa pagsuway sa utos ng Diyos, ano ang nagawa nina Adan at Eba?
14 Nguni’t ngayon lahat tayo ay tumatanda at namamatay. Bakit? Gaya ng binanggit sa nakaraang kabanata, dahilan ito sa paghihimagsik nina Adan at Eba. Binigyan sila ni Jehova ng pagsubok na nagdidiin ng pagiging masunurin sa Diyos. Sinabi niya kay Adan: “Sa bawa’t punongkahoy sa halamanan ay makakakain ka nang may kasiyahan. Subali’t sa punongkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay hindi ka dapat kumain, sapagka’t sa araw na kumain ka niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.” (Genesis 2:16, 17) Sa pagkain mula sa punongkahoy na ito, tinalikuran nina Adan at Eba ang kanilang makalangit na Ama at tinanggihan ang kaniyang patnubay. Sumuway sila at kinuha ang hindi kanila. Nabuhay sana sila nang maligaya sa paraiso magpakailanman nang walang kahirapan o pagdurusa, subali’t ngayo’y dinalhan nila ang sarili ng hatol ng kasalanan. Ang hatol na ito ay di-kasakdalan at kamatayan.—Roma 6:23.
15. Papaano natin minana ang ating kasalanan mula kay Adan?
15 Alam ba ninyo kung papaano natin namana ang kasalanan mula kay Adan? Nang hindi na sakdal si Adan, ipinamana niya sa lahat ng kaniyang anak ang di-kasakdalan at kamatayang ito. (Job 14:4; Roma 5:12) Upang maunawaan ninyo ito, isipin ang nangyayari kapag ang isang panadero ay nagluto ng tinapay sa isang llanera na may yupi. Lahat ng tinapay na iluluto doon ay magkakaroon ng marka. Si Adan ay naging gaya ng llanerang yaon, at tayo ay kagaya ng tinapay. Siya’y naging di-sakdal nang labagin niya ang batas ng Diyos. Parang nagkaroon siya ng yupi o masamang marka. Kaya nang magkaanak siya lahat sila ay tumanggap din ng katulad na marka ng pagkakasala o pagkadi-sakdal.
16, 17. Papaano ipinakikita ng isa sa mga himala ni Jesus na ang sakit ay dumating sa sambahayan ng tao dahil sa kasalanan?
16 Nagkakasakit tayo ngayon at tumatanda dahil sa kasalanan na minana nating lahat kay Adan. Ipinakikita ito ng isa sa mga himala na ginawa ni Jesus. Habang nagtuturo si Jesus sa bahay na kaniyang tinutuluyan, isang malaking pulutong ang nagkatipon anupa’t wala nang ibang maaaring sumiksik sa silid. Nang dumating ang apat na lalaki na may dalang paralitiko sa isang teheras, nakita nila na sila ay hindi makakapasok. Kaya umakyat sila sa bubong, binutasan ito, at ibinaba sa mismong tabi ni Jesus ang teheras na hinihigaan ng paralitiko.
17 Nang makita ni Jesus ang laki ng kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko: “Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.” Subali’t may ilan sa mga naroroon ang hindi makapaniwala na si Jesus ay maaaring magpatawad ng kasalanan. Kaya sinabi ni Jesus: “‘Upang malaman ninyo na ang Anak ng tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan sa lupa,’—sinabi niya sa paralitiko: ‘Inuutusan kita, Bumangon ka, at buhatin mo ang iyong teheras, at umuwi ka na.’ Pagdaka ang tao ay bumangon, at agad na binuhat ang kaniyang teheras at lumabas sa paningin nilang lahat.”—Marcos 2:1-12.
18. Sa anong uri ng kinabukasan maaaring umasa ang mga lingkod ng Diyos?
18 Isipin na lamang kung ano ang magiging kahulugan sa atin ng kapangyarihang ito ni Jesus! Sa ilalim ng pamamahala ng kaharian ng Diyos, mapatatawad ni Kristo ang kasalanan ng lahat ng tao na umiibig at naglilingkod sa Diyos. Nangangahulugan ito na lahat ng sakit at karamdaman ay mawawala na. Wala nang tatanda pa at mamamatay! Anong kamanghamangha ng pag-asang ito sa hinaharap! Oo, tunay na higit pa ang maaasahan natin kaysa maipanganak lamang, mabuhay ng maikling panahon at pagkatapos ay mamatay. Sa patuloy na pag-aaral hinggil sa Diyos at paglilingkod sa kaniya, talagang tayo ay maaaring mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa.
[Larawan sa pahina 69]
Pinag-iisipan ng marami ang kahulugan ng buhay
[Larawan sa pahina 70]
Ang mga bagay bang ito’y kusang lumitaw, o mayroon bang gumawa?
[Larawan sa pahina 75]
Ang ulat ng Bibliya hinggil sa pagpapagaling ni Jesus sa paralitiko ay nagpapakita na kaya nagkakasakit ang tao ay dahil sa kasalanan ni Adan