KABANATA 3
“Ako ay . . . Mapagpakumbaba”
1-3. Sa anong paraan pumasok si Jesus sa Jerusalem, at bakit posibleng ikinagulat iyan ng ilan sa mga tao doon?
MASAYANG-MASAYA ang mga tao sa Jerusalem! Isang tanyag na lalaki ang parating. Nasa tabi ng daan ang mga tao sa labas ng lunsod. Sabik silang salubungin ang lalaking ito, dahil sinasabi ng ilan na siya ang tagapagmana ni Haring David at ang karapat-dapat na Tagapamahala ng Israel. May mga nagdala ng mga sanga ng palma para iwagayway bilang pagbati; ang iba naman ay naglatag ng mga balabal at sanga ng puno para mapaganda ang daraanan niya. (Mateo 21:7, 8; Juan 12:12, 13) Baka nag-iisip ang marami kung paano siya papasok sa lunsod.
2 Posibleng inaasahan ng ilan na magiging engrande ang kaniyang pagdating. Ganiyan kasi ang ginawa ng ilang importanteng tao noon. Halimbawa, nang iproklama ng anak ni David na si Absalom ang sarili nito bilang hari, 50 lalaki ang pinatakbo niya sa unahan ng karwahe niya. (2 Samuel 15:1, 10) Mas magarbo pa ang Romanong tagapamahala na si Julio Cesar; sa isang prusisyon ng tagumpay na pinangunahan niya paakyat sa kapitolyo ng Roma, 40 elepante na may mga ilawan ang nasa magkabilang gilid niya! Pero ngayon, isang mas dakilang lalaki ang hinihintay ng mga tao sa Jerusalem. Ito ang Mesiyas, ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman. Alam man nila iyon o hindi, baka nagulat ang ilan nang makita nila kung paano dumating ang piniling Haring ito.
3 Wala silang nakitang mga karwahe, mananakbo, kabayo, o kahit mga elepante. Nakasakay lang si Jesus sa isang asno, isang karaniwang hayop na pantrabaho.a Hindi magarbo ang suot niya o ang inuupuan niya. Nagpatong lang ng mga balabal sa likod ng asno ang malalapít niyang tagasunod. Bakit napakasimple ng pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, habang mas marangya at magarbo ang ginawa ng mga lalaking hindi kasing-importante niya?
4. Ano ang inihula ng Bibliya tungkol sa gagawing pagpasok sa Jerusalem ng Mesiyanikong Hari?
4 Tinupad ni Jesus ang isang hula: “Magsaya ka nang lubos . . . Sumigaw ka nang may pagbubunyi, O anak na babae ng Jerusalem. Tingnan mo! Ang iyong hari ay dumarating sa iyo. Siya ay matuwid, nagliligtas, mapagpakumbaba at nakasakay sa asno.” (Zacarias 9:9) Ipinapakita ng hulang ito na balang-araw, isisiwalat ng Mesiyas, na Pinahiran ng Diyos, ang sarili niya sa mga tao sa Jerusalem bilang Haring inatasan ng Diyos. Bukod diyan, makikita sa ginawa niyang paraan ng pagpapasok ang napakagandang katangian ng kaniyang puso—ang kapakumbabaan.
5. Bakit nakakaantig na bulay-bulayin ang kapakumbabaan ni Jesus, at bakit napakahalagang tularan natin si Jesus?
5 Kapakumbabaan ang isa sa pinakamagandang katangian ni Jesus na nakakaantig bulay-bulayin. Gaya ng natalakay natin sa naunang kabanata, si Jesus lang “ang daan at ang katotohanan at ang buhay.” (Juan 14:6) Walang sinuman sa bilyon-bilyong tao na nabuhay sa lupa ang kasing-importante ng Anak ng Diyos. Pero hindi nagpakita si Jesus ng kahit katiting na pagmamataas, kayabangan, o pagmamalaki na makikita sa napakaraming di-perpektong tao. Para maging tagasunod ni Kristo, kailangan nating labanan ang tendensiyang magmataas. (Santiago 4:6) Tandaan, kinapopootan ni Jehova ang pagmamataas. Kaya naman napakahalagang matutuhan natin na maging mapagpakumbaba gaya ni Jesus.
Mahabang Rekord ng Kapakumbabaan
6. Ano ang kapakumbabaan, at bakit sigurado si Jehova na magiging mapagpakumbaba ang Mesiyas?
6 Ang kapakumbabaan ay kababaan ng isip, na walang pagmamataas o pagmamapuri. Katangian ito na nagmumula sa puso at makikita sa pananalita, paggawi, at pakikitungo ng isang tao sa iba. Bakit sigurado si Jehova na magiging mapagpakumbaba ang Mesiyas? Alam niya kasing tinutularan ng kaniyang Anak ang perpektong halimbawa niya ng kapakumbabaan. (Juan 10:15) Aktuwal din niyang nakita ang kapakumbabaan ng kaniyang Anak.
7-9. (a) Paano nagpakita ng kapakumbabaan si Miguel sa pagharap kay Satanas? (b) Paano matutularan ng mga Kristiyano si Miguel?
7 Isang magandang halimbawa ang makikita natin sa aklat ng Judas: “Nang si Miguel na arkanghel at ang Diyablo ay magtalo tungkol sa katawan ni Moises, hindi nangahas si Miguel na hatulan ang Diyablo gamit ang mapang-abusong mga salita, kundi nagsabi: ‘Sawayin ka nawa ni Jehova.’” (Judas 9) Ang pangalang Miguel ay tumutukoy kay Jesus sa papel niya bilang arkanghel, o pinuno ng hukbo ng mga anghel ni Jehova, bago at pagkatapos ng kaniyang buhay sa lupa.b (1 Tesalonica 4:16) Pero pansinin kung paano hinarap ni Miguel si Satanas.
8 Hindi sinasabi sa ulat ni Judas kung ano ang gustong gawin ng Diyablo sa katawan ni Moises. Pero makakatiyak tayo na may masamang plano siya. Baka gusto niyang gamitin sa huwad na pagsamba ang bangkay ng tapat na taong iyon. Kahit mahigpit na tinutulan ni Miguel ang napakasamang plano ni Satanas, nagpakita pa rin siya ng pagpipigil sa sarili. Dapat lang na sawayin si Satanas, pero alam ni Miguel na ang Diyos na Jehova ang dapat humatol kay Satanas, dahil nang panahong nakikipagtalo ito sa kaniya, hindi pa ipinagkakatiwala sa kaniya ang “lahat ng paghatol.” (Juan 5:22) Bilang arkanghel, malaki ang awtoridad ni Miguel. Pero mapagpakumbaba siyang nagpasakop kay Jehova imbes na sikaping makakuha ng higit pang awtoridad. At dahil mapagpakumbaba siya, alam niyang may mga limitasyon siya.
9 May dahilan kung bakit ginabayan ng banal na espiritu si Judas na isulat ang pangyayaring ito. Nakakalungkot, hindi mapagpakumbaba ang ilang Kristiyano noong panahon niya. Mayayabang sila at “nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa lahat ng bagay na hindi naman nila naiintindihan.” (Judas 10) Napakadali para sa atin na mga di-perpektong tao na maging mapagmataas! Paano kung hindi natin maintindihan ang isang bagay na ginawa sa kongregasyong Kristiyano, halimbawa, may kaugnayan sa desisyon ng lupon ng matatanda? Ano ang magiging reaksiyon natin? Hindi kaya kawalan ng kapakumbabaan kung pupunahin natin ang desisyon nila kahit hindi naman natin alam ang lahat ng detalye? Mas magandang tularan natin si Miguel, o Jesus, at iwasang humatol sa mga bagay na wala tayong awtoridad.
10, 11. (a) Bakit kahanga-hanga na handa ang Anak ng Diyos na bumaba sa lupa? (b) Paano natin matutularan ang kapakumbabaan ni Jesus?
10 Mapagpakumbaba ring tinanggap ng Anak ng Diyos ang atas na bumaba sa lupa. Isip-isipin kung ano ang kailangan niyang iwan. Siya ang arkanghel. Siya rin “ang Salita”—ang mismong Tagapagsalita ni Jehova. (Juan 1:1-3) Nakatira si Jesus sa langit, ang “mataas na tirahan ng kabanalan at kaluwalhatian” ni Jehova. (Isaias 63:15) Pero “iniwan niya ang lahat ng taglay niya at nag-anyong alipin at naging tao” kahit siya Anak ng Diyos. (Filipos 2:7) Pag-isipan ang mga naranasan niya. Inilipat ang buhay niya sa sinapupunan ng isang birheng Judio, para doon lumaki sa loob ng siyam na buwan. Isinilang siya bilang walang kalaban-labang sanggol sa sambahayan ng isang mahirap na karpintero. Naranasan niyang maging maliit na bata, at lumaki bilang teenager. Kahit perpekto siya, nagpasakop siya sa di-perpektong mga magulang niya. (Lucas 2:40, 51, 52) Talagang kitang-kita ang kapakumbabaan niya!
11 Matutularan ba natin ang kapakumbabaan ni Jesus at magiging handang tumanggap ng kahit mabababang atas? Halimbawa, dahil sa kawalang-interes, panunuya, o pagkapoot ng mga tao, parang nagiging mababa ang atas natin na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 28:19, 20) Pero kung hindi tayo susuko, puwede nating matulungan ang mga tao na maligtas. Matututuhan nating maging mapagpakumbaba habang sinusundan natin ang mga yapak ng ating Panginoong Jesu-Kristo.
Ang Kapakumbabaan ni Jesus Bilang Tao
12-14. (a) Paano nagpapakita si Jesus ng kapakumbabaan kapag pinupuri siya ng mga tao? (b) Sa ano-anong sitwasyon nagpakita ng kapakumbabaan si Jesus sa pakikitungo niya sa iba? (c) Ano ang nagpapakitang tunay at hindi pakitang tao lang ang kapakumbabaan ni Jesus?
12 Makikita ang kapakumbabaan ni Jesus mula umpisa hanggang wakas ng kaniyang ministeryo sa lupa. Lagi niyang ibinibigay ang lahat ng kapurihan at kaluwalhatian sa kaniyang Ama. May mga pagkakataong pinupuri ng mga tao si Jesus dahil sa kaniyang matalinong pananalita, kapangyarihang gumawa ng himala, at sa mabuting pagkatao niya. Pero paulit-ulit niyang tinatanggihan ang papuri nila at ibinibigay ito kay Jehova.—Marcos 10:17, 18; Juan 7:15, 16.
13 Mapagpakumbabang nakitungo si Jesus sa mga tao. Sa katunayan, nilinaw niya na pumarito siya sa lupa, hindi para paglingkuran, kundi para maglingkod sa iba. (Mateo 20:28) Nagpakita siya ng kapakumbabaan sa pamamagitan ng mahinahon at makatuwirang pakikitungo sa mga tao. Nang hindi siya nasunod ng mga alagad niya, hindi siya nagalit sa kanila. Patuloy niyang sinikap na abutin ang puso nila. (Mateo 26:39-41) Nang gusto niyang magpahinga pero ginambala siya ng maraming tao, hindi niya sila pinaalis. Tinuruan pa nga niya sila ng “maraming bagay.” (Marcos 6:30-34) Nang magmakaawa sa kaniya ang isang di-Israelitang babae na pagalingin ang anak nito, hindi siya pagalit na tumanggi. Ipinahiwatig lang niya na wala siyang planong gawin ito. Pero pinagbigyan din niya ito dahil sa malaking pananampalataya nito, gaya ng tatalakayin natin sa Kabanata 14.—Mateo 15:22-28.
14 Sa napakaraming paraan, tinupad ni Jesus ang sinabi niya tungkol sa sarili niya: “Ako ay mahinahon at mapagpakumbaba.” (Mateo 11:29) Ang kapakumbabaan niya ay tunay at hindi pakitang-tao lang. Mula ito sa puso, sa mismong pagkatao niya. Hindi kataka-taka na ang isa sa mga priyoridad ni Jesus ay turuan ang mga tagasunod niya na maging mapagpakumbaba!
Tinuruan Niya ng Kapakumbabaan ang mga Tagasunod Niya
15, 16. Ayon kay Jesus, ano dapat ang maging kaibahan ng saloobin ng mga tagasunod niya sa saloobin ng mga tagapamahala ng sanlibutan?
15 Hindi agad natutuhan ng mga apostol ni Jesus ang kapakumbabaan. Kaya paulit-ulit niya silang tinuruan. Halimbawa, minsan, hiniling nina Santiago at Juan sa nanay nila na pakiusapan si Jesus na bigyan sila ng mataas na posisyon sa Kaharian ng Diyos. Mapagpakumbabang sumagot si Jesus: “Hindi ako ang magpapasiya kung sino ang uupo sa kanan ko at sa kaliwa ko. Ang aking Ama ang magpapasiya kung para kanino ang mga puwestong iyon.” Nang malaman ng 10 iba pang apostol ang ginawa nina Santiago at Juan, “nagalit sila sa magkapatid.” (Mateo 20:20-24) Ano ang ginawa ni Jesus?
16 Itinuwid niya silang lahat sa mabait na paraan, na sinasabi: “Alam ninyo na ang mga tagapamahala ng mga bansa ay nag-aastang panginoon sa mga nasasakupan nila at ipinapakita ng mga may kapangyarihan na sila ang dapat masunod. Hindi kayo dapat maging ganiyan; sa halip, ang sinumang gustong maging dakila sa inyo ay dapat na maging lingkod ninyo, at ang sinumang gustong maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ninyo.” (Mateo 20:25-27) Siguradong nakita ng mga apostol na sobrang mapagmataas, ambisyoso, at makasarili ang “mga tagapamahala ng mga bansa.” Ipinakita ni Jesus na dapat maging iba ang mga tagasunod niya sa mga mapang-aping iyon na sakim sa kapangyarihan. Kailangan silang maging mapagpakumbaba. Nakuha na ba ng mga apostol ang punto?
17-19. (a) Noong gabi bago mamatay si Jesus, paano tinuruan ni Jesus ng kapakumbabaan ang mga apostol niya? (b) Paano ipinakita ni Jesus ang kapakumbabaan sa pinakamapuwersang paraan?
17 Kahit paulit-ulit silang tinuruan ni Jesus, nahirapan pa rin ang mga apostol na maging mapagpakumbaba. Nang minsang magtalo-talo sila kung sino ang pinakadakila sa kanila, pinatayo ni Jesus sa gitna nila ang isang maliit na bata. Sinabi niya na dapat silang maging gaya ng mga bata, na walang hilig magyabang, mag-ambisyon, o magpaimportante. (Mateo 18:1-4) Pero noong gabi bago mamatay si Jesus, nakita niyang may bahid pa rin ng pagmamataas ang mga apostol. Kaya tinuruan niya sila ng isang aral na hindi nila makakalimutan. Itinali niya ang isang tuwalya sa baywang niya at ginawa ang pinakamababang gawain ng mga lingkod noon para sa mga bisita. Hinugasan ni Jesus ang mga paa ng bawat apostol—pati na ang mga paa ni Hudas, na malapit nang magtraidor sa kaniya!—Juan 13:1-11.
18 Tinulungan sila ni Jesus na maunawaan ang punto nang sabihin niya: “Nagbigay ako ng parisan para sa inyo.” (Juan 13:15) Nakuha na ba nila sa wakas ang aral? Nang gabi ring iyon, nagtalo-talo na naman sila kung sino ang pinakadakila! (Lucas 22:24-27) Pero patuloy silang pinagtiisan ni Jesus at mapagpakumbaba niya silang tinuruan. Pagkatapos, ipinakita niya ang kapakumbabaan sa pinakamapuwersang paraan: “Nagpakababa siya at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.” (Filipos 2:8) Matapos paratangan at hatulan si Jesus bilang kriminal at mamumusong, kusang-loob niyang tinanggap ang kahiya-hiyang kamatayan. Nagpakita ang Anak ng Diyos ng perpektong kapakumbabaan, na hindi naipakita ng sinumang nilalang.
19 Tumatak sa puso ng tapat na mga apostol ang huling halimbawa ni Jesus ng kapakumbabaan bilang tao. Sinasabi sa atin ng Bibliya na mapagpakumbaba silang naglingkod sa loob ng maraming taon o dekada pa nga pagkatapos nito. Kumusta naman tayo?
Tutularan Mo Ba si Jesus?
20. Paano natin malalaman kung mapagpakumbaba tayo?
20 Pinapayuhan tayo ni Pablo: “Patuloy ninyong tularan ang pag-iisip ni Kristo Jesus.” (Filipos 2:5) Tulad ni Jesus, dapat tayong maging mapagpakumbaba. Paano natin malalaman kung mapagpakumbaba tayo? Ipinaalala ni Pablo na “huwag [tayong] gagawa ng anumang bagay dahil sa galit o pagmamataas. Sa halip, maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo.” (Filipos 2:3) Kaya ang sagot sa tanong na iyan ay depende sa tingin natin sa iba. Kailangan natin silang ituring na nakatataas o mas importante kaysa sa atin. Susundin mo ba ang payong iyan?
21, 22. (a) Bakit kailangang maging mapagpakumbaba ang mga tagapangasiwang Kristiyano? (b) Paano natin maipapakitang ibinibihis natin ang kapakumbabaan?
21 Maraming taon pagkamatay ni Jesus, nasa isip pa rin ni apostol Pedro ang kahalagahan ng kapakumbabaan. Tinuruan ni Pedro ang mga tagapangasiwang Kristiyano na gawin ang tungkulin nila sa mapagpakumbabang paraan, at huwag mag-astang panginoon sa mga tupa ni Jehova. (1 Pedro 5:2, 3) Hindi sila dapat magmataas dahil lang sa mga responsibilidad nila sa kongregasyon. Sa kabaligtaran, dapat pa nga silang maging mas mapagpakumbaba. (Lucas 12:48) Siyempre, ang katangiang ito ay dapat ding ipakita ng bawat Kristiyano, hindi lang ng mga tagapangasiwa.
22 Tiyak na hindi nakalimutan ni Pedro ang gabing iyon nang hugasan ni Jesus ang mga paa niya, kahit ayaw niya noong una. (Juan 13:6-10) Sumulat si Pedro sa mga Kristiyano: “Lahat kayo ay magbihis ng kapakumbabaan sa pakikitungo sa isa’t isa.” (1 Pedro 5:5) Ang salitang “magbihis” ay maaaring tumukoy sa isang lingkod na naglalagay ng apron para isagawa ang hamak na gawain. Malamang na maalala natin diyan nang itali ni Jesus ang tuwalya sa baywang niya bago lumuhod para hugasan ang mga paa ng mga apostol. Kung tutularan natin si Jesus, hindi natin iisiping mababa para sa atin ang anumang atas mula sa Diyos. Gaya ng damit na suot natin, dapat makita ng lahat ang kapakumbabaan natin.
23, 24. (a) Bakit dapat nating labanan ang tendensiya na maging mapagmataas? (b) Anong maling kaisipan tungkol sa kapakumbabaan ang tatalakayin sa susunod na kabanata?
23 Parang lason ang pagmamataas. Puwede natin itong ikapahamak. Kahit ang pinakamatalinong tao ay puwedeng mawalan ng halaga sa Diyos kung mapagmataas siya. Pero kung mapagpakumbaba ang isang tao, magiging kapaki-pakinabang siya kay Jehova. Kung araw-araw nating ipapakita ang napakahalagang katangiang ito at sisikaping tularan si Kristo, pagpapalain tayo ng Diyos. Sumulat si Pedro: “Magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, para maitaas niya kayo sa takdang panahon.” (1 Pedro 5:6) Itinaas ni Jehova si Jesus dahil talagang mapagpakumbaba siya. Gagawin din iyan ng Diyos sa atin kung mapagpakumbaba tayo.
24 Nakakalungkot, iniisip ng ilan na kahinaan ang kapakumbabaan. Pero makikita natin sa halimbawa ni Jesus na mali ang kaisipang iyan. Siya ang pinakamapagpakumbaba sa lahat ng tao, pero siya rin ang pinakamalakas ang loob. Tatalakayin natin iyan sa susunod na kabanata.
a Ayon sa isang reperensiya tungkol sa pangyayaring ito, ang ganitong mga hayop ay “hamak na mga nilalang,” at idinagdag pa nito na mabagal sila, pangit, matigas ang ulo, at hayop na pantrabaho ng mahihirap.
b Para sa higit pang ebidensiya na si Miguel ay si Jesus, tingnan ang artikulong “Sino si Miguel na Arkanghel?” sa “Sagot sa mga Tanong sa Bibliya” sa jw.org, ang opisyal na website ng mga Saksi ni Jehova.