CAINAN
1. Anak ni Enos; isang ninuno ni Maria na ina ni Jesus sa lupa. (Luc 3:37) Maliwanag na si Cainan ay tinatawag na Kenan sa Genesis 5:9-14 at 1 Cronica 1:2.
2. Nakatala bilang anak ni Arpacsad sa talaangkanan ni Jesu-Kristo ayon kay Lucas. (Luc 3:36) Ang pangalang Cainan ay lumilitaw sa mga talaan ng angkan sa kasalukuyang mga kopya ng Griegong Septuagint, gaya ng Alexandrine Manuscript ng ikalimang siglo C.E. (Gen 10:24; 11:12, 13; 1Cr 1:18 ngunit hindi sa 1Cr 1:24), bagaman hindi ito matatagpuan sa umiiral na mga manuskritong Hebreo ng Hebreong Kasulatan. Sa dalawang manuskrito ng Bibliya (Papyrus Bodmer 14, 15, ng mga 200 C.E.; Codex Bezae, ng ikalimang siglo C.E.), wala rin ang pangalang Cainan sa Lucas 3:36. Ang pag-aalis na ito ay kasuwato ng tekstong Masoretiko sa Genesis 10:24; 11:12, 15; at 1 Cronica 1:18, na nagsasabing si Shela, at hindi si Cainan, ang anak ni Arpacsad.—Tingnan ang ARPACSAD; TALAANGKANAN NI JESU-KRISTO (Isang Suliranin sa Talaangkanan ni Jesus Ayon kay Lucas).