Kabanata 10
Ang Masasamang Espiritu ay Makapangyarihan
1. Bakit marami ang naniniwala na puwedeng kausapin ang patay?
MADALAS ay may nagsasabing nakausap na raw nila ang patay. Sinabi ng yumaong si James A. Pike, prominenteng obispong Episkopal, na nakausap niya ang kaniyang namatay na anak, si Jim. Ayon kay Pike, sinabi daw nito: “Napapaligiran ako ng napakaraming tao, at waring ako ay binubuhat . . . napakalungkot ko nang hindi ko pa kayo nakakausap.”
2. (a) Bakit walang sinoman ang maaaring makipag-usap sa patay? (b) Kaya anong mga tanong ang bumabangon?
2 Yamang pangkaraniwan ang mga karanasang ito, maliwanag na marami ang may nakausap mula sa daigdig ng espiritu. Subali’t ang nakausap nila’y hindi ang mga patay. Maliwanag na sinasabi ng Bibliya, “Ang mga patay ay walang anomang nalalaman.” (Eclesiastes 9:5) Kaya kung hindi ang mga patay ang nagsasalita mula sa daigdig ng mga espiritu, sino ang nagsasalita? Sino ang mga nagkukunwaring patay?
3. (a) Sino ang nagkukunwari na taong patay, at bakit? (b) Kanino madalas makipagtalastasan ang masasamang espiritu?
3 Ang masasamang espiritu. Ang mga espiritung ito, o demonyo, ay mga anghel na sumali kay Satanas sa paghihimagsik laban sa Diyos. Bakit sila nagkukunwaring mga patay? Upang papaniwalain tayo na ang mga patay ay nabubuhay pa. Marami din ang naakay ng masasamang espiritu upang maniwala sa kasinungalingan na ang kamatayan ay paglipat lamang tungo sa ibang buhay. Upang palaganapin ang kasinungalingang ito, inilalaan ng masasamang espiritu sa mga espiritista, manghuhula at mangkukulam ang pantanging kaalaman na sa wari lamang ay nagmumula sa mga taong nangamatay.
NAGKUNWARING ANG PATAY NA SI SAMUEL
4. (a) Bakit hindi mapalagay si Haring Saul? (b) Ano ang batas ng Diyos tungkol sa mga espiritista at manghuhula?
4 Sa Bibliya ay may halimbawa ng isang masamang espiritu na nagkunwaring ang namatay na propeta ng Diyos, si Samuel. Yao’y noong ika-40 taon ng paghahari ni Haring Saul. Nagbanta ang isang makapangyarihang hukbo ng mga Filisteo laban sa hukbong Israelita ni Saul kaya siya’y natakot. Alam ni Saul ang batas ng Diyos: “Huwag kayong babaling sa mga espiritista, at huwag sasangguni sa mga manghuhula, upang huwag kayong madumhan.” (Levitico 19:31) Hindi nagtagal, si Saul ay tumalikod kay Jehova. Kaya si Samuel, na nabubuhay pa noon, ay tumangging makipagkita kay Saul. (1 Samuel 15:35) At ngayon, sa harap ng nagbabantang panganib, hindi mapalagay si Haring Saul pagka’t ayaw pakinggan ni Jehova ang kaniyang paghingi ng saklolo.
5. (a) Kanino humingi si Saul ng tulong? (b) Ano ang pinangyari ng espiritista?
5 Gustong-gustong malaman ni Saul ang mangyayari kaya pumunta siya sa isang espiritista sa En-dor. Pinalitaw nito ang anyo ng isang tao na ang espiritista lamang ang nakakakita. Batay sa paglalarawan ng espiritista, sinabi ni Saul na ito ay si “Samuel.” Sa pagkakataong yaon, ang espiritu, na nagkukunwaring si Samuel, ay nagsalita: “Bakit mo ako binabagabag sa pagpapatawag mo sa akin?” Sumagot si Saul: “Ako’y lubhang naliligalig, sapagka’t nakikipagdigma sa akin ang mga Filisteo.” Sinabi ng espiritu: “Bakit ka sumasangguni sa akin, gayong si Jehova mismo ay lumisan sa iyo at naging iyong kaaway?” Ang masamang espiritu, na nagkukunwaring ang patay na si Samuel, ay nagpatuloy sa pagsasabi kay Saul na siya ay mapapatay sa pakikipagdigma sa mga Filisteo.—1 Samuel 28:3-19.
6. Bakit hindi maaaring si Samuel ang nakipag-usap kay Saul?
6 Maliwanag na hindi talaga si Samuel ang tinawag ng espiritista. Si Samuel ay patay, at sa kamatayan, ang isa ay “nagbabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw na yaon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:4) Ang kaunting pangangatuwiran ay magpapatotoo na ang tinig ay hindi sa namatay na si Samuel. Si Samuel ay propeta ng Diyos. Kaya siya ay laban sa mga espiritista. At, gaya ng ating nakita, nang ito’y buháy pa ay ayaw na nitong makipag-usap sa masuwaying si Saul. Kaya, kung nabubuhay pa si Samuel, papayag kaya siya na isang espiritista ay makipag-ayos upang magkausap sila ni Saul? Isipin din: Tumanggi si Jehova na magbigay ng impormasyon kay Saul. Mapipilit kaya ng isang espiritista si Jehova upang magbigay ng mensahe kay Saul sa pamamagitan ng patay na si Samuel? At kung ang mga buháy ay talagang maaaring makipag-usap sa mga namatay nilang mahal sa buhay, tiyak na hindi sasabihin ng isang Diyos ng pag-ibig na sila’y “nadumhan” dahil sa sila’y bumaling sa isang espiritista.
7. Anong babala ang ibinigay ng Diyos upang iligtas ang kaniyang bayan mula sa masasamang espiritu?
7 Ang totoo’y gustong ipahamak ng masasamang espiritu ang mga tao, kaya si Jehova ay nagbibigay ng mga babala para iligtas ang kaniyang mga lingkod. Basahin ang sumusunod na babala sa bansang Israel. Mauunawaan ninyo ang mga paraan na ginagamit ng demonyo sa pagdaya sa mga tao. Sinasabi ng Bibliya: “Hindi dapat makasumpong sa gitna ninyo . . . ng sinomang manggagaway o gumagawa ng salamangka o sinomang nagmamasid ng mga pamahiin o engkantador, o nangkukulam o sinomang sumasangguni sa masasamang espiritu o isang manghuhula o sinomang sumasangguni sa mga patay. Sapagka’t sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay kasuklamsuklam kay Jehova.” (Deuteronomio 18:10-12) Dapat nating alamin kung paano ipinapahamak ng masasamang espiritu ang mga tao ngayon at kung papaano natin maipagsasanggalang ang sarili mula sa kanila. Subali’t bago natin pag-aralan ito, isaalang-alang muna natin kung papaano nagkaroon ng masasamang espiritu.
MGA ANGHEL NA NAGING MASASAMANG ESPIRITU
8. (a) Sino pa ang hinikayat ni Satanas upang maghimagsik sa Diyos? (b) Pagkaraang iwan ang kanilang atas sa langit, saan sila nagpunta?
8 Sa pagsisinungaling kay Eba sa hardin ng Eden, isang anghel ay naging ang balakyot na espiritung si Satanas na Diyablo. Nang maglaon sinikap niyang hikayatin ang ibang anghel na tumalikod sa Diyos. Siya ay naging matagumpay. Ang ibang anghel ay huminto sa gawaing iniatas sa kanila ng Diyos sa langit at nanaog sa lupa at nagbihis ng mga katawang laman na gaya ng sa tao. Sumulat ang alagad na si Judas tungkol sa kanila nang tukuyin niya “ang mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang talagang dako kundi iniwan ang kanilang sariling tahanan.” (Judas 6) Bakit sila nanaog sa lupa? Anong maling nasa ang itinanim ni Satanas sa kanilang puso upang kanilang iwan ang mahuhusay na dakong taglay nila sa langit?
9. (a) Bakit nanaog sa lupa ang mga anghel? (b) Papaano ipinakikita ng Bibliya na mali ang ginawa nila?
9 Ipinaaalam sa atin ito ng Bibliya sa pagsasabing: “Minasdan ng mga anak ng tunay na Diyos ang mga anak na babae ng tao, sapagka’t sila’y kahalihalina; at nagsikuha sila ng asawa bawa’t isa sa kanila, alalaong baga’y, sinomang kanilang maibigan.” (Genesis 6:2) Oo, ang mga anghel ay nagbihis ng katawang laman, at nanaog sila sa lupa upang sumiping sa magagandang babae. Subali’t para sa mga anghel ito’y bawal na pag-ibig. Yao’y isang pagsuway. Ipinahihiwatig ng Bibliya na ang ginawa nila’y kasingsamâ ng homoseksuwalidad ng mga taga-Sodoma at Gomorra. (Judas 6, 7) Ano ang ibinunga?
10, 11. (a) Ano ang naging anak ng mga anghel? (b) Ano ang nangyari sa mga higante nang dumating ang Baha? (c) Ano ang nangyari sa mga anghel noong panahon ng Baha?
10 Sabihin pa, may isinilang na mga sanggol ang mga anghel at ang kani-kanilang mga asawa. Subali’t kakaiba ang mga sanggol. Lumaki sila nang lumaki hanggang maging higante, oo, masasamang higante. Tinatawag sila sa Bibliya na “mga makapangyarihan, mga bantog na lalaki.” Lahat ay pinilit ng mga higanteng ito upang magpakasamang gaya nila. Bunga nito, sinasabi ng Bibliya na ang “kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at bawa’t hilig ng puso ay masama na lamang parati.” (Genesis 6:4, 5) Kaya ipinasapit ni Jehova ang Baha. Ang mga higante, o “Nefilim,” at lahat ng masasamang tao ay nalunod. Subali’t ano ang nangyari sa mga anghel na nanaog sa lupa?
11 Hindi sila nalunod. Hinubad nila ang kanilang katawang laman at nagbalik sa langit bilang mga espiritu. Subali’t hindi na sila tinanggap bilang bahagi ng organisasyon ng mga banal na anghel ng Diyos. Sa halip, sinasabi ng Bibliya na “ang Diyos ay hindi nag-atubili ng pagparusa sa mga anghel na nagkasala, at sa pagbubulid sa kanila sa Tartaro, ay ikinulong sila sa mga hukay ng pusikit na kadiliman upang doo’y hintayin ang paghuhukom.”—2 Pedro 2:4.
12. (a) Ano ang nangyari sa masasamang anghel nang sila’y magbalik sa langit? (b) Bakit hindi na sila nagkatawang-tao uli? (c) Kaya ano ngayon ang kanilang ginagawa?
12 Ang masasamang anghel na ito ay hindi inihagis sa isang literal na dakong tinatawag na Tartaro. Sa halip, ang Tartaro, na may kamaliang isinasalin na “impiyerno” sa ibang Bibliya, ay tumutukoy sa dusta o hamak na kalagayan ng mga anghel na yaon. Sila ay ibinukod mula sa espirituwal na liwanag ng organisasyon ng Diyos at walang-hanggang pagkalipol ang tanging naghihintay sa kanila. (Santiago 2:19; Judas 6) Mula noong Baha, hindi pinahintulutan ng Diyos ang demonyong mga anghel na ito na magkatawang-tao, kaya hindi nila tuwirang mabigyang-kaluguran ang kanilang di-likas na hangarin sa sekso. Subali’t mapanganib pa rin ang kanilang impluwensiya sa mga lalaki at babae. Sa katunayan, sa tulong ng mga demonyong ito si Satanas ay “dumadaya sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Ang mabilis na paglago ngayon ng mga krimen sa sekso, karahasan at iba pang katampalasanan ay nagdidiin ng pangangailangan na labanan ang kanilang impluwensiya.
KUNG PAPAANO NANDADAYA ANG MASASAMANG ESPIRITU
13. (a) Papaano nandadaya ang masasamang espiritu? (b) Ano ang espiritismo at ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito?
13 Natutuhan na natin na si Satanas, bilang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” ay gumagamit ng makasanlibutang mga gobiyerno at huwad na relihiyon upang bulagin ang mga tao sa katotohanan ng Bibliya. (2 Corinto 4:4) Isa pang mahalagang paraan ng pandaya ng masasamang espiritu sa mga lalaki at babae ay ang espiritismo. Ano ba ang espiritismo? Ito’y ang pagsangguni sa masasamang espiritu, sa paraang tuwiran o sa tulong ng isang espiritista. Ang espiritismo ay umaakay sa isa upang mapailalim sa impluwensiya ng mga demonyo. Binabalaan tayo ng Bibliya na umiwas sa bawa’t gawain na kaugnay ng espiritismo.—Galacia 5:19-21; Apocalipsis 21:8.
14. (a) Ano ang panghuhula? (b) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito?
14 Ang panghuhula ay isang karaniwan ding anyo ng espiritismo. Ito ay ang pagsisikap na alamin ang hinaharap, o ang tungkol sa isang bagay na nalilingid sa kaalaman, sa tulong ng di-nakikitang mga espiritu. Ipinakikita ito ng isinulat ng Kristiyanong alagad na si Lucas: “Isang aliping babae na may espiritu, isang demonyo ng panghuhula, ay sumalubong sa amin. Pinayaman niya ang kaniyang mga panginoon dahil sa kaniyang panghuhula.” Pinalaya ni apostol Pablo ang babae sa kapangyarihan ng masamang espiritu, kaya hindi na siya makapanghula tungkol sa hinaharap.—Gawa 16:16-19.
15. (a) Ano ang ilang bagay na kaugnay ng espiritismo? (b) Bakit mapanganib ang pakikibahagi sa mga bagay na ito?
15 Marami ang interesado sa espiritismo sapagka’t ito ay mahiwaga at kakaiba. Nabibighani sila nito. Kaya napapasangkot sila sa panggagaway, voodoo, hipnotismo, salamangka, astrolohiya, mga Ouija board o iba pang bagay na kaugnay ng espiritismo. Baka nagbabasa sila ng mga aklat tungkol dito, o nanonood ng sine, o mga programa sa telebisyon. Baka dumadalo pa sila sa isang pagtitipon na doo’y nakikipagtalastasan ang isang espiritista sa daigdig ng mga espiritu. Subali’t lahat ng ito ay hindi katalinuhan para sa isang naghahangad maglingkod sa tunay na Diyos. Mapanganib din ito. Maaari itong umakay sa malaking gulo. Isa pa, hahatulan at ihihiwalay ng Diyos ang lahat ng nagsasagawa ng espiritismo.—Apocalipsis 22:15.
16. Papaano ipinakikita ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay may pakikipagpunyagi sa masasamang espiritu?
16 Kahit ginagawa ng isa ang buong makakaya upang umiwas sa espiritismo, maaari pa rin siyang salakayin ng masasamang espiritu. Tandaan na ang tinig mismo ng Diyablo ay narinig ni Jesu-Kristo, upang tuksuhin siya na lumabag sa utos ng Diyos. (Mateo 4:8, 9) Ang ibang lingkod ng Diyos ay dumanas din ng ganitong mga pagsalakay. Sinabi ni apostol Pablo: “Tayo ay may pakikipagpunyagi . . . laban sa hukbo ng masasamang espiritu sa makalangit na dako.” Nangangahulugan ito na bawa’t lingkod ng Diyos ay dapat “magsuot ng buong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang [siya] ay makatagal.”—Efeso 6:11-13.
PAGLABAN SA PAGSALAKAY NG MASASAMANG ESPIRITU
17. Ano ang dapat ninyong gawin kung may “tinig” mula sa daigdig ng mga espiritu na makikipag-usap sa inyo?
17 Ano ang dapat ninyong gawin kung may nakipag-usap sa inyo na isang “tinig” mula sa daigdig ng mga espiritu? Ano kung ang “tinig” ay nagkunwaring kamag-anak na yumao o mabuting espiritu? Buweno, ano ang ginawa ni Jesus nang kausapin siya ng “prinsipe ng mga demonyo”? (Mateo 9:34) Sinabi niya: “Lumayo ka, Satanas!” (Mateo 4:10) Magagawa rin ninyo iyan. Makahihingi rin kayo ng tulong kay Jehova. Manalangin nang malakas at gamitin ang pangalan ng Diyos. Tandaan na mas makapangyarihan siya kaysa sa masasamang espiritu. Sundin ang matalinong landasing ito. Huwag makinig sa gayong tinig mula sa daigdig ng mga espiritu. (Kawikaan 18:10; Santiago 4:7) Hindi ito nangangahulugan na ang bawa’t nakarinig ng “tinig” ay kinakausap ng mga demonyo. Kung minsan may nakakarinig ng tinig dahil sa ilang karamdaman sa pisikal o sa kaisipan.
18. Anong halimbawa ng sinaunang mga Kristiyano sa Efeso ang makabubuting sundin kung nais ng isa na kumalas sa espiritismo?
18 Marahil may pagkakataon na kayo ay nakibahagi sa isang anyo ng espiritismo at ngayon ay gusto ninyong kumalas. Ano ang magagawa ninyo? Isaalang-alang ang halimbawa ng mga unang Kristiyano sa Efeso. Pagkatapos nilang tanggapin ang “salita ni Jehova” na ipinangaral ni apostol Pablo, sinasabi ng Bibliya: “Isang malaking bilang niyaong mga nagsasagawa ng salamangka ang nagtipon ng kanilang mga aklat at sinunog ang mga ito sa harapan ng lahat.” At ang mga aklat na yaon ay nagkakahalaga ng 50,000 piraso ng pilak! (Gawa 19:19, 20) Bilang pagtulad sa naging mga tagasunod ni Kristo sa Efeso, kung kayo ay nagtataglay ng mga gamit na tuwirang kaugnay ng espiritismo, ang matalinong hakbang ay sirain ang mga ito gaano man kalaki ang halaga.
19. (a) Ano ang hindi nalalaman ng mga taong nakikibahagi sa espiritismo? (b) Kung gusto nating mabuhay magpakailanman sa kaligayahan dito sa lupa, ano ang dapat nating gawin?
19 Palibhasa marami sa ngayon ang naaakit ng mga bagay na mahiwaga at kakaiba, parami rin nang parami ang napapasangkot sa espiritismo. Gayumpaman, karamihan sa mga taong ito ay hindi nakababatid na sila ay talagang napapasangkot sa masasamang espiritu. Ito ay hindi inosenteng paglilibang. Ang masasamang espiritu ay may kapangyarihan na manakit at makapinsala. Sila ay mababagsik. At bago sila ibilanggo sa walang-hanggang pagkalipol, ginagawa nila ang lahat upang maimpluwensiyahan ang mga tao. (Mateo 8:28, 29) Kaya kung nais ninyong mabuhay magpakailanman kapag wala na ang kasamaan sa lupa, kailangan ninyong lumaya sa kapangyarihan ng mga demonyo sa pamamagitan ng pag-iwas sa bawa’t anyo ng espiritismo.
[Larawan sa pahina 91]
Kanino sumangguni ang espiritista ng En-dor?
[Mga larawan sa pahina 92, 93]
Napansin ng mga anghelikong anak ng Diyos ang mga anak na babae ng tao
[Larawan sa pahina 94]
Ang nagkatawang-taong mga anghel ay hindi nalunod. Hinubad nila ang katawang laman at nagbalik sa langit
[Larawan sa pahina 97]
Ang Bibliya’y nagbababala: ‘Umiwas sa bawa’t anyo ng espiritismo’
[Larawan sa pahina 98]
Sinunog ng mga naging Kristiyano sa Efeso ang kanilang mga aklat ng espiritismo—isang mabuting halimbawa para sa atin ngayon