ASTROLOGO
Ang salitang ga·zerinʹ ay lumilitaw lamang sa bahagi ng aklat ng Daniel na isinulat sa Aramaiko (Dan 2:4b–7:28) at may salitang-ugat na nangangahulugang “tumibag,” o pumutol, anupat ipinapalagay na tumutukoy iyon sa mga humahati-hati sa kalangitan upang makabuo ng iba’t ibang hugis. (Dan 2:34) Isinasalin ng ilang bersiyong Ingles (Dy, KJ, Le, AS) ang orihinal na salitang Aramaiko na ga·zerinʹ bilang “soothsayers.” (Dan 2:27; 4:7 [tal 4, Dy; Le]; 5:7, 11) Ang kultong ito ng astrolohiya ay binubuo ng mga tao “na, batay sa posisyon ng mga bituin sa oras ng kapanganakan, sa pamamagitan ng iba’t ibang sining ng pagkukuwenta at panghuhula . . . ay umaalam sa magiging kapalaran ng mga indibiduwal.” (Gesenius’s Hebrew and Chaldee Lexicon, isinalin ni S. P. Tregelles, 1901, p. 166, 167) Ang astrolohiya ay pangunahin nang politeistiko; malamang na nagpasimula ito sa mababang Libis ng Mesopotamia di-nagtagal pagkatapos ng Baha nang talikdan ng mga tao ang dalisay na pagsamba kay Jehova. Nang maglaon, ang pangalang Caldeo ay naging halos singkahulugan ng “astrologo.”
Sa huwad na siyensiyang ito ng astrolohiya, pinaniniwalaang iba’t ibang diyos ang namamahala sa bawat seksiyon ng kalangitan. Bawat galaw at penomeno ng mga bagay sa langit, gaya ng pagsikat at paglubog ng araw, mga equinox at solstice, mga pagbabago ng hugis ng buwan, mga eklipse, at mga bulalakaw, ay sinasabing kagagawan ng mga diyos na ito. Kaya naman regular na pinagmamasdan ang galaw ng mga bagay sa kalawakan, anupat ang mga ito ay iginagawa ng detalyadong mga tsart at mga talaan ng kanilang kaganapan, at batay sa mga ito ay hinuhulaan ang mga mangyayari sa buhay ng mga tao at sa lupa. Ang lahat ng bagay, pampubliko at pribado, ay pinaniniwalaang kinokontrol ng mga diyos na ito ng langit. Dahil dito, hindi ginagawa ang mga pasiyang pampulitika o pangmilitar hangga’t hindi kinokonsulta ang mga astrologo upang basahin ang mga tanda, bigyang-kahulugan ang mga ito, at ibigay ang kanilang payo. Sa gayon, ang uring-saserdote ay nagkaroon ng malaking kapangyarihan at impluwensiya sa buhay ng mga tao. Inangkin nila na mayroon silang kahima-himalang kapangyarihan, kaunawaan at malaking karunungan. Ang lahat ng malalaking templong itinayo ng mga Babilonyo ay may sarili nitong obserbatoryo para sa pagmamasid sa kalangitan.
Noong ikawalong siglo B.C.E., nang ihula ng propetang si Isaias ang pagkawasak ng Babilonya, hinamon niya ang nagmamasid-sa-mga-bituing mga astrologong tagapayo ng hinatulang lunsod na iligtas iyon: “Nanghimagod ka [ang Babilonya] sa karamihan ng iyong mga tagapayo. Tumayo sila ngayon at iligtas ka, ang mga mananamba ng langit, ang mga tumitingin sa mga bituin, yaong mga naghahayag ng kaalaman sa panahon ng mga bagong buwan may kinalaman sa mga bagay na darating sa iyo.”—Isa 47:13.
Sa paglipas ng panahon, si Daniel at ang kaniyang tatlong kasamahan ay naging mga bihag sa lupaing iyon ng mga astrologo. Nang subukin ang mga Hebreong ito “kung tungkol sa bawat bagay ng karunungan at pagkaunawa,” nasumpungan ng Babilonyong hari na “mas magaling sila nang sampung ulit kaysa sa lahat ng mga mahikong saserdote at mga salamangkero na nasa kaniyang buong kaharian.” (Dan 1:20) Mula noon ay tinawag si Daniel na “pinuno ng mga mahikong saserdote” (Dan 4:9), subalit mahalagang tandaan na hindi niya kailanman tinalikdan ang pagsamba kay Jehova upang maging isang nagmamasid-sa-mga-bituin na ‘naghahati-hati ng kalangitan.’ Halimbawa, galit na galit si Nabucodonosor nang hindi maisiwalat ng mga astrologo at ng iba pa sa “marurunong na tao” ang kaniyang panaginip anupat bumulalas siya: “Pagpuputul-putulin kayo, at ang inyong mga bahay ay gagawing mga palikurang pambayan.” (Dan 2:5) Damay rin sana sa utos na ito si Daniel at ang kaniyang mga kasamahan, ngunit bago maisagawa ang pagpatay, si Daniel ay dinala sa harap ng hari, at sinabi rito ni Daniel: “May umiiral na Diyos sa langit na isang Tagapagsiwalat ng mga lihim,” ngunit “sa ganang akin, hindi dahil sa anumang karunungan na nasa akin nang higit kaysa sa kanino pa mang buháy kung kaya ang lihim na ito ay isiniwalat sa akin.”—Dan 2:28, 30.
Sino ang mga Mago na dumalaw sa batang si Jesus?
May mga astrologo (sa Gr., maʹgoi; “Magi,” tlb sa AS, CC, We; “Magians,” ED) na nagdala ng mga kaloob sa batang si Jesus. (Mat 2:1-16) Bilang komento sa pagkakakilanlan ng mga maʹgoi na ito, ang The Imperial Bible-Dictionary (Tomo II, p. 139) ay nagsabi: “Ayon kay Herodotus, ang mga mago ay isang tribo ng mga Medo [I, 101], na nag-aangking nakapagbibigay-kahulugan sa mga panaginip, at opisyal na inatasang magsagawa ng sagradong mga ritwal . . . sa madaling salita, sila ang edukadong uring-saserdote, at nagtataglay, gaya ng inaakala, ng kakayahang umalam mula sa mga aklat at sa pagmamasid sa mga bituin ng kahima-himalang kaunawaan hinggil sa mga bagay na mangyayari . . . Ipinakikita ng mga pagsisiyasat nang bandang huli na waring ang Babilonya at hindi ang Media at Persia ang sentro ng talamak na magianismo. ‘Noong una, hindi naman tinatawag na mga mago ang mga saserdoteng Mediano . . . Gayunman, mula sa mga Caldeo ay tinanggap nila ang katawagang mago dahil sa kanilang makasaserdoteng katayuan sa lipunan, at sa ganitong paraan natin maipaliliwanag ang sinasabi ni Herodotus na ang mga mago ay isang tribong Mediano’ . . . (J. C. Müller sa Herzog’s Encl.).”—Inedit ni P. Fairbairn, London, 1874.
Kung gayon, wasto nga na nang basahin nina Justin Martyr, Origen, at Tertullian ang Mateo 2:1, naisip nila na ang maʹgoi ay mga astrologo. Sumulat si Tertullian (“On Idolatry,” IX): “Batid natin na magkaugnay ang mahika at astrolohiya. Kaya naman ang mga tagapagbigay-kahulugan sa mga bituin ang unang . . . naghandog sa Kaniya [kay Jesus] ng ‘mga kaloob.’” (The Ante-Nicene Fathers, 1957, Tomo III, p. 65) Ang katawagang Mago ay karaniwang ginamit “bilang isang panlahatang termino para sa mga astrologo sa Silangan.”—The New Funk & Wagnalls Encyclopedia, 1952, Tomo 22, p. 8076.
Dahil dito, matibay ang ebidensiya na ang maʹgoi na dumalaw sa sanggol na si Jesus ay mga astrologo. Sa gayon, ang The New Testament na isinalin ni C. B. Williams ay kababasahan ng “star-gazers,” lakip ang talababa na nagpapaliwanag: “Samakatuwid nga, mga nag-aaral ng mga bituin may kaugnayan sa mga pangyayari sa lupa.” Kaya naman angkop na ang makabagong mga saling Ingles ay kababasahan ng “astrologers” sa Mateo 2:1.—AT, NE, NW, Ph.
Hindi sinabi kung ilan sa mga astrologong ito “mula sa mga silanganing bahagi” ang nagdala ng “ginto at olibano at mira” sa batang si Jesus; walang makatotohanang saligan para sa tradisyonal na palagay na tatlo sila. (Mat 2:1, 11) Bilang mga astrologo, sila’y mga lingkod ng huwad na mga diyos at sa nalalaman man nila o hindi, inakay sila ng sa tingin nila ay isang gumagalaw na “bituin.” Ipinagbigay-alam nila kay Herodes na ipinanganak na ang “hari ng mga Judio,” at sinikap naman ni Herodes na ipapatay si Jesus. Subalit nabigo ang pakana. Namagitan si Jehova at nanaig siya sa mga demonyong diyos ng mga astrologong iyon, kaya sa halip na bumalik kay Herodes, ang mga astrologo ay umuwi sa pamamagitan ng ibang daan matapos silang bigyan ng “babalang mula sa Diyos sa isang panaginip.”—Mat 2:2, 12.
Panghuhula sa Pamamagitan ng Atay at ang Astrolohiya. Waring ang kaugaliang ‘pagtingin sa atay’ ay naging isang pantanging bahagi ng astrolohiya. (Eze 21:21) Isang luwad na modelo ng atay ang natagpuan sa isang templong paaralan sa Babilonya anupat mula pa ito noong panahon ni Hammurabi. Ang isang panig nito ay hinati-hati sa mga bahaging kumakatawan sa “araw” at “gabi.” Ang gilid naman nito ay hinati-hati sa 16 na bahagi, at isinulat sa bawat seksiyon ang katumbas na mga pangalan ng mga bathala ng langit. Kaya kung paanong sa ganitong uri ng panghuhula ay hinahati-hati ang kalangitan batay lamang sa imahinasyon, hinahati-hati rin nila sa katulad na paraan ang atay ng kanilang mga haing hayop. Kapag inihahandog nila ang mga haing ito, tinitingnan nila ang atay, anupat itinuturing nila ito bilang munting larawan ng kalangitan, upang makita nila kung anong mga tanda ang isinisiwalat sa kanila ng mga diyos.—Tingnan ang PANGHUHULA.
Si Molec at ang Astrolohiya sa Israel. May katibayan na nagpapakitang ang astrolohiya ay may malapít na kaugnayan sa pagsamba kay Molec, isang diyos na kung minsa’y inilalarawang may ulo ng toro. Ang toro ay sinasamba noon ng mga Babilonyo, mga Canaanita, mga Ehipsiyo, at ng iba pa bilang sagisag ng kanilang mga bathala, gaya nina Marduk, Molec, Baal, at iba pa. Ang toro ay isa sa pinakamahahalagang sagisag ng sodyako, ang Taurus. Ang diyos-araw ay kadalasang isinasagisag ng mga toro, anupat ang mga sungay ay lumalarawan sa mga sinag, at ang malakas na kakayahan ng toro sa pag-aanak ay kumakatawan sa kapangyarihan ng araw bilang “tagapagbigay-buhay.” Ang babaing baka naman ay binigyan ng kapantay na karangalan bilang isang sagisag ni Ishtar o Astarte, na iba’t ibang tawag sa kaniya. Kaya nang pasimulan ni Aaron at ni Jeroboam sa Israel ang gayong pagsamba sa toro (pagsamba sa guya), napakalaking kasalanan iyon sa paningin ni Jehova.—Exo 32:4, 8; Deu 9:16; 1Ha 12:28-30; 2Ha 10:29.
Tinuligsa ang apostatang sampung-tribong kaharian ng Israel dahil sa pagsali nito sa kultong iyon ng astrolohiya, sapagkat “patuloy nilang iniwan ang lahat ng utos ni Jehova na kanilang Diyos at gumawa para sa kanilang sarili ng mga binubong estatuwa, dalawang guya, at gumawa ng sagradong poste, at nagsimula silang yumukod sa buong hukbo ng langit at naglingkod kay Baal; at patuloy nilang pinaraan sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at ang kanilang mga anak na babae at nanghula sila at naghanap ng mga tanda.”—2Ha 17:16, 17.
Sa dalawang-tribong kaharian naman sa timog, pinangunahan ng balakyot na si Haring Ahaz at ng kaniyang apong si Manases ang pagsamba sa mga bituing diyos at ang makademonyong paghahandog ng kanilang mga anak na sinusunog nang buháy bilang hain. (2Ha 16:3, 4; 21:3, 6; 2Cr 28:3, 4; 33:3, 6) Gayunman, “inalisan [ng mabuting haring si Josias] ng trabaho ang mga saserdote ng mga banyagang diyos” na “gumagawa ng haing usok para kay Baal, sa araw at sa buwan at sa mga konstelasyon ng sodyako at sa buong hukbo ng langit,” at giniba niya ang matataas na dako at ginawa niyang di-karapat-dapat sa pagsamba ang Topet upang “walang isa man ang makapagparaan ng kaniyang anak na lalaki o ng kaniyang anak na babae sa apoy para kay Molec.” (2Ha 23:5, 10, 24) Sa pamamagitan ng kaniyang mga propetang sina Zefanias at Jeremias, tinuligsa sila ni Jehova dahil sa kanilang mga gawaing may kaugnayan sa astrolohiya, bilang “mga yumuyukod sa hukbo ng langit sa ibabaw ng mga bubong” at mga “nananata ng mga sumpa sa pamamagitan ni Malcam [Molec].”—Zef 1:5; Jer 8:1, 2; 19:13.
Ipinakikita rin ng salaysay ni Esteban tungkol sa paghihimagsik ng mga Israelita sa ilang na ang pagsamba kay Molec, pagsamba sa guya, at astrolohiya ay magkakaugnay. Nang sabihin nila kay Aaron, “Igawa mo kami ng mga diyos upang manguna sa amin,” “ibinigay sila [ni Jehova] upang mag-ukol ng sagradong paglilingkod sa hukbo ng langit, gaya ng nakasulat sa aklat ng mga propeta, ‘Hindi naman kayo sa akin naghandog ng mga hayop at mga hain . . . Kundi ang tolda ni Moloc at ang bituin ng diyos na si Repan ang inyong dinala.’”—Gaw 7:40-43.
Paghatol ng Diyos sa Astrolohiya. Isang napakahalagang katotohanan ang ipinahayag sa simpleng pananalita: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa,” kasama ang mga planeta ng ating sistema solar at ang mga bituing nakapirme sa kani-kanilang konstelasyon. (Gen 1:1, 16; Job 9:7-10; Am 5:8) Subalit hindi kalooban ni Jehova na sambahin ng mga tao ang kahanga-hangang mga bagay na ito na kaniyang nilalang. Kaya naman mahigpit niyang pinagbawalan ang kaniyang bayan na huwag sumamba sa “anyo na tulad ng anumang nasa langit sa itaas.” (Exo 20:3, 4) Ipinagbawal niya ang bawat uri ng astrolohiya.—Deu 18:10-12.