KABANATA 2
“Ang Daan at ang Katotohanan at ang Buhay”
1, 2. Bakit imposibleng makalapit kay Jehova kung walang tutulong sa atin, at ano ang ginawa ni Jesu-Kristo para sa atin?
NARANASAN mo na bang maligaw? Baka nagbiyahe ka minsan para dalawin ang isang kaibigan o kamag-anak, pero hindi mo kabisado ang daan. Naligaw ka, kaya huminto ka muna para magtanong. Mabuti na lang may mabait na tao na hindi lang basta nagturo ng direksiyon. Sinabi niya: “Sumunod ka sa akin at ihahatid kita.” Siguradong malaki ang pasasalamat mo sa kaniya!
2 Parang ganiyan ang ginagawa ni Jesu-Kristo para sa atin. Kung walang tutulong sa atin, imposibleng makilala natin ang Diyos at mapalapít sa kaniya. Dahil sa minanang kasalanan at pagiging di-perpekto, naliligaw o “malayo . . . sa buhay na nagmumula sa Diyos” ang mga tao. (Efeso 4:17, 18) Kailangan natin ng tulong para hindi tayo maligaw. Si Jesus ay gaya ng mabait na tao na binanggit kanina. Hindi lang siya basta nagbibigay ng payo at patnubay. Nagbigay rin siya ng huwaran na matutularan natin. Gaya ng nakita natin sa Kabanata 1, inaanyayahan tayo ni Jesus: “Sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita.” (Marcos 10:21) At nagbigay rin siya ng nakakakumbinsing dahilan para tanggapin natin ang paanyayang iyan. Sa isang pagkakataon, sinabi ni Jesus: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Kaya talakayin natin ang ilang dahilan kung bakit ang Anak lang ang tanging paraan para makalapit tayo sa Ama. Pagkatapos, pag-usapan natin kung paanong si Jesus “ang daan at ang katotohanan at ang buhay.”
Isang Napakahalagang Papel sa Layunin ni Jehova
3. Bakit si Jesus lang ang tanging paraan para makalapit tayo sa Diyos?
3 Una sa lahat, si Jesus lang ang tanging paraan para makalapit tayo sa Diyos. Sa kaniya ibinigay ni Jehova ang pinakamahalagang papel para matupad ang lahat ng layunin Niya.a (2 Corinto 1:20; Colosas 1:18-20) Para maunawaan natin ang papel ng Anak, pag-usapan natin ang nangyari sa hardin ng Eden, nang sumama sa rebelyon ni Satanas sina Adan at Eva laban kay Jehova.—Genesis 2:16, 17; 3:1-6.
4. Anong isyu ang ibinangon ng rebelyon sa Eden, at ano ang ipinasiyang gawin ni Jehova para malutas ang isyu?
4 Ang rebelyon sa Eden ay nagbangon ng isang isyu na nagsasangkot sa lahat ng nilalang ng Diyos: Talaga bang makikita sa lahat ng ginagawa ni Jehova na siya ay banal, mabuti, matuwid, at mapagmahal? Para masagot ang napakahalagang isyung ito, ipinasiya ni Jehova na isang perpekto at espiritung anak niya ang kailangang bumaba sa lupa. Napakahalaga ng gagawin ng anak ni Jehova. Kailangang ibigay ng anak na ito ang buhay niya para pabanalin ang pangalan ng kaniyang Ama at maging pantubos para iligtas ang mga tao. Kailangang niyang manatiling tapat hanggang kamatayan para malutas ang lahat ng problemang resulta ng pagrerebelde ni Satanas. (Hebreo 2:14, 15; 1 Juan 3:8) Pero may milyon-milyong perpekto at espiritung anak si Jehova. (Daniel 7:9, 10) Sino ang pinili niya para isakatuparan ang napakahalagang atas na ito? Pinili ni Jehova ang kaniyang “kaisa-isang Anak,” na nakilala bilang si Jesu-Kristo.—Juan 3:16.
5, 6. Paano ipinakita ni Jehova na nagtitiwala siya sa kaniyang Anak, at ano ang basehan ng pagtitiwala niya?
5 Dapat ba nating ipagtaka na siya ang pinili ni Jehova? Hindi! Lubusang nagtitiwala ang Ama sa kaniyang kaisa-isang Anak. Daan-daang taon bago dumating ang kaniyang Anak sa lupa, inihula ni Jehova na mananatili itong tapat kahit maranasan nito ang lahat ng uri ng pagdurusa. (Isaias 53:3-7, 10-12; Gawa 8:32-35) Isip-isipin kung ano ang ibig sabihin niyan. May kalayaang magpasiya ang Anak, gaya ng lahat ng iba pang matalinong nilalang. Pero nagtitiwala si Jehova sa kaniyang Anak at inihula niyang mananatili itong tapat. Ano ang basehan ng pagtitiwala ni Jehova? Kilalang-kilala ni Jehova ang kaniyang Anak at alam niya na gustong-gusto nito na mapasaya siya. (Juan 8:29; 14:31) Mahal ng Anak ang kaniyang Ama, at mahal din ni Jehova ang Kaniyang Anak. (Juan 3:35) Ang pag-ibig ng Ama at ng Anak sa isa’t isa ay naging isang di-nasisirang buklod ng pagkakaisa at pagtitiwala.—Colosas 3:14.
6 Talagang napakahalaga ng papel ng Anak! Nagtitiwala si Jehova sa kaniyang Anak at mahal nila ang isa’t isa. Hindi nga kataka-takang isipin na si Jesus lang ang tanging paraan para makalapit tayo sa Diyos! Pero may isa pang dahilan kung bakit ang Anak lang ang makakatulong para mapalapít tayo sa Ama.
Ang Anak Lang ang Lubos na Nakakakilala sa Ama
7, 8. Bakit tama lang na sabihin ni Jesus na walang lubos na nakakakilala sa Ama “kundi ang Anak”?
7 May mga dapat tayong gawin para maging kaibigan ni Jehova. (Awit 15:1-5) Si Jesus lang na Anak ng Diyos ang lubos na nakakaalam kung ano ang kailangan nating gawin para masunod ang pamantayan ni Jehova at sang-ayunan Niya tayo. Sinabi ni Jesus: “Ang lahat ng bagay ay ibinigay na sa akin ng aking Ama, at walang lubos na nakakakilala sa Anak kundi ang Ama; wala ring lubos na nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustong turuan ng Anak tungkol sa Ama.” (Mateo 11:27) Alamin natin kung bakit tama lang na sabihin ni Jesus na walang sinumang lubos na nakakakilala sa Ama “kundi ang Anak.”
8 Bilang “panganay sa lahat ng nilalang,” may espesyal na kaugnayan ang Anak kay Jehova. (Colosas 1:15) Isipin ang malapít na ugnayang nabuo sa pagitan ng Ama at ng Anak sa loob ng napakahabang panahon nang dadalawa pa lang sila—mula sa pasimula ng paglalang hanggang sa likhain ang iba pang espiritung nilalang. (Juan 1:3; Colosas 1:16, 17) Isipin din ang pagkakataon ng Anak na matutuhan ang mga kaisipan, kalooban, pamantayan, at pakikitungo ng kaniyang Ama. Kaya talagang masasabi natin na walang higit na nakakakilala sa Ama kundi si Jesus. Tiyak na dahil sa pagiging malapít nila sa isa’t isa, naipakilala ni Jesus ang kaniyang Ama sa mga tao sa paraang hindi magagawa ng iba.
9, 10. (a) Sa ano-anong paraan ipinakilala ni Jesus ang kaniyang Ama? (b) Ano ang kailangan nating gawin para magkaroon tayo ng mabuting kaugnayan kay Jehova?
9 Makikita sa mga turo ni Jesus na alam na alam niya kung paano mag-isip si Jehova, kung ano ang nararamdaman Niya, at kung ano ang hinihiling Niya sa Kaniyang mga mananamba.b Ipinakilala ni Jesus ang kaniyang Ama sa isa pang natatanging paraan. Sinabi ni Jesus: “Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Lubusang tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama sa lahat ng sinabi at ginawa niya. Kaya kapag may nababasa tayo sa Bibliya tungkol kay Jesus—na matalino siya at mahusay na guro, na naawa siya sa mga tao kaya pinagaling niya sila, na lumuha siya dahil sa pagmamalasakit niya sa iba—maiisip natin na parang si Jehova mismo ang nagsasalita at gumagawa ng mga iyon. (Mateo 7:28, 29; Marcos 1:40-42; Juan 11:32-36) Matututuhan natin ang personalidad at layunin ng Ama sa mga sinabi at ginawa ng Anak. (Juan 5:19; 8:28; 12:49, 50) Kaya para magkaroon tayo ng mabuting kaugnayan kay Jehova, kailangan nating sundin ang mga turo ni Jesus at tularan ang halimbawa niya.—Juan 14:23.
10 Dahil kilalang-kilala ni Jesus si Jehova at lubusan niya Siyang tinutularan, hindi kataka-takang ipasiya ni Jehova na ang Anak ang maging daan para makalapit tayo sa Kaniya. Naunawaan na natin kung bakit si Jesus lang ang tanging paraan para makalapit tayo kay Jehova. Talakayin naman natin ngayon kung ano ang ibig sabihin ng sinabi ni Jesus: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”—Juan 14:6.
“Ako ang Daan”
11. (a) Bakit si Jesus lang ang tanging paraan para magkaroon tayo ng mabuting kaugnayan sa Diyos? (b) Paano idiniriin ng mga pananalita sa Juan 14:6 na naiiba ang posisyon ni Jesus? (Tingnan ang talababa.)
11 Nalaman na natin na walang makalalapit sa Diyos kundi sa pamamagitan ni Jesus. Ano ang kahulugan nito lalo na sa atin? Si Jesus “ang daan” dahil siya lang ang tanging paraan para magkaroon tayo ng mabuting kaugnayan sa Diyos. Bakit? Nanatili siyang tapat hanggang kamatayan, kaya naibigay niya ang kaniyang buhay bilang haing pantubos. (Mateo 20:28) Kung hindi inilaan ang pantubos, imposibleng makalapit tayo sa Diyos. Ang kasalanan ay parang pader na naghihiwalay sa mga tao mula sa Diyos. At dahil banal si Jehova, hindi niya kailanman kukunsintihin ang kasalanan. (Isaias 6:3; 59:2) Pero inalis ng hain ni Jesus ang pader—nailaan nito ang kinakailangang pantakip, o pambayad-sala, sa kasalanan. (Hebreo 10:12; 1 Juan 1:7) Kung mananampalataya tayo sa hain ni Kristo na inilaan ng Diyos, magkakaroon tayo ng mabuting kaugnayan kay Jehova. Ito lang ang tanging paraan para ‘maipagkasundo’ tayo sa Diyos.c—Roma 5:6-11.
12. Si Jesus “ang daan” sa ano-anong diwa?
12 Si Jesus “ang daan” may kaugnayan sa panalangin. Papakinggan lang ni Jehova ang ating taos-pusong mga pakiusap kung mananalangin tayo sa pamamagitan ni Jesus. (1 Juan 5:13, 14) Sinabi mismo ni Jesus: “Kung hihingi kayo sa Ama ng anuman, ibibigay niya iyon sa inyo sa pangalan ko. . . . Humingi kayo, at kayo ay tatanggap, para maging lubos ang kagalakan ninyo.” (Juan 16:23, 24) Kaya sa pangalan ni Jesus, makalalapit tayo kay Jehova sa panalangin at matatawag natin Siyang “Ama.” (Mateo 6:9) Si Jesus “ang daan” sa isa pang diwa—sa pamamagitan ng kaniyang halimbawa. Gaya ng nabanggit na, lubusang tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama. Kaya ipinapakita sa atin ng halimbawa ni Jesus kung paano mamuhay sa paraang nakakalugod kay Jehova. Para makalapit kay Jehova, dapat nating sundan ang mga yapak ni Jesus.—1 Pedro 2:21.
“Ako . . . ang Katotohanan”
13, 14. (a) Sa anong diwa nagsasalita ng katotohanan si Jesus? (b) Ano ang kailangang gawin ni Jesus para maging “ang katotohanan,” at bakit?
13 Laging nagsasalita si Jesus ng katotohanan tungkol sa mga inihula ng kaniyang Ama. (Juan 8:40, 45, 46) Hindi kailanman nagsinungaling si Jesus. (1 Pedro 2:22) Inamin kahit ng mga sumasalansang sa kaniya na itinuturo niya “ang katotohanan tungkol sa Diyos.” (Marcos 12:13, 14) Pero nang sabihin ni Jesus na “ako . . . ang katotohanan,” hindi lang ito tumutukoy sa kaniyang pagsasalita, pangangaral, at pagtuturo ng katotohanan. Higit pa rito ang nasasangkot.
14 Tandaan na maraming siglo patiuna, ginabayan ng espiritu ni Jehova ang mga manunulat ng Bibliya para isulat ang maraming hula tungkol sa Mesiyas, o Kristo. Binanggit sa mga hulang ito ang mga detalye tungkol sa kaniyang buhay, ministeryo, at kamatayan. Bukod diyan, ang Kautusang Mosaiko ay may mga anino, o mga hula, na tumutukoy sa Mesiyas. (Hebreo 10:1) Mananatili kayang tapat si Jesus hanggang kamatayan para matupad ang lahat ng inihula tungkol sa kaniya? Sa ganitong paraan lang mapapatunayang totoo ang mga inihula ni Jehova. Nakaatang sa mga balikat ni Jesus ang napakalaking pananagutang ito. Ipinakita ni Jesus sa kaniyang paraan ng pamumuhay—sa kaniyang bawat salita at gawa—ang katotohanan ng mga hula. (2 Corinto 1:20) Kaya naman, si Jesus “ang katotohanan,” dahil nagkatotoo ang mga inihula ni Jehova tungkol sa kaniya.—Juan 1:17; Colosas 2:16, 17.
“Ako . . . ang Buhay”
15. Ano ang kahulugan ng manampalataya sa Anak, at anong pagpapala ang makukuha natin dahil dito?
15 Si Jesus “ang buhay,” dahil siya lang ang tanging paraan para magkaroon tayo ng “tunay na buhay.” (1 Timoteo 6:19) Sinasabi ng Bibliya: “Ang nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ang sumusuway sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay na iyon, kundi mananatili sa kaniya ang poot ng Diyos.” (Juan 3:36) Ano ang kahulugan ng manampalataya sa Anak ng Diyos? Nangangahulugan ito na naniniwala tayo na kung wala siya, wala rin tayong pag-asang mabuhay nang walang hanggan. Higit pa riyan, nangangahulugan ito na ipinapakita natin sa ating mga gawa na nananampalataya tayo, na patuloy tayong natututo kay Jesus, at na ginagawa natin ang lahat para sundin ang kaniyang mga turo at tularan ang kaniyang halimbawa. (Santiago 2:26) Kaya ang pananampalataya sa Anak ng Diyos ay umaakay sa buhay na walang hanggan—imortal na buhay sa langit para sa “munting kawan” ng mga pinahirang Kristiyano, at perpektong buhay naman sa paraisong lupa para sa “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa.”—Lucas 12:32; 23:43; Apocalipsis 7:9-17; Juan 10:16.
16, 17. (a) Sa anong paraan si Jesus “ang buhay” kahit sa mga namatay na? (b) Sa ano tayo makakapagtiwala?
16 Paano naman ang mga namatay na? Si Jesus din “ang buhay” para sa kanila. Bago niya ibangon mula sa mga patay ang kaibigan niyang si Lazaro, sinabi ni Jesus kay Marta, na kapatid ni Lazaro: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nananampalataya sa akin, kahit mamatay siya, ay mabubuhay.” (Juan 11:25) Dahil ipinagkatiwala ni Jehova sa kaniyang Anak “ang mga susi ng kamatayan at ng Libingan,” may kapangyarihan si Jesus na buhaying muli ang mga patay. (Apocalipsis 1:17, 18) Gamit ang mga susing iyon, bubuksan ng niluwalhating si Jesus ang libingan ng mga tao sa pangkalahatan para palayain sila.—Juan 5:28, 29.
17 “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay”—sa simpleng mga pananalitang ito, binuod ni Jesus ang layunin ng kaniyang buhay at ministeryo sa lupa. Punong-puno ng kahulugan ang mga pananalitang iyan para sa atin ngayon. Tandaan na sinabi rin ni Jesus: “Walang sinumang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Napakahalaga pa rin ngayon ang mga sinabi ni Jesus noon. Kaya talagang makakapagtiwala tayo na kung susundan natin si Jesus, hindi tayo kailanman maliligaw. Siya lang ang makakapagturo sa atin ng daan patungo “sa Ama.”
Tatanggapin Mo Ba ang Paanyaya ni Jesus?
18. Ano ang kailangan nating gawin para maging tunay na tagasunod ni Jesus?
18 Dahil napakahalaga ng papel ni Jesus at kilalang-kilala niya ang kaniyang Ama, mayroon tayong mabuting dahilan para sumunod sa Anak. Gaya ng nakita natin sa naunang kabanata, hindi lang sa salita o damdamin makikita kung tunay tayong tagasunod ni Jesus. Kailangan din ng pagkilos. Ang pagsunod kay Kristo ay nangangahulugan ng pamumuhay ayon sa kaniyang mga turo at halimbawa. (Juan 13:15) Makakatulong sa iyo ang aklat na ito na magawa iyan.
19, 20. Ano ang nilalaman ng aklat na ito na makakatulong sa iyo sa pagsisikap mong sundan si Kristo?
19 Sa susunod na mga kabanata, pag-aaralan nating mabuti ang buhay at ministeryo ni Jesus. Ang mga kabanatang ito ay nahahati sa tatlong seksiyon. Una, magkakaroon tayo ng sumaryo ng kaniyang mga katangian at paggawi. Ikalawa, susuriin natin ang kaniyang halimbawa ng sigasig sa pangangaral at pagtuturo. Ikatlo, isasaalang-alang natin kung paano siya nagpakita ng pag-ibig. Simula sa Kabanata 3, may kahon na pinamagatang “Paano Mo Matutularan si Jesus?” Ang mga teksto at tanong dito ay tutulong sa atin na mabulay-bulay kung paano natin matutularan si Jesus sa salita at gawa.
20 Sa tulong ng Diyos na Jehova, hindi ka na maliligaw, at hindi mo na madaramang malayo ka sa kaniya dahil sa minanang kasalanan. Maibiging isinugo ni Jehova ang kaniyang Anak para ituro sa atin ang daan at magkaroon tayo ng mabuting kaugnayan sa Kaniya, kahit napakalaki ng isinakripisyo Niya. (1 Juan 4:9, 10) Mapakilos ka nawa ng dakilang pag-ibig na tanggapin at tugunin ang paanyaya ni Jesus: “Maging tagasunod kita.”—Juan 1:43.
a Dahil napakahalaga ng papel ng Anak, inihula sa Bibliya ang ilang pangalan at titulo na tumutukoy sa kaniya.—Tingnan ang kahong “Mga Titulo na Tumutukoy kay Jesu-Kristo.”
b Halimbawa, tingnan ang mga sinabi ni Jesus sa Mateo 10:29-31; 18:12-14, 21-35; 22:36-40.