-
Ano ang Kaharian ng Diyos?Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
-
-
ARALIN 31
Ano ang Kaharian ng Diyos?
Kaharian ng Diyos ang pangunahing tema ng Bibliya. Ito ang gagamitin ni Jehova para tuparin ang orihinal na layunin niya para sa lupa. Ano ang Kaharian? Ano ang patunay na namamahala o namumuno na ito ngayon? Ano na ang mga nagawa nito? At ano pa ang mga gagawin nito sa hinaharap? Sasagutin iyan sa araling ito at sa dalawa pang susunod na aralin.
1. Ano ang Kaharian ng Diyos, at sino ang Hari nito?
Ang Kaharian ay isang gobyerno na itinatag ng Diyos na Jehova. Si Jesu-Kristo ang Hari nito, at mamamahala siya mula sa langit. (Mateo 4:17; Juan 18:36) Sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus: “Maghahari siya . . . magpakailanman.” (Lucas 1:32, 33) Bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, pamumunuan ni Jesus ang lahat ng nasa lupa.
2. Sino ang kasamang mamamahala ni Jesus?
Hindi mag-isang mamamahala si Jesus. Kasama niya ang mga tao “mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa . . . at pamamahalaan nila ang lupa bilang mga hari.” (Apocalipsis 5:9, 10) Ilan ang kasama ni Kristo na mamamahala? Mula nang bumaba si Jesus sa lupa, milyon-milyong Kristiyano ang naging tagasunod niya. Pero 144,000 lang sa kanila ang pupunta sa langit para mamahalang kasama ni Jesus. (Basahin ang Apocalipsis 14:1-4.) Lahat ng iba pang Kristiyano na nasa lupa ay magiging mamamayan ng Kaharian.—Awit 37:29.
3. Bakit nakakahigit ang Kaharian ng Diyos sa gobyerno ng tao?
Maganda naman ang ginagawa ng gobyerno ng tao, pero wala silang kakayahan na gawin ang lahat ng gusto nila. Papalitan din kasi sila ng ibang tagapamahala na baka makasarili at walang pakialam sa mga tao. Pero ang Tagapamahala ng Kaharian ng Diyos, si Jesus, ay hindi mapapalitan. “Magtatatag [ang Diyos] ng isang kaharian na hindi mawawasak kailanman.” (Daniel 2:44) Pamumunuan ni Jesus ang buong lupa, at pantay ang magiging pagtrato niya sa lahat. Mapagmahal siya, mabait, at makatarungan. At tuturuan niya ang mga tao na gawin din iyon—magpakita ng pag-ibig, kabaitan, at katarungan.—Basahin ang Isaias 11:9.
PAG-ARALAN
Alamin kung bakit mas nakakahigit ang Kaharian ng Diyos kaysa sa gobyerno ng tao.
4. Mamamahala sa buong lupa ang Kaharian ng Diyos
Mas may kapangyarihan si Jesu-Kristo na mamuno kaysa sa sinumang tagapamahala. Basahin ang Mateo 28:18. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit mas mataas ang awtoridad ni Jesus kaysa sa sinumang tagapamahala?
Sa gobyerno ng tao, madalas palitan ang mga namumuno, at hindi buong lupa ang pinamamahalaan nila. Kumusta naman ang Kaharian ng Diyos? Basahin ang Daniel 7:14. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit maganda na “hindi mawawasak” ang Kaharian ng Diyos?
Bakit maganda na buong lupa ang pamumunuan nito?
5. Kailangang palitan ang gobyerno ng tao
Bakit kailangang palitan ng Kaharian ng Diyos ang gobyerno ng tao? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang mga resulta ng pamamahala ng tao?
Basahin ang Eclesiastes 8:9. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Sa tingin mo, dapat bang palitan ng Kaharian ng Diyos ang gobyerno ng tao? Bakit?
6. Naiintindihan tayo ng mga namumuno sa Kaharian ng Diyos
Dahil nabuhay bilang tao ang ating Hari, si Jesus, “nauunawaan [niya] ang mga kahinaan natin.” (Hebreo 4:15) Ang 144,000 tapat na lalaki at babaeng makakasama ni Jesus bilang tagapamahala ay pinili ni Jehova “mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa.”—Apocalipsis 5:9.
Naiintindihan ni Jesus at ng mga kasama niyang tagapamahala ang nararamdaman at nararanasan nating mga problema. Bakit nakakapagpatibay itong malaman?
7. Mas nakakahigit ang mga batas ng Kaharian ng Diyos
Gumagawa ng batas ang mga gobyerno para makinabang at maprotektahan ang mga mamamayan nito. Mayroon ding mga batas ang Kaharian ng Diyos na dapat sundin ng mga mamamayan nito. Basahin ang 1 Corinto 6:9-11. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano sa tingin mo ang mangyayari sa mundo kung susundin ng lahat ng tao ang mga utos at prinsipyo ng Diyos?a
Sa tingin mo, dapat lang bang asahan ni Jehova na susundin ng mga mamamayan ng Kaharian ang mga utos niya? Bakit?
Ano ang nagpapakita na puwedeng magbago ang mga dating hindi sumusunod sa mga utos na ito ng Diyos?—Tingnan ang talata 11.
KUNG MAY MAGTANONG: “Ano ang Kaharian ng Diyos?”
Ano ang isasagot mo?
SUMARYO
Ang Kaharian ng Diyos ay isang totoong gobyerno sa langit na mamamahala sa buong lupa.
Ano ang Natutuhan Mo?
Sino ang mga mamamahala sa Kaharian ng Diyos?
Bakit nakakahigit ang Kaharian ng Diyos sa gobyerno ng tao?
Ano ang mga inaasahan ni Jehova sa mga mamamayan ng Kaharian?
TINGNAN DIN
Nasaan ang Kaharian? Tingnan ang itinuro ni Jesus.
“Ang Kaharian Ba ng Diyos ay Basta Nasa Puso Mo Lang?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Bakit mas mahalaga sa mga Saksi ni Jehova na maging tapat sa Kaharian ng Diyos kaysa sa gobyerno ng tao?
Tingnan ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa 144,000 na pinili ni Jehova na mamamahalang kasama ni Jesus.
Ano ang nakakumbinsi sa isang babaeng nakabilanggo na Diyos lang ang makakapagbigay ng katarungan sa mundo?
“Natagpuan Ko ang Solusyon sa Kawalang-Katarungan” (Gumising!, Nobyembre 2011)
a Ang ilan sa mga utos at prinsipyong ito ay tatalakayin sa Seksiyon 3.
-
-
Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
-
-
ARALIN 32
Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
Nagsimulang mamahala sa langit ang Kaharian ng Diyos noong 1914. Noong taon ding iyon, nagsimula ang mga huling araw ng pamamahala ng mga tao. Paano natin ito nalaman? Pag-aralan ang mga hula sa Bibliya, at ang mga nangyayari sa mundo at ugali ng mga tao na kitang-kita mula noong 1914.
1. Ano ang inihula ng Bibliya?
Sinasabi ng Bibliya sa aklat ng Daniel na magsisimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos sa katapusan ng “pitong panahon.” (Daniel 4:16, 17) Pagkalipas ng daan-daang taon, tinawag din ni Jesus ang panahong ito na “mga takdang panahon ng mga bansa,” at sinabi niya na hindi pa ito natatapos noon. (Lucas 21:24) Gaya ng makikita natin sa araling ito, natapos na ang pitong panahong iyon noong 1914.
2. Anong mga pangyayari sa mundo at ugali ng mga tao ang kitang-kita mula noong 1914?
Nagtanong ang mga alagad ni Jesus: “Ano ang magiging tanda ng presensiya mo at ng katapusan ng sistemang ito?” (Mateo 24:3) Sinabi sa kanila ni Jesus ang mga bagay na mangyayari kapag nagsimula na siyang mamahala sa langit bilang Hari sa Kaharian ng Diyos. Kasama sa mga ito ang digmaan, taggutom, at lindol. (Basahin ang Mateo 24:7.) Inihula rin ng Bibliya na dahil sa ugali ng mga tao sa “mga huling araw, . . . magiging mahirap ang kalagayan” ng buhay. (2 Timoteo 3:1-5) Kitang-kita ang mga pangyayari at ugaling ito mula noong 1914.
3. Bakit sumamâ ang kalagayan ng mundo mula noong magsimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos?
Nang maging Hari sa Kaharian ng Diyos si Jesus, nakipagdigma siya kay Satanas at sa mga demonyo sa langit. Natalo si Satanas. Sinasabi ng Bibliya na “inihagis siya sa lupa, at ang mga anghel niya.” (Apocalipsis 12:9, 10, 12) Galít na galít si Satanas kasi alam niya na mapupuksa siya. Siya ang dahilan ng problema at pagdurusa sa buong lupa. Kaya hindi nakakapagtaka na napakasama ng kalagayan ng mundo! Pero aalisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng problemang ito.
PAG-ARALAN
Pag-aralan ang mga katibayan na nagsimula nang mamahala ang Kaharian noong 1914 at kung ano ang dapat na maging epekto nito sa atin.
4. Ang mga hula sa Bibliya at ang taóng 1914
Ipinakita ni Jehova kay Haring Nabucodonosor ng Babilonya ang isang hula sa pamamagitan ng isang panaginip. Ibinigay ni Daniel ang kahulugan ng panaginip na iyon. Sinabi niya na matutupad ito sa pamamahala ni Nabucodonosor at sa Kaharian ng Diyos.—Basahin ang Daniel 4:17.a
Basahin ang Daniel 4:20-26. Pagkatapos, gamitin ang chart para sagutin ang mga tanong na ito:
(A) Ano ang nakita ni Nabucodonosor sa panaginip niya?—Tingnan ang talata 20 at 21.
(B) Ano ang mangyayari sa puno?—Tingnan ang talata 23.
(C) Ano ang mangyayari sa katapusan ng “pitong panahon”?—Tingnan ang talata 26.
Ang Puno sa Panaginip at ang Kaharian ng Diyos
HULA (Daniel 4:20-36)
Pamamahala
(A) Ang napakalaking puno
Naputol ang pamamahala
(B) “Putulin ang puno,” at “lilipas ang pitong panahon”
Ibinalik ang pamamahala
(C) “Ang iyong kaharian ay ibabalik sa iyo”
Sa unang katuparan . . .
(D) Kanino lumalarawan ang puno?—Tingnan ang talata 22.
(E) Paano naputol ang pamamahala niya?—Basahin ang Daniel 4:29-33.
(F) Ano ang nangyari kay Nabucodonosor sa katapusan ng “pitong panahon”?—Basahin ang Daniel 4:34-36.
UNANG KATUPARAN
Pamamahala
(D) Nabucodonosor, Hari ng Babilonya
Naputol ang pamamahala
(E) Pagkatapos ng 606 B.C.E., nawala sa katinuan si Nabucodonosor at hindi na namahala nang pitong literal na taon
Ibinalik ang pamamahala
(F) Bumalik ang katinuan ni Nabucodonosor at muling namahala
Sa ikalawang katuparan . . .
(G) Kanino lumalarawan ang puno?—Basahin ang 1 Cronica 29:23.
(H) Paano naputol ang pamamahala ng linya ng mga hari ng Israel? Paano natin nalaman na hindi pa rin ito namamahala noong nasa lupa si Jesus?—Basahin ang Lucas 21:24.
(I) Kailan at saan ibabalik ang pamamahalang ito?
IKALAWANG KATUPARAN
Pamamahala
(G) Mga hari ng Israel na kumakatawan sa pamamahala ng Diyos
Naputol ang pamamahala
(H) Winasak ang Jerusalem, at naputol ang linya ng mga hari ng Israel nang 2,520 taon
Ibinalik ang pamamahala
(I) Nagsimulang mamahala si Jesus sa langit bilang Hari sa Kaharian ng Diyos
Gaano kahaba ang pitong panahon?
Matutulungan tayo ng ilang bahagi ng Bibliya para maintindihan ang ibang bahagi nito. Halimbawa, sinasabi sa aklat ng Apocalipsis na ang tatlo at kalahating panahon ay katumbas ng 1,260 araw. (Apocalipsis 12:6, 14) Ang pitong panahon ay doble ng bilang na iyon, o 2,520 araw. Kung minsan, ginagamit ng Bibliya ang araw para tumukoy sa taon. (Ezekiel 4:6) Kaya ang pitong panahon sa aklat ng Daniel ay may habang 2,520 taon.
5. Nagbago ang mundo mula noong 1914
Inihula ni Jesus ang mga mangyayari sa mundo kapag naging Hari na siya. Basahin ang Lucas 21:9-11. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Alin sa mga pangyayaring ito ang nakikita mo na at nababalitaan?
Sinabi ni apostol Pablo ang magiging ugali ng mga tao sa mga huling araw. Basahin ang 2 Timoteo 3:1-5. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Alin sa mga ugaling ito ang nakikita mo na ngayon?
6. Ipakitang naniniwala ka na namamahala na ang Kaharian ng Diyos
Basahin ang Mateo 24:3, 14. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Anong mahalagang gawain ang nagpapakita na namamahala na ang Kaharian ng Diyos?
Paano ka makakatulong sa gawaing ito?
Namamahala na ang Kaharian ng Diyos, at malapit na itong mamahala sa buong mundo. Basahin ang Hebreo 10:24, 25. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang dapat nating gawin “habang nakikita nating papalapit na ang araw”?
KUNG MAY MAGTANONG: “Bakit laging sinasabi ng mga Saksi ni Jehova ang tungkol sa 1914?”
Ano ang sasabihin mo?
SUMARYO
Pinapatunayan ng mga hula sa Bibliya at mga pangyayari sa mundo na namamahala na ang Kaharian ng Diyos ngayon. Ipinapakita natin na naniniwala tayo rito kung mangangaral tayo at dadalo sa mga pulong.
Ano ang Natutuhan Mo?
Ayon sa hula sa aklat ng Daniel, ano ang nangyari sa katapusan ng pitong panahon?
Ano ang nakakumbinsi sa iyo na namamahala na ang Kaharian ng Diyos mula noong 1914?
Paano mo maipapakita na naniniwala kang namamahala na ang Kaharian ngayon?
TINGNAN DIN
Alamin ang sinasabi ng mga istoryador at ng iba tungkol sa mga pagbabago sa mundo mula noong 1914.
“Kung Kailan Biglang Bumaba ang Moral” (Gumising!, Abril 2007)
Basahin kung paano nagbago ang buhay ng isang lalaki matapos niyang malaman ang hula sa Mateo 24:14.
“Walang Mahalaga sa Akin Kundi ang Baseball!” (Ang Bantayan Blg. 3 2017)
Paano natin nalaman na tungkol sa Kaharian ng Diyos ang hula sa Daniel kabanata 4?
“Kailan Nagsimulang Mamahala ang Kaharian ng Diyos? (Bahagi 1)” (Ang Bantayan, Oktubre 1, 2014)
Ayon sa Daniel kabanata 4, ano ang nagpapatunay na ang “pitong panahon” ay nagtapos noong 1914?
“Kailan Nagsimulang Mamahala ang Kaharian ng Diyos? (Bahagi 2)” (Ang Bantayan, Nobyembre 1, 2014)
a Tingnan ang huling dalawang artikulo na nasa seksiyong Tingnan Din ng araling ito.
-
-
Ano ang Gagawin ng Kaharian?Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
-
-
ARALIN 33
Ano ang Gagawin ng Kaharian?
Namamahala na ang Kaharian ng Diyos. At malapit na itong gumawa ng malalaking pagbabago sa lupa. Tatalakayin natin ang magagandang bagay na gagawin ng Kaharian.
1. Paano ibabalik ng Kaharian ng Diyos ang kapayapaan at katarungan sa lupa?
Bilang Hari sa Kaharian ng Diyos, pupuksain ni Jesus ang masasamang tao at mga gobyerno sa digmaan ng Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Sa panahong iyon, matutupad ang pangako ng Bibliya: “Kaunting panahon na lang at ang masasama ay mawawala na.” (Awit 37:10) Gagamitin ni Jesus ang Kaharian para magkaroon ng kapayapaan at katarungan sa buong lupa.—Basahin ang Isaias 11:4.
2. Ano ang magiging buhay sa lupa kapag nangyari na ang kalooban ng Diyos?
Kapag namahala na ang Kaharian ng Diyos, “ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at titira sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Isipin ito: Lahat ng tao ay matuwid, o mabuti at mahal si Jehova at ang isa’t isa! Wala nang magkakasakit, at lahat ay mabubuhay magpakailanman.
3. Ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos kapag wala na ang masasama?
Pagkatapos puksain ang masasama, mamamahala si Jesus bilang Hari nang 1,000 taon. Sa panahong iyon, makakasama niya ang 144,000 tagapamahala at tutulungan nila ang mga tao na maging perpekto. Sa pagtatapos ng panahong iyon, magiging napakagandang paraiso ang lupa. Lahat ng tao ay magiging masaya kasi sinusunod nila ang mga utos ni Jehova. Pagkatapos, ibabalik ni Jesus ang pamamahala sa Ama niya, si Jehova. Sa panahong iyon, lubusan nang ‘mapapabanal ang pangalan’ ni Jehova. (Mateo 6:9, 10) Talagang mapapatunayan na si Jehova ay isang mabuting Tagapamahala na nagmamalasakit sa mga tao. Pagkatapos, pupuksain ni Jehova si Satanas, ang mga demonyo, at ang lahat ng magrerebelde sa pamamahala niya. (Apocalipsis 20:7-10) Ang magagandang bagay na gagawin ng Kaharian ng Diyos sa lupa ay mananatili magpakailanman.
PAG-ARALAN
Alamin kung bakit tayo makakapagtiwala na gagamitin ng Diyos ang Kaharian niya para tuparin ang lahat ng pangako ng Bibliya tungkol sa hinaharap.
4. Tatapusin ng Kaharian ng Diyos ang gobyerno ng tao
“Namamahala [ang tao] sa kapuwa niya sa ikapipinsala nito.” (Eclesiastes 8:9) Gagamitin ni Jehova ang Kaharian niya para alisin ang kawalang-katarungan.
Basahin ang Daniel 2:44 at 2 Tesalonica 1:6-8. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang gagawin ni Jehova at ng Anak niyang si Jesus sa gobyerno ng tao at sa mga sumusuporta rito?
Ngayong nalaman mo ang tungkol kay Jehova at kay Jesus, paano ka makakasiguro na magiging patas at makatarungan ang gagawin nila?
5. Karapat-dapat si Jesus bilang Hari
Bilang Hari sa Kaharian ng Diyos, maraming gagawin si Jesus para tulungan ang mga tao sa lupa. Panoorin ang VIDEO para makita na talagang gusto ni Jesus na tulungan ang mga tao at na binigyan siya ng Diyos ng kapangyarihan para gawin ito.
Noong nasa lupa si Jesus, ipinakita niya ang gagawin ng Kaharian. Alin sa mga pagpapalang mababasa mo rito ang gustong-gusto mo? Basahin ang mga teksto kung saan makikita ang mga pagpapalang iyon.
NOONG NASA LUPA, . . .
MULA SA LANGIT, . . .
kinontrol ni Jesus ang kalikasan.—Marcos 4:36-41.
sosolusyunan ni Jesus ang lahat ng problema sa kapaligiran.—Isaias 35:1, 2.
pinakain ni Jesus ang marami.—Mateo 14:17-21.
aalisin ni Jesus ang taggutom sa mundo.—Awit 72:16.
pinagaling ni Jesus ang mga maysakit.—Lucas 18:35-43.
sisiguraduhin ni Jesus na magkakaroon ang lahat ng perpektong kalusugan.—Isaias 33:24.
bumuhay si Jesus ng mga patay.—Lucas 8:49-55.
bubuhayin ni Jesus ang mga patay at aalisin ang kamatayan.—Apocalipsis 21:3, 4.
6. Isang magandang kinabukasan ang ibibigay ng Kaharian ng Diyos
Gagawin ng Kaharian ang orihinal na layunin ni Jehova para sa mga tao. Mabubuhay sila magpakailanman sa isang paraisong lupa. Panoorin ang VIDEO para makita kung paano gagamitin ni Jehova ang Anak niyang si Jesus para tuparin ang layunin niya.
Basahin ang Awit 145:16. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang nararamdaman mo ngayong nalaman mo na ‘ibibigay ni Jehova ang inaasam,’ o kagustuhan, ng bawat bagay na may buhay?
MAY NAGSASABI: “Kung magtutulungan ang lahat ng tao, masosolusyunan ang mga problema sa mundo.”
Anong mga problema ang masosolusyunan ng Kaharian ng Diyos na hindi kayang solusyunan ng gobyerno ng tao?
SUMARYO
Tutuparin ng Kaharian ng Diyos ang layunin ni Jehova. Gagawin nitong paraiso ang buong mundo at titira doon magpakailanman ang mabubuting tao na sumasamba kay Jehova.
Ano ang Natutuhan Mo?
Paano papabanalin ng Kaharian ng Diyos ang pangalan ni Jehova?
Bakit tayo makakapagtiwala na tutuparin ng Kaharian ng Diyos ang mga pangako ng Bibliya?
Alin sa mga gagawin ng Kaharian ang gustong-gusto mong makita?
TINGNAN DIN
Alamin kung ano ang Armagedon.
Alamin ang mga mangyayari sa panahong tinawag ni Jesus na “malaking kapighatian.”—Mateo 24:21.
Tingnan kung paano puwedeng bulay-bulayin ng mga pamilya ang mga pagpapala ng Kaharian.
Sa kuwentong “Maraming Tanong na Gumugulo sa Aking Isipan,” alamin kung paano nakita ng isang dating rebelde ang solusyon na hinahanap niya.
“Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” (Ang Bantayan, Enero 1, 2012)
-