KABANATA 26
Isang Diyos na “Handang Magpatawad”
1-3. (a) Anong mabigat na pasanin ang dala ng salmistang si David, at paano siya nakasumpong ng kaaliwan para sa kaniyang nababagabag na puso? (b) Kapag tayo’y nagkakasala, anong pasanin ang maaaring dala natin, subalit ano ang tinitiyak sa atin ni Jehova?
“LAMPAS-ULO na ang mga pagkakamali ko,” isinulat ng salmistang si David. “Gaya ng mabigat na pasan, hindi ko na kayang dalhin ang mga ito. Namanhid ako at lubos na nadurog.” (Awit 38:4, 8) Batid ni David kung gaano kabigat ang pasaning dinadala ng isang inuusig ng konsensiya. Subalit nakasumpong siya ng kaaliwan para sa kaniyang nababagabag na puso. Naunawaan niya na bagaman napopoot si Jehova sa kasalanan, hindi Siya napopoot sa nagkasala kung talagang pinagsisisihan at itinatakwil ng isang iyon ang kaniyang makasalanang landasin. Taglay ang ganap na pagtitiwala sa pagiging handa ni Jehova na lawitan ng awa ang mga nagsisisi, sinabi ni David: “Ikaw, O Jehova, ay . . . handang magpatawad.”—Awit 86:5.
2 Kapag tayo’y nagkakasala, tayo rin ay maaaring makaranas ng napakabigat na pasanin ng isang nasaktang konsensiya. Ang ganitong marubdob na pagsisisi ay may dulot na kabutihan. Mauudyukan tayo nito na gumawa ng positibong hakbang upang ituwid ang ating mga pagkakamali. Gayunman, mapanganib din kung sobra na ang panunumbat ng ating konsensiya. Baka igiit ng ating umuusig na puso na hindi na tayo mapatatawad ni Jehova, gaano mang pagsisisi ang gawin natin. Kapag tayo’y ‘nadaig ng sobrang kalungkutan,’ baka maudyukan tayo ni Satanas na sumuko na at isiping tayo’y walang halaga kay Jehova, anupat hindi na karapat-dapat maglingkod sa kaniya.—2 Corinto 2:5-11.
3 Ganiyan nga ba ang tingin ni Jehova sa mga bagay-bagay? Hindi! Ang pagpapatawad ay isang pitak ng dakilang pag-ibig ni Jehova. Sa kaniyang Salita, tinitiyak niya sa atin na kapag tayo’y nagpapamalas ng tunay at taimtim na pagsisisi, handa siyang magpatawad. (Kawikaan 28:13) Upang maiwasan ang pag-aakalang hindi na natin kailanman makakamit ang kapatawaran ni Jehova, suriin natin kung bakit at kung paano siya nagpapatawad.
Kung Bakit si Jehova ay “Handang Magpatawad”
4. Ano ang inaalaala ni Jehova tungkol sa ating kayarian, at paano ito nakaaapekto sa paraan ng kaniyang pakikitungo sa atin?
4 Batid ni Jehova ang ating mga limitasyon. “Alam na alam niya ang pagkakagawa sa atin; inaalaala niyang tayo ay alabok,” ang sabi sa Awit 103:14. Hindi niya kinalilimutang tayo’y nilalang mula sa alabok, na marupok, o mahina, dahil sa pagiging di-perpekto. Ang pananalitang nalalaman niya ang “pagkakagawa sa atin” ay nagpapaalaala sa atin na itinutulad ng Bibliya si Jehova sa isang magpapalayok at tayo naman ay sa mga sisidlang luwad na kaniyang hinuhubog. (Jeremias 18:2-6) Ibinabagay ng Dakilang Magpapalayok ang kaniyang pakikitungo sa atin batay sa ating likas na pagiging marupok bilang makasalanan at sa paraan ng ating pagtugon o di-pagtugon sa kaniyang patnubay.
5. Paano inilalarawan ng aklat ng Roma ang makapangyarihang pagkakahawak ng kasalanan?
5 Nauunawaan ni Jehova kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng kasalanan. Ang kasalanan ay inilalarawan ng kaniyang Salita bilang isang makapangyarihang puwersa na ang pagkakahawak sa mga tao ay napakahigpit at nakamamatay. Gaano nga ba kahigpit ang pagkakahawak ng kasalanan? Sa aklat ng Roma, ipinaliwanag ni apostol Pablo: Tayo ay “nasa ilalim ng kasalanan,” kung paanong ang mga sundalo ay nasa ilalim ng kanilang kumandante (Roma 3:9); ang kasalanan ay ‘naghahari’ sa sangkatauhan (Roma 5:21); ito’y ‘nasa atin’ (Roma 7:17, 20); ang “kautusan” nito ay patuloy na umuugit sa atin, anupat sa diwa ay nagsisikap na kumontrol sa ating landasin. (Roma 7:23, 25) Talagang napakahigpit ng pagkakahawak ng kasalanan sa ating makasalanang laman!—Roma 7:21, 24.
6, 7. (a) Paano itinuturing ni Jehova ang mga humihiling ng kaniyang awa taglay ang nagsisising puso? (b) Bakit hindi natin dapat pagsamantalahan ang awa ni Jehova?
6 Kaya naman alam ni Jehova na ang ganap na pagsunod ay imposible para sa atin, gaano man kataimtim ang ating paghahangad na maidulot ito sa kaniya. Maibigin niyang tinitiyak sa atin na kapag humiling tayo ng kaniyang awa taglay ang nagsisising puso, ilalawit niya ang kapatawaran. Ang Awit 51:17 ay nagsasabi: “Ang handog na nakalulugod sa Diyos ay isang bagbag na puso; ang pusong wasak at durog, O Diyos, ay hindi mo itatakwil.” Hindi kailanman tatanggihan o tatalikuran ni Jehova ang isang pusong “wasak at durog” dahil sa bigat ng panunumbat ng konsensiya.
7 Kung gayon, nangangahulugan bang maaari na nating pagsamantalahan ang awa ng Diyos, anupat ginagawang dahilan ng pagkakasala ang ating likas na pagiging makasalanan? Hinding-hindi! Si Jehova ay hindi nadadala ng basta emosyon lamang. May hangganan din ang kaniyang awa. Hinding-hindi niya patatawarin yaong matitigas ang puso na sinasadyang mamihasa sa kasalanan at hindi kinakikitaan ng pagsisisi. (Hebreo 10:26) Sa kabilang dako, kapag nakakakita siya ng pusong nagsisisi, handa siyang magpatawad. Isaalang-alang natin ngayon ang ilan sa madamdaming salita na ginamit sa Bibliya upang ilarawan ang kahanga-hangang pitak na ito ng pag-ibig ni Jehova.
Gaano Kalubos ang Pagpapatawad ni Jehova?
8. Sa diwa, ano ang ginagawa ni Jehova kapag pinatatawad niya ang ating mga kasalanan, at anong pagtitiwala ang ibinibigay nito sa atin?
8 Ang nagsisising si David ay nagsabi: “Sa wakas ay ipinagtapat ko sa iyo ang kasalanan ko; hindi ko itinago ang pagkakamali ko. . . . At pinatawad mo ang mga pagkakamali ko.” (Awit 32:5) Ang terminong “pinatawad” ang siyang pagkasalin sa isang salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay “buhatin” o “dalhin.” Ang pagkagamit dito ay nangangahulugang alisin ang “panunumbat ng konsensiya, kasalanan, pagsalansang.” Kaya sa diwa, binuhat ni Jehova ang mga kasalanan ni David at inilayo ang mga ito. Walang pagsalang naibsan nito ang panunumbat ng konsensiya na nagpapahirap kay David. (Awit 32:3) Tayo man ay lubos na makapagtitiwala sa isang Diyos na naglalayo ng mga kasalanan niyaong mga humihiling ng kaniyang kapatawaran salig sa kanilang pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus.—Mateo 20:28.
9. Hanggang saan inilalayo ni Jehova mula sa atin ang ating mga kasalanan?
9 Si David ay gumamit ng isa pang matingkad na halimbawa upang ilarawan ang pagpapatawad ni Jehova: “Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw, gayon niya inilalayo sa atin ang mga kasalanan natin.” (Awit 103:12) Sumisikat ang araw sa silangan at lumulubog naman ito sa kanluran. Gaano ba kalayo ang silangan mula sa kanluran? Sa diwa, ang silangan ay palaging nasa pinakamalayong distansiya na maaaring isipin mula sa kanluran; ang dalawang dulong ito ay hindi kailanman magkakatagpo. Sinasabi ng isang iskolar na ang pananalitang ito ay nangangahulugang “sa pinakamalayo hangga’t maaari; sa pinakamalayong maiisip natin.” Ipinasulat ni Jehova kay David ang mga salitang ito para ipaalám sa atin na kapag nagpapatawad si Jehova, inilalayo niya sa atin ang ating mga kasalanan sa pinakamalayong maiisip natin.
10. Kapag pinatawad na ni Jehova ang ating mga kasalanan, bakit hindi natin dapat isipin na ang mantsa ng gayong mga kasalanan ay nananatiling taglay natin habambuhay?
10 Nasubukan mo na bang mag-alis ng mantsa sa isang puting damit? Marahil sa kabila ng lahat ng iyong pagsisikap, halata pa rin ang mantsa nito. Pansinin kung paano inilalarawan ni Jehova kung gaano kalawak ang kaniyang pagpapatawad: “Kahit na ang mga kasalanan ninyo ay gaya ng iskarlata, mapapuputi ang mga ito na gaya ng niyebe; kahit na simpula ang mga ito ng telang krimson, magiging simputi ng lana ang mga ito.” (Isaias 1:18) Ang salitang “iskarlata” ay nagpapahiwatig ng isang matingkad na kulay pula.a Ang krimson ay isa ring kulay na pulang-pula na madalas na ginagamit na pangkulay ng damit. (Nahum 2:3) Hindi natin kailanman maaalis ang mantsa ng kasalanan sa pamamagitan ng ating sariling pagsisikap. Subalit kayang alisin ni Jehova ang mga kasalanan na gaya ng iskarlata at krimson at paputiin ang mga ito na gaya ng niyebe o di-tininaang lana. Kapag pinatawad na ni Jehova ang ating mga kasalanan, hindi natin kailangang isipin na ang mantsa ng gayong mga kasalanan ay nananatiling taglay natin habambuhay.
11. Sa anong diwa itinatapon ni Jehova ang ating mga kasalanan sa kaniyang likuran?
11 Sa nakaaantig na awit ng pasasalamat na nilikha ni Hezekias matapos na siya’y iligtas sa isang nakamamatay na sakit, sinabi niya kay Jehova: “Itinapon mo sa likuran mo ang lahat ng kasalanan ko.” (Isaias 38:17) Dito ay inilalarawan si Jehova na kinukuha niya ang mga kasalanan ng isang nagsisising nagkasala at itinatapon sa Kaniyang likuran kung saan ang mga ito ay hindi na Niya makikita ni mapapansin man. Ayon sa isang reperensiya, ang ideyang ipinahihiwatig ay maipahahayag nang ganito: “Napangyari mo [ang aking mga kasalanan] na para bang hindi ko ginawa ang mga ito.” Hindi ba’t nakapagpapalakas iyan ng loob?
12. Paano ipinapakita ng propetang si Mikas na kapag si Jehova ay nagpapatawad, permanente Niyang inaalis ang ating mga kasalanan?
12 Ipinahayag ng propetang si Mikas ang kaniyang pananalig na patatawarin ni Jehova ang kaniyang nagsisising bayan: “Sino ang Diyos na tulad mo, [na] nagpapalampas ng kasalanan ng nalabi sa kaniyang mana? . . . Ihahagis mo sa kalaliman ng dagat ang lahat ng kanilang kasalanan.” (Mikas 7:18, 19) Isip-isipin na lamang ang kahulugan ng mga salitang iyon sa mga nabubuhay noong panahon ng Bibliya. May pag-asa pa bang makuhang muli ang isang bagay na naihagis na “sa kalaliman ng dagat”? Kung gayon, ipinapakita ng mga salita ni Mikas na kapag si Jehova ay nagpapatawad, permanente niyang inaalis ang ating mga kasalanan.
13. Ano ang kahulugan ng mga salita ni Jesus na “patawarin mo kami sa mga kasalanan namin”?
13 Ginamit ni Jesus ang kaugnayan ng nagpapautang at ng umuutang upang ilarawan ang pagpapatawad ni Jehova. Hinimok tayo ni Jesus na manalangin: “Patawarin mo kami sa mga kasalanan [o, “utang”] namin.” (Mateo 6:12; talababa) Kung gayon, itinulad ni Jesus ang kasalanan sa utang. (Lucas 11:4, talababa) Kapag tayo’y nagkakasala, “nagkakautang” tayo kay Jehova. Ayon sa isang reperensiyang akda, ang pandiwang Griego na isinaling “patawarin” ay nangangahulugang “kalimutan o hayaan ang pagkakautang at huwag na itong singilin.” Sa diwa, kapag si Jehova ay nagpapatawad, hindi na niya pinababayaran ang utang natin. Kaya naman nakaaaliw ito sa mga nagsisising nagkasala. Hindi na kailanman sisingilin ni Jehova ang pautang na kinansela na niya!—Awit 32:1, 2.
14. Ang pandiwang Griego na ginamit sa Gawa 3:19 ay nagpapasok ng anong ideya sa ating isip?
14 Sinasabi sa Gawa 3:19: “Magsisi kayo at manumbalik para mapatawad ang inyong mga kasalanan.” Ang salitang iyan na “mapatawad” ang siyang pagkasalin sa pandiwang Griego na maaaring mangahulugang “burahin, . . . kanselahin o wasakin.” Ayon sa ilang iskolar, ang ideyang ipinapakita dito ay gaya ng sa pagbubura ng sulat-kamay. Paano ito naging posible? Ang tintang karaniwang ginagamit noong sinaunang panahon ay gawa sa pinaghalong karbon, kola, at tubig. Di-nagtatagal pagkatapos sumulat na gamit ang gayong tinta, ang isang tao ay maaaring kumuha ng isang basang espongha at burahin ang sulat. Nakikita riyan ang isang magandang larawan ng awa ni Jehova. Kapag nagpapatawad siya ng ating mga kasalanan, para bang kumukuha siya ng isang espongha at binubura niya ang mga ito.
15. Ano ang nais ipaalám ni Jehova sa atin tungkol sa kaniya?
15 Kapag binubulay-bulay natin ang iba’t ibang ilustrasyong ito, hindi ba’t maliwanag na nais ipaalám sa atin ni Jehova na talagang handa siyang magpatawad sa ating mga kasalanan hangga’t nakikita niyang tayo’y taimtim na nagsisisi? Hindi tayo kailangang matakot na sisingilin niya sa atin sa hinaharap ang gayong mga kasalanan. Ipinapakita ito ng isa pang bagay na isinisiwalat ng Bibliya tungkol sa dakilang awa ni Jehova: Kapag siya’y nagpapatawad, siya’y lumilimot.
Nais ni Jehova na ipaalám sa atin na siya’y “handang magpatawad”
“Hindi Ko Na Aalalahanin ang Kasalanan Nila”
16, 17. Kapag sinasabi sa Bibliya na kinalilimutan ni Jehova ang ating mga kasalanan, ano ang ibig sabihin nito, at bakit iyan ang sagot mo?
16 Nangako si Jehova hinggil sa mga kabilang sa bagong tipan: “Patatawarin ko ang pagkakamali nila, at hindi ko na aalalahanin ang kasalanan nila.” (Jeremias 31:34) Nangangahulugan ba ito na kapag si Jehova ay nagpatawad ay hindi na niya maaalaala pa ang mga kasalanan? Hindi maaaring magkagayon. Binabanggit sa atin ng Bibliya ang mga kasalanan ng maraming indibidwal na pinatawad ni Jehova, pati na si David. (2 Samuel 11:1-17; 12:13) Maliwanag na nalalaman pa rin ni Jehova ang mga kamaliang nagawa nila. Ang rekord ng kanilang mga kasalanan, gayundin ang kanilang pagsisisi at pagpapatawad ng Diyos, ay iningatan para sa ating kapakinabangan. (Roma 15:4) Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng Bibliya nang sabihin nito na hindi na “aalalahanin” ni Jehova ang mga kasalanan niyaong pinatawad na niya?
17 Ang pandiwang Hebreo na isinaling “hindi ko na aalalahanin” ay nagpapahiwatig ng higit pa sa basta paggunita lamang ng nakaraan. Sinasabi ng Theological Wordbook of the Old Testament na kalakip dito “ang karagdagang pahiwatig ng paggawa ng angkop na aksiyon.” Kaya sa diwang ito, ang “aalalahanin” ang kasalanan ay nangangahulugang gagawa ng aksiyon laban sa mga nagkasala. (Oseas 9:9) Ngunit kapag sinabi ng Diyos na “hindi ko na aalalahanin ang kasalanan nila,” tinitiyak niya sa atin na kapag napatawad na niya ang mga nagsisising nagkasala, hindi na niya sila aaksiyunan sa hinaharap dahil sa gayong mga kasalanan. (Ezekiel 18:21, 22) Sa gayon, si Jehova ay lumilimot sa diwa na hindi na niya muli’t muling uungkatin ang ating mga kasalanan upang akusahan o parusahan tayo nang paulit-ulit. Hindi ba’t talagang nakaaaliw malaman na ang ating Diyos ay nagpapatawad at lumilimot?
Kumusta Naman ang mga Ibubunga?
18. Bakit ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugang ang isang nagsisising nagkasala ay ligtas na sa lahat ng ibubunga ng kaniyang maling landasin?
18 Ang pagiging handa bang magpatawad ni Jehova ay nangangahulugang ang isang nagsisising nagkasala ay ligtas na sa lahat ng ibubunga ng kaniyang maling landasin? Hindi. Hindi tayo maaaring magkasala nang hindi ito pinagdurusahan. Sumulat si Pablo: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya.” (Galacia 6:7) Maaaring pagdusahan natin ang mga ibubunga ng ating mga pagkilos. Hindi ito nangangahulugan na matapos tayong patawarin ay pasasapitan pa rin tayo ni Jehova ng kapighatian. Kapag may bumangong problema, hindi dapat isipin ng isang Kristiyano na, ‘Marahil ay pinarurusahan ako ni Jehova dahil sa aking nagawang mga kasalanan.’ (Santiago 1:13) Sa kabilang dako naman, hindi tayo pinoprotektahan ni Jehova sa lahat ng magiging epekto ng ating masasamang pagkilos. Ang diborsiyo, di-inaasahang pagbubuntis, sakit na naisasalin sa pagtatalik, pagkawala ng tiwala o paggalang—lahat ng ito ay maaaring ang malungkot at di-maiiwasang mga bunga ng kasalanan. Alalahanin na kahit napatawad na si David sa kaniyang mga kasalanan may kaugnayan kay Bat-sheba at Uria, hindi pinrotektahan ni Jehova si David mula sa nakapipinsalang mga bunga na idinulot nito.—2 Samuel 12:9-12.
19-21. (a) Paanong ang kautusang nakaulat sa Levitico 6:1-7 ay naging kapaki-pakinabang kapuwa sa biktima at sa nagkasala? (b) Kapag tayo ay nakasakit sa iba dahil sa ating mga kasalanan, nalulugod si Jehova kapag ginagawa natin ang ano?
19 Ang ating mga kasalanan ay maaaring may karagdagan pang ibubunga, lalo na kung may ibang nasaktan sa ating mga ikinilos. Halimbawa, isaalang-alang ang ulat sa Levitico kabanata 6. Tinatalakay rito ng Kautusang Mosaiko ang isang sitwasyon na dito’y malubhang nagkasala ang isang tao dahil sa pag-agaw sa ari-arian ng isang kapuwa Israelita sa pamamagitan ng pagnanakaw, pangingikil, o pandaraya. Pagkatapos ay nagkaila ang nagkasala, anupat buong kapangahasan pa ngang sumumpa nang may kasinungalingan. Ito’y isang kaso ng dalawang tao na magkaiba ang sinasabi. Gayunman, pagkaraan, kinonsiyensiya ang nagkasala at inamin ang kaniyang kasalanan. Upang mapatawad ng Diyos, kailangan muna niyang gawin ang tatlong bagay: ibalik ang kaniyang kinuha, bayaran ang biktima ng 20 porsiyento ng halaga ng ninakaw, at magbigay ng isang lalaking tupa bilang handog para sa pagkakasala. Pagkatapos ay sinabi ng kautusan: “Ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya sa harap ni Jehova, at mapatatawad siya.”—Levitico 6:1-7.
20 Ang kautusang ito ay isang maawaing paglalaan ng Diyos. Nakinabang dito ang biktima, dahil ibinalik na ang ari-arian niya at tiyak na naginhawahan din siya nang sa wakas ay umamin ang nagkasala. Kasabay nito, nakinabang din ang isa na sa dakong huli ay pinakilos ng kaniyang konsensiya na aminin at ituwid ang kaniyang kamalian. Kung hindi niya ginawa ito, hindi siya patatawarin ng Diyos.
21 Bagaman wala na tayo sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang Kautusang iyan ay nagbibigay sa atin ng unawa hinggil sa kaisipan ni Jehova, pati na sa kaniyang pananaw sa pagpapatawad. (Colosas 2:13, 14) Kung tayo’y nakasakit sa iba dahil sa ating mga kasalanan, nalulugod ang Diyos kapag sinisikap nating maituwid ang mali. (Mateo 5:23, 24) Maaaring mangahulugan ito ng pagkilala sa ating kasalanan, pag-amin sa ating pagkakamali, at paghingi pa nga ng tawad sa biktima. Sa gayon ay makadudulog tayo kay Jehova salig sa handog ni Jesus at makatitiyak na tayo’y napatawad na ng Diyos.—Hebreo 10:21, 22.
22. Ano ang maaaring kaakibat ng pagpapatawad ni Jehova?
22 Gaya ng sinumang maibiging magulang, si Jehova ay maaaring magpatawad ngunit may kaakibat itong antas ng disiplina. (Kawikaan 3:11, 12) Baka kailanganing bitiwan ng isang nagsisising Kristiyano ang kaniyang pribilehiyo ng paglilingkod bilang isang elder, ministeryal na lingkod, o buong-panahong ebanghelisador. Baka masakit para sa kaniya na pansamantalang mawalan ng pribilehiyo na lubhang mahalaga sa kaniya. Subalit, ang gayong disiplina ay hindi nangangahulugang hindi siya pinatawad ni Jehova. Dapat nating tandaan na ang disiplina ni Jehova ay katunayan ng kaniyang pag-ibig sa atin. Ang pagtanggap at pagkakapit nito ay para na rin sa ating sariling kabutihan.—Hebreo 12:5-11.
23. Bakit hindi natin dapat isipin kailanman na hindi na tayo maaaring lawitan ng awa ni Jehova, at bakit dapat nating tularan ang kaniyang pagpapatawad?
23 Nakagiginhawa ngang malaman na ang ating Diyos ay “handang magpatawad”! Bagaman tayo’y maaaring nakagagawa ng mga pagkakamali, hindi natin dapat isipin kailanman na hindi na tayo maaaring lawitan ng awa ni Jehova. Kung talagang tayo ay nagsisisi, gumagawa ng hakbang upang maituwid ang mali, at taimtim na nananalangin para sa kapatawaran salig sa ibinuhos na dugo ni Jesus, lubos tayong makapagtitiwala na patatawarin tayo ni Jehova. (1 Juan 1:9) Tularan natin ang kaniyang pagpapatawad sa ating pakikitungo sa isa’t isa. Tutal, kung si Jehova, na hindi nagkakasala, ay buong pag-ibig na nakapagpapatawad sa atin, hindi ba’t nararapat lamang na tayong mga makasalanan ay gumawa rin ng lahat ng ating makakaya upang magpatawaran sa isa’t isa?
a Sinasabi ng isang iskolar na ang iskarlata “ay isang hindi kumukupas, o permanenteng kulay. Hindi ito kayang alisin maging ng hamog, ng ulan, ng paglalaba, ni ng matagal na paggamit.”