Pagkabuhay-Muli
Kahulugan: Ang A·naʹsta·sis, ang Griyegong salita na isinasaling “pagkabuhay-muli,” ay literal na nangangahulugang “pagtayong muli” at tumutukoy sa pagbangon mula sa kamatayan. Ang buong pangungusap na “pagkabuhay-muli ng (mula sa) mga patay” ay paulit-ulit na ginagamit sa mga Kasulatan. (Mat. 22:31; Gawa 4:2; 1 Cor. 15:12) Ang termino sa Hebreo ay techi·yathʹ ham·me·thimʹ, na nangangahulugang “pagsasauli ng mga patay.” (Mat. 22:23, talababa, NW, edisyong may Reperensiya) Ang pagkabuhay-muli ay nangangahulugan na isasauli ang mismong pagkatao ng indibiduwal, na ang pagkataong ito ay iningatan ng Diyos sa kaniyang alaala. Kaayon ng kalooban ng Diyos para sa indibiduwal, ang tao ay ibabalik sa isang katawang tao o espiritu, nguni’t makikilala pa rin siya, sapagka’t nasa kaniya pa rin ang personalidad at mga alaala na taglay niya bago siya namatay. Ang paglalaan ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay ay isang kagilagilalas na kapahayagan ng di-na-sana nararapat na awa ni Jehova; itinatampok nito ang kaniyang karunungan at kapangyarihan at nagsisilbing paraan upang maisakatuparan ang orihinal niyang layunin tungkol sa lupa.
Ang pagkabuhay-muli ba’y ang pagsasamang-muli ng isang di-nakikitang kaluluwa at ng pisikal na katawan?
Sabihin pa, upang maging posible ito kailangang may di-nakikitang kaluluwa ang tao na maaaring humiwalay sa pisikal na katawan. Ang gayong bagay ay hindi itinuturo ng Bibliya. Ang ideyang iyon ay hiniram mula sa pilosopiyang Griyego. Ang turo ng Bibliya tungkol sa kaluluwa ay inilalahad sa mga pahina 100-103. Para sa ebidensiya ng pinagmumulan ng paniniwala ng Sangkakristiyanuhan sa isang di-nakikita’t imortal na kaluluwa, tingnan ang mga pahina 104, 105.
Si Jesus ba’y ibinangon na may katawang laman, at taglay pa ba niya ang katawang ito sa langit ngayon?
1 Ped. 3:18: “Si Kristo ay namatay minsan dahil sa mga kasalanan, ang matuwid dahil sa mga di-matuwid, upang tayo’y maakay niya sa Diyos, siya na pinatay sa laman, nguni’t binuhay sa espiritu [“ng Espiritu,” KJ; “sa espiritu,” RS, NE, Dy, JB].” (Nang binuhay si Jesus mula sa mga patay, siya’y ibinangon na may isang katawang espiritu. Ipinakikita ng tekstong Griyego ang pagkakaiba ng “laman” at ng “espiritu,” at parehong nasa dative case ang dalawang salitang ito; kaya, kung gagamitin ng isang tagapagsalin ang pananalitang “ng espiritu” ay dapat din niyang sabihing “ng laman,” o kung ang gagamitin niya ay “sa laman” ay dapat din niyang sabihing “sa espiritu.”)
Gawa 10:40, 41: “Siya [si Jesu-Kristo] ay muling binuhay ng Diyos nang ikatlong araw at siya’y pinagkaloobang mahayag, hindi sa buong bayan, kundi sa mga saksi na hinirang ng Diyos nang una.” (Bakit hindi siya nakita ng iba? Sapagka’t siya’y isang espiritung nilalang at nang siya’y nagkatawang tao upang siya’y makita, tulad ng ginawa ng mga anghel noong una, ginawa niya ito doon lamang sa kaniyang mga alagad.)
1 Cor. 15:45: “Gayundin naman nasusulat: ‘Ang unang taong si Adan ay naging kaluluwang buháy.’ Ang huling Adan [si Jesu-Kristo, na sakdal tulad ni Adan noong nilikha] ay naging espiritung nagbibigay-buhay.”
Ano ang kahulugan ng Lucas 24:36-39 may kaugnayan sa katawang taglay ni Jesus nang siya’y buhaying-muli?
Luc. 24:36-39: “Samantalang pinag-uusapan nila [ng mga alagad] ang mga bagay na ito siya rin ay tumayo sa gitna nila at sa kanila’y nagsabi: ‘Sumainyo ang kapayapaan.’ Datapuwa’t, dahil sa sila’y kinilabutan, at nahintakutan, inakala nila na nakakita sila ng isang espiritu. Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Bakit kayo nababagabag, at bakit nag-aalinlangan kayo sa inyong puso? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga; hipuin ninyo ako at tingnan, sapagka’t ang isang espiritu’y walang laman at mga buto na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.’ ”
Ang mga espiritu ay hindi makikita ng tao, kaya maliwanag na nasa isip ng mga alagad na sila’y nakakita ng isang aparisyon o pangitain. (Ihambing ang Marcos 6:49, 50.) Tiniyak sa kanila ni Jesus na hindi siya isang aparisyon; kanilang nakikita at nasasalat ang kaniyang katawang laman at nahihipo nila ang mga buto niya; kumain din siya habang sila’y naroroon. Tulad din nito, ang mga anghel noong una ay nagkatawang tao upang magpakita sa mga tao; sila’y kumain, at ang ilan sa kanila’y nag-asawa at nagkaanak pa nga. (Gen. 6:4; 19:1-3) Pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, hindi laging nagpakita si Jesus sa gayon ding katawang laman (marahil upang idiin sa kanila na siya’y isang espiritu noon), kung kaya’t hindi siya nakilala agad kahit ng kaniyang matatalik na kasama. (Juan 20:14, 15; 21:4-7) Gayumpaman, sa pamamagitan ng kaniyang paulit-ulit na pagpapakita sa kanila sa mga katawang laman at ng pagsasabi at paggawa ng mga bagay na magpapakilala na siya nga’y si Jesus, pinatibay niya ang kanilang pananampalataya sa bagay na siya’y talagang binuhay-muli mula sa mga patay.
Kung nakita ng mga alagad si Jesus sa mismong katawang taglay niya ngayon sa langit, hindi sana tinukoy ni Pablo ang niluwalhating Kristo bilang “ang tunay na larawan ng mismong persona [ng Diyos],” sapagka’t ang Diyos ay isang Espiritu at kailanma’y hindi naging laman.—Heb. 1:3; ihambing ang 1 Timoteo 6:16.
Pagka ating binabasa ang ulat ng mga pagpapakita ni Jesus pagkatapos siyang buhaying-muli, tayo’y matutulungang magkaroon ng wastong pagkaunawa sa mga ito kung ating isasaisip ang 1 Pedro 3:18 at 1 Corinto 15:45, na sinipi sa pahina 273.
Tingnan din ang mga pahina 206, 207, sa ilalim ng “Jesu-Kristo.”
Sinu-sino ang bubuhaying-muli upang makibahagi sa makalangit na buhay kasama ni Kristo, at ano ang kanilang gagawin doon?
Luc. 12:32: “Huwag kayong mangatakot, munting kawan, sapagka’t nakalulugod na mainam sa inyong Ama na sa inyo’y ibigay ang kaharian.” (Hindi lahat ng mga sumasampalataya ay kabilang dito; limitado lamang ang bilang nila. May layunin ang kanilang pagparoon sa langit.)
Apoc. 20:4, 6: “Nakakita ako ng mga luklukan, at may mga nagsisiluklok sa mga ito, at ipinagkaloob sa kanila ang kapangyarihang humatol. . . . Maligaya at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay-muli; sa mga ito’y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan, kundi sila’y magiging mga saserdote ng Diyos at ni Kristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.”
Tingnan din ang mga pahina 220-227, sa paksang “Langit.”
Ang mga ibabangon ba tungo sa makalangit na buhay ay magtataglay ng niluwalhating mga katawang laman?
Fil. 3:20, 21: “Ang Panginoong Jesu-Kristo . . . ay magbabago ng ating hamak na katawan upang maging katulad ng kaniyang maluwalhating katawan ayon sa pagkilos ng kapangyarihang taglay niya.” (Nangangahulugan ba ito na ang kanilang katawang laman ang siyang luluwalhatiin sa langit? O ang ibig bang sabihin ay na, sa halip na isang hamak na katawang laman, sila’y pagkakalooban ng isang maluwalhating katawang espiritu kapag ibinangon tungo sa makalangit na buhay? Hayaang sumagot ang susunod na teksto.)
1 Cor. 15:40, 42-44, 47-50: “Mayroon namang mga katawang ukol sa langit, at mga katawang ukol sa lupa; datapuwa’t iba ang kaluwalhatian ng ukol sa langit, at iba naman ang ukol sa lupa. Gayon din naman ang pagkabuhay-muli ng mga patay. . . . Inihahasik na may katawang pisikal, binubuhay na may katawang espirituwal. . . . Ang unang tao [si Adan] ay taga-lupa at yari sa alabok; ang ikalawang tao [si Jesu-Kristo] ay taga-langit. Kung ano ang isa na yari sa alabok, ay gayon din naman silang mga yari sa alabok; at kung ano ang isa na taga-langit, ay gayon din naman silang mga ukol sa langit. At kung paanong tinaglay natin ang larawan ng isa na yari sa alabok, ay tataglayin din naman natin ang larawan ng isa na taga-langit. Gayumpaman, ito ang sinasabi ko, mga kapatid, na ang laman at dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Diyos.” (Dito ay hindi ipinahihintulot ang anomang pagsasama ng dalawang uri ng katawan o ang pagdadala sa langit ng katawang laman.)
Papaano ipinaghalimbawa ni Jesus kung ano ang magiging kahulugan ng pagkabuhay-muli para sa sangkatauhan sa pangkalahatan?
Juan 11:11, 14-44: “[Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad:] ‘Si Lazaro na ating kaibigan ay nagpahinga na, subali’t ako’y paroroon upang gisingin siya sa pagkakatulog.’ . . . Sinabi ni Jesus sa kanila nang buong-linaw: ‘Si Lazaro ay namatay.’ . . . Nang dumating si Jesus, ay naratnan niyang apat na araw na siya [si Lazaro] sa libingan. . . . Sinabi sa kaniya [kay Marta, kapatid ni Lazaro] ni Jesus: ‘Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay.’ . . . Siya’y sumigaw ng malakas na tinig: ‘Lazaro, lumabas ka!’ Siya na patay ay lumabas na natatalian ang mga kamay at mga paa ng mga kayong panglibing, at ang kaniyang mukha ay nababalot ng isang panyo. Sinabi sa kanila ni Jesus: ‘Kalagan ninyo siya, at bayaan siyang yumaon.’ ” (Kung si Lazaro ay nagtatamasa ng kaligayahan sa kabilang buhay nang siya’y tawagin ni Jesus, hindi ito magiging kagandahang-loob sa kaniya. Nguni’t ang pagbabangon ni Jesus kay Lazaro mula sa walang-buhay na kalagayan ay kagandahang-loob kapuwa sa kaniya at sa kaniyang mga kapatid. Muli na namang naging nabubuhay na tao si Lazaro.)
Mar. 5:35-42: “May nagsidating na galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga na nagsasabi: ‘Patay na ang anak mong babae! Bakit mo pa binabagabag ang guro?’ Datapuwa’t nang marinig ito, sinabi ni Jesus sa pinuno ng sinagoga: ‘Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.’ . . . Isinama niya ang ama at ina ng bata at ang kaniyang mga kasamahan, at pumasok sa kinaroroonan ng bata. At, pagkahawak niya sa kamay ng bata, ay sinabi niya sa kaniya: ‘Talʹi·tha cuʹmi,’ na kung isasalin ay: ‘Dalaga, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka!’ At pagdaka’y nagbangon ang dalaga at nagsimulang lumakad, sapagka’t siya’y may labindalawang taon na. At pagdaka’y nakadama sila ng walang kahulilip na kagalakan.” (Kapag naganap na ang pangkalahatang pagkabuhay-muli sa lupa sa panahon ng Sanlibong Taong Paghahari ni Kristo, tiyak na milyun-milyong mga magulang at ang mga supling nila ang makadadama ng walang kahulilip na kagalakan sa muli nilang pagsasama.)
Ano ang mga maaasahan niyaong bubuhaying-muli sa lupa?
Luc. 23:43: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Kakasamahin kita sa Paraiso.” (Ang buong lupa ay gagawing paraiso sa ilalim ng pamamahala ni Kristo bilang Hari.)
Apoc. 20:12, 13: “Nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nakatayo sa harapan ng luklukan, at nabuksan ang mga balumbon. Datapuwa’t ibang balumbon ang nabuksan; ito ang balumbon ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan batay sa mga bagay na nasusulat sa mga balumbon ayon sa kanilang mga gawa. . . . Sila’y hinatulan bawa’t isa ayon sa kani-kaniyang mga gawa.” (Ang pagbubukas sa mga balumbon ay nagpapahiwatig na magkakaroon ng isang panahon ng edukasyon sa kalooban ng Diyos, kaayon ng Isaias 26:9. Ang bagay na bubuksan ang “balumbon ng buhay” ay nagpapakita na yaong mga makikinig sa edukasyong iyon ay may pagkakataong maisulat ang kanilang pangalan sa balumbong iyon. Ang naghihintay sa kanila ay ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa kasakdalang-tao.)
Tingnan din ang mga pahina 88-93, sa ilalim ng “Kaharian.”
Ang ilan ba ay bubuhayin upang hatulan lamang ng ikalawang kamatayan?
Ano ang kahulugan ng Juan 5:28, 29? Ito’y nagsasabi: “Lahat niyaong nasa alaalang libingan ay makaririnig sa kaniyang tinig at magsisilabas, yaong mga nagsigawa ng mabuti ay sa pagkabuhay-muli sa buhay, yaong nagsigawa ng masama ay sa pagkabuhay-muli sa paghatol.” Ang sinabi ni Jesus dito ay kailangang unawain sa liwanag ng kapahayagan niya kay Juan nang dakong huli. (Tingnan ang Apocalipsis 20:12, 13, na sinipi sa itaas.) Ang dating gumagawa ng mabuti at ang dating gumagawa ng masama ay kapuwa hahatulan “bawa’t isa ayon sa kani-kaniyang mga gawa.” Anong mga gawa? Kung sasabihin natin na ang mga tao ay hahatulan batay sa dati nilang ginawa noong sila’y nabubuhay, hindi ito magiging kaayon ng Roma 6:7: “Ang namatay ay pinalaya na sa kasalanan.” Hindi rin magiging makatuwiran kung bubuhayin ang mga tao upang lipulin lamang sila. Kaya, sa Juan 5:28, 29a, si Jesus ay tumutukoy sa pagkabuhay-muli; pagkatapos, sa huling bahagi ng Ju 5 talata 29, sinasabi niya kung ano ang magiging kalalabasan pagsapit nila sa kasakdalang-tao at sila’y hinatulan na.
Ano ang ipinahihiwatig ng Apocalipsis 20:4-6 tungkol sa mga bubuhaying-muli sa lupa?
Apoc. 20:4-6: “Nakakita ako ng mga luklukan, at may mga nagsisiluklok sa mga ito, at ipinagkaloob sa kanila ang kapangyarihang humatol. Oo, nakita ko ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa pagpapatotoo nila kay Jesus at pagsasalita tungkol sa Diyos . . . At sila’y nangabuhay at nagsipagharing kasama ni Kristo sa loob ng isang libong taon. (Ang iba sa mga patay ay hindi nangabuhay hanggang sa naganap na ang isang libong taon.) Ito ang unang pagkabuhay-muli. Maligaya at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay-muli; sa mga ito’y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan, kundi sila’y magiging mga saserdote ng Diyos at ni Kristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.”
Ginagamit ang mga panaklong sa NW at Mo upang tumulong sa mambabasa na iugnay ang kasunod ng nasa panaklong doon sa sinundan nito. Gaya ng maliwanag na binabanggit, hindi nakikibahagi sa unang pagkabuhay-muli ang “iba sa mga patay.” Ang pagkabuhay-muling ito ay para sa mga maghaharing kasama ni Kristo sa loob ng isang libong taon. Ito ba’y nangangahulugan na walang ibang taong mabubuhay sa panahon ng sanlibong taon kundi yaong mga maghaharing kasama ni Kristo sa langit? Hindi; sapagka’t kung totoo iyan, mangangahulugan na wala silang paglilingkuran bilang mga saserdote, at ang kanilang sakop ay magiging isang tiwangwang na globo.
Sino, kung gayon, ang “iba sa mga patay”? Sila’y yaong lahat sa sangkatauhan na namatay dahil sa kasalanan ni Adan at yaong mga nakatawid sa malaking kapighatian o naipanganak sa panahon ng Milenyo, na kailangang palayain mula sa nakamamatay na epekto ng kasalanang iyon.—Ihambing ang Efeso 2:1.
Sa anong diwa hindi sila “nangabuhay” hanggang sa katapusan ng isang libong taon? Hindi ito tumutukoy sa kanilang pagkabuhay-muli. Ang ‘pagkabuhay’ na ito ay hindi lamang nangangahulugan ng pag-iral nila bilang tao. Ito’y nangangahulugan ng pagkakamit ng kasakdalang-tao, malaya sa lahat ng bakas ng kasalanan ni Adan. Pansinin na ang pananalitang ito sa Apo 20 talatang 5 ay kasunod sa naunang talata na nagsasabi na yaong mga nasa langit ay “nangabuhay” din. Sa kaso nila ito’y tumutukoy sa buhay na malaya sa lahat ng bakas ng kasalanan; sila’y pantanging pinagkalooban din ng pagka-walang kamatayan. (1 Cor. 15:54) Sa kaso ng “iba sa mga patay,” kung gayon, ito’y nangangahulugan ng kaganapan ng buhay sa kasakdalang-tao.
Sinu-sino ang mapapabilang sa makalupang pagkabuhay-muli?
Juan 5:28, 29: “Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagka’t dumarating ang oras na lahat niyaong nasa alaalang libingan ay makaririnig sa kaniyang tinig [tinig ni Jesus] at magsisilabas.” (Ang Griyegong salitang isinaling “alaalang libingan” ay hindi ang pangmaramihang anyo ng taʹphos [libingan, isang indibiduwal na puntod] ni haiʹdes [dako ng mga patay, ang karaniwang libingan ng patay na sangkatauhan] kundi ang pangmaramihang anyong dative ng mne·meiʹon [alaala, alaalang libingan]. Pinatitingkad nito ang pag-iingat sa alaala ng yumao. Ang mga bubuhaying-muli na may pagkakataong mabuhay magpakailanman ay hindi yaong mga nasa Gehenna na pinawi sa alaala dahil sa mga kasalanang walang kapatawaran kundi yaong mga nasa alaala ng Diyos.—Mat. 10:28; Mar. 3:29; Heb. 10:26; Mal. 3:16.)
Gawa 24:15: “May pag-asa ako sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli ng mga matuwid at di-matuwid.” (Kapuwa yaong mga namuhay ayon sa matuwid na daan ng Diyos at yaong nakagawa ng kasamaan dahil sa kawalang-alam, ay bubuhaying-muli. Hindi sinasagot ng Bibliya ang lahat ng ating mga katanungan kung baga ang ilang mga indibiduwal na namatay ay bubuhaying-muli. Nguni’t matitiyak natin na ang Diyos, na may kabatiran sa lahat ng bagay, ay kikilos nang walang pagtatangi, taglay ang katarungan na hinaluan ng awa na hindi nagwawalang-bahala sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. Ihambing ang Genesis 18:25.)
Apoc. 20:13, 14: “Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at sila’y hinatulan bawa’t isa ayon sa kani-kaniyang mga gawa. At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, ang dagatdagatang apoy.” (Kaya, yaong mga namatay bunga ng kasalanan ni Adan ay bubuhaying-muli, sila man ay nailibing sa dagat o sa Hades, ang karaniwang makalupang libingan ng patay na sangkatauhan.)
Tingnan din ang paksang “Kaligtasan.”
Kung may bilyun-bilyon na bubuhayin mula sa mga patay, saan sila maninirahan?
Ang pinakamataas na kalkulasyon sa bilang ng mga taong nabuhay sa lupa mula noon hanggang ngayon ay 20,000,000,000. Gaya ng atin nang nakita, hindi lahat ng mga ito ay bubuhaying-muli. Nguni’t, kahit na ipagpalagay natin na lahat ay bubuhayin, magiging maluwag pa rin ang lupa para sa kanila. Ang kabuuan ng lupang katihan sa kasalukuyan ay mga 57,000,000 milyang kuwadrado (147,600,000 kilometrong kuwadrado). Kung ang kalahati nito ay ibubukod sa ibang layunin, magkakaroon pa rin ng kulang-kulang sa isang acre (mga 0.37 ektarya) ang bawa’t tao, na makapaglalaan ng labis-labis na pagkain. Ang sanhi ng mga kakapusan ng pagkain sa kasalukuyan ay hindi ang kawalang-kakayahan ng lupa na maglaan ng sapat kundi, sa halip, ang makapolitikang paglalaban-laban at ang kasakiman sa pangangalakal.
Tingnan din ang pahina 231, sa paksang “Lupa.”