KABANATA 15
Ang Tamang Paraan ng Pagsamba sa Diyos
1. Sino lang ang makapagsasabi sa atin ng tamang paraan ng pagsamba sa Diyos?
SINASABI ng maraming relihiyon na itinuturo nila ang katotohanan tungkol sa Diyos. Pero hindi puwedeng mangyari iyan, dahil ibang-iba ang itinuturo nila tungkol sa kung sino ang Diyos at kung paano siya dapat sambahin. Paano natin malalaman ang tamang paraan ng pagsamba sa Diyos? Si Jehova lang ang makapagsasabi kung paano natin siya dapat sambahin.
2. Ano ang gagawin mo para malaman mo ang tamang paraan ng pagsamba sa Diyos?
2 Ibinigay ni Jehova sa atin ang Bibliya para malaman natin ang tamang paraan ng pagsamba sa kaniya. Kaya pag-aralan mo ang Bibliya, at tutulungan ka ni Jehova na makinabang sa mga itinuturo niya dahil mahal na mahal ka niya.—Isaias 48:17.
3. Ano ang gusto ng Diyos na gawin natin?
3 Sinasabi ng ilan na tinatanggap ng Diyos ang lahat ng relihiyon, pero hindi ganiyan ang itinuro ni Jesus. Sinabi niya: “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa Kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lang ng kalooban ng aking Ama.” Kaya napakahalagang alamin at sundin ang kalooban ng Diyos. Seryosong bagay ito dahil sinabi ni Jesus na ang mga taong hindi sumusunod sa Diyos ay gaya ng mga kriminal, na “masama ang ginagawa.”—Mateo 7:21-23.
4. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa paggawa ng kalooban ng Diyos?
4 Sinabi ni Jesus na kapag nagdesisyon tayong sundin ang Diyos, makakaranas tayo ng mga pagsubok. Sinabi niya: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan, dahil maluwang ang pintuang-daan at malapad ang daang papunta sa pagkapuksa, at marami ang pumapasok dito; pero makipot ang pintuang-daan at makitid ang daang papunta sa buhay, at kakaunti ang mga nakakahanap dito.” (Mateo 7:13, 14) Ang makitid na daan, o ang tamang paraan ng pagsamba sa Diyos, ay papunta sa buhay na walang hanggan. Ang malapad na daan, o ang maling paraan ng pagsamba sa Diyos, ay papunta naman sa kamatayan. Pero ayaw ni Jehova na mamatay ang sinuman. Binibigyan niya ang lahat ng pagkakataong matuto tungkol sa kaniya.—2 Pedro 3:9.
ANG TAMANG PARAAN NG PAGSAMBA SA DIYOS
5. Paano mo makikilala ang mga sumasamba sa Diyos sa tamang paraan?
5 Sinabi ni Jesus na makikilala natin ang mga sumasamba sa Diyos sa tamang paraan. Magagawa natin ito kung pag-aaralan natin ang paniniwala nila at ang ginagawa nila. Sinabi ni Jesus: “Makikilala ninyo sila sa mga bunga nila.” Sinabi pa niya: “Maganda ang bunga ng mabuting puno.” (Mateo 7:16, 17) Hindi ito nangangahulugang perpekto ang mga sumasamba sa Diyos. Pero lagi nilang sinisikap na gawin ang tama. Aalamin natin ngayon kung ano ang tutulong sa atin na makilala ang mga sumasamba sa Diyos sa tamang paraan.
6, 7. Bakit sa Bibliya nakabatay ang tunay na pagsamba? Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jesus?
6 Ang pagsamba natin ay dapat na nakabatay sa Bibliya. Sinasabi ng Bibliya: “Ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, pagsaway, pagtutuwid, at pagdidisiplina ayon sa katuwiran, para ang lingkod ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, na handang-handa para sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano: “Nang marinig ninyo mula sa amin ang salita ng Diyos, tinanggap ninyo ito, hindi bilang salita ng tao, kundi gaya ng kung ano talaga ito, bilang salita ng Diyos.” (1 Tesalonica 2:13) Ang tunay na pagsamba ay nakabatay lang sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, at hindi sa ideya ng tao, tradisyon, o iba pa.
7 Lahat ng itinuro ni Jesus ay galing sa Salita ng Diyos. (Basahin ang Juan 17:17.) Madalas siyang sumipi mula sa Kasulatan. (Mateo 4:4, 7, 10) Gaya ni Jesus, ibinabatay rin sa Bibliya ng mga tunay na lingkod ng Diyos ang lahat ng itinuturo nila.
8. Ano ang itinuro ni Jesus tungkol sa pagsamba kay Jehova?
8 Si Jehova lang ang dapat nating sambahin. Sinasabi ng Awit 83:18: “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Gusto ni Jesus na malaman ng mga tao kung sino talaga ang tunay na Diyos, kaya itinuro niya sa kanila ang pangalan ng Diyos. (Basahin ang Juan 17:6.) Sinabi ni Jesus: “Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lang ang dapat mong paglingkuran.” (Mateo 4:10) Kaya bilang mga lingkod ng Diyos, tinutularan natin si Jesus. Si Jehova lang ang sinasamba natin, ginagamit natin ang pangalan niya, at itinuturo natin ito sa iba pati na ang gagawin niya para sa atin.
9, 10. Paano natin ipinapakitang mahal natin ang isa’t isa?
9 Dapat na may tunay na pagmamahal tayo sa mga tao. Tinuruan ni Jesus ang mga alagad niya na mahalin ang isa’t isa. (Basahin ang Juan 13:35.) Hindi mahalaga kung ano ang ating pinagmulan, kultura, o estado sa buhay. Dahil mahal natin ang isa’t isa, nagkakaisa tayo bilang magkakapatid. (Colosas 3:14) Kaya hindi tayo sumasali sa digmaan at pumapatay ng tao. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo ay makikilala dahil dito: Hindi nagmula sa Diyos ang sinumang hindi patuloy na gumagawa ng matuwid at ang hindi umiibig sa kapatid niya.” Sinasabi pa nito: “Dapat nating ibigin ang isa’t isa; hindi tulad ni Cain, na nagmula sa isa na masama at pumatay sa kapatid niya.”—1 Juan 3:10-12; 4:20, 21.
10 Ginagamit natin ang ating panahon, lakas, at pag-aari para tulungan at patibayin ang isa’t isa. (Hebreo 10:24, 25) ‘Gumagawa tayo ng mabuti sa lahat.’—Galacia 6:10.
11. Bakit tayo naniniwalang si Jesus ang daan papunta sa Diyos?
11 Kailangan nating sundin si Jesus dahil siya ang daan papunta sa Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “Wala nang ibang tagapagligtas, dahil walang ibang pangalan sa ibabaw ng lupa na ibinigay sa mga tao na ikaliligtas natin.” (Gawa 4:12) Sa Kabanata 5 ng aklat na ito, natutuhan natin na isinugo ni Jehova si Jesus para ibigay ang buhay niya bilang pantubos sa lahat ng masunuring tao. (Mateo 20:28) Pinili ni Jehova si Jesus na mamahala bilang Hari sa buong lupa. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ng Bibliya na dapat nating sundin si Jesus para mabuhay magpakailanman.—Basahin ang Juan 3:36.
12. Bakit hindi tayo sumasali sa politika?
12 Hindi tayo dapat sumali sa politika. Hindi sumali si Jesus sa politika. Noong nililitis siya, sinabi niya sa tagapamahalang Romano na si Pilato: “Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Basahin ang Juan 18:36.) Gaya ni Jesus, tapat tayo sa Kaharian ng Diyos, kaya saanman tayo nakatira, hindi tayo sumasali sa politika. Pero sinasabi ng Bibliya na dapat nating sundin ang “nakatataas na mga awtoridad,” o mga gobyerno. (Roma 13:1) Kaya sumusunod tayo sa mga batas ng bansang tinitirhan natin. Pero siyempre, kapag ang isang batas ay salungat sa batas ng Diyos, tinutularan natin ang mga apostol, na nagsabi: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:29; Marcos 12:17.
13. Ano ang ipinangangaral natin tungkol sa Kaharian ng Diyos?
13 Naniniwala tayo na Kaharian ng Diyos lang ang solusyon sa mga problema ng mundo. Sinabi ni Jesus na ang “mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian” ay ipangangaral sa buong mundo. (Basahin ang Mateo 24:14.) Hindi kayang gawin ng gobyerno ng tao ang gagawin ng Kaharian ng Diyos para sa atin. (Awit 146:3) Tinuruan tayo ni Jesus na ipanalangin ang Kaharian ng Diyos: “Dumating nawa ang Kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayon din sa lupa.” (Mateo 6:10) Sinasabi ng Bibliya na aalisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng gobyerno ng tao at “ito lang ang mananatili magpakailanman.”—Daniel 2:44.
14. Sa tingin mo, sino lang ang sumasamba sa Diyos sa tamang paraan?
14 Matapos pag-aralan ang mga ito, tanungin ang sarili: ‘Sino ang gumagamit ng Bibliya bilang batayan ng kanilang turo? Sino ang nagpapakilala sa pangalan ng Diyos? Sino ang nagpapakita ng tunay na pagmamahal sa isa’t isa at naniniwalang isinugo ng Diyos si Jesus para iligtas tayo? Sino ang hindi sumasali sa politika? Sino ang nangangaral na Kaharian ng Diyos lang ang makakalutas sa mga problema natin?’ Walang iba kundi ang mga Saksi ni Jehova.—Isaias 43:10-12.
ANO ANG GAGAWIN MO?
15. Ano ang dapat nating gawin para tanggapin ng Diyos ang pagsamba natin?
15 Hindi sapat na basta maniwalang may Diyos. Kahit ang mga demonyo ay naniniwalang may Diyos, pero hindi sila sumusunod sa kaniya. (Santiago 2:19) Kung gusto nating tanggapin ng Diyos ang pagsamba natin, hindi sapat na basta maniwala sa kaniya; dapat din nating sundin ang sinasabi niya.
16. Bakit dapat nating iwan ang huwad na relihiyon?
16 Para tanggapin ng Diyos ang pagsamba natin, dapat nating iwan ang huwad na relihiyon. Isinulat ni propeta Isaias: “Lumabas kayo mula sa kaniya, manatili kayong malinis.” (Isaias 52:11; 2 Corinto 6:17) Iyan ang dahilan kung bakit kailangan nating iwasan ang anumang bagay na may kaugnayan sa huwad na relihiyon.
17, 18. Ano ang “Babilonyang Dakila,” at bakit kailangan mo na itong iwan?
17 Ano ang huwad na relihiyon? Tumutukoy ito sa anumang relihiyon na nagtuturo ng paraan ng pagsamba sa Diyos na hindi kaayon ng Salita niya. Sa Bibliya, tinatawag ang lahat ng huwad na relihiyon na “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 17:5) Bakit? Pagkatapos ng Baha noong panahon ni Noe, maraming maling turo ang nagsimula sa lunsod ng Babilonya. Kumalat ang mga turong iyon sa buong lupa. Halimbawa, ang mga taga-Babilonya ay sumasamba sa tatluhang diyos. Sa ngayon, marami ring relihiyon ang nagtuturo na ang Diyos ay isang Trinidad, pero malinaw na itinuturo ng Bibliya na iisa lang ang tunay na Diyos, si Jehova, at si Jesus ay Anak niya. (Juan 17:3) Naniniwala rin ang mga taga-Babilonya na may isang bahagi ang tao na humihiwalay at patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan at ang bahaging iyon ay puwedeng maghirap sa impiyerno. Pero hindi totoo iyan.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 14, 17, at 18.
18 Inihula ng Diyos na malapit nang puksain ang lahat ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 18:8) Naiintindihan mo ba kung bakit kailangan mo nang iwan ang huwad na relihiyon? Gusto ng Diyos na Jehova na gawin mo iyan bago mahuli ang lahat.—Apocalipsis 18:4.
19. Kapag nagdesisyon kang maglingkod kay Jehova, ano ang gagawin niya para sa iyo?
19 Kapag nagdesisyon kang iwan ang huwad na relihiyon at maglingkod kay Jehova, baka hindi iyon maintindihan ng mga kaibigan o kapamilya mo at kontrahin ka pa nga nila. Pero hindi ka pababayaan ni Jehova. Magiging bahagi ka ng isang malaking pamilya sa buong daigdig na may pag-ibig sa isa’t isa, at magkakaroon ka ng pag-asang mabuhay magpakailanman sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Marcos 10:28-30) Malay mo, baka mag-aral din ng Bibliya ang ilang kaibigan at kapamilya mo na hindi pabor sa desisyon mo.
20. Bakit mahalagang sambahin ang Diyos sa tamang paraan?
20 Malapit nang alisin ng Diyos ang lahat ng kasamaan at mamamahala na ang Kaharian niya sa buong lupa. (2 Pedro 3:9, 13) Isa itong napakasayang panahon! Sasambahin si Jehova ng lahat ng tao sa paraang gusto niya. Kaya kumilos na ngayon at sambahin ang Diyos sa tamang paraan.