SAMARITANO
[malamang, Ng (Mula sa) Samaria].
Ang terminong “mga Samaritano” ay unang lumitaw sa Kasulatan pagkatapos na malupig ang sampung-tribong kaharian ng Samaria noong 740 B.C.E.; ikinapit ito sa mga naninirahan sa hilagang kaharian bago ang panlulupig na iyon upang mapaiba sila sa mga banyagang dinala roon nang dakong huli mula sa ibang mga bahagi ng Imperyo ng Asirya. (2Ha 17:29) Waring hindi inalis ng mga Asiryano ang lahat ng mga Israelitang naninirahan sa Samaria, sapagkat ipinahihiwatig ng ulat sa 2 Cronica 34:6-9 (ihambing ang 2Ha 23:19, 20) na noong panahon ng paghahari ni Haring Josias ay may mga Israelita pa rin sa lupaing ito. Sa kalaunan, ang terminong “mga Samaritano” ay nangahulugang mga inapo ng mga naiwan sa Samaria at ng mga dinala roon ng mga Asiryano. Kaya naman tiyak na ang ilan sa mga ito’y mga anak sa pakikipag-asawa sa banyaga. Nang maglaon pa, ang pangalang ito’y mas nagkaroon ng relihiyosong kahulugan. Ang “Samaritano” ay tumukoy sa isang miyembro ng sektang lumaganap sa sinaunang Sikem at Samaria at nanghahawakan sa mga paniniwalang ibang-iba sa Judaismo.—Ju 4:9.
Ang Relihiyong Samaritano. Maraming salik ang nakaambag sa pag-usbong ng relihiyong Samaritano. Ang isang mahalagang salik ay ang pagsisikap ni Jeroboam na ilayo ang sampung tribo mula sa sentro ng pagsamba kay Jehova sa Jerusalem. Sa loob ng mga 250 taon mula nang mahati ang bansa sa dalawang kaharian, ang mga Levitikong saserdote na hinirang ng Diyos ay pinalitan ng pagkasaserdoteng itinalaga ng tao. Dahil dito’y naakay sa nakapanlulumong idolatriya ang kaharian ng Israel. (1Ha 12:28-33; 2Ha 17:7-17; 2Cr 11:13-15; 13:8, 9) Pagkatapos ay bumagsak ang hilagang kaharian. Ang mga paganong dayuhan na dinala roon mula sa Babilonya, Cuta, Ava, Hamat, at Separvaim ay mga mananamba ng maraming bathala—sina Sucot-benot, Nergal, Asima, Nibhaz, Tartak, Adramelec, at Anamelec. Bagaman may natutuhan sila tungkol kay Jehova nang turuan sila ng isang saserdote na mula sa pagkasaserdoteng itinalaga ni Jeroboam, gayunman, gaya ng ginawa ng Samaria sa mga ginintuang guya, patuloy silang sumamba sa kani-kanilang huwad na mga diyos, sa sali’t salinlahi. (2Ha 17:24-41) Ang malawakang pagsisikap ni Josias na alisin sa hilagaang mga pamayanang ito ang kanilang pagsamba sa idolo, halos isang daang taon pagkaraang bumagsak ang Samaria, ay hindi nagkaroon ng namamalaging epekto na katulad ng mga repormang ginawa niya sa timugang kaharian ng Juda.—2Ha 23:4-20; 2Cr 34:6, 7.
Noong 537 B.C.E., isang grupo ng nalabi ng 12 tribo ang bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya at naghanda upang muling itayo ang templo ni Jehova sa Jerusalem. (Ezr 1:3; 2:1, 70) Nang panahong iyon, ang “mga Samaritano” na dinatnan ng mga Israelita at inilarawan bilang “mga kalaban ng Juda at Benjamin” ay lumapit kay Zerubabel at sa matatandang lalaki at nagsabi, “Magtatayo kaming kasama ninyo; sapagkat, katulad ninyo, hinahanap namin ang inyong Diyos at sa kaniya kami naghahain mula pa nang mga araw ni Esar-hadon na hari ng Asirya, na nag-ahon sa amin dito.” (Ezr 4:1, 2) Gayunman, ang sinasabi nilang debosyon kay Jehova ay napatunayang hanggang salita lamang, sapagkat nang tanggihan ni Zerubabel ang kanilang alok, ginawa ng mga Samaritano ang lahat ng kanilang makakaya para hadlangan ang pagtatayo ng templo. Nang mabigo ang lahat ng kanilang panliligalig at pananakot, gumawa sila ng mga bulaang akusasyon sa isang liham sa emperador ng Persia at nagtagumpay silang maipalabas ang isang batas na nagpahinto sa pagtatayo sa loob ng ilang taon.—Ezr 4:3-24.
Noong kalagitnaan ng ikalimang siglo B.C.E., nang pasimulan ni Nehemias na kumpunihin ang mga pader ng Jerusalem, si Sanbalat (na gobernador ng Samaria, ayon sa isa sa Elephantine Papyri) ay paulit-ulit na nagsikap at nabigo na pahintuin ang proyekto. (Ne 2:19, 20; 4:1-12; 6:1-15) Matapos mawala nang ilang panahon, si Nehemias ay bumalik sa Jerusalem at natuklasan niyang napangasawa ng apo ng mataas na saserdoteng si Eliasib ang anak ni Sanbalat. Kaagad ‘siyang itinaboy’ ni Nehemias.—Ne 13:6, 7, 28.
Itinuturing ng ilan na ang pagtatayo ng templong Samaritano sa Bundok Gerizim (marahil noong ikaapat na siglo B.C.E.) bilang kakompetensiya ng templo sa Jerusalem ay hudyat ng tuluyang paghihiwalay ng mga Judio at ng mga Samaritano. Ipinapalagay naman ng iba na ang pagkaputol ng kanilang ugnayan ay naganap pagkaraan pa ng mahigit sa isang siglo. Nang pasimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo, hindi pa napapawi ang hidwaan ng dalawa, bagaman ang templo sa Gerizim ay nawasak mga isa’t kalahating siglo na ang nakararaan. (Ju 4:9) Ang mga Samaritano ay sumasamba pa rin sa Bundok Gerizim (Ju 4:20-23), at minamaliit sila ng mga Judio. (Ju 8:48) Kaya naman, dahil sa mapanghamak na saloobing ito ng mga Judio, naging mariin ang punto ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa madamaying Samaritano.—Luc 10:29-37.
Ang Samaritanong Pentateuch. Mula pa noong unang mga panahon, ang Kasulatan ng mga Samaritano ay binubuo lamang ng unang limang aklat ng Bibliya. Ang mga ito’y sariling bersiyon lamang nila, anupat nakasulat sa sarili nilang mga titik at kilala bilang ang Samaritanong Pentateuch. Tinanggihan nila ang ibang bahagi ng Hebreong Kasulatan, posibleng maliban sa aklat ng Josue. Ang Samaritanong Pentateuch at ang tekstong Masoretiko ay may mga 6,000 pagkakaiba. Karamihan sa mga ito’y maliliit na bagay lamang. Gayunman, ang ilan ay malalaking bagay, gaya ng mababasa sa Deuteronomio 27:4, kung saan pinalitan ng Gerizim ang Ebal, ang lugar kung saan isusulat sa pinaputing mga bato ang mga kautusan ni Moises. (Deu 27:8) Maliwanag na ang pagbabagong ito ay ginawa upang maging katanggap-tanggap ang paniniwala ng mga Samaritano na ang Gerizim ang banal na bundok ng Diyos.
Ngunit sa pangkalahatan, nang tanggapin ng mga Samaritano ang Pentateuch, nagkaroon sila ng saligan para maniwala na isang propetang mas dakila kaysa kay Moises ang darating. (Deu 18:18, 19) Noong unang siglo, hinintay ng mga Samaritano ang pagdating ni Kristo na Mesiyas. Kinilala siya ng ilan sa kanila, ngunit tinanggihan naman siya ng iba. (Luc 17:16-19; Ju 4:9-43; Luc 9:52-56) Nang maglaon, sa pamamagitan ng pangangaral ng unang mga Kristiyano, maraming Samaritano ang malugod na yumakap sa Kristiyanismo.—Gaw 8:1-17, 25; 9:31; 15:3.