Karagdagang Impormasyon
1. Pagkilala sa Babilonyang Dakila
Paano natin nalaman na ang “Babilonyang Dakila” ay tumutukoy sa lahat ng huwad na relihiyon? (Apocalipsis 17:5) Tingnan ang mga patunay:
Makikita ang impluwensiya niya sa buong mundo. Sinasabi na ang Babilonyang Dakila ay nakaupo sa “mga pulutong at mga bansa.” Siya ay “naghahari sa mga hari sa lupa.”—Apocalipsis 17:15, 18.
Hindi siya puwedeng tumukoy sa politika o komersiyo. Makikita ng “mga hari sa lupa” at “mga negosyante” ang pagpuksa sa kaniya.—Apocalipsis 18:9, 15.
Sinisira niya ang reputasyon ng Diyos. Tinatawag siyang babaeng bayaran kasi nakikipag-alyansa siya sa mga gobyerno para makuha niya ang pera o pabor nito. (Apocalipsis 17:1, 2) Inililigaw niya ang lahat ng tao. Siya ang dahilan ng kamatayan ng maraming tao.—Apocalipsis 18:23, 24.
2. Kailan ang Eksaktong Pagdating ng Mesiyas?
Inihula ng Bibliya na darating ang Mesiyas pagkatapos ng 69 na linggo.—Basahin ang Daniel 9:25.
Kailan nagsimula ang 69 na linggo? Nagsimula ito noong 455 B.C.E. Noong panahong iyon, dumating si Gobernador Nehemias sa Jerusalem para “ibalik sa dating kalagayan ang [lunsod] at itayo itong muli.”—Daniel 9:25; Nehemias 2:1, 5-8.
Gaano katagal ang 69 na linggo? Sa ilang hula sa Bibliya, tumutukoy ang isang araw sa isang taon. (Bilang 14:34; Ezekiel 4:6) Kaya ang isang linggo ay katumbas ng pitong taon. Sa hulang ito, ang 69 na linggo ay katumbas ng 483 taon (69 na linggo x 7 araw).
Kailan natapos ang 69 na linggo? Kung bibilang tayo ng 483 taon mula 455 B.C.E., papatak ito ng 29 C.E.a Iyan mismo ang taon kung kailan nabautismuhan si Jesus at naging Mesiyas!—Lucas 3:1, 2, 21, 22.
3. Paraan ng Paggamot na May Kaugnayan sa Dugo
May ilang paraan ng paggamot na ginagamitan ng sariling dugo ng pasyente. Halimbawa, may nagdo-donate o nagrereserba ng sarili nilang dugo para magamit sa operasyon. Hindi ito dapat gawin ng mga Kristiyano.—Deuteronomio 15:23.
Pero may ilang procedure na puwedeng tanggapin o tanggihan ng isang Kristiyano gaya ng blood test, hemodialysis, hemodilution, o paggamit ng cell-salvage o heart-lung bypass machine. Dapat magdesisyon ang bawat Kristiyano kung ano ang gagawin sa dugo niya sa panahon ng operasyon, medical test, o therapy. Baka may kaunting pagkakaiba ang paraan ng mga doktor sa mga procedure na ito. Kaya bago ang operasyon, medical test, o therapy, kailangan munang alamin ng isang Kristiyano kung ano ang gagawin sa dugo niya. Pag-isipan ang mga tanong na ito:
Paano kung ililihis mula sa katawan ko ang ilang porsiyento ng dugo ko at maputol pansamantala ang pagdaloy nito? Matatanggap ba ng konsensiya ko na ang dugong ito ay bahagi pa rin ng katawan ko at hindi kailangang “ibuhos sa lupa”?—Deuteronomio 12:23, 24.
Paano kung sa panahon ng paggamot, ang ilang porsiyento ng dugo ko ay kailangang alisin, baguhin, at ibalik uli sa loob ng katawan ko (o halimbawa, ipanggamot sa sugat na dulot ng ginawang procedure)? Makokonsensiya ba ako o matatanggap ko ito?
4. Paghihiwalay ng Mag-asawa
Sinasabi ng Bibliya na hindi dapat maghiwalay ang mag-asawa. Sinasabi rin nito na hindi puwedeng mag-asawa ulit ng iba ang mga mag-asawang naghiwalay. (1 Corinto 7:10, 11) Pero may mga sitwasyon na kinailangang makipaghiwalay ng ilang Kristiyano sa asawa nila.
Sinasadyang di-pagbibigay ng sustento: Ayaw ng asawang lalaki na suportahan sa materyal ang pamilya niya, hanggang sa wala nang panggastos o makain ang mga ito.—1 Timoteo 5:8.
Matinding pisikal na pang-aabuso: Sinasaktan ang asawa hanggang sa punto na nanganganib na ang kalusugan o buhay nito.—Galacia 5:19-21.
Nalalagay sa panganib ang kaugnayan ng isang Kristiyano kay Jehova: Pinipigilan siya ng asawa niya kaya imposible siyang makapaglingkod kay Jehova.—Gawa 5:29.
5. Mga Kapistahan at Selebrasyon
Hindi nagse-celebrate ang mga Kristiyano ng mga kapistahang ayaw ni Jehova. Pero dapat gamitin ng isang Kristiyano ang kaniyang konsensiya na sinanay sa Bibliya sa mga sitwasyong mapapaharap sa kaniya kapag may mga selebrasyon. Tingnan ang ilang halimbawa.
Kapag binati ka ng iba dahil sa isang kapistahan. Puwede mong sabihin, “Salamat.” Kung itanong niya kung bakit hindi tayo nagse-celebrate, ipaliwanag ito sa kaniya.
Kapag inimbitahan ka ng asawa mong hindi Saksi na magsalusalo kasama ng mga kamag-anak ninyo sa isang kapistahan. Kung kaya ng konsensiya mo na pumunta, puwede mong ipaliwanag sa asawa mo na kung sakaling magkaroon ng paganong kaugalian sa panahon ng salusalo, hindi ka sasali rito.
Kapag binigyan ka ng bonus ng boss mo tuwing may kapistahan gaya ng Pasko at iba pa. Tatanggapin mo ba iyon? Depende iyan sa intensiyon ng boss mo. May nakikita ka bang indikasyon na nagpapakitang iniisip niyang bahagi iyon ng selebrasyon, o gusto ka lang niyang pasalamatan dahil masipag ka?
Kapag may magregalo sa iyo sa panahon ng isang kapistahan. Baka sabihin ng nagbigay sa iyo: “Alam kong hindi ka nagse-celebrate, pero gusto kong ibigay ito sa ’yo.” Baka sadyang mabait lang ang taong iyon. Pero may dahilan ba para isipin mong baka sinusubok niya ang pananampalataya mo, o baka gusto ka lang niyang makibahagi sa selebrasyon? Kailangan mo muna itong pag-isipan bago mo tanggapin ang regalo. Gusto nating magkaroon ng malinis na konsensiya at maging tapat kay Jehova sa lahat ng desisyon natin.—Gawa 23:1.
6. Nakakahawang Sakit
Mahal natin ang mga tao at hindi natin gustong makahawa. Kaya kung alam nating may nakakahawa tayong sakit o sa tingin natin ay carrier tayo ng isang sakit, mag-iingat tayo na huwag makahawa. Gagawin natin ito kasi iniuutos ng Bibliya: “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”—Roma 13:8-10.
Paano masusunod ng isang taong may nakakahawang sakit ang utos na ito? Dapat niyang iwasan ang pisikal na pagpapakita ng pagmamahal, gaya ng pagyakap o paghalik. Hindi dapat masamain ng maysakit kung hindi siya anyayahan ng ilan sa kanilang bahay kasi nag-iingat lang sila. Bago magpabautismo, dapat ipaalám ng isang may nakakahawang sakit sa koordineytor ng lupon ng matatanda ang kalagayan niya para makagawa ng kaayusan na poprotekta sa mga kasabay niyang mababautismuhan. Bago makipagligawan, dapat na kusang magpa-blood test ang isa na na-expose sa isang nakakahawang sakit. Kapag ginawa mo ang mga ito, ipinapakita mong nagmamalasakit ka sa iba at “iniisip [mo] ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa [iyo].”—Filipos 2:4.
7. Negosyo at Usapin sa Batas
Kung may kasunduan sa negosyo o pera, maiiwasan ang maraming problema kung gagawa ng nasusulat na kontrata kahit sa pagitan ng magkakapananampalataya. (Jeremias 32:9-12) Pero kung minsan, nagkakaroon pa rin ng maliliit na problema ang mga Kristiyano sa isa’t isa pagdating sa pera o iba pang usapin. Dapat nila itong ayusin agad nang payapa at sila lang.
Pero paano dapat ayusin ang mga seryosong usapin, gaya ng pandaraya o paninirang-puri? (Basahin ang Mateo 18:15-17.) Nagbigay si Jesus ng tatlong hakbang na kailangan nating sundin:
Dapat nilang ayusin ang problema nang sila lang.—Tingnan ang talata 15.
Kung hindi ito maayos, puwede silang humingi ng tulong sa isa o dalawang may-gulang na kapatid sa kongregasyon.—Tingnan ang talata 16.
Kung hindi pa rin nila maayos ang problema, saka lang sila lalapit sa mga elder para maayos ito.—Tingnan ang talata 17.
Sa maraming sitwasyon, hindi natin dapat idemanda ang mga kapatid natin kasi baka masira nito ang pangalan ni Jehova at ng kongregasyon. (1 Corinto 6:1-8) Pero may mga usapin na baka kailangan talagang dalhin sa korte gaya ng diborsiyo, kustodiya ng bata, sustento, kabayaran mula sa insurance, pagkabangkarote, o testamento. Kung magdesisyon ang isang Kristiyano na dalhin sa korte ang bagay na ito para malutas sa mapayapang paraan, hindi niya nilalabag ang payo ng Bibliya.
Kapag malubhang krimen ang nagawa, gaya ng rape, child abuse, pambubugbog, pagnanakaw, o pagpatay, hindi nilalabag ng isang Kristiyano ang payo ng Bibliya kung magsusumbong siya sa awtoridad.
a Mula 455 B.C.E. hanggang 1 B.C.E. ay 454 na taon. Mula 1 B.C.E. hanggang 1 C.E. ay isang taon (walang taóng zero). At mula 1 C.E. hanggang 29 C.E. ay 28 taon. Ang total nito ay 483 taon.