KABANATA 7
Malalaman ng mga Bansa na Ako si Jehova
POKUS: Ang matututuhan natin sa pakikisalamuha ng Israel sa mga bansang lumapastangan sa pangalan ni Jehova
1, 2. (a) Bakit ang Israel ay naging gaya ng isang tupa sa gitna ng mga lobo? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.) (b) Ano ang hinayaang mangyari ng mga Israelita at ng mga naging hari nila?
SA LOOB ng daan-daang taon, ang Israel ay naging gaya ng isang tupa sa gitna ng mga lobo. Nasa silangang hangganan nito ang mapanganib na mga Ammonita, Moabita, at Edomita. Nasa kanluran naman ang mga Filisteo, na laging nakikipagdigma sa Israel. Nasa hilaga ang lunsod ng Tiro, ang sentro ng isang napakalaking imperyo ng negosyo. At nasa timog naman ang sinaunang Ehipto, na pinamamahalaan ng diyos at hari nito, ang Paraon.
2 Kapag nagtitiwala kay Jehova ang mga Israelita, pinoprotektahan niya sila mula sa mga kaaway nila. Pero paulit-ulit na hinayaan ng bayan niya at ng mga naging hari nila na maimpluwensiyahan sila ng mga bansang nakapalibot sa kanila. Isa sa mga haring ito si Ahab. Kakontemporaryo niya si Haring Jehosapat ng Juda, at namahala siya sa 10-tribong kaharian ng Israel. Napangasawa niya si Jezebel, ang anak ng hari ng Sidon na namahala sa maunlad na lunsod ng Tiro. Itinaguyod ni Jezebel sa Israel ang pagsamba kay Baal at inimpluwensiyahan ang asawa niya na dungisan nang husto ang dalisay na pagsamba.—1 Hari 16:30-33; 18:4, 19.
3, 4. (a) Tungkol kanino naman humula si Ezekiel? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
3 Nagbabala si Jehova sa bayan niya tungkol sa kahihinatnan ng pagiging di-tapat sa kaniya. Pero ngayon, nasagad na ang pasensiya niya. (Jer. 21:7, 10; Ezek. 5:7-9) Noong 609 B.C.E., bumalik ang hukbo ng Babilonya sa Lupang Pangako sa ikatlong pagkakataon. Halos 10 taon na mula nang huli silang sumalakay. At sa pagkakataong ito, gigibain nila ang mga pader ng Jerusalem at papatayin ang mga nagrebelde kay Nabucodonosor. Habang nagsisimula ang pagkubkob at natutupad nang detalyado ang mga hula ni Ezekiel, humula naman ang propeta tungkol sa mga bansang nakapalibot sa Lupang Pangako.
Mananagot ang mga bansang lumapastangan sa pangalan ni Jehova
4 Sinabi ni Jehova kay Ezekiel na magsasaya ang mga kaaway ng Juda sa pagkawasak ng Jerusalem at pahihirapan nila ang mga makaliligtas. Pero mananagot ang mga bansang lumapastangan sa pangalan ni Jehova, pati na ang mga umusig o nagparumi sa bayan niya. Anong mga aral ang makukuha natin sa pakikisalamuha ng Israel sa mga bansang iyon? At bakit nagbibigay sa atin ng pag-asa ang mga hula ni Ezekiel tungkol sa kanila?
Mga Kamag-anak na “Tuwang-tuwa . . . sa Masamang Nangyari” sa Israel
5, 6. Ano ang kaugnayan ng mga Ammonita at ng mga Israelita?
5 Masasabing kamag-anak ng Israel ang Ammon, Moab, at Edom. Sa kabila nito, paulit-ulit nilang pinagmalupitan ang bayan ng Diyos at “tuwang-tuwa [sila] sa masamang nangyari” sa Israel.—Ezek. 25:6.
6 Ang mga Ammonita ay nagmula sa pamangkin ni Abraham na si Lot, mula sa nakababata nitong anak na babae. (Gen. 19:38) Napakalapit ng wika nila sa Hebreo kaya malamang na naiintindihan ito ng bayan ng Diyos. Dahil magkamag-anak sila, sinabi ni Jehova sa mga Israelita na huwag magsimula ng pakikipagdigma sa Ammon. (Deut. 2:19) Pero sa panahon ng mga Hukom, sumama ang mga Ammonita kay Haring Eglon ng Moab sa pagpapahirap sa Israel. (Huk. 3:12-15, 27-30) Nang maglaon, noong maging hari si Saul, sinalakay ng mga Ammonita ang Israel. (1 Sam. 11:1-4) At sa panahon ni Haring Jehosapat, sumama ulit sila sa Moab sa pagsalakay sa Lupang Pangako.—2 Cro. 20:1, 2.
7. Paano pinakitunguhan ng mga Moabita ang mga kamag-anak nila, ang mga inapo ni Israel?
7 Ang mga Moabita ay nagmula rin kay Lot, mula naman sa nakatatanda nitong anak na babae. (Gen. 19:36, 37) Sinabi ni Jehova sa mga Israelita na huwag makipagdigma sa Moab. (Deut. 2:9) Pero masama ang iginanti ng mga Moabita. Sa halip na tulungan ang mga kamag-anak nilang tumatakas mula sa Ehipto, hinadlangan pa nila ang mga ito sa pagpasok sa Lupang Pangako. Binayaran ni Haring Balak ng Moab si Balaam para sumpain ang mga Israelita, at itinuro ni Balaam kay Balak kung ano ang gagawin para magkasala ng imoralidad at idolatriya ang mga lalaking Israelita. (Bil. 22:1-8; 25:1-9; Apoc. 2:14) Sa loob ng ilang siglo hanggang sa panahon ni Ezekiel, patuloy na pinahirapan ng mga Moabita ang mga kamag-anak nila.—2 Hari 24:1, 2.
8. Bakit sinabi ni Jehova na kapatid ng Israel ang Edom, pero paano sila pinakitunguhan ng mga Edomita?
8 Ang mga Edomita ay nagmula kay Esau, ang kakambal ni Jacob. Napakalapit ng kaugnayan nila sa Israel kung kaya tinukoy ni Jehova na magkakapatid ang mga Edomita at ang mga Israelita. (Deut. 2:1-5; 23:7, 8) Pero kinalaban ng mga Edomita ang Israel mula nang umalis ito sa Ehipto hanggang sa mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. (Bil. 20:14, 18; Ezek. 25:12) Noong panahong iyon, nagsaya sila sa pagdurusa ng Israel at hinimok nila ang mga Babilonyo na wasakin ang Jerusalem. Hinadlangan din nila ang tumatakas na mga Israelita at ibinigay sa kaaway.—Awit 137:7; Ob. 11, 14.
9, 10. (a) Ano ang nangyari sa Ammon, Moab, at Edom? (b) Ano ang nagpapakitang hindi naman lahat ng nagmula sa mga bansang iyon ay naging malupit sa Israel?
9 Pinanagot ni Jehova ang mga kamag-anak ng Israel dahil pinagmalupitan nila ang bayan niya. Sinabi niya: “Ibibigay ko . . . sa mga taga-Silangan bilang pag-aari . . . ang mga Ammonita, at hindi na maaalaala ang mga Ammonita bilang isang bansa.” Sinabi pa niya: “Ilalapat ko ang hatol sa Moab, at malalaman nila na ako si Jehova.” (Ezek. 25:10, 11) Mga limang taon matapos bumagsak ang Jerusalem, nagsimulang matupad ang mga hulang ito nang sakupin ng mga Babilonyo ang Ammon at Moab. At sinabi ni Jehova na ‘lilipulin niya ang mga tao at alagang hayop’ sa Edom at ‘gagawin itong tiwangwang.’ (Ezek. 25:13) Gaya ng inihula, sa bandang huli, nawala na ang Ammon, Moab, at Edom.—Jer. 9:25, 26; 48:42; 49:17, 18.
10 Pero hindi naman lahat ng nagmula sa mga bansang iyon ay naging malupit sa bayan ng Diyos. Halimbawa, si Zelek na Ammonita at si Itma na Moabita ay kabilang sa malalakas na mandirigma ni Haring David. (1 Cro. 11:26, 39, 46; 12:1) At si Ruth naman na isang Moabita ay naging tapat na mananamba ni Jehova.—Ruth 1:4, 16, 17.
Huwag na huwag makipagkompromiso
11. Anong aral ang makukuha natin sa pakikisalamuha ng Israel sa Ammon, Moab, at Edom?
11 Anong mga aral ang makukuha natin sa pakikisalamuha ng Israel sa mga bansang iyon? Una, nang hindi nag-ingat ang mga Israelita, unti-unti silang naimpluwensiyahan ng huwad na pagsamba ng mga kamag-anak nila, gaya ng pagsamba sa Baal ng Peor, ang diyos ng mga Moabita, at kay Molec, ang diyos ng mga Ammonita. (Bil. 25:1-3; 1 Hari 11:7) Puwede ring mangyari iyan sa atin. Baka hikayatin tayo ng mga kamag-anak natin na makipagkompromiso. Halimbawa, baka hindi nila naiintindihan kung bakit hindi tayo nagdiriwang ng Easter, nakikipagpalitan ng regalo tuwing Pasko, o nakikibahagi sa iba pang kaugalian na nauugnay sa huwad na relihiyon. Kahit na wala silang masamang intensiyon, baka hikayatin nila tayong ikompromiso ang pamantayan natin kahit sandali lang. Napakahalaga nga na huwag magpadala sa gayong panggigipit! Gaya ng nangyari sa Israel, ang isang pakikipagkompromiso ay katulad ng paghakbang sa bangin na magbubulusok sa atin sa kapahamakan.
12, 13. Anong pag-uusig ang posibleng mapaharap sa atin, pero ano ang puwedeng maging resulta kung mananatili tayong tapat?
12 May isa pa tayong matututuhan. Baka pag-usigin tayo ng mga kapamilya nating di-Saksi. Nagbabala si Jesus na ang mensaheng ipinangangaral natin ay posibleng maging “sanhi ng pagkakabaha-bahagi, ng anak na lalaki at ng kaniyang ama, at ng anak na babae at ng kaniyang ina.” (Mat. 10:35, 36) Inutusan ni Jehova ang mga Israelita na huwag makipag-away sa mga kamag-anak nila, at iyan din ang sinisikap nating gawin. Pero hindi tayo dapat magtaka kung mapaharap tayo sa pag-uusig.—2 Tim. 3:12.
13 Kahit hindi tayo tuwirang inuusig ng mga kamag-anak natin, hindi pa rin natin dapat hayaang magkaroon sila ng mas malaking impluwensiya sa atin kaysa kay Jehova. Bakit? Dahil si Jehova ang karapat-dapat na maging pangunahin sa ating buhay. (Basahin ang Mateo 10:37.) At kung mananatili tayong tapat kay Jehova, baka ang ilang kamag-anak natin ay maging gaya nina Zelek, Itma, at Ruth at sumama sa atin sa dalisay na pagsamba. (1 Tim. 4:16) Kapag nangyari iyan, makapaglilingkod din sila sa nag-iisang tunay na Diyos at mararanasan nila ang pag-ibig at pangangalaga niya.
Tumanggap ng “Napakatinding mga Parusa” ang mga Kaaway ni Jehova
14, 15. Paano pinakitunguhan ng mga Filisteo ang mga Israelita?
14 Mula sa isla ng Creta, lumipat ang mga Filisteo sa lupain na nang maglaon ay ipinangako ni Jehova kay Abraham at sa mga inapo nito. Nakasalamuha sila nina Abraham at Isaac. (Gen. 21:29-32; 26:1) Pagdating ng mga Israelita sa Lupang Pangako, ang mga Filisteo ay isa nang makapangyarihang bansa na may malalakas na mandirigma. Sumasamba sila sa huwad na mga diyos, gaya nina Baal-zebub at Dagon. (1 Sam. 5:1-4; 2 Hari 1:2, 3) Kung minsan, sumasama ang Israel sa pagsamba sa mga diyos na iyon.—Huk. 10:6.
15 Dahil di-tapat ang Israel, hinayaan ni Jehova na pagmalupitan ng mga Filisteo ang bayan niya sa loob ng maraming taon. (Huk. 10:7, 8; Ezek. 25:15) Nagbigay sila ng di-makatarungang mga pagbabawal sa mga Israelita,a at pinatay nila ang marami sa mga ito. (1 Sam. 4:10) Pero kapag nagsisisi at nanunumbalik kay Jehova ang mga Israelita, inililigtas niya sila. Ginamit niya ang mga gaya nina Samson, Saul, at David. (Huk. 13:5, 24; 1 Sam. 9:15-17; 18:6, 7) At gaya ng inihula ni Ezekiel, nakaranas ng “napakatinding mga parusa” ang mga Filisteo nang ang lupain nila ay salakayin ng mga Babilonyo at nang maglaon, ng mga Griego.—Ezek. 25:15-17.
16, 17. Anong mga aral ang makukuha natin sa pakikitungo ng mga Filisteo sa Israel?
16 Anong mga aral ang makukuha natin sa pakikitungo ng mga Filisteo sa Israel? Ang bayan ni Jehova sa ngayon ay inuusig din ng ilan sa pinakamakapangyarihang mga bansa na namumuno sa mundo. Di-gaya ng Israel, nananatili tayong tapat kay Jehova. Pero kung minsan, para bang nagtatagumpay ang mga kaaway ng dalisay na pagsamba. Halimbawa, sa pasimula ng ika-20 siglo, tinangka ng gobyerno ng United States na pahintuin ang gawain ng bayan ni Jehova—sinentensiyahan nilang makulong nang ilang dekada ang mga nangunguna sa organisasyon. Noong ikalawang digmaang pandaigdig, tinangkang lipulin ng partidong Nazi sa Germany ang bayan ng Diyos; ilang libo ang ikinulong at daan-daan ang pinatay. Matapos ang digmaang iyon, sinimulan ng Unyong Sobyet ang isang kampanya laban sa mga Saksi ni Jehova na tumagal nang maraming taon, at ipinadala ang mga kapatid natin sa mga labor camp o ipinatapon sa malalayong lugar.
17 Baka ipagpatuloy ng mga gobyerno ang pagbabawal sa pangangaral at pagpapakulong sa bayan ng Diyos, at baka nga patayin pa nila ang ilan sa atin. Dapat ba tayong matakot o mawalan ng pananampalataya? Hindi! Poprotektahan ni Jehova ang tapat na bayan niya. (Basahin ang Mateo 10:28-31.) Nakita nating bumagsak ang ilang makapangyarihan at mapang-aping gobyerno habang patuloy namang lumalaki ang bayan ni Jehova. Di-magtatagal, mangyayari sa lahat ng gobyerno ng tao ang nangyari sa mga Filisteo—mapipilitan silang kilalanin si Jehova. At gaya ng mga Filisteo, mawawala rin sila!
Hindi Nakapagbigay ng Tunay na Proteksiyon ang “Yaman”
18. Paano mo ilalarawan ang Tiro?
18 Ang sinaunang lunsod ng Tirob ang sentro ng isang malaking imperyo ng komersiyo noon. Sa kanluran, marami itong ruta na pangkomersiyo sa Dagat Mediteraneo. Sa silangan naman, ang mga ruta nito sa lupa ay konektado sa malalayong imperyo. Sa paglipas ng mga siglo, lalong yumaman ang Tiro dahil sa mga kinita nito mula sa malalayong lugar na iyon. Sa sobrang yaman ng mga negosyante at mangangalakal nito, ang tingin na nila sa sarili nila ay mga prinsipe, o matataas na opisyal.—Isa. 23:8.
19, 20. Ano ang pagkakaiba ng mga taga-Tiro at ng mga Gibeonita?
19 Sa ilalim ng mga haring sina David at Solomon, nakipagnegosyo ang Israel sa mga taga-Tiro, na nagpadala ng materyales at manggagawa para sa pagtatayo ng palasyo ni David at nang maglaon, ng templo ni Solomon. (2 Cro. 2:1, 3, 7-16) Nasaksihan ng Tiro ang panahon na tapat ang bansang Israel kay Jehova at pinagpapala Niya ito. (1 Hari 3:10-12; 10:4-9) Isipin na lang ang pagkakataon ng libo-libong taga-Tiro na matuto tungkol sa dalisay na pagsamba, makilala si Jehova, at makita ang pakinabang ng paglilingkod sa tunay na Diyos!
20 Pero sa kabila nito, nanatili silang materyalistiko. Hindi nila tinularan ang mga nakatira sa makapangyarihang lunsod ng Gibeon sa Canaan, na napakilos na maglingkod kay Jehova pagkatapos lang mabalitaan ang tungkol sa kamangha-manghang mga gawa niya. (Jos. 9:2, 3, 22–10:2) Ang totoo, kinalaban ng mga taga-Tiro ang bayan ng Diyos at ibinenta pa nga ang ilan sa mga ito para maging alipin.—Awit 83:2, 7; Joel 3:4, 6; Amos 1:9.
Huwag na huwag nating iisipin na ang materyal na mga bagay ay isang matibay na pader
21, 22. Ano ang nangyari sa Tiro, at bakit?
21 Sa pamamagitan ni Ezekiel, sinabi ni Jehova sa mga kaaway na iyon: “Kikilos ako laban sa iyo, O Tiro, at pasasalakayin ko sa iyo ang maraming bansa, tulad ng paghampas ng mga alon sa dagat. Wawasakin nila ang mga pader ng Tiro at gigibain ang mga tore niya, at kakayurin ko ang lupa para siya ay maging isang makintab na bato.” (Ezek. 26:1-5) Umasa ang mga taga-Tiro sa kayamanan nila para sa proteksiyon, at inisip nilang gaya ito ng mga pader ng islang-lunsod na may taas na 46 na metro. Nakinig sana sila sa babala ni Solomon: “Ang kayamanan ng mayaman ang proteksiyon niya; gaya iyon ng matibay na pader sa imahinasyon niya.”—Kaw. 18:11.
22 Nang tuparin ng mga Babilonyo at ng mga Griego ang hula ni Ezekiel, nakita ng mga taga-Tiro na ang kapanatagang dulot ng kayamanan ng lunsod at ng literal na mga pader nito ay imahinasyon lang nila. Pagkatapos wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem, sinimulan nila ang isang kampanya laban sa Tiro na tumagal nang 13 taon. (Ezek. 29:17, 18) Pagkatapos, noong 332 B.C.E., tinupad ni Alejandrong Dakila ang isang bahagi ng hula ni Ezekiel.c Kinayod ng hukbo niya ang mga guho ng lunsod ng Tiro na nasa mismong kontinente at inihagis sa tubig ang mga bato, kagamitang kahoy, at lupa para makagawa ng daan papunta sa islang-lunsod. (Ezek. 26:4, 12) Sinira ni Alejandro ang mga pader, sinamsaman ang lunsod, pinatay ang libo-libong mandirigma at mamamayan, at ibinenta ang sampu-sampung libo para maging alipin. Napilitan ang mga taga-Tiro na kilalanin si Jehova nang malaman nilang hindi nakapagbibigay ng tunay na proteksiyon ang “yaman.”—Ezek. 27:33, 34.
23. Anong aral ang makukuha natin sa mga taga-Tiro?
23 Anong aral ang makukuha natin sa mga taga-Tiro? Hinding-hindi natin hahayaan ang “mapandayang kapangyarihan ng kayamanan” na maimpluwensiyahan tayong magtiwala sa materyal na mga bagay at ituring ang mga itong gaya ng matibay na pader. (Mat. 13:22) Hindi tayo puwedeng “magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” (Basahin ang Mateo 6:24.) Ang mga naglilingkod lang kay Jehova nang buong kaluluwa ang totoong ligtas. (Mat. 6:31-33; Juan 10:27-29) Matutupad ang bawat detalye ng mga hula tungkol sa wakas ng sistemang ito, kung paanong natupad ang mga hula laban sa Tiro. Sa panahong iyon, kapag winakasan na ni Jehova ang sakim at makasariling sistema ng komersiyo, mapipilitan ang mga nagtitiwala sa kayamanan na kilalanin siya.
Ang Politikal na Kapangyarihan ay Gaya ng “Isang Piraso ng Dayami”
24-26. (a) Bakit sinabi ni Jehova na ang Ehipto ay gaya ng “isang piraso ng dayami”? (b) Paano binale-wala ni Haring Zedekias ang utos ni Jehova? Ano ang resulta?
24 Bago pa ang panahon ni Jose at hanggang sa salakayin ng mga Babilonyo ang Jerusalem, malaki na ang impluwensiya ng Ehipto sa mga namamahala sa rehiyon ng Lupang Pangako. Dahil matagal na itong umiiral, nagmukha itong matatag na gaya ng isang puno na matagal nang nakatanim. Pero kumpara kay Jehova, napakahina lang nito gaya ng “isang piraso ng dayami.”—Ezek. 29:6.
25 Pero hindi ganiyan ang tingin ng apostatang si Haring Zedekias. Sa pamamagitan ni propeta Jeremias, hinimok ni Jehova si Zedekias na magpasakop sa hari ng Babilonya. (Jer. 27:12) Sumumpa pa nga si Zedekias sa pangalan ni Jehova na hindi siya magrerebelde kay Nabucodonosor. Pero nang maglaon, binale-wala niya ang utos ni Jehova, hindi niya tinupad ang isinumpa niya kay Nabucodonosor, at humingi siya ng tulong sa Ehipto para labanan ang mga Babilonyo. (2 Cro. 36:13; Ezek. 17:12-20) Pero napahamak ang mga Israelitang umasa sa kapangyarihan ng Ehipto. (Ezek. 29:7) Baka ang Ehipto ay mukhang kasinlakas ng isang “dambuhalang hayop sa katubigan.” (Ezek. 29:3, 4) Pero sinabi ni Jehova na gagawin niya sa Ehipto ang gaya ng ginagawa sa buwaya sa Nilo kapag hinuhuli ito—lalagyan niya ito ng kawit sa panga at saka dadalhin sa kawakasan nito. Ginawa niya iyan noong gamitin niya ang mga Babilonyo para talunin ang Ehipto.—Ezek. 29:9-12, 19.
26 Ano naman ang nangyari sa di-tapat na si Zedekias? Dahil nagrebelde siya kay Jehova, inihula ni Ezekiel na ang “napakasamang pinuno” na ito ay aalisin sa trono at magiging kapaha-pahamak ang katapusan ng pamamahala nito. Pero nagbigay rin ng pag-asa si Ezekiel. (Ezek. 21:25-27) Inutusan siya ni Jehova na ihula na isang hari mula sa angkan ni David, isa na may “legal na karapatan,” ang kukuha ng trono. Sa susunod na kabanata, tatalakayin natin kung sino iyon.
27. Anong aral ang makukuha natin sa pakikisalamuha ng Israel sa Ehipto?
27 Anong aral ang makukuha natin sa pakikisalamuha ng Israel sa Ehipto? Hindi dapat sa politikal na mga kapangyarihan magtiwala ang bayan ni Jehova sa ngayon, na iniisip na makapagbibigay ang mga ito ng tunay na proteksiyon. Maging sa isip natin, dapat tayong manatiling “hindi . . . bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19; Sant. 4:4) Baka mukhang malakas ang politikal na sistema, pero gaya ng sinaunang Ehipto, kasinghina lang ito ng isang piraso ng dayami. Isa ngang kamangmangan na umasa sa mga tao sa halip na sa Makapangyarihan-sa-Lahat at Kataas-taasan sa uniberso!—Basahin ang Awit 146:3-6.
Malalaman ng mga Bansa
28-30. Sa anong paraan makikilala ng mga bansa si Jehova, at ano ang kaibahan nito sa pagkilala natin sa kaniya?
28 Sa aklat ng Ezekiel, ilang beses na sinabi ni Jehova na “malalaman [ng mga bansa] na ako si Jehova.” (Ezek. 25:17) Natupad iyan noong ilapat ni Jehova ang hatol sa mga kaaway ng bayan niya. Pero may mas malaking katuparan iyan sa panahon natin. Ano iyon?
29 Gaya ng bayan ng Diyos noon, napapalibutan tayo ng mga bansa na ang tingin sa atin ay walang kalaban-laban na gaya ng tupang nag-iisa. (Ezek. 38:10-13) Gaya ng tatalakayin sa Kabanata 17 at 18, malapit nang simulan ng mga bansa ang isang matinding pagsalakay sa bayan ng Diyos. Pero sa panahong iyon, makikita nila kung ano talaga ang tunay na kapangyarihan. Malalaman nila kung sino si Jehova—mapipilitan silang kilalanin ang kaniyang soberanya—kapag pupuksain na niya sila sa digmaan ng Armagedon.—Apoc. 16:16; 19:17-21.
30 Sa kabaligtaran, poprotektahan at pagpapalain tayo ni Jehova. Bakit? Dahil pinatutunayan natin ngayon na kinikilala natin siya sa pamamagitan ng pagtitiwala at pagsunod sa kaniya at pagbibigay ng dalisay na pagsambang nararapat sa kaniya.—Basahin ang Ezekiel 28:26.
a Halimbawa, ipinagbawal ng mga Filisteo ang pagpapanday sa Israel. Kailangan pang pumunta ng mga Israelita sa mga Filisteo para magpahasa ng mga kagamitan sa pagsasaka, at ang singil dito ay katumbas ng ilang araw na suweldo.—1 Sam. 13:19-22.
b Lumilitaw na ang orihinal na lunsod ng Tiro ay itinayo sa isang mabatong lugar malapit sa baybayin, mga 50 kilometro sa hilaga ng Bundok Carmel. Nang maglaon, naging bahagi ng Tiro ang isang lugar sa kontinente. Ang Semitikong pangalan ng lunsod ay Sur, na nangangahulugang “Bato.”
c Natupad din ang bawat detalye ng mga hula nina Isaias, Jeremias, Joel, Amos, at Zacarias laban sa Tiro.—Isa. 23:1-8; Jer. 25:15, 22, 27; Joel 3:4; Amos 1:10; Zac. 9:3, 4.