Pagdurusa
Kahulugan: Ang dinadanas ng isang tao kapag nagtitiis ng kirot o hapis. Ang pagdurusa ay maaaring maging pisikal, mental o emosyonal. Maraming bagay ang makapagdudulot ng pagdurusa; halimbawa, ang pinsalang dulot ng digmaan at ng kasakiman sa pangangalakal, ang mga minanang kahinaan, karamdaman, aksidente, “kasakunaang dulot ng kalikasan,” nakasasakit na salita o gawa ng iba, panggigipit ng mga demonyo, takot sa napipintong kapahamakan, o ang sariling kamangmangan ng isa. Ang pagdurusang dulot ng mga bagay na ito ang siyang isasaalang-alang dito. Gayunman, maaaring dumanas ng pagdurusa ang isa sapagka’t siya’y nanlulumo dahil sa kahirapan ng ibang tao o kaya’y namimighati dahil sa masamang ugaling kaniyang nakikita.
Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa?
Sino ang talagang dapat sisihin?
Mga tao ang dapat sisihin sa kalakhan ng pagdurusa. Nagdidigmaan sila, gumagawa ng mga krimen, nagpaparumi sa kapaligiran, madalas na nangangalakal dahil sa kasakiman sa halip na dahil sa kanilang pagmamalasakit sa kapuwa, at kung minsa’y nagpapakasawa sa mga gawaing alam nilang makapipinsala sa kalusugan. Pagka ginagawa nila ang mga bagay na ito, kanilang pinipinsala ang iba at ang kanilang sarili. Makatuwiran bang isipin na hindi daranasin ng tao ang masamang epekto ng kanilang ginagawa? (Gal. 6:7; Kaw. 1:30-33) Makatuwiran bang isisi sa Diyos ang mga bagay na ginagawa ng mga tao?
Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay may pananagutan din. Isinisiwalat ng Bibliya na marami ang nagdurusa dahil sa impluwensiya ng balakyot na mga espiritu. Ang pagdurusang isinisisi ng marami sa Diyos ay hindi pala sa kaniya nagmumula.—Apoc. 12:12; Gawa 10:38; tingnan din ang mga pahina 397, 398, sa paksang “Satanas na Diyablo.”
Papaano nagsimula ang pagdurusa? Sa pagsusuri ng mga sanhi nito, kailangang pag-ukulan natin ng pansin ang una nating mga magulang, sina Adan at Eba. Nilikha sila ng Diyos na sakdal at inilagay sa tulad paraisong mga kapaligiran. Kung sinunod nila ang Diyos, hindi sana sila nagkasakit at namatay. Maaari nilang tamasahin ang sakdal na buhay-tao magpakailanman. Ang pagdurusa ay hindi bahagi ng layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Nguni’t maliwanag na sinabihan ng Diyos si Adan na ang patuloy nilang pagtatamasa sa mga ipinagkaloob Niya sa kanila ay depende sa pagkamasunurin nila. Maliwanag na kailangan nilang huminga, kumain, uminom, at matulog upang patuloy na mabuhay. At kailangan nilang ingatan ang moral na mga kahilingan ng Diyos upang lubos na maligayahan sa buhay na iyon magpakailanman. Nguni’t sariling lakad ang pinili nila, at gumawa ng sarili nilang mga pamantayan tungkol sa kung ano ang mabuti at masama, sa gayo’y tumalikod sa Diyos, ang Tagapagbigay-Buhay. (Gen. 2:16, 17; 3:1-6) Ang kasalanan ay nagdulot ng kamatayan. Makasalanan sina Adan at Eba nang sila’y magkaanak, at hindi nila maipamana sa kanilang mga anak ang hindi na nila taglay. Ang lahat ay ipinanganak sa kasalanan, na may hilig na gumawa ng masama, may mga kahinaang makapagdudulot ng sakit, isang makasalanang mana na sa wakas ay aakay sa kamatayan. Sapagka’t ang lahat ng nasa lupa ngayon ay ipinanganak sa kasalanan, lahat tayo ay nagdaranas ng pagdurusa sa iba’t ibang mga paraan.—Gen. 8:21; Roma 5:12.
Sinasabi ng Eclesiastes 9:11 na “ang panahon at di-inaasahang pangyayari” ay may epekto rin sa nagaganap sa ating buhay. Maaaring nasaktan tayo, hindi dahil sa ito’y tuwirang sinadya ng Diyablo o dahil sa kagagawan ng sinomang tao, kundi dahil sa nagkataong tayo ay nasa dakong iyon sa maling panahon.
Bakit hindi kumikilos ang Diyos upang dulutan ng ginhawa ang sangkatauhan? Bakit lahat tayo ay kailangang magdusa dahil sa ginawa ni Adan?
Sa Bibliya, sinasabi sa atin ng Diyos kung paano tayo makaiiwas sa maraming pagdurusa. Nakapaglaan siya ng pinakamahusay na payo ukol sa pamumuhay. Kapag ikinapit, ito’y nagbibigay ng tunay na layunin sa ating buhay, nagpapaligaya sa buhay pampamilya, naglalapit sa atin sa mga taong tunay na nag-iibigan sa isa’t isa, at nagsasanggalang sa atin sa mga gawaing nagdudulot ng malaking pagdurusa sa ating katawan. Kung ating wawaling-bahala ang tulong na iyan, dapat ba nating sisihin ang Diyos sa ligalig na idinudulot natin sa ating sarili at sa iba?—2 Tim. 3:16, 17; Awit 119:97-105.
May paglalaan si Jehova upang wakasan ang lahat ng pagdurusa. Nilalang niyang sakdal ang unang mag-asawa, at buong-pag-ibig niyang pinaglaanan sila ng lahat ng kailangan upang maging kasiyasiya ang buhay nila. Nang sadyang tinalikuran nila ang Diyos, obligado ba ang Diyos na mamagitan upang ipagsanggalang ang kanilang mga anak mula sa epekto ng ginawa ng magulang? (Deut. 32:4, 5; Job 14:4) Gaya ng nalalaman natin, ang mga mag-asawa ay maaaring magtamasa ng kagalakan sa pagluluwal ng supling, nguni’t mayroon din silang pananagutan. Ang mga saloobin at kilos ng mga magulang ay nakakaapekto sa mga anak nila. Sa kabila nito, si Jehova, bilang kapahayagan ng di-na-sana nararapat na awa, ay nagsugo ng kaniyang pinakamamahal na Anak sa lupa upang ibigay ang kaniyang buhay bilang isang pantubos, upang paglaanan ng ginhawa yaong mga supling ni Adan na magpapahalaga at sasampalataya sa paglalaang iyan. (Juan 3:16) Bunga nito, bukas na ang pagkakataon para sa mga taong nabubuhay ngayon na taglayin ang iniwala ni Adan—ang sakdal na buhay-tao, ligtas sa pagdurusa, sa isang paraisong lupa. Anong saganang paglalaan ito!
Tingnan din ang mga pahina 324-327, sa ilalim ng “Pantubos.”
Nguni’t bakit pahihintulutan ng isang Diyos ng pag-ibig na magpatuloy nang ganiyang katagal ang pagdurusa?
Nakinabang ba tayo dahil sa ito’y kaniyang pinahintulutan hanggang sa ngayon? “Hindi mapagpaliban si Jehova tungkol sa kaniyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagka’t hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak kundi ang lahat ay magsipagsisi.” (2 Ped. 3:9) Kung karakarakang pinatay ng Diyos sina Adan at Eba pagkatapos magkasala, wala sa atin ang nabubuhay ngayon. Tiyak na hindi ito ang gusto natin. Bukod dito, kung sa dakong huli ay pinuksa ng Diyos ang lahat ng may kasalanan, hindi sana tayo naisilang. Ang pagpapahintulot ng Diyos na umiral hanggang ngayon ang makasalanang sanlibutang ito ay nagdulot sa atin ng pagkakataong mabuhay upang matuto ng kaniyang mga daan, upang gumawa ng kinakailangang mga pagbabago sa ating buhay, at upang samantalahin ang kaniyang maibiging mga paglalaan ukol sa buhay na walang hanggan. Ang pagkakaloob ni Jehova sa atin ng pagkakataong ito ay patotoo ng kaniyang dakilang pag-ibig. Ipinakikita ng Bibliya na may takdang panahon ang Diyos upang puksain ang balakyot na sistemang ito at na ito’y malapit na.—Hab. 2:3; Zef. 1:14.
Kaya ng Diyos na lunasan ang lahat ng pinsalang maaaring sumapit sa kaniyang mga lingkod sa sistemang ito, at gayon nga ang gagawin niya. Hindi ang Diyos ang pinagmulan ng pagdurusa. Nguni’t sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, bubuhayin ng Diyos ang mga patay, pagagalingin niya ang lahat ng karamdaman ng mga taong masunurin, aalisin ang bawa’t bakas ng kasalanan, at pangyayarihin pa man din niyang mawala sa ating alaala ang dating mga kalumbayan.—Juan 5:28, 29; Apoc. 21:4; Isa. 65:17.
Ang panahong lumipas ay kinailangan upang malutas ang mga isyung ibinangon sa Eden. Ukol sa ibang mga detalye, tingnan ang mga pahinang 397, 398, gayundin ang 84-86.
Maaaring sabik tayo bilang mga indibiduwal na magkaroon ng ginhawa. Nguni’t kapag kumilos ang Diyos, ito’y magiging sa kapakanan ng lahat ng umiibig ng katuwiran, hindi sa iilan lamang. Hindi nagtatangi ang Diyos.—Gawa 10:34.
Mga paglalarawan: Hindi ba maaaring pahintulutan ng isang maibiging magulang na sumailalim ang kaniyang anak sa isang masakit na operasyon dahil sa mabubuting ibubunga nito? Kaya, hindi ba totoo na ang mga “kagyat na lunas” sa makikirot na karamdaman ay karaniwan nang panlabas lamang? Malimit na ang kailangan ay mahabang panahon upang mapawi ang sanhi.
Bakit hindi pinatawad ng Diyos si Adan at sa gayo’y naiwasan sana ang katakut-takot na pagdurusang dinaranas ng sangkatauhan?
Talaga bang mahahadlangan nito ang pagdurusa o sa halip, ito’y magiging pananagutan pa nga ng Diyos? Ano ang nangyayari kapag basta pinalalampas ng ama ang sadyang pagkakamali ng kaniyang mga anak sa halip na sila’y mahigpit na disiplinahin? Kadalasan ang mga bata ay hindi lamang minsan magkakasala kundi paulit-ulit, at ang may malaking pananagutan dito ay ang ama.
Sa gayon ding paraan, kung pinatawad ni Jehova ang sadyang pagkakasala ni Adan, para bagang nagiging kunsintidor ang Diyos sa pagkakasala. Hindi ito magpapabuti sa mga kalagayan sa lupa. (Ihambing ang Eclesiastes 8:11.) Bukod dito, mawawalan ng paggalang sa Diyos ang mga anak niyang anghel, at mangangahulugan na walang tunay na saligan para mapabuti pa ang mga kalagayan. Nguni’t imposibleng mangyari ang gayong kalagayan, sapagka’t ang katuwiran ay isang di-mababagong patibayan ng pamamahala ni Jehova.—Awit 89:14.
Bakit pinapayagan ng Diyos na maisilang ang mga batang may malulubhang kapansanan sa katawan at isip?
Hindi nagmula sa Diyos ang mga kapansanang ito. Nilalang niyang sakdal ang unang mag-asawa, na may kakayahang magluwal ng sakdal na supling na katulad nila.—Gen. 1:27, 28.
Nagmana tayo ng kasalanan kay Adan. Kalakip sa manang ito ay ang posibilidad na magkaroon ng kapansanan sa katawan at isip. (Roma 5:12; ukol sa karagdagang mga detalye tingnan ang pahina 285.) Ang minanang kasalanang ito ay taglay na natin mula pa sa panahon ng paglilihi sa bahay-bata. Dahil dito si Haring David ay sumulat: “Sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.” (Awit 51:5) Kung hindi nagkasala si Adan, ang ipinamana niya sana ay pawang magagandang mga katangian. (Para sa mga komento sa Juan 9:1, 2, tingnan ang pahina 356.)
Ang mga magulang ay maaaring makapinsala sa kanilang di-pa-naisisilang na anak—halimbawa dahil sa pag-abuso sa droga o paninigarilyo habang nagdadalang-tao. Sabihin pa, hindi laging totoo na may pananagutan ang ina o ama kapag naisilang nang may kapansanan o mahina ang kalusugan ng kanilang anak.
Buong-pag-ibig na ipinaaabot ni Jehova sa mga bata ang mga pakinabang ng haing pantubos ni Kristo. Alang-alang sa mga magulang na tapat na naglilingkuran sa Diyos, itinuturing niyang banal ang kanilang maliliit na anak. (1 Cor. 7:14) Dahil dito, iniingatan ng may takot sa Diyos na mga magulang ang sarili nilang katayuan sa Diyos, bilang pagmamalasakit sa kanilang mga supling. Sa mga kabataang may sapat na edad upang sumampalataya at maging masunurin sa mga utos ng Diyos, ipinagkakaloob ni Jehova ang pribilehiyong magtaglay ng sinang-ayunang katayuan bilang kaniyang mga lingkod. (Awit 119:9; 148:12, 13; Gawa 16:1-3) Kapansinpansin na si Jesus, na siyang sakdal na larawan ng kaniyang Ama, ay nagpakita ng pantanging interes sa kapakanan ng mga kabataan, anupa’t binuhay niya ang isang bata mula sa mga patay. Tiyak na patuloy niyang gagawin ito bilang Mesiyanikong Hari.—Mat. 19:13-15; Luc. 8:41, 42, 49-56.
Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang mga “kalamidad,” na nakapipinsala sa maraming ari-arian at buhay?
Hindi nagmumula sa Diyos ang mga lindol, bagyo, baha, tagtuyot, at pagputok ng mga bulkan na malimit na nababalitaan ngayon. Hindi niya ginagamit ang mga ito upang parusahan ang mga tao. Sa kalakhang bahagi, ang mga ito’y nangyayari dahil sa mga puwersa ng kalikasan na umiral buhat pa sa panahong lalangin ang lupa. Inihula ng Bibliya na magkakaroon ng malalaking lindol at mga taggutom sa ating kaarawan, nguni’t hindi ito nangangahulugan na ang Diyos o si Jesus ang maaaring sisihin para sa mga ito, kung papaanong hindi maaaring sisihin sa kalagayan ng panahon ang isang meteorologo sapagka’t kaniyang ibinalita ito. Dahil sa ang mga ito’y nagaganap kasabay ng lahat ng iba pang mga inihula sa maraming-bahaging tanda ng katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, sila’y bahagi ng katunayan na malapit na ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos.—Luc. 21:11, 31.
Kadalasan ang mga tao ang may mabigat na pananagutan para sa kapinsalaang nangyayari. Sa papaanong paraan? Kahit sila’y binibigyan ng pati-unang babala, marami ang tumatangging umalis sa lugar na may panganib o hindi gumagawa ng kaukulang paghahanda upang makaiwas sa sakuna.—Kaw. 22:3; ihambing ang Mateo 24:37-39.
Kayang supilin ng Diyos ang gayong mga puwersa ng kalikasan. Binigyan niya ng kapangyarihan si Jesu-Kristo upang pahupain ang isang bagyo sa Dagat ng Galilea, bilang halimbawa ng Kaniyang gagawin para sa sangkatauhan sa ilalim ng Kaniyang Mesiyanikong Kaharian. (Mar. 4:37-41) Dahil sa pagtalikod niya sa Diyos, tinanggihan ni Adan ang gayong banal na pangangalaga para sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga supling. Yaong mga pagkakalooban ng buhay sa Mesiyanikong Paghahari ni Kristo ay magtatamasa ng gayong pagkalinga, na maidudulot lamang ng isang pamahalaang ang kapangyariha’y mula sa Diyos.—Isa. 11:9.
Ang mga nagdurusa ba’y pinarurusahan ng Diyos dahil sa kanilang kabalakyutan?
Yaong mga lumalabag sa maka-diyos na mga pamantayan ukol sa buhay ay nakakaranas ng masasamang epekto. (Gal. 6:7) Kung minsa’y inaani nila karakaraka ang mapapait na bunga nito. Sa iba namang pagkakataon, maaaring tila sumasagana ang mga ito nang matagal na panahon. Bilang kabaligtaran nito, si Jesu-Kristo, na walang anomang kasalanan, ay malupit na pinahirapan at pinapatay. Kaya, sa sistemang ito ng mga bagay hindi dapat ituring ang kasaganaan bilang katunayan ng pagpapala ng Diyos, ni dapat ituring ang kahirapan bilang patotoo ng di-pagsang-ayon ng Diyos.
Nang mawala ang mga ari-arian ni Job at siya’y pinadapuan ng isang karimarimarim na sakit, hindi nangyari ito dahil sa di-pagsang-ayon ng Diyos. Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na si Satanas ang may pananagutan. (Job 2:3, 7, 8) Nguni’t iginiit ng mga dumalaw kay Job na ang kaniyang pagdurusa ay patotoo na mayroon siyang ginawang masama. (Job 4:7-9; 15:6, 20-24) Sinaway sila ni Jehova, na nagsasabi: “Ang aking poot ay nag-aalab laban sa inyo . . . sapagka’t hindi kayo nangagsalita tungkol sa akin ng bagay na totoo, na gaya ng ginawa ng aking lingkod na si Job.”—Job 42:7.
Totoo na ang mga taong balakyot ay maaaring sumagana pansamantala. Sumulat si Asaph: “Ako’y nanaghili sa mga hambog, nang aking makita ang kapayapaan ng mga taong balakyot. Sila’y wala sa kabagabagan ng ibang mga tao, at hindi sila nangasasalot na gaya ng ibang mga tao. Sila’y nanunuya at nagsasalita ng kasamaan; ipinagmamalaki nila ang pandaraya. Narito! Sila ang mga balakyot, na laging tiwasay. Pinalago nila ang kanilang kayamanan.”—Awit 73:3, 5, 8, 12.
Ang araw ng pagsusulit sa Diyos ay darating. Sa panahong iyon ay parurusahan niya ang mga balakyot, at lilipulin sila magpakailanman. Ang Kawikaan 2:21, 22 ay nagsasabi: “Ang matuwid ang tatahan sa lupa, at ang walang sala ang mamamalagi roon. Nguni’t ang mga balakyot ay lilipulin mula sa lupa; at silang nagsisigawang may karayaan ay bubunutin doon.” Kung magkagayon ang mga matuwid, na marami sa kanila’y nakaranas ng pagdurusa, ay magtatamasa ng sakdal na kalusugan at makikibahaging lubos sa kasaganaang ibubunga ng lupa.
Kung May Magsasabi—
‘Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusang ito?’
Maaari kayong sumagot: ‘Isang bagay iyan na ikinababahala nating lahat. Siyanga pala, Ano ang dahilan at nabanggit ninyo ngayon?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘(Gamitin ang materyal mula sa mga pahina 284-287.)’ (2) ‘(Bumanggit ng iba pang mga tekstong nagbibigay ginhawa sa partikular na pagdurusang personal na dinaranas ng indibiduwal.)’
O maaari ninyong sabihin (kung ang ikinababahala nila ay ang kawalang-katarungan sa sanlibutan): ‘Ipinakikita ng Bibliya kung bakit ganiyan ang mga kalagayan sa ngayon. (Ecles. 4:1; 8:9) Alam ba ninyo na sinasabi rin nito kung ano ang gagawin ng Diyos upang tayo’y dulutan ng ginhawa? (Awit 72:12, 14; Dan. 2:44)’
Isa pang posibilidad: ‘Maliwanag na kayo’y naniniwala sa Diyos. Naniniwala ba kayo na ang Diyos ay pag-ibig? . . . Naniniwala ba kayo na siya’y marunong at na siya’y makapangyarihan-sa-lahat? . . . Kung gayon ay tiyak na mayroon siyang mabuting dahilan kung bakit niya pinahihintulutan ang pagdurusa. Ipinakikita ng Bibliya kung ano ang mga dahilang ito. (Tingnan ang mga pahina 284-287.)’