APENDISE
Kung Paano Inihula ni Daniel ang Pagdating ng Mesiyas
NABUHAY si propeta Daniel mahigit na 500 taon bago pa isilang si Jesus. Magkagayunman, isiniwalat ni Jehova kay Daniel ang impormasyon na tutulong upang matukoy ang panahon kung kailan papahiran, o hihirangin, si Jesus bilang Mesiyas, o Kristo. Sinabi kay Daniel: “Alamin mo at magkaroon ka ng kaunawaan na mula sa paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider, magkakaroon ng pitong sanlinggo, gayundin ng animnapu’t dalawang sanlinggo.”—Daniel 9:25.
Upang malaman ang panahon ng pagdating ng Mesiyas, kailangan muna nating alamin ang pasimula ng yugto ng panahon na aakay sa pagdating ng Mesiyas. Ayon sa hula, ito ay “mula sa paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem.” Kailan naganap itong “paglabas ng salita”? Ayon sa manunulat ng Bibliya na si Nehemias, lumabas ang salita na muling itayo ang mga pader sa palibot ng Jerusalem “noong ikadalawampung taon ni Artajerjes na hari.” (Nehemias 2:1, 5-8) Pinatutunayan ng mga istoryador na ang taóng 474 B.C.E. ang unang buong taon ni Artajerjes bilang tagapamahala. Kung gayon, ang ika-20 taon ng kaniyang pamamahala ay 455 B.C.E. Ngayon ay alam na natin ang pasimula ng hula ni Daniel tungkol sa Mesiyas, samakatuwid nga, 455 B.C.E.
Binanggit ni Daniel kung kailan matatapos ang yugto ng panahon na umaakay sa pagdating ng “Mesiyas na Lider.” Binanggit ng hula ang “pitong sanlinggo, gayundin [ang] animnapu’t dalawang sanlinggo”—may kabuuang 69 na sanlinggo. Gaano kahaba ang yugtong ito ng panahon? Binanggit ng ilang salin ng Bibliya na ang mga ito ay, hindi mga sanlinggo na may pitong araw, kundi mga sanlinggo ng mga taon. Samakatuwid nga, bawat sanlinggo ay katumbas ng pitong taon. Ang ideyang ito ng mga sanlinggo ng mga taon, o yugto ng panahon na may tigpipitong taon, ay pamilyar sa mga Judio noong sinaunang panahon. Halimbawa, ipinangingilin nila ang taon ng Sabbath tuwing ikapitong taon. (Exodo 23:10, 11) Kung gayon, ang makahulang 69 na sanlinggo ay katumbas ng 69 na yugto ng panahon na may 7 taon bawat isa, o may kabuuang 483 taon.
Ang kailangan na lamang nating gawin ngayon ay magbilang. Kung bibilang tayo mula 455 B.C.E., ang 483 taon ay aakay sa atin sa taóng 29 C.E. Iyan ang eksaktong taon nang si Jesus ay mabautismuhan at maging Mesiyas!a (Lucas 3:1, 2, 21, 22) Hindi ba iyan isang kamangha-manghang katuparan ng hula sa Bibliya?
a Mula 455 B.C.E. hanggang 1 B.C.E. ay 454 na taon. Mula 1 B.C.E. hanggang 1 C.E. ay isang taon (walang taóng zero). At mula 1 C.E. hanggang 29 C.E. ay 28 taon. Kung susumahin ang tatlong bilang na ito, magkakaroon tayo ng kabuuang bilang na 483 taon. Si Jesus ay ‘kinitil,’ o pinatay noong 33 C.E., sa panahon ng ika-70 sanlinggo ng mga taon. (Daniel 9:24, 26) Tingnan ang Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! kabanata 11, at Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 899-901. Ang dalawang publikasyong ito ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova.