KABANATA 5
Binibigyang-Liwanag ng Hari ang Kaharian
1, 2. Paano ipinakita ni Jesus na isa siyang matalinong giya?
IPAGPALAGAY nang isang makaranasang giya ang gumagabay sa inyo habang namamasyal kayo sa isang napakagandang lunsod. Ngayon pa lang kayo nakapunta roon kaya umaasa lang kayo sa sasabihin niya. Sabik na sabik na kayong malaman ang tungkol sa iba pang mapapasyalan doon. Pero kapag nagtatanong kayo sa giya, hindi niya agad ito sinasagot. Hinihintay niya ang tamang panahon para sagutin kayo, kadalasan nang kapag malapit na kayo roon. Mas humanga kayo sa inyong giya dahil sinasabi niya lang sa inyo ang isang bagay kapag kailangan na ninyo itong malaman.
2 Ganiyan din ang sitwasyon ng mga tunay na Kristiyano ngayon. Sabik na sabik tayong matuto tungkol sa pinakamagandang lunsod, “ang lunsod na may tunay na mga pundasyon,” ang Kaharian ng Diyos. (Heb. 11:10) Noong nasa lupa si Jesus, ginabayan niya mismo ang mga tagasunod niya para magkaroon sila ng mas malalim na kaalaman tungkol sa Kahariang iyon. Sinagot ba niya agad ang mga tanong nila at sinabi ang lahat ng detalye tungkol sa Kaharian? Hindi. Sinabi niya: “Marami pa akong mga bagay na sasabihin sa inyo, ngunit hindi ninyo makakaya ang mga iyon sa kasalukuyan.” (Juan 16:12) Bilang ang pinakamatalinong giya, hindi binigyan ni Jesus ang kaniyang mga alagad ng kaalamang hindi pa nila kayang maunawaan.
3, 4. (a) Paano patuloy na tinuturuan ni Jesus ang mga tapat tungkol sa Kaharian ng Diyos? (b) Ano ang tatalakayin natin sa kabanatang ito?
3 Sinabi ni Jesus ang pananalita sa Juan 16:12 noong huling gabi niya sa lupa. Pagkamatay niya, paano pa niya maituturo sa mga tapat ang tungkol sa Kaharian ng Diyos? Tiniyak niya sa kaniyang mga apostol: ‘Aakayin kayo ng espiritu ng katotohanan sa lahat ng katotohanan.’a (Juan 16:13) Ang banal na espiritu ay parang isang matiyagang giya. Ginagamit ito ni Jesus para ituro sa kaniyang mga tagasunod ang anumang kailangan nilang malaman tungkol sa Kaharian ng Diyos—sa panahong kailangan na nila itong malaman.
4 Talakayin natin kung paano ginagabayan ng banal na espiritu ni Jehova ang mga tapat na Kristiyano para sumulong ang kanilang kaalaman tungkol sa Kaharian. Una, tingnan natin kung paano natin nalaman ang taon kung kailan nagsimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos. Ikalawa, alamin natin kung sino ang magiging mga tagapamahala sa Kaharian at mga sakop nito at kung ano ang kanilang mga pag-asa. Ikatlo, tingnan natin kung paano naging mas malinaw sa mga tagasunod ni Kristo ang kahilingan na maging tapat sa Kaharian.
Naunawaan ang Isang Napakahalagang Taon
5, 6. (a) Ano ang maling ideya ng mga Estudyante ng Bibliya tungkol sa pagtatatag ng Kaharian at sa pag-aani? (b) Bakit tayo nakatitiyak na ginagabayan ni Jesus ang mga tagasunod niya kahit may mga mali silang ideya?
5 Gaya ng binanggit sa Kabanata 2, ilang dekada nang sinasabi ng mga Estudyante ng Bibliya na mahalagang taon ang 1914 sa katuparan ng hula sa Bibliya. Pero naniniwala sila noon na nagsimula ang pagkanaririto ni Kristo noong 1874, na nagsimula siyang mamahala sa langit noong 1878, at na maitatatag lang nang lubusan ang Kaharian pagsapit ng Oktubre 1914. Ang panahon ng pag-aani ay mula 1874 hanggang 1914 at magtatapos ito sa pagtitipon ng mga pinahiran sa langit. Dahil ba sa gayong mga maling ideya, mag-aalinlangan na tayo kung ginagabayan nga ba ni Jesus ang mga tapat sa pamamagitan ng banal na espiritu?
6 Hinding-hindi! Balikan natin ang ilustrasyon. Nawawalan ba ng kredibilidad ang giya dahil sa mga kuro-kuro o tanong ng mga turista? Hindi. Sa katulad na paraan, bagaman sinisikap ng bayan ng Diyos na unawain ang mga detalye tungkol sa layunin ni Jehova bago pa man sila akayin ng banal na espiritu sa gayong mga katotohanan, maliwanag na ginagabayan sila ni Jesus. At ipinapakita ng mga tapat na handa silang tumanggap ng pagtutuwid at mapagpakumbaba nilang binabago ang kanilang mga kaisipan.—Sant. 4:6.
7. Anong mga sinag ng espirituwal na liwanag ang tinanggap ng bayan ng Diyos?
7 Pagkatapos ng 1919, ang bayan ng Diyos ay tumanggap ng sunod-sunod na sinag ng espirituwal na liwanag. (Basahin ang Awit 97:11.) Noong 1925, isang mahalagang artikulo na pinamagatang “Birth of the Nation” ang lumabas sa The Watch Tower. Nagbigay ito ng mga ebidensiya mula sa Kasulatan na isinilang na ang Mesiyanikong Kaharian noong 1914, na siyang katuparan ng hula sa Apocalipsis kabanata 12 tungkol sa makalangit na babae ng Diyos na nagsilang ng isang sanggol.b Ipinakita pa ng artikulo na ang mga pag-uusig at panggugulo sa bayan ni Jehova noong mga taon ng digmaan ay malinaw na tanda na inihagis na sa lupa si Satanas, “na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.”—Apoc. 12:12.
8, 9. (a) Gaano kahalaga ang Kaharian ng Diyos? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
8 Gaano kahalaga ang Kaharian? Noong 1928, idiniin ng The Watch Tower na mas mahalaga ang Kaharian kaysa sa ating kaligtasan sa pamamagitan ng pantubos. Sa katunayan, ang Mesiyanikong Kaharian ang gagamitin ni Jehova para pabanalin ang kaniyang pangalan, ipagbangong-puri ang kaniyang soberanya, at isakatuparan ang lahat ng kaniyang layunin para sa sangkatauhan.
9 Sino ang mga kasamang tagapamahala ni Kristo sa Kahariang iyon? Sino ang magiging mga sakop nito sa lupa? At sa anong gawain dapat maging abala ang mga tagasunod ni Kristo?
Nakapokus ang Pag-aani sa mga Pinahiran
10. Ano ang matagal nang alam ng bayan ng Diyos tungkol sa 144,000?
10 Ilang dekada bago 1914, naunawaan na ng mga tunay na Kristiyano na 144,000 tapat na mga tagasunod ni Kristo ang kasama niyang mamamahala sa langit.c Alam ng mga Estudyante ng Bibliya na literal ang bilang na iyon at na sinimulan itong buuin noong unang siglo C.E.
11. Paano naging malinaw sa magiging mga miyembro ng kasintahang babae ni Kristo ang atas nila sa lupa?
11 Ano kayang gawain ang iniatas sa magiging mga miyembro ng kasintahang babae ni Kristo habang nasa lupa sila? Nakita nila na idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng gawaing pangangaral at na iniugnay niya ito sa panahon ng pag-aani. (Mat. 9:37; Juan 4:35) Gaya ng binanggit sa Kabanata 2, naniniwala sila dati na tatagal nang 40 taon ang panahon ng pag-aani at magtatapos ito sa pagtitipon ng mga pinahiran sa langit. Pero dahil nagpatuloy ang gawain pagkalipas ng 40 taon, kinailangan pa ng higit na paglilinaw. Alam na natin ngayon na ang pag-aani—ang panahon para sa pagbubukod ng trigo (tapat na mga pinahirang Kristiyano) mula sa mga panirang-damo (mga huwad na Kristiyano)—ay nagsimula noong 1914. Panahon na para magpokus sa pagtitipon ng iba pang bumubuo sa uring makalangit na iyon!
12, 13. Paano natupad sa mga huling araw ang mga ilustrasyon ni Jesus tungkol sa 10 dalaga at sa mga talento?
12 Mula 1919, patuloy na ginabayan ni Kristo ang tapat at maingat na alipin na gawing pangunahin ang pangangaral. Iniatas niya ang gawaing iyan noong unang siglo. (Mat. 28:19, 20) Binanggit din niya kung anong mga katangian ang kailangan ng kaniyang mga pinahirang tagasunod para magawa ang atas na iyon. Paano? Sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa 10 dalaga, ipinakita niya na kailangang maging mapagbantay, o gising sa espirituwal, ang isang pinahiran kung gusto niyang makasama sa kasalan sa langit, sa panahong makakasama na ni Kristo ang kaniyang “kasintahang babae” na 144,000. (Apoc. 21:2) Sa kaniya namang ilustrasyon tungkol sa mga talento, itinuro ni Jesus na ang kaniyang mga pinahirang lingkod ay magiging masigasig sa gawaing pangangaral na ipinagkatiwala niya sa kanila.—Mat. 25:1-30.
13 Ang mga pinahiran ay talaga namang naging mapagbantay at masigasig nitong nakaraang siglo. Tiyak na gagantimpalaan sila! Pero ang malawak na pag-aani ba ay para lang tipunin ang iba pang bumubuo sa 144,000 kasamang tagapamahala ni Kristo?
Tinitipon ang Makalupang Sakop ng Kaharian!
14, 15. Sino ang apat na grupo na tinalakay sa The Finished Mystery?
14 Matagal nang pinananabikang malaman ng tapat na mga lalaki at babae kung sino ang “malaking pulutong” (“lubhang karamihan,” King James Version) na binabanggit sa Apocalipsis 7:9-14. Kaya hindi nakapagtatakang bago pa isiwalat ni Kristo ang pagkakakilanlan ng malaking grupong ito, marami nang nailathalang paliwanag tungkol sa paksang ito na malayong-malayo sa malinaw at simpleng mga katotohanang pinahahalagahan natin ngayon.
15 Noong 1917, sinabi ng aklat na The Finished Mystery na may “dalawang antas o uri ng kaligtasan sa Langit, at dalawang antas o uri ng kaligtasan sa lupa.” Sino ang apat na grupong ito ng mga tao na may iba’t ibang kaligtasan? Una, nariyan ang 144,000 kasamang tagapamahala ni Kristo. Ang ikalawa naman ay ang lubhang karamihan. Akala nila, ito ang nag-aangking mga Kristiyano na bahagi pa rin ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. May pananampalataya sila pero hindi ito sapat para makapanindigan silang tapat. Kaya bibigyan lang sila ng nakabababang posisyon sa langit. Kung para naman sa lupa, ang ikatlong grupo raw ay ang “sinaunang mga karapat-dapat”—tulad ng mga tapat na sina Abraham, Moises, at iba pa—na magkakaroon ng awtoridad sa ikaapat na grupo, ang sangkatauhan.
16. Anong espirituwal na liwanag ang suminag noong 1923 at 1932?
16 Paano inakay ng banal na espiritu ang mga tagasunod ni Kristo sa kaunawaang pinahahalagahan natin ngayon? Nangyari iyan sa pamamagitan ng sunod-sunod na sinag ng espirituwal na liwanag. Noon pa mang 1923, binigyang-pansin na ng The Watch Tower ang isang grupo na hindi naghahangad ng buhay sa langit pero may pag-asang mabuhay sa lupa sa ilalim ng paghahari ni Kristo. Noong 1932, tinalakay sa The Watchtower ang tungkol kay Jonadab (Jehonadab) na sumuporta sa pinahiran ng Diyos na si Haring Jehu ng Israel sa pakikipaglaban nito sa huwad na pagsamba. (2 Hari 10:15-17) Sinabi ng artikulo na may uri ng mga tao sa modernong panahon na tulad ni Jonadab, at idinagdag pang ililigtas sila ni Jehova sa Armagedon para mabuhay rito sa lupa.
17. (a) Anong maningning na espirituwal na liwanag ang suminag noong 1935? (b) Ano ang reaksiyon ng tapat na mga Kristiyano sa bagong unawa tungkol sa lubhang karamihan? (Tingnan ang kahong “Nakahinga Nang Maluwag.”)
17 Noong 1935, suminag ang isang maningning na espirituwal na liwanag. Sa kombensiyong idinaos sa Washington, D.C., sinabi na ang pag-asa ng lubhang karamihan ay sa lupa, katulad ng mga tupa na binanggit sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga tupa at kambing. (Mat. 25:33-40) Ang lubhang karamihan ay bahagi ng “ibang mga tupa,” na tungkol sa kanila ay sinabi ni Jesus: “Ang mga iyon din ay dapat kong dalhin.” (Juan 10:16) Nang sabihin ng tagapagsalita na si J. F. Rutherford: “Mangyari lamang na lahat ng mga may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa ay magsitayo,” mahigit kalahati ng mga tagapakinig ang tumayo! Sinabi niya: “Masdan! Ang lubhang karamihan!” Sa wakas, naging malinaw na sa marami ang kanilang pag-asa.
18. Saan ipinokus ng mga tagasunod ni Kristo ang kanilang ministeryo? Ano ang resulta?
18 Mula noon, ginabayan na ni Kristo ang kaniyang mga tagasunod para magpokus sa pagtitipon sa mga magiging bahagi ng malaking pulutong na makatatawid nang buháy at ligtas mula sa malaking kapighatian. Sa simula, parang hindi kahanga-hanga ang pagtitipon. Nasabi pa nga minsan ni Brother Rutherford: “Wari ngang ang ‘lubhang karamihan’ ay hindi naman pala magiging lubhang napakarami.” Pero nakita naman natin kung paano pinagpala ni Jehova ang pag-aani mula noon! Sa tulong ni Jesus at ng banal na espiritu, kapuwa ang mga pinahiran at ang mga kasama nilang “ibang mga tupa” ay naging gaya ng inihula ni Jesus—“isang kawan” na magkakasamang naglilingkod sa ilalim ng “isang pastol.”
19. Paano tayo makatutulong para lalo pang dumami ang mapabilang sa malaking pulutong?
19 Ang karamihan sa mga tapat ay mabubuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa na pinamamahalaan ni Kristo at ng 144,000 kasama niyang tagapamahala. Hindi ba’t napakasarap isipin kung paano ginabayan ni Kristo ang bayan ng Diyos para magkaroon ng malinaw na pag-asa batay sa Kasulatan? Napakalaking pribilehiyo nga na ibahagi natin sa mga tao ang pag-asang iyan! Gawin sana natin ang ating buong makakaya sa ministeryo para lalo pang dumami ang mapabilang sa malaking pulutong at patuloy na lumakas ang hiyaw ng papuri sa pangalan ni Jehova!—Basahin ang Lucas 10:2.
Ang Katapatang Hinihiling ng Kaharian
20. Ano-ano ang bumubuo sa organisasyon ni Satanas? Ano ang dapat nating gawin para hindi maikompromiso ang ating Kristiyanong katapatan?
20 Habang natututo ang bayan ng Diyos tungkol sa Kaharian, kailangan din nilang lubos na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng katapatan sa makalangit na gobyernong iyon. Tungkol dito, tinukoy ng The Watch Tower noong 1922 na may dalawang organisasyong umiiral, ang kay Jehova at ang kay Satanas. Ang organisasyon ni Satanas ay binubuo ng komersiyo, relihiyon, at politika. Para hindi maikompromiso ang katapatan sa Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo, dapat iwasan ng mga tapat ang di-wastong pakikisangkot sa anumang bahagi ng organisasyon ni Satanas. (2 Cor. 6:17) Ano ang ibig sabihin nito?
21. (a) Paano binababalaan ng tapat na alipin ang bayan ng Diyos mula sa malalaking negosyo? (b) Ano ang isiniwalat ng The Watchtower noong 1963 tungkol sa “Babilonyang Dakila”?
21 Madalas ipakita sa mga espirituwal na pagkaing inilalaan ng tapat na alipin ang katiwaliang nagaganap sa malalaking negosyo at binababalaan nito ang bayan ng Diyos na huwag magpadala sa itinataguyod nitong materyalismo. (Mat. 6:24) Inilalantad din sa ating mga publikasyon ang relihiyosong bahagi ng organisasyon ni Satanas. Noong 1963, malinaw na ipinakita ng The Watchtower na ang “Babilonyang Dakila” ay sumasagisag, hindi lang sa Sangkakristiyanuhan, kundi sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Kaya gaya ng makikita sa Kabanata 10, natulungan ang bayan ng Diyos mula sa bawat bansa at kultura na ‘lumabas sa kaniya’ at linisin ang kanilang sarili mula sa lahat ng kaugalian ng huwad na relihiyon.—Apoc. 18:2, 4.
22. Noong Digmaang Pandaigdig I, ano ang intindi ng bayan ng Diyos sa Roma 13:1?
22 Kumusta naman ang politikal na bahagi ng organisasyon ni Satanas? Maaari bang makibahagi ang mga tunay na Kristiyano sa mga digmaan at alitan ng mga bansa? Noong Digmaang Pandaigdig I, alam naman ng mga Estudyante ng Bibliya na bawal pumatay ang mga tagasunod ni Kristo. (Mat. 26:52) Gayunman, para sa marami, ang payo sa Roma 13:1 na maging masunurin sa “nakatataas na mga awtoridad” ay nangangahulugang dapat silang magsundalo, mag-uniporme, at humawak pa nga ng armas; pero kapag inutusan silang pumatay, itinututok nila sa itaas ang kanilang armas at saka nagpapaputok.
23, 24. Ano ang intindi ng mga Kristiyano sa Roma 13:1 noong Digmaang Pandaigdig II? Sa anong mas tamang unawa inakay ang mga tagasunod ni Kristo?
23 Kasabay ng pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II noong 1939, naglathala ang The Watchtower ng detalyadong pagtalakay sa neutralidad. Malinaw na ipinakita ng artikulo na ang mga Kristiyano ay hindi dapat makisangkot sa mga digmaan at alitan ng mga bansa sa sanlibutan ni Satanas. Napapanahon ngang payo! Ang mga tagasunod ni Kristo ay nanatiling inosente mula sa kahila-hilakbot na mga pagpatay na ginawa ng mga bansa noong digmaang iyon. Pero mula 1929, ikinakatuwiran din ng ating mga publikasyon na ang nakatataas na mga awtoridad na binabanggit sa Roma 13:1 ay hindi ang mga sekular na tagapamahala, kundi si Jehova at si Jesus. Kailangan pa ng higit na paglilinaw.
24 Inakay ng banal na espiritu ang mga tagasunod ni Kristo sa tamang unawa noong 1962 nang ilathala sa Nobyembre 15 at Disyembre 1 ng The Watchtower ang mahahalagang artikulo tungkol sa Roma 13:1-7. Sa wakas, naunawaan na ng bayan ng Diyos ang relatibong pagpapasakop na itinuro ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Luc. 20:25) Alam na ngayon ng mga tunay na Kristiyano na ang nakatataas na mga awtoridad ay ang mga sekular na tagapamahala at na dapat magpasakop dito ang mga Kristiyano. Pero relatibo ang gayong pagpapasakop. Kapag inuutusan tayo ng mga awtoridad na sumuway sa Diyos na Jehova, tinutularan natin ang sagot ng mga apostol: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Sa Kabanata 13 at 14, higit nating malalaman kung paano ikinapit ng bayan ng Diyos ang pagiging neutral.
25. Bakit mo pinahahalagahan ang pag-akay ng banal na espiritu para maunawaan kung ano ang Kaharian ng Diyos?
25 Isipin ang lahat ng itinuro sa mga tagasunod ni Kristo nitong nakalipas na siglo tungkol sa Kaharian. Nalaman natin kung kailan itinatag sa langit ang Kaharian ng Diyos at kung gaano ito kahalaga. Maliwanag sa atin ang dalawang pag-asa para sa mga tapat—ang makalangit at makalupang pag-asa. Alam din natin kung hanggang saan lang tayo magpapasakop sa mga awtoridad dahil nananatili tayong tapat sa Kaharian ng Diyos. Tanungin ang sarili, ‘Malalaman ko kaya ang mahahalagang katotohanang ito kung hindi ginabayan ni Jesu-Kristo ang kaniyang tapat na alipin sa lupa para maunawaan ito at ituro sa atin?’ Isa ngang pagpapala na ginagabayan tayo ni Kristo at ng banal na espiritu!
a Ayon sa isang reperensiya, ang salitang Griego para sa “aakayin” sa talatang iyon ay nangangahulugang “ipakita ang daan.”
b Dati, inaakala na ang pangitain ay isang digmaan sa pagitan ng paganong relihiyon ng Imperyo ng Roma at ng Simbahang Romano Katoliko.
c Noong Hunyo 1880, binanggit ng Zion’s Watch Tower na ang 144,000 ay mga likas na Judiong makukumberte bago matapos ang 1914. Pero bago matapos ang 1880, inilathala ang isang bagong unawa na mas malapit sa paniniwala natin ngayon.