KABANATA 4
Dinadakila ni Jehova ang Kaniyang Pangalan
1, 2. Paano dinadakila ng New World Translation ang pangalan ng Diyos?
NOONG maaliwalas na umaga ng Martes, Disyembre 2, 1947, isang malaking gawain ang sinimulan ng isang maliit na grupo ng mga pinahirang kapatid sa Bethel sa Brooklyn, New York. Kahit napakabigat ng gawaing ito, hindi nila ito binitiwan sa loob ng 12 taon. Sa wakas, noong Linggo, Marso 13, 1960, natapos nila ang isang bagong salin ng Bibliya. Pagkalipas ng tatlong buwan, noong Hunyo 18, 1960, inilabas ni Brother Nathan Knorr ang pinakahuling tomo ng Ingles na Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa sabik na sabik na mga tagapakinig ng kombensiyon sa Manchester, England. Sinabi ng tagapagsalita: ‘Ngayon ay araw ng pagsasaya para sa mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig!’ At ganiyang-ganiyan ang damdamin ng lahat ng dumalo. Napakasaya nila dahil sa isang napakagandang katangian ng saling ito—ang maraming beses na paggamit ng personal na pangalan ng Diyos.
2 Maraming salin ng Bibliya ang hindi gumagamit ng pangalan ng Diyos. Pero nilabanan ng mga pinahirang lingkod ni Jehova ang pakana ni Satanas na burahin ang pangalan ng Diyos sa isip ng tao. Sinasabi sa introduksyon ng Bagong Sanlibutang Salin na inilabas nang araw na iyon: “Ang pangunahing katangian ng saling ito ay ang pagsasauli ng banal na pangalan sa tamang dako nito.” Ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang personal na pangalan ng Diyos, Jehova, nang mahigit 7,000 beses. Talagang dinakila ng saling ito ang pangalan ng ating Ama sa langit—si Jehova!
3. (a) Ano ang naunawaan ng mga kapatid tungkol sa kahulugan ng pangalan ng Diyos? (b) Paano natin dapat unawain ang Exodo 3:13, 14? (Tingnan ang kahong “Ang Kahulugan ng Pangalan ng Diyos.”)
3 Bago nito, ang alam ng mga Estudyante ng Bibliya na kahulugan ng pangalan ng Diyos ay “Ako yaong ako nga.” (Ex. 3:14, King James Version) Sinabi sa Enero 1, 1926, ng The Watch Tower: “Ang pangalang Jehova ay nangangahulugang Isa na umiiral sa ganang sarili, . . . Isa na walang pasimula at walang wakas.” Pero bago simulan ng mga tagapagsalin ng Bagong Sanlibutang Salin ang kanilang gawain, tinulungan ni Jehova ang bayan niya na maunawaang ang kaniyang pangalan ay hindi lang basta nangangahulugang siya ay umiiral, kundi isang Diyos na may layunin at aktibong kumikilos para isakatuparan ito. Nalaman nila na ang literal na kahulugan ng pangalang Jehova ay “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Oo, pinangyari niyang umiral ang uniberso at matatalinong nilalang, at patuloy siyang kumikilos para mangyari ang kaniyang kalooban at layunin. Pero bakit napakahalagang madakila ang pangalan ng Diyos, at paano tayo magkakaroon ng bahagi sa pagdakila rito?
Pagpapabanal sa Pangalan ng Diyos
4, 5. (a) Ano ang hinihiling natin kapag idinadalangin natin: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan”? (b) Paano at kailan pababanalin ng Diyos ang kaniyang pangalan?
4 Gusto ni Jehova na dakilain ang pangalan niya. Sa katunayan, ang pangunahing layunin niya ay pabanalin ang kaniyang pangalan. Makikita iyan sa unang kahilingan ni Jesus sa modelong panalangin: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mat. 6:9) Kapag sinasabi natin iyan, ano talaga ang idinadalangin natin?
5 Gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 1, ang kahilingang “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan” ay isa sa tatlong kahilingan sa modelong panalangin ni Jesus may kinalaman sa layunin ni Jehova. Ang dalawa pa: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban.” (Mat. 6:10) Kaya kapag hinihiling natin kay Jehova na kumilos para dumating ang kaniyang Kaharian at maganap ang kaniyang kalooban, hinihiling natin kay Jehova na kumilos para pabanalin ang kaniyang pangalan. Sa ibang salita, hinihiling natin kay Jehova na kumilos para linisin ang kaniyang pangalan mula sa lahat ng upasalang idinulot dito mula pa noong rebelyon sa Eden. Paano sasagutin ni Jehova ang gayong panalangin? Sinabi niya: “Tiyak na pababanalin ko ang aking dakilang pangalan, na nilalapastangan sa gitna ng mga bansa.” (Ezek. 36:23; 38:23) Sa Armagedon, kapag inalis niya ang kasamaan, pababanalin ni Jehova ang kaniyang pangalan sa harap ng lahat ng nilalang.
6. Paano tayo magkakaroon ng bahagi sa pagpapabanal sa pangalan ng Diyos?
6 Noon pa man, hinahayaan na ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na magkaroon ng bahagi sa pagpapabanal sa kaniyang pangalan. Siyempre pa, hindi natin kayang dagdagan ang kabanalan ng pangalan ng Diyos. Banal na ito sa sukdulang antas. Kaya paano natin ito mapababanal? Sinabi ni Isaias: “Si Jehova ng mga hukbo—siya ang Isa na dapat ninyong ituring na banal.” At sinabi mismo ni Jehova patungkol sa kaniyang bayan: “Pababanalin nila ang aking pangalan . . . , at ang Diyos ng Israel ay kanilang kasisindakan.” (Isa. 8:13; 29:23) Kaya mapababanal natin ang pangalan ng Diyos kapag itinuturing natin itong hiwalay at nakatataas sa lahat ng iba pang pangalan at kapag tinutulungan natin ang iba na ituring din itong banal. Lalo nating naipakikita ang pagkasindak at paggalang sa pangalan ng Diyos kapag kinikilala natin si Jehova bilang ating Tagapamahala at kapag sinusunod natin siya nang buong puso.—Kaw. 3:1; Apoc. 4:11.
Inihanda Para Dalhin at Dakilain ang Pangalan ng Diyos
7, 8. (a) Bakit hindi agad hinayaan ng Diyos na dalhin ng kaniyang bayan ang pangalan niya? (b) Ano ang tatalakayin natin?
7 Mula pa noong dekada ng 1870, ginagamit na ng mga lingkod ng Diyos ang pangalan ng Diyos sa kanilang mga publikasyon. Halimbawa, binanggit ang pangalang Jehova sa Agosto 1879 ng Zion’s Watch Tower at sa Songs of the Bride, isang aklat-awitan na inilathala nang taon ding iyon. Pero lumilitaw na bago payagan ni Jehova ang kaniyang bayan na hayagang ipakilala ang kanilang sarili bilang tagapagdala ng kaniyang banal na pangalan, tiniyak muna niya na naaabot nila ang mga kahilingan para sa dakilang pribilehiyong iyon. Paano inihanda ni Jehova ang mga Estudyante ng Bibliya na maging tagapagdala ng kaniyang pangalan?
8 Kung babalikan natin ang huling bahagi ng ika-19 na siglo at unang bahagi ng ika-20 siglo, makikita natin kung paano binigyan ni Jehova ang kaniyang bayan ng malinaw na unawa sa mahahalagang katotohanan tungkol sa kaniyang pangalan. Talakayin natin ang tatlo sa mga ito.
9, 10. (a) Bakit nakapokus kay Jesus ang unang mga isyu ng Watch Tower? (b) Anong pagbabago ang nangyari mula noong 1919? Ano ang resulta? (Tingnan din ang kahong “Dinakila ng Ang Bantayan ang Pangalan ng Diyos.”)
9 Una, ang mga lingkod ni Jehova ay nagkaroon ng tamang pangmalas sa kahalagahan ng pangalan ng Diyos. Para sa tapat na mga Estudyante ng Bibliya, ang kaayusan sa pantubos ang pangunahing turo ng Bibliya. Iyan ang dahilan kung bakit karaniwan nang nakapokus kay Jesus ang Watch Tower. Halimbawa, sa unang taon ng paglalathala ng magasin, mas marami nang 10 beses ang pagbanggit sa pangalan ni Jesus kaysa sa pangalan ni Jehova. May kinalaman sa unang mga taon ng mga Estudyante ng Bibliya, binanggit sa Setyembre 15, 1976, ng Ang Bantayan ang ‘labis na importansiya’ nila kay Jesus. Pero sa paglipas ng panahon, tinulungan sila ni Jehova na maunawaan na ang personal na pangalan ng Diyos ang higit na itinatampok ng Bibliya. Ano ang ginawa ng mga Estudyante ng Bibliya? Mula noong 1919, ang sabi pa ng artikulong iyon ng Ang Bantayan, ‘sinimulan nilang magpakita ng higit na pagpapahalaga sa makalangit na Ama ng Mesiyas, si Jehova.’ Sa katunayan, mula 1920 hanggang 1929, binanggit ng The Watch Tower ang pangalan ng Diyos nang mahigit 6,500 beses!
10 Dahil sa pagbibigay ng nararapat na pagkilala sa pangalang Jehova, ipinakita ng ating mga kapatid ang pag-ibig nila sa pangalan ng Diyos. Tulad ni Moises, ‘ipinahayag nila ang pangalan ni Jehova.’ (Deut. 32:3; Awit 34:3) At gaya ng pangako sa Kasulatan, binigyang-pansin ni Jehova ang pag-ibig nila para sa kaniyang pangalan at sinang-ayunan sila.—Awit 119:132; Heb. 6:10.
11, 12. (a) Ano ang naging pagbabago sa ating mga publikasyon pagkalipas ng 1919? (b) Saan inaakay ni Jehova ang pansin ng kaniyang mga lingkod, at bakit?
11 Ikalawa, ang mga tunay na Kristiyano ay nagkaroon ng tamang unawa sa gawaing iniatas sa kanila ng Diyos. Di-nagtagal pagkalipas ng 1919, napakilos ang nangungunang mga pinahirang kapatid na suriin ang hula sa Isaias. Pagkatapos nito, nagbago ang pokus ng nilalaman ng ating mga publikasyon. Bakit masasabing “pagkain sa tamang panahon” ang pagbabagong iyon?—Mat. 24:45.
12 Bago 1919, hindi natatalakay sa The Watch Tower ang kahulugan ng sinabi ni Isaias: “‘Kayo ang aking mga saksi,’ ang sabi ni Jehova, ‘ang akin ngang lingkod na aking pinili.’” (Basahin ang Isaias 43:10-12.) Pero pagkalipas ng 1919, sinimulang bigyang-pansin sa ating mga publikasyon ang tekstong iyan sa Bibliya at hinimok ang lahat ng pinahiran na makibahagi sa gawaing iniatas ni Jehova sa kanila—ang pagpapatotoo tungkol sa kaniya. Sa katunayan, mula 1925 hanggang 1931, ang Isaias kabanata 43 ay natalakay sa 57 isyu ng The Watch Tower, at ikinapit ng bawat isyu ang mga salita ni Isaias sa mga tunay na Kristiyano. Maliwanag na noong mga taóng iyon, inaakay ni Jehova ang pansin ng kaniyang mga lingkod sa gawaing kailangan nilang gawin. Bakit? Sa gayong paraan, ‘masusubok muna kung sila ay karapat-dapat.’ (1 Tim. 3:10) Bago maging karapat-dapat na tagapagdala ng pangalan ng Diyos, kailangang patunayan kay Jehova ng mga Estudyante ng Bibliya sa pamamagitan ng mga gawa na sila ay talagang mga saksi niya.—Luc. 24:47, 48.
13. Paano isiniwalat ng Salita ng Diyos ang pinakamahalagang isyu na dapat malutas?
13 Ikatlo, naunawaan ng bayan ni Jehova na mahalaga ang pagpapabanal sa pangalan ng Diyos. Noong dekada ng 1920, naunawaan nila na ang pagpapabanal sa pangalan ng Diyos ang pinakamahalagang isyu na dapat malutas. Paano isiniwalat ng Salita ng Diyos ang katotohanang iyan? Pansinin ang dalawang halimbawang ito. Ano ang pangunahing dahilan kung bakit iniligtas ng Diyos ang bansang Israel mula sa Ehipto? Sinabi ni Jehova: “Upang maipahayag ang aking pangalan sa buong lupa.” (Ex. 9:16) At bakit nagpakita ng awa si Jehova sa Israel nang magrebelde ito sa kaniya? Muli, sinabi ni Jehova: “Ako ay kumilos alang-alang sa aking sariling pangalan upang hindi ito malapastangan sa paningin ng mga bansa.” (Ezek. 20:8-10) Ano ang natutuhan ng mga Estudyante ng Bibliya sa mga iyon at sa iba pang ulat ng Bibliya?
14. (a) Ano ang naunawaan ng bayan ng Diyos noong huling bahagi ng dekada ng 1920? (b) Ano ang epekto sa gawaing pangangaral ng naging pagbabago sa unawa ng mga Estudyante ng Bibliya? (Tingnan din ang kahong “Isang Matibay na Dahilan Para Mangaral.”)
14 Noong huling bahagi ng dekada ng 1920, naunawaan ng bayan ng Diyos ang ibig sabihin ng pananalita ni Isaias mga 2,700 taon na ang nakakalipas. Sinabi niya tungkol kay Jehova: “Gayon mo inakay ang iyong bayan upang gumawa ng isang magandang pangalan para sa iyong sarili.” (Isa. 63:14) Naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya na ang pinakamahalagang isyu ay ang pagpapabanal sa pangalan ng Diyos, at hindi ang personal na kaligtasan. (Isa. 37:20; Ezek. 38:23) Noong 1929, ganito binuod ng aklat na Prophecy ang katotohanang iyan: “Ang pangalan ni Jehova ang pinakamahalagang isyu [na kailangang malutas] sa harap ng lahat ng nilalang.” Dahil sa pagbabagong ito sa unawa, lalong napakilos ang mga lingkod ng Diyos na magpatotoo tungkol kay Jehova at linisin ang pangalan niya mula sa paninirang-puri.
15. (a) Ano ang naunawaan ng mga kapatid noong dekada ng 1930? (b) Panahon na para saan?
15 Sa pagsisimula ng dekada ng 1930, naunawaan na ng ating mga kapatid ang kahalagahan ng pangalan ng Diyos, kung ano talaga ang gawaing iniatas sa kanila ng Diyos, at kung ano talaga ang pinakamahalagang isyu na dapat malutas. Panahon na para ibigay ni Jehova sa mga lingkod niya ang karangalan na hayagang ipakilala ang kanilang sarili bilang tagapagdala ng kaniyang pangalan. Para malaman kung paano iyan nangyari, magbalik-tanaw tayo sa kasaysayan.
Kumuha si Jehova ng “Isang Bayan Ukol sa Kaniyang Pangalan”
16. (a) Sa anong natatanging paraan dinakila ni Jehova ang kaniyang pangalan? (b) Sino ang unang naglingkod bilang isang bayan para sa pangalan ng Diyos?
16 Ang isang natatanging paraan ni Jehova para dakilain ang kaniyang pangalan ay ang pagkakaroon ng isang bayan sa lupa na nagtataglay ng kaniyang pangalan. Mula 1513 B.C.E., ang bansang Israel ang kumakatawan kay Jehova bilang kaniyang bayan. (Isa. 43:12) Pero hindi nila tinupad ang pakikipagtipan nila sa Diyos, at noong 33 C.E., naiwala nila ang kanilang espesyal na kaugnayan sa kaniya. Di-nagtagal, “ibinaling [ni Jehova] ang kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha mula sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14) Ang bagong piniling bayang iyon ay nakilala bilang “Israel ng Diyos,” na binubuo ng mga pinahirang tagasunod ni Kristo mula sa iba’t ibang bansa.—Gal. 6:16.
17. Anong pakana ang matagumpay na naisagawa ni Satanas?
17 Noong mga 44 C.E., “tinawag na mga Kristiyano [ang mga alagad ni Kristo] sa pamamagitan ng patnubay mula sa Diyos.” (Gawa 11:26) Noong una, tumutukoy lang iyon sa mga tunay na Kristiyano. (1 Ped. 4:16) Pero gaya ng ipinakita sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa trigo at mga panirang-damo, nagtagumpay si Satanas sa pakana niyang tawagin ding Kristiyano ang lahat ng huwad na Kristiyano. Kaya sa loob ng maraming siglo, hindi madaling matukoy kung sino ang mga tunay na Kristiyano. Pero nagbago iyan noong “kapanahunan ng pag-aani,” na nagsimula noong 1914. Bakit? Dahil sinimulang ihiwalay ng mga anghel ang huwad na mga Kristiyano mula sa mga tunay.—Mat. 13:30, 39-41.
18. Ano ang nakatulong sa ating mga kapatid na makitang kailangan nila ng bagong pangalan?
18 Matapos hirangin ang tapat na alipin noong 1919, tinulungan ni Jehova ang kaniyang bayan na maunawaan ang gawaing iniatas niya sa kanila. Nakita nila agad na ibang-iba sila sa lahat ng huwad na Kristiyano dahil sa pangangaral nila sa bahay-bahay. Di-nagtagal pagkatapos nito, naunawaan nilang hindi sapat ang tawag sa kanila na mga “Estudyante ng Bibliya.” Ang kanilang pangunahing layunin sa buhay ay magpatotoo tungkol sa Diyos at parangalan at dakilain ang kaniyang pangalan, at hindi lang basta mag-aral ng Bibliya. Kaya anong pangalan ang angkop sa gawain nila? Nasagot iyan noong 1931.
19, 20. (a) Anong kapana-panabik na resolusyon ang iniharap sa kombensiyon noong 1931? (b) Ano ang reaksiyon ng mga kapatid sa pagkakaroon ng bagong pangalan?
19 Noong Hulyo 1931, mga 15,000 Estudyante ng Bibliya ang dumating sa Columbus, Ohio, E.U.A., para dumalo sa kombensiyon. Pagkakita sa unang pahina ng programa, napansin nila agad ang dalawang malalaking letra na J at W. ‘Ano kaya ang ibig sabihin ng mga letrang ito?’ ang tanong nila. Inisip ng ilan, ‘Just Watch’; ang iba naman, ‘Just Wait.’ At noong Linggo, Hulyo 26, iniharap ni Brother Joseph Rutherford ang isang resolusyon na may ganitong mapuwersang pananalita: “Hinahangad namin na makilala at tawagin sa pangalang . . . mga saksi ni Jehova.” Alam na ngayon ng lahat ng dumalo kung ano ang kahulugan ng mga letrang iyon—Jehovah’s Witnesses, isang makakasulatang pangalan batay sa Isaias 43:10.
20 Mahabang palakpakan at malakas na hiyawan ang naging tugon ng mga tagapakinig sa resolusyong iyon. Narinig hanggang sa kabilang panig ng mundo ang reaksiyong iyon sa Columbus sa pamamagitan ng radyo! Naalala nina Ernest at Naomi Barber na nasa Australia: “Nang magpalakpakan ang mga nasa Amerika, napatayo ang mga kapatid sa Melbourne at nagpalakpakan na rin. Hinding-hindi namin iyon malilimutan!”a
Dinadakila ang Pangalan ng Diyos sa Buong Daigdig
21. Ano ang magandang epekto ng bagong pangalan sa gawaing pangangaral?
21 Dahil sa makakasulatang pangalan na mga Saksi ni Jehova, mas lumakas ang loob ng mga lingkod ng Diyos na makibahagi sa gawaing pangangaral. Sinabi nina Edward at Jessie Grimes, mag-asawang payunir sa Estados Unidos na dumalo sa kombensiyon sa Columbus noong 1931: “Umalis kami ng bahay bilang mga Estudyante ng Bibliya, pero bumalik kami bilang mga Saksi ni Jehova. Masayang-masaya kami na may pangalan na kami na tutulong sa amin para higit na madakila ang pangalan ng ating Diyos.” Pagkatapos ng kombensiyon, gumamit ng bagong paraan ang ilang Saksi para magawa iyan. Kapag nagpapakilala sila sa may-bahay, iniaabot nila ang isang card na may ganitong mensahe: “Isang saksi ni JEHOVA na nangangaral ng Kaharian ni JEHOVA na ating Diyos.” Oo, ipinagmamalaki ng bayan ng Diyos na taglayin ang pangalang Jehova, at handa silang ipahayag ang kahalagahan nito saanman sa mundo.—Isa. 12:4.
“Umalis kami ng bahay bilang mga Estudyante ng Bibliya, pero bumalik kami bilang mga Saksi ni Jehova”
22. Ano ang patunay na ibang-iba ang bayan ni Jehova?
22 Maraming taon na ang lumipas mula nang pakilusin ni Jehova ang ating mga pinahirang kapatid na yakapin ang kanilang bagong pangalan. Mula 1931, nagtagumpay ba si Satanas sa pagsisikap niyang maitago sa mga tao ang katotohanang naiiba tayo sa ibang mga relihiyon? Hinding-hindi! Lalo pa ngang naging lutang na lutang ang pagkakakilanlan natin bilang mga saksi ng Diyos. (Basahin ang Mikas 4:5; Malakias 3:18.) Sa katunayan, iniisip agad ng mga tao na ang sinumang gumagamit ng pangalan ng Diyos ay isang Saksi ni Jehova. Sa halip na matabunan ng gabundok na mga huwad na relihiyon, ang tunay na pagsamba kay Jehova ay ‘matibay na nakatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok.’ (Isa. 2:2) Oo, lalong nadadakila ang pagsamba kay Jehova at ang kaniyang banal na pangalan.
23. Ayon sa Awit 121:5, anong mahalagang katotohanan tungkol kay Jehova ang nagbibigay sa atin ng higit na lakas?
23 Talagang nakapagpapatibay malaman na poproteksiyunan tayo ni Jehova laban sa mga pag-atake ni Satanas ngayon at sa hinaharap! (Awit 121:5) Kaya masasabi rin natin ang isinulat ng salmista: “Maligaya ang bansa na ang Diyos ay si Jehova, ang bayang pinili niya bilang kaniyang mana.”—Awit 33:12.
a Tingnan ang Kabanata 7, pahina 72-74, tungkol sa paggamit ng radyo.