SENAKERIB
[mula sa wikang Akkadiano, nangangahulugang “Isinauli ni Sin [ang diyos-buwan] sa Akin ang mga Kapatid”].
Anak ni Sargon II; hari ng Asirya. Minana niya sa kaniyang ama ang isang napakalakas na imperyo ngunit kinailangan niyang gugulin ang kalakhang bahagi ng kaniyang paghahari sa pagsugpo ng mga paghihimagsik, lalo na may kinalaman sa lunsod ng Babilonya.
Lumilitaw na naglingkod si Senakerib bilang isang gobernador o heneral sa hilagaang rehiyon ng Asirya noong panahong naghahari ang kaniyang ama. Pagkaluklok niya sa trono, maliwanag na naging sanhi ng kaunting kaligaligan ang rehiyon na ito, anupat ang kaniyang mga suliranin ay pangunahing nagmula sa T at sa K. Nilisan ng Caldeong si Merodac-baladan (Isa 39:1) ang kanlungan nito sa Elam, kung saan ito itinaboy ng ama ni Senakerib na si Sargon, at ipinroklama ang sarili nito bilang hari ng Babilonya. Humayo si Senakerib laban dito at sa mga kaalyado nitong Elamita, anupat tinalo ang mga ito sa Kis. Gayunman, tumakas si Merodac-baladan at nagtago sa loob ng sumunod na tatlong taon. Pinasok ni Senakerib ang Babilonya at inilagay si Bel-ibni sa trono bilang kinatawang pinuno. Pagkatapos nito ay isinagawa ang iba pang mga ekspedisyon upang maglapat ng parusa para mapanatiling nasusupil ang mga lupain sa maburol na mga bansa na nakapalibot sa Asirya.
Pagkatapos, sa tinutukoy ni Senakerib na kaniyang “ikatlong kampanya,” kumilos siya laban sa “Hatti,” isang terminong maliwanag na tumutukoy noong panahong iyon sa Fenicia at Palestina. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 287) Sa pangkalahatan ay naghihimagsik ang lugar na ito laban sa pamatok ng Asirya. Kabilang sa mga tumutol sa gayong panunupil si Haring Hezekias ng Juda (2Ha 18:7), bagaman walang katibayang nagpapakita na nakipag-alyansa siya sa iba pang mga kaharian sa paghihimagsik.
Noong ika-14 na taon ni Hezekias (732 B.C.E.), dumaluhong ang mga hukbo ni Senakerib pakanluran, anupat binihag ang Sidon, Aczib, Aco, at iba pang mga lunsod sa baybayin ng Fenicia, at pagkatapos ay tumungo sila sa timog. Ang takót na mga kaharian, kabilang na yaong sa Moab, Edom, at Asdod, ay itinalang nagpadala noon ng tributo upang magpahayag ng pagpapasakop. Ang mapagmatigas na Askelon ay sapilitang kinuha kasama ang kalapit na mga bayan ng Jope at Bet-dagon. Sa isang inskripsiyong Asiryano, inakusahan ang bayan at ang mga taong mahal ng Filisteong lunsod ng Ekron na ibinigay nila ang kanilang haring si Padi kay Hezekias, na ayon kay Senakerib ay “nagbilanggo rito nang di-makatuwiran.” (Ancient Near Eastern Texts, p. 287; ihambing ang 2Ha 18:8.) Ang mga tumatahan sa Ekron ay inilalarawang humiling ng tulong sa Ehipto at Etiopia upang hadlangan o biguin ang pagsalakay ng Asirya.
Ipinakikita ng ulat ng Bibliya na humigit-kumulang sa panahong ito, nilusob ni Senakerib ang Juda, anupat kinubkob at binihag ang maraming nakukutaang lunsod at mga bayan nito. Nagpasabi noon si Hezekias sa Asiryano sa Lakis anupat nag-alok na magbayad ng halaga ng tributong ipapataw ni Senakerib. (2Ha 18:13, 14) Ang pagbihag ni Senakerib sa Lakis ay inilalarawan sa isang frieze na nagpapakitang nakaupo siya sa trono sa harap ng nalupig na lunsod, anupat tumatanggap ng mga samsam mula sa lunsod na iyon na dinadala sa kaniya habang ang ilan sa mga bihag ay pinahihirapan.
Hindi sinasabi sa ulat ng Bibliya kung si Haring Padi, kung totoo mang isang bihag ni Hezekias, ay napalaya na noon, ngunit ipinakikita nito na nagbayad si Hezekias ng tributong hiningi ni Senakerib na 300 talentong pilak (mga $1,982,000) at 30 talentong ginto (mga $11,560,000). (2Ha 18:14-16) Gayunman, nagsugo noon si Senakerib ng isang komite ng tatlong opisyal upang manawagan sa hari at bayan ng Jerusalem na sumuko sa kaniya at, sa bandang huli ay pumayag na maipatapon. Partikular na hinamak ng mensahe ng Asirya ang pananalig ni Hezekias kay Jehova. Sa pamamagitan ng kaniyang tagapagsalita, ipinaghambog ni Senakerib na si Jehova ay magiging inutil na gaya ng mga diyos ng ibang lupaing bumagsak na sa harap ng kapangyarihan ng Asirya.—2Ha 18:17-35.
Ang komiteng Asiryano ay bumalik kay Senakerib, na noon ay nakikipagbaka laban sa Libna, gaya ng narinig niya “may kaugnayan kay Tirhaka na hari ng Etiopia: ‘Narito, lumabas siya upang makipagbaka laban sa iyo.’” (2Ha 19:8, 9) Binabanggit ng mga inskripsiyon ni Senakerib ang isang pagbabaka sa Eltekeh (mga 15 km [9.5 mi] HHK ng Ekron) kung saan inaangkin niyang tinalo niya ang isang hukbong Ehipsiyo at ang mga hukbo ng “hari ng Etiopia.” Pagkatapos ay inilalarawan niya ang kaniyang panlulupig sa Ekron at ang pagsasauli niya sa pinalayang si Padi sa trono niyaon.—Ancient Near Eastern Texts, p. 287, 288.
Tinalo ni Jehova ang Hukbo ni Senakerib. Kung tungkol sa Jerusalem, bagaman nagpadala si Senakerib ng mga liham na nagbababala kay Hezekias na hindi pa siya naglulubay sa kaniyang determinasyon na kunin ang kabisera ng Juda (Isa 37:9-20), ipinakikita ng rekord na ang mga Asiryano ay hindi man lamang ‘nagpahilagpos roon ng palaso, . . . ni nagtindig man ng muralyang pangubkob laban doon.’ Si Jehova, na tinuya ni Senakerib, ay nagsugo ng isang anghel na, sa isang gabi, ay nanakit ng “isang daan at walumpu’t limang libo sa kampo ng mga Asiryano,” anupat bumalik si Senakerib “na may kahihiyan sa mukha sa kaniyang sariling lupain.”—Isa 37:33-37; 2Cr 32:21.
Hindi binabanggit sa mga inskripsiyon ni Senakerib ang kapahamakang dinanas ng kaniyang mga hukbo. Ngunit, gaya ng komento ni Propesor Jack Finegan: “Dahil sa karaniwang saloobin ng paghahambog na nangingibabaw sa mga inskripsiyon ng mga Asiryanong hari, . . . halos hindi maaasahan na iuulat ni Senakerib ang gayong pagkatalo.” (Light From the Ancient Past, 1959, p. 213) Pero kawili-wiling bigyang-pansin ang bersiyon ni Senakerib, gaya ng makikita sa tinatawag na Sennacherib Prism, na ang isa ay nasa British Museum (Taylor Prism) at ang isa pa ay nasa Oriental Institute sa University of Chicago. Sinasabi niya sa isang bahagi: “Tungkol kay Hezekias, ang Judio, hindi siya nagpasakop sa aking pamatok, kinubkob ko ang 46 sa kaniyang matitibay na lunsod, napapaderang mga moog at ang di-mabilang na maliliit na nayon sa paligid ng mga ito, at nilupig (ang mga ito) sa pamamagitan ng mga (lupang-)rampa na siniksik na mabuti, at mga pambundol na dinalang (gayon) kalapit (sa mga pader) (lakip) ang pagsalakay ng mga kawal na naglalakad, (paggamit ng) mga mina, pagbutas ng mga pader at paghukay ng mga pundasyon. Itinaboy ko (mula sa mga ito) ang 200,150 katao, bata at matanda, lalaki at babae, mga kabayo, mga mula, mga buriko, mga kamelyo, malalaki at maliliit na baka na hindi mabilang, at itinuring (ang mga iyon) na samsam. Siya [si Hezekias] ay ginawa kong isang bilanggo sa Jerusalem, na kaniyang maharlikang tirahan, tulad ng isang ibon sa hawla. . . . Ang kaniyang mga bayan na sinamsaman ko, kinuha ko mula sa kaniyang bansa at ibinigay kay Mitinti, hari ng Asdod, kay Padi, hari ng Ekron, at kay Sillibel, hari ng Gaza. . . . Si Hezekias mismo . . . ay nagpadala sa akin, nang maglaon, sa Nineve, ang aking maringal na lunsod, lakip ang 30 talento na ginto, 800 talento na pilak, mahahalagang bato, antimonyo, malalaking tipak ng pulang bato, mga higaang may (kalupkop na) garing, mga upuang nimedu na may (kalupkop na) garing, mga balat ng elepante, kahoy na ebano, boxwood (at) lahat ng uri ng mahahalagang kayamanan, ang kaniyang (sariling) mga anak na babae, mga babae (concubine), mga manunugtog na lalaki at babae. Upang ihatid ang tributo at upang mangayupapa bilang isang alipin ay isinugo niya ang kaniyang (personal na) mensahero.”—Ancient Near Eastern Texts, p. 288.
Pinalabis ng mapaghambog na bersiyong ito ang bilang ng mga talentong pilak na ipinadala mula sa 300 tungo sa 800, at tiyak na ganito rin ang ginagawa nito sa iba pang mga detalye tungkol sa ibinayad na tributo; ngunit sa iba pang bagay ay kapansin-pansing pinagtitibay nito ang ulat ng Bibliya at ipinakikitang hindi inangkin ni Senakerib na nabihag niya ang Jerusalem. Gayunman, dapat pansinin na sinasabi ni Senakerib na ang pagbabayad ni Hezekias ng tributo ay naganap pagkaraan ng banta ng Asiryano na kukubkubin ang Jerusalem, samantalang ipinakikita ng ulat ng Bibliya na ito ay ibinayad bago pa nito. Tungkol sa posibleng dahilan ng pagkakabaligtad ng bagay na ito, pansinin ang obserbasyong binanggit sa Funk and Wagnalls New Standard Bible Dictionary (1936, p. 829): “Ang pagtatapos ng kampanyang ito ni S[enakerib] ay malabo. Kung ano ang kaniyang ginawa pagkaraan ng pagbihag sa Ekron . . . ay isa pa ring misteryo. Sa kaniyang mga ulat ng kasaysayan, inilalagay ni S[enakerib] sa puntong ito ang pagpaparusa niya kay Hezekias, ang paglusob niya sa bansa ng Juda, at ang ginawa niya sa teritoryo at mga lunsod ng Juda. Ang pagkakasunud-sunod na ito ng mga pangyayari ay waring isang tabing na pantakip sa isang bagay na ayaw niyang banggitin.” Ipinakikita ng ulat ng Bibliya na nagmamadaling bumalik si Senakerib sa Nineve pagkatapos ng kapahamakang pinasapit ng Diyos sa kaniyang mga hukbo, kaya sa binaligtad na ulat ni Senakerib ay kumbinyenteng sinasabi na binayaran sa kaniya ang tributo ni Hezekias sa pamamagitan ng isang pantanging mensahero sa Nineve. Talaga ngang kapansin-pansin na ipinakikita ng sinaunang mga inskripsiyon at mga rekord na wala nang iba pang kampanya si Senakerib sa Palestina, bagaman inaangkin ng mga istoryador na ang kaniyang paghahari ay nagpatuloy pa nang 20 taon.
Inaangkin ng Judiong istoryador noong unang siglo C.E., si Josephus, na sinipi niya ang Babilonyong si Berossus (itinuturing na nabuhay noong ikatlong siglo B.C.E.) na ganito ang ulat sa pangyayari: “Nang bumalik si Senacheirimos sa Jerusalem mula sa kaniyang pakikidigma laban sa Ehipto, nasumpungan niya roon ang hukbo sa ilalim ni Rapsakes na nanganganib dahil sa isang salot, sapagkat pinasapitan ng Diyos ng isang mapanalot na sakit ang kaniyang hukbo, at noong unang gabi ng pagkubkob ay isang daan at walumpu’t limang libong lalaki ang namatay kasama ng kanilang mga kumandante at mga opisyal.” (Jewish Antiquities, X, 21 [i, 5]) Tinatangka ng ilang komentarista na ipaliwanag ang sakuna sa pamamagitan ng pagtukoy sa isang ulat na isinulat ni Herodotus (II, 141) noong ikalimang siglo B.C.E. kung saan ay inaangkin niya na “isang gabi ay dumagsa sa kampo ng mga Asiryano ang napakaraming dagang bukid at nilamon ang kanilang mga talanga at ang kanilang mga busog at ang mga hawakan ng kanilang mga kalasag,” anupat hindi na nila nakayanang magsagawa ng pagsalakay sa Ehipto. Ang ulat na ito ay maliwanag na hindi katugma ng ulat ng Bibliya, ni kasuwato man ng mga inskripsiyong Asiryano ang paglalarawan ni Herodotus sa kampanya ng Asirya. Gayunpaman, ipinahihiwatig ng mga ulat nina Berossus at Herodotus na ang mga hukbo ni Senakerib ay dinatnan ng bigla at kapaha-pahamak na suliranin sa kampanyang ito.
Gayunman, hindi pa natapos ang mga problema ni Senakerib, at pagkabalik niya sa Asirya ay kinailangan niyang sugpuin ang isa pang paghihimagsik sa Babilonya na sulsol ni Merodac-baladan. Sa pagkakataong ito ay inilagay ni Senakerib ang sarili niyang anak, si Ashurnadinshumi, bilang hari sa Babilonya. Pagkaraan ng anim na taon ay sinimulan ni Senakerib ang isang kampanya laban sa mga Elamita, ngunit hindi nagtagal ay gumanti sila sa pamamagitan ng pagsalakay sa Mesopotamia. Nabihag nila si Ashurnadinshumi at naglagay sila ng sarili nilang hari sa trono ng Babilonya. Sinundan ito ng ilang taon ng pag-aagawan sa pamamahala sa rehiyong iyon, hanggang nang bandang huli ay gumanti ang galít na si Senakerib sa Babilonya sa pamamagitan ng lubusang pagwasak dito, isang pagkilos na wala pang katulad dahil sa katayuan ng Babilonya bilang ang “Banal na Lunsod” ng buong Mesopotamia. Lumilitaw na walang mahalagang insidenteng naganap sa nalalabing mga taon ng pamamahala ni Senakerib.
Ipinapalagay na namatay si Senakerib mga 20 taon pagkaraan ng kaniyang kampanya laban sa Jerusalem. Ang petsang ito ay batay sa mga rekord ng Asirya at Babilonya, anupat pinag-aalinlanganan kung mapananaligan ang mga ito. Gayunpaman, dapat pansinin na hindi sinasabi ng ulat ng Bibliya na ang kamatayan ni Senakerib ay nangyari kaagad pagkabalik niya sa Nineve. “Nang maglaon ay pumasok siya sa bahay ng kaniyang diyos” na si Nisroc, at “ibinuwal siya [ng kaniyang mga anak, sina Adramelec at Sarezer] sa pamamagitan ng tabak,” at tumakas sila patungo sa lupain ng Ararat. (2Cr 32:21; Isa 37:37, 38) Pinatutunayan ito ng isang inskripsiyon ng kaniyang anak at kahalili, si Esar-hadon.—Ancient Records of Assyria and Babylonia, ni D. Luckenbill, 1927, Tomo II, p. 200, 201; tingnan ang ESAR-HADON.
Mga Gawaing Pagtatayo. Ang Imperyo ng Asirya ay hindi nagkaroon ng partikular na paglawak sa ilalim ng pamamahala ni Senakerib. Gayunman, nagsagawa siya ng isang maambisyong proyekto ng pagtatayo sa Nineve, na ibinalik niya sa posisyon nito bilang ang kabiserang lunsod. Ang napakalaking palasyo na itinayo niya roon ay binubuo ng mga bulwagan, mga korte, at maharlikang mga silid na sumasaklaw sa lawak na 450 m (1,500 piye) ang haba at 210 m (690 piye) ang lapad. Nagpapasok siya ng tubig mula sa layong 48 km (30 mi), anupat nagtayo ng isang daluyan sa ibabaw ng Ilog Gomel, kilala bilang ang Jerwan Aqueduct. Ang tubig nito ay nakatulong sa irigasyon ng mga hardin at mga parke, gayundin sa pagpuno sa bambang na nakapalibot sa lunsod, sa gayon ay pinatitibay ang mga pandepensa ng lunsod.