TULONG
[sa Ingles, relief].
Materyal na paglalaan para sa mga kapos sa mga pangangailangan sa buhay, maaaring dahil sa katandaan, taggutom, o iba pang kapighatian.
Ang isang pagkakakilanlang katangian ng tapat na mga lingkod ng Diyos ay ang kanilang pagiging handang tumulong sa mga taong nagdarahop. (Job 29:16; 31:19-22; San 1:27) Noong unang siglo, isinaayos ng kongregasyon sa Jerusalem na magkaroon ng pamamahagi ng pagkain sa nagdarahop na mga Kristiyanong babaing balo, at nang maglaon, pitong kuwalipikadong lalaki ang inatasan upang matiyak na walang babaing balo na karapat-dapat ang napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi. (Gaw 6:1-6) Pagkaraan ng ilang taon, sa kaniyang liham kay Timoteo, itinawag-pansin ng apostol na si Pablo na ang tulong ng kongregasyon sa mga babaing balo ay dapat na limitahan lamang sa mga hindi bababà sa 60 taóng gulang. Ang gayong mga babaing balo ay dapat na may rekord ng mabubuting gawa sa ikasusulong ng Kristiyanismo. (1Ti 5:9, 10) Gayunman, ang may pangunahing obligasyon na mangalaga sa matatanda nang mga magulang at mga lolo’t lola ay ang mga anak at mga apo, hindi ang kongregasyon. Gaya ng isinulat ni Pablo: “Kung ang sinumang babaing balo ay may mga anak o mga apo, matuto muna ang mga ito na magsagawa ng makadiyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at patuloy na magbayad ng kaukulang kagantihan sa kanilang mga magulang at mga lolo’t lola, sapagkat ito ay kaayaaya sa paningin ng Diyos.”—1Ti 5:4, 16.
May mga panahon noon na nakikibahagi ang mga kongregasyong Kristiyano sa paglalaan ng tulong sa kanilang mga kapatid sa ibang mga lugar. Kaya naman nang ihula ng propetang si Agabo na magkakaroon ng isang malaking taggutom, ang mga alagad sa kongregasyon ng Antioquia ng Sirya ay “nagpasiya, bawat isa sa kanila ayon sa makakayanan ng sinuman, na magpadala ng tulong bilang paglilingkod sa mga kapatid na nakatira sa Judea.” (Gaw 11:28, 29) Ang iba pang mga organisadong tulong para sa nagdarahop na mga kapatid sa Judea ay kusang-loob din.—Ro 15:25-27; 1Co 16:1-3; 2Co 9:5, 7.