Kabalakyutan
Kahulugan: Ang mabigat na kasamaang moral. Madalas na tumutukoy sa impluwensiyang nakasasama, nakasisira, o nakapipinsala.
Bakit totoong laganap ang kabalakyutan?
Hindi dapat sisihin ang Diyos. Binigyan niya ang sangkatauhan ng sakdal na pasimula, nguni’t ang mga tao ay sadyang nagwalang-bahala sa mga kahilingan ng Diyos at nagpasiya sa kanilang sarili kung ano ang mabuti at masama. (Deut. 32:4, 5; Ecles. 7:29; Gen. 3:5, 6) Sa paggawa nito, napasailalim sila ng impluwensiya ng balakyot na mga hukbong nakatataas sa tao.—Efe. 6:11, 12.
1 Juan 5:19: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng balakyot na isa.”
Apoc. 12:7-12: “At nagkaroon ng pagbabaka sa langit . . . ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka nguni’t hindi sila nanalo, ni nasumpungan pa man ang kanilang dako sa langit. Kaya inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, ang dumadaya sa buong tinatahanang lupa; siya’y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya. . . . ‘Kaya’t mangagalak kayo, O mga langit at kayong nagsisitahan diyan! Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagka’t ang Diyablo’y bumaba sa inyo na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.’ ” (Ang dumaraming kaabahang ito sa sanlibutan ay nangyari sapol nang ihagis si Satanas mula sa langit pagkaraang isilang ang Kaharian. Tingnan ang Apo 12 talatang 10.)
2 Tim. 3:1-5: “Alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahon. Sapagka’t ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, walang utang na loob, hindi tapat, walang katutubong pag-ibig, mahirap makasundo, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti, mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng kabanalan datapuwa’t tinatanggihan ang kapangyarihan nito.” (Ito ang bunga ng daan-daang taon ng apostasiya sa tunay na pagsamba. Naging gayon ang mga kalagayan sapagka’t ang mga taong nagpapanggap na relihiyoso ay nagwalang-bahala sa talagang sinasabi ng Salita ng Diyos. Kanilang tinatanggihan ang kapangyarihan ukol sa kabutihan na idinudulot ng tunay na maka-diyos na debosyon sa buhay ng isa.)
Bakit ito pinahihintulutan ng Diyos?
Ang maaaring isipin natin kung minsan ay na mas mabuting alisin na lamang ang lahat ng taong balakyot. Gusto nating magwakas ang kabalakyutan, nguni’t kung tutuusin, iilang taon lamang nating natiis ito kung ihahambing sa haba ng panahong umiral ang kabalakyutan. Ano kaya ang nadadama ni Jehova? Sa loob ng libu-libong taon siya’y sinisisi at sinusumpa ng mga tao dahil sa kasamaang kanilang natitiis. Nguni’t hindi siya ang nagdulot nito, kundi si Satanas at ang mga taong balakyot. Taglay ni Jehova ang kapangyarihan upang lipulin ang mga balakyot. Kaya maliwanag na mayroon siyang mabuting dahilan kung bakit siya’y nagpahinuhod nang gayon. Kung ang paraan ni Jehova sa pagharap sa suliranin ay iba kaysa gusto natin, dapat ba tayong magtaka? Ang karanasan niya’y lalong malaki kaysa sa mga tao, at mas malawak din ang pangmalas niya sa mga bagay-bagay kaysa pangmalas ng sinomang tao.—Ihambing ang Isaias 55:8, 9; Ezekiel 33:17.
Hindi magkakaroon ng kabalakyutan kung hindi ipinagkaloob ng Diyos sa matalinong mga nilalang ang kalayaang magpasiya. Nguni’t binigyan tayo ng Diyos ng pagkakataon na sumunod sa kaniya dahil sa pagmamahal o kaya’y sumuway sa kaniya. (Deut. 30:19, 20; Jos. 24:15) Ibang paraan ba ang gusto natin? Kung tayo’y magulang, alin ang nagpapaligaya sa atin—ang tayo’y sundin ng ating mga anak dahil sa mahal nila tayo o dahil sa pinipilit lamang natin sila? Dapat ba sanang pinilit ng Diyos si Adan upang maging masunurin? Totoo bang magiging mas maligaya tayo kung namumuhay tayo sa isang daigdig kung saan pinipilit tayong tumalima sa Diyos? Bago niya puksain ang balakyot na sistemang ito, ang Diyos ay naglalaan ng pagkakataon upang maipakita ng mga tao kung baga gusto nilang mamuhay na kaayon ng kaniyang matuwid na mga batas o hindi. Sa kaniyang takdang panahon, siya’y walang pagsalang lilipol sa mga balakyot.—2 Tes. 1:9, 10.
May karunungan siyang nagpapahintulot ng panahon upang lutasin ang mahahalagang isyu: (1) Ang katuwiran at karapatan ng pamamahala ni Jehova ay hinamon sa Eden. (Gen. 2:16, 17; 3:1-5) (2) Ang katapatan ng lahat ng mga lingkod ng Diyos sa langit at sa lupa ay pinag-alinlanganan. (Job 1:6-11; 2:1-5; Luc. 22:31) Madali sanang lipulin ng Diyos ang mga rebelde (sina Satanas, Adan, at Eba) karakaraka, nguni’t hindi nito malulutas ang usapin. Hindi mapatutunayan ng lakas na tama ang katuwiran ng isa. Ang mga isyung ibinangon ay mga moral na isyu. Ang layunin ng Diyos sa pagpapahintulot ng panahon ay hindi sapagka’t may dapat patunayan sa kaniyang sarili, kundi upang makita ng lahat ng mga nilalang na may kalayaang magpasiya ang masamang bunga ng paghihimagsik laban sa kaniyang pamamahala, at gayon din upang bigyan sila ng pagkakataon na ipakita kung ano ang personal nilang paninindigan sa mahahalagang isyung ito. Kapag nalutas na ang mga isyung ito, walang sinoman ang papayagang makapanira sa kapayapaan magpakailanman. Ang magandang kaayusan, pagkakaisa, at kapakanan ng buong sansinukob ay nasasalalay sa pagpapakabanal ng pangalan ni Jehova, sa pag-uukol sa kaniya ng taos-pusong paggalang ng lahat ng matalinong mga nilalang. (Tingnan din ang mga pahinang 397, 398, sa ilalim ng pamagat na “Satanas na Diyablo.”)
Paglalarawan: Kung may nagbintang sa harap ng buong komunidad na inaabuso mo ang iyong tungkulin bilang ulo ng pamilya, na magiging mas maligaya ang mga anak mo kung sila na ang magpapasiya sa kanilang sarili sa halip na sumunod sa iyo, at na lahat sila ay sumusunod sa iyo, hindi dahil sa pag-ibig, kundi dahil sa materyal na pakinabang na inilalaan mo, ano ang pinakamabuting paraan upang lutasin ang suliranin? Kung babarilin mo ang nagbibintang matatapos ba ang problema sa isip ng mga taong bayan? Sa halip, anong inam na sagot ang maibibigay kung bibigyan mo ng pagkakataon ang iyong mga anak na maging saksi mo upang ipakita na ikaw ay isang matuwid at maibiging ulo ng pamilya at na sila’y nakikisama sa iyo sapagka’t mahal ka nila! Kung may ilan sa anak mo na naniwala sa kalaban mo, umalis sa tahanan mo, at sinira ang kanilang buhay dahil sa pagsunod sa maling paraan ng pamumuhay, lalong makikita ng tapat na mga nagmamasid na ang mga anak na ito ay naging maligaya sana kung sinunod nila ang iyong patnubay.
Nakinabang ba tayo dahil sa pagpapahintulot ng Diyos sa kabalakyutan magpahanggang sa ngayon?
2 Ped. 3:9: “Hindi mapagpaliban si Jehova tungkol sa kaniyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagka’t hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak kundi ang lahat ay magsipagsisi.” (Dahil sa ang pagtitiis niya’y umabot hanggang sa kaarawan natin, may pagkakataon tayong ipakita na tayo’y nagsisisi at na, sa halip na gumawa ng sariling pasiya hinggil sa mabuti at masama, ibig nating magpasakop sa matuwid na pamamahala ni Jehova.)
Roma 9:14-24: “Ano kung gayon ang ating sasabihin? Mayroon baga kayang kalikuan sa Diyos? Huwag nawang mangyari! . . . Ano kung ang Diyos, bagama’t kaya niyang ihayag ang kaniyang kagalitan at ipakita ang kaniyang kapangyarihan, ay nagtiis ng malaking pagpapahinuhod sa mga sisidlan ng galit na karapatdapat sa pagkapuksa [alalaong baga’y, pinagtiisan niya pansamantala ang mga balakyot], upang maipakilala ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na kaniyang inihanda nang una pa sa kaluwalhatian [alalaong baga’y, gagamitin niya ang panahon upang magpakita ng awa sa ilan, sang-ayon sa kaniyang layunin], maging sa atin na kaniya namang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil?” (Kaya ipinagpaliban ng Diyos ang pagpuksa sa mga balakyot upang maglaan ng panahon sa pagpili ng mga tao na kaniyang luluwalhatiin kasama ni Kristo bilang miyembro ng makalangit na Kaharian. Ang paraan bang ito ng Diyos ay nagdulot ng kawalang-katarungan kaninoman? Hindi; ito’y bahagi ng kaayusan ni Jehova upang pagpalain ang lahat ng uri ng mga tao na pagkakalooban ng pagkakataon upang mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa. Ihambing ang Awit 37:10, 11.)
Kung May Magsasabi—
‘Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kabalakyutan?’
Maaari kayong sumagot: ‘Maganda ang tanong ninyo. Maraming tapat na mga lingkod ng Diyos ang nababahala dahil sa kasamaang nakapalibot sa kanila. (Hab. 1:3, 13)’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Hindi ito pagwawalang-bahala sa bahagi ng Diyos. Tinitiyak niya sa atin na mayroon siyang takdang panahon upang papagsulitin ang mga balakyot. (Hab. 2:3)’ (2) ‘Nguni’t ano ang dapat nating gawin upang mapabilang sa mga maliligtas pagsapit ng panahong yaon? (Hab. 2:4b; Zef. 2:3)’
O maaari ninyong sabihin: ‘Natutuwa ako’t ibinangon ninyo ang tanong na iyan. Bagay iyan na ikinababahala ng maraming tapat-pusong mga tao. Mayroon ako ditong impormasyon na tutulong upang masagot ang tanong ninyo. (Saka basahin ninyong dalawa ang ilan sa impormasyon sa mga pahinang 84-86.)’
‘Sa tinagal-tagal ng panahon, hindi ako naniniwalang may anomang pagbabagong gagawin ang Diyos’
Maaari kayong sumagot: ‘Natutuwa akong malaman na naniniwala kayo sa Diyos. Totoo na napakaraming kasamaan, at nagsimula ito noong una pa, bago tayo naging tao. Nguni’t naisip ba ninyo ito . . . ? (Gamitin ang mga punto sa parapo 1 sa pahina 84, tungkol sa haba ng panahong tiniis ng Diyos ito.)’
O maaari ninyong sabihin: ‘Marahil sang-ayon kayo sa akin na ang sinomang may kakayahang magtayo ng isang bahay ay mayroon ding kakayahang linisin iyon. . . . Yamang nilikha ng Diyos ang lupa, hindi mahirap para sa kaniya na linisin ito. Bakit kaya siya naghintay ng ganitong katagal? Ito ang sagot na nagustuhan ko. Sabihin ninyo sa akin kung ano ang palagay ninyo. (Saka basahin ninyong dalawa ang materyal sa mga pahinang 84-86.)’