KABANATA 3
Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Tao?
1. Ano ang layunin ng Diyos para sa tao?
MAY magandang layunin ang Diyos para sa tao. Ginawa niya ang unang lalaki at babae, sina Adan at Eva, para tumira sa isang magandang hardin. Layunin niyang magkaanak sila, gawin nilang paraiso ang buong lupa, at alagaan ang mga hayop.—Genesis 1:28; 2:8, 9, 15; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 6.
2. (a) Paano natin nalaman na gagawin ng Diyos ang layunin niya? (b) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa buhay na walang hanggan?
2 Sa tingin mo, mararanasan pa kaya nating tumira sa paraiso? Sinasabi ni Jehova: “Ang layunin kong ito ay isasakatuparan ko.” (Isaias 46:9-11; 55:11) Oo, gagawin niya ang layunin niya, at walang makakapigil sa kaniya. Sinabi ni Jehova na may layunin siya kaya niya nilalang ang lupa. Hindi niya ito nilalang “nang walang dahilan.” (Isaias 45:18) Gusto niyang mapuno ng tao ang lupa. Pero anong uri ng mga tao, at gaano katagal? Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga matuwid [o, masunurin] ang magmamay-ari ng lupa, at titira sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4.
3. Dahil nagkakasakit at namamatay ang tao, ano ang maitatanong mo?
3 Pero sa ngayon, nagkakasakit at namamatay ang tao. Marami ang nag-aaway at nagpapatayan. Siguradong hindi iyan ang layunin ng Diyos. Ano ang nangyari, at bakit? Bibliya lang ang makakasagot nito.
ISANG KAAWAY NG DIYOS
4, 5. (a) Sino ang nakipag-usap kay Eva sa Eden gamit ang isang ahas? (b) Paano puwedeng maging magnanakaw ang isang mabuting tao?
4 Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay may kaaway na “tinatawag na Diyablo at Satanas.” Gumamit si Satanas ng ahas para kausapin si Eva sa hardin ng Eden. (Apocalipsis 12:9; Genesis 3:1) Pinagmukha niyang nagsasalita ang ahas.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 7.
5 Ang Diyos ba ang gumawa kay Satanas na Diyablo? Hindi! Isang anghel na nasa langit na noong inihahanda ng Diyos ang lupa para kina Adan at Eva ang nagbago at naging Diyablo. (Job 38:4, 7) Paano? Isipin kung paano puwedeng maging magnanakaw ang isang mabuting tao. Hindi siya ipinanganak na magnanakaw. Pero hinangad niya ang hindi sa kaniya. Inisip-isip niya ito, kaya mas tumindi ang pagnanasa niya. At nang magkaroon siya ng pagkakataon, ninakaw niya ito. Ginawa niyang magnanakaw ang sarili niya.—Basahin ang Santiago 1:13-15; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 8.
6. Paano naging kaaway ng Diyos ang isang anghel?
6 Ganiyan ang nangyari sa anghel na iyon. Pagkatapos lalangin ni Jehova sina Adan at Eva, inutusan niya silang magkaanak at ‘punuin ang lupa.’ (Genesis 1:27, 28) Baka naisip ng anghel na iyon, ‘Puwedeng ako ang sambahin ng lahat ng tao, hindi si Jehova!’ Habang iniisip-isip niya iyon, mas tumitindi ang pagnanasa niya sa pagsambang para kay Jehova. Gusto ng anghel na iyon na sambahin siya ng mga tao. Kaya nagsinungaling siya kay Eva at nadaya ito. (Basahin ang Genesis 3:1-5.) Dahil diyan, siya ay naging Satanas na Diyablo, isang kaaway ng Diyos.
7. (a) Bakit namatay sina Adan at Eva? (b) Bakit tayo tumatanda at namamatay?
7 Sinuway nina Adan at Eva ang Diyos at kinain ang prutas. (Genesis 2:17; 3:6) Nagkasala sila kay Jehova, at dumating ang panahon, namatay sila gaya ng sinabi ni Jehova. (Genesis 3:17-19) Dahil makasalanan ang mga anak nina Adan at Eva, namatay rin sila. (Basahin ang Roma 5:12.) Bakit? Tingnan ang halimbawang ito. Isiping nagluluto ka ng tinapay sa isang baking pan na may yupi. Ang tinapay na maluluto rito ay magkakayupi rin. Nang suwayin ni Adan ang Diyos, naging makasalanan si Adan. Dahil mga anak tayo ni Adan, tayong lahat ay makasalanan, o may “yupi” ring gaya niya. At dahil makasalanan tayong lahat, tumatanda tayo at namamatay.—Roma 3:23; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 9.
8, 9. (a) Ano ang gusto ni Satanas na paniwalaan nina Adan at Eva? (b) Bakit hindi agad pinatay ni Jehova ang mga rebelde?
8 Nagrebelde si Satanas kay Jehova nang impluwensiyahan niya sina Adan at Eva na sumuway sa Diyos. Gusto niyang maniwala sina Adan at Eva na sinungaling si Jehova, isang masamang tagapamahalang ayaw magbigay ng mabubuting bagay sa kanila. Sinasabi ni Satanas na hindi kailangan ng tao ang Diyos para magsabi sa kanila ng dapat nilang gawin at na sina Adan at Eva ang dapat magdesisyon kung ano ang tama at mali. Kaya ano ang gagawin ni Jehova? Puwede na sana niyang patayin ang mga rebelde at tapusin ang rebelyon. Pero mapapatunayan ba nito na sinungaling si Satanas? Hindi.
9 Kaya hindi agad pinatay ni Jehova ang mga rebelde. Sa halip, hinayaan niyang pamahalaan ng mga tao ang kanilang sarili. Mapapatunayan nitong sinungaling si Satanas at na alam ni Jehova kung ano ang pinakamabuti para sa tao. Marami pa tayong matututuhan tungkol diyan sa Kabanata 11. Pero ano ang tingin mo sa ginawa nina Adan at Eva? Tama bang maniwala sila kay Satanas at sumuway sa Diyos? Si Jehova ang nagbigay kina Adan at Eva ng lahat ng mayroon sila. Siya ang nagbigay sa kanila ng perpektong buhay, magandang tahanan, at kasiya-siyang gawain. Pero wala pang nagagawang mabuti si Satanas sa kanila. Kung nandoon ka, ano ang gagawin mo?
10. Anong mahalagang pagpili ang dapat gawin ng bawat isa sa atin?
10 Sa ngayon, kailangan din nating pumili, at buhay natin ang nakataya. Puwede nating sundin si Jehova bilang Tagapamahala at patunayang sinungaling si Satanas. O puwede nating piliin si Satanas bilang tagapamahala. (Awit 73:28; basahin ang Kawikaan 27:11.) Kakaunti lang sa mundo ang sumusunod sa Diyos. Ang totoo, hindi siya ang tagapamahala ng mundo. Kung hindi ang Diyos, sino?
SINO ANG NAMAMAHALA SA MUNDO?
11, 12. (a) Ano ang matututuhan natin sa pag-aalok ni Satanas kay Jesus? (b) Anong mga teksto ang nagpapakitang si Satanas ang tagapamahala ng mundo?
11 Alam ni Jesus kung sino talaga ang namamahala sa mundo. Minsan, “ipinakita sa kaniya [ni Satanas] ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kaluwalhatian ng mga ito.” Pagkatapos, nangako siya kay Jesus: “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung luluhod ka at sasamba sa akin nang kahit isang beses.” (Mateo 4:8, 9; Lucas 4:5, 6) Tanungin ang sarili, ‘Kung hindi kay Satanas ang mga kahariang iyon, maiaalok ba niya iyon kay Jesus?’ Hindi. Lahat ng gobyerno ay kay Satanas.
12 Baka maisip mo: ‘Paano nangyaring si Satanas ang tagapamahala ng mundo? Hindi ba’t si Jehova na Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat ang lumalang sa uniberso?’ (Apocalipsis 4:11) Oo, pero malinaw na tinawag ni Jesus si Satanas na “tagapamahala ng mundong ito.” (Juan 12:31; 14:30; 16:11) Tinawag ni apostol Pablo si Satanas na Diyablo na “diyos ng sistemang ito.” (2 Corinto 4:3, 4) At isinulat ni apostol Juan na “ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.”—1 Juan 5:19.
PAANO WAWAKASAN ANG SISTEMANG ITO NI SATANAS?
13. Bakit natin kailangan ang bagong sanlibutan?
13 Pasama nang pasama ang mundo. Napakaraming digmaan, korapsiyon, pandaraya, at karahasan. Hindi kayang ayusin ng tao ang mga problemang ito, anuman ang gawin nila. Pero malapit nang wakasan ng Diyos ang masamang mundong ito sa Armagedon, at papalitan niya ito ng matuwid na bagong sanlibutan.—Apocalipsis 16:14-16; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 10.
14. Sino ang pinili ng Diyos para maging Hari ng Kaniyang Kaharian? Ano ang inihula ng Bibliya tungkol kay Jesus?
14 Pinili ni Jehova si Jesu-Kristo para maging Hari ng Kaniyang makalangit na gobyerno, o Kaharian. Libo-libong taon na ang nakalipas, inihula ng Bibliya na mamamahala si Jesus bilang “Prinsipe ng Kapayapaan” at hindi magwawakas ang gobyerno niya. (Isaias 9:6, 7) Tinuruan ni Jesus ang mga tagasunod niya na ipanalangin ang gobyernong iyon nang sabihin niya: “Dumating nawa ang Kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayon din sa lupa.” (Mateo 6:10) Sa Kabanata 8, matututuhan natin kung paano papalitan ng Kaharian ng Diyos ang mga gobyerno sa lupa. (Basahin ang Daniel 2:44.) Pagkatapos, magiging magandang paraiso ang lupa sa ilalim ng Kaharian.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 11.
MALAPIT NA ANG ISANG BAGONG SANLIBUTAN!
15. Ano ang “bagong lupa”?
15 Nangangako ang Bibliya: “May hinihintay tayong bagong langit at bagong lupa,” at “sa mga ito ay magiging matuwid ang lahat ng bagay.” (2 Pedro 3:13; Isaias 65:17) Kung minsan, kapag binabanggit ng Bibliya ang “lupa,” tinutukoy nito ang mga taong nakatira sa lupa. (Genesis 11:1) Kaya ang matuwid na “bagong lupa” ay tumutukoy sa lahat ng sumusunod sa Diyos at pinagpapala niya.
16. Anong napakagandang regalo ang ibibigay ng Diyos sa mabubuhay sa bagong sanlibutan, at ano ang dapat nating gawin para tanggapin ito?
16 Nangako si Jesus na bibigyan ng “buhay na walang hanggan” ang mabubuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Marcos 10:30) Ano ang dapat nating gawin para tanggapin ang regalong ito? Para malaman ang sagot, basahin ang Juan 3:16 at 17:3. Tingnan natin ang sinasabi ng Bibliya na magiging buhay sa Paraiso.
17, 18. Paano natin nalaman na magiging payapa na ang buong lupa at magiging panatag na tayo?
17 Mawawala na ang kasamaan, digmaan, krimen, at karahasan. Wala nang matitirang masama sa lupa. (Awit 37:10, 11) Patitigilin ng Diyos ang “mga digmaan sa buong lupa.” (Awit 46:9; Isaias 2:4) Ang lupa ay mapupuno ng mga taong nagmamahal sa Diyos at sumusunod sa kaniya. Magiging mapayapa na magpakailanman.—Awit 72:7.
18 Magiging panatag ang bayan ni Jehova. Noon, kapag sumusunod ang mga Israelita sa Diyos, ligtas sila dahil pinoprotektahan niya sila. (Levitico 25:18, 19) Sa Paraiso, wala na tayong kakatakutan. Magiging panatag na tayo lagi!—Basahin ang Isaias 32:18; Mikas 4:4.
19. Bakit tayo makakatiyak na magkakaroon ng maraming pagkain sa bagong sanlibutan ng Diyos?
19 Magkakaroon ng maraming pagkain. “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; mag-uumapaw ito sa tuktok ng mga bundok.” (Awit 72:16) ‘Pagpapalain tayo ng ating Diyos,’ si Jehova, at “ang lupa ay magbibigay ng ani nito.”—Awit 67:6.
20. Paano natin nalaman na magiging paraiso ang lupa?
20 Magiging paraiso ang buong lupa. Magkakaroon ng magagandang bahay at hardin ang mga tao. (Basahin ang Isaias 65:21-24; Apocalipsis 11:18.) Ang lupa ay magiging kasingganda ng hardin ng Eden. Ibibigay ni Jehova ang lahat ng kailangan natin. Sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaniya: “Binubuksan mo ang iyong kamay at ibinibigay ang inaasam ng bawat bagay na may buhay.”—Awit 145:16.
21. Paano natin nalaman na magkakaroon ng kapayapaan sa pagitan ng tao at hayop?
21 May kapayapaan sa pagitan ng tao at hayop. Ang mga hayop ay hindi na mananakit ng tao. Hindi na matatakot ang mga bata kahit sa mababangis na hayop sa ngayon.—Basahin ang Isaias 11:6-9; 65:25.
22. Ano ang gagawin ni Jesus sa mga maysakit?
22 Wala nang magkakasakit. Noong nasa lupa si Jesus, marami siyang pinagaling. (Mateo 9:35; Marcos 1:40-42; Juan 5:5-9) Pero bilang Hari ng Kaharian, pagagalingin niya ang lahat ng tao. Wala nang magsasabi: “May sakit ako.”—Isaias 33:24; 35:5, 6.
23. Ano ang gagawin ng Diyos sa mga patay?
23 Mabubuhay-muli ang mga patay. Nangangako ang Diyos na bubuhayin niya ang milyon-milyong namatay. “Bubuhaying muli ng Diyos ang mga matuwid at di-matuwid.”—Basahin ang Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.
24. Ano ang masasabi mo tungkol sa magiging buhay sa Paraiso?
24 Lahat tayo ay malayang pumili. Puwede nating piliing matuto tungkol kay Jehova at paglingkuran siya, o basta gawin na lang kung ano ang gusto natin. Kung pipiliin nating paglingkuran si Jehova, magkakaroon tayo ng magandang kinabukasan. Nang hilingin ng isang lalaki na alalahanin siya ni Jesus pagkamatay niya, nangako si Jesus: “Makakasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43) May matututuhan pa tayo tungkol kay Jesu-Kristo at kung paano niya tutuparin ang mga pangako ng Diyos.