PLATERO
Taong naghuhulma, nagpupukpok, nag-uukit, naglililok, o gumagawa ng iba pang gawain sa metal. (Isa 41:7) Sa kasaysayan, ang unang nakatalang “panday ng bawat uri ng kasangkapang tanso at bakal” ay si Tubal-cain. (Gen 4:22) Ang sinaunang mga platero ay gumawa ng mga kasangkapan, gamit sa bahay, sandata, baluti, panugtog, palamuti, at pigurin. Hindi lamang sila gumawa ng mga bagong kasangkapan kundi nagkumpuni rin. (2Cr 24:12) Marami sa kanila ang dalubhasa sa paggawa sa mga metal na gaya ng ginto (Ne 3:8, 31, 32), pilak (Huk 17:4; Gaw 19:24), o tanso (2Ti 4:14). Kung minsan, bumubuo sila ng asosasyon o samahan. (Ne 3:31; Gaw 19:24-28) Kailangan sa kanilang hanapbuhay ang kasanayan sa artistikong pagdidisenyo.
Posibleng may kaalaman na sa pagpaplatero ang mga Israelita bago pa man sila pumasok sa Ehipto, o posibleng doon nila ito natutuhan. Nang umalis sila sa Ehipto, marunong na silang humubog ng isang binubong guya at isang tansong serpiyente. (Exo 32:4; Bil 21:9) Gayunman, mas kahanga-hanga ang iba’t ibang kagamitang metal na ginawa nila para sa paglilingkod sa tabernakulo. Si Bezalel at ang kaniyang mga katulong ay ginabayan ng espiritu ni Jehova sa kanilang pagpaplatero.—Exo 31:2, 3; 35:30-35.
Nang maglaon, noong sinisiil ng mga Filisteo ang mga Israelita, pinagbawalan silang magkaroon ng sarili nilang mga platero upang hindi sila makagawa ng mga sandata. (1Sa 13:19-22) Walang alinlangang ito rin ang dahilan kung bakit dinalang bihag ni Nabucodonosor ang mga platero at ang iba pang mga bihasang manggagawa noong salakayin niya ang Jerusalem sa unang pagkakataon.—2Ha 24:14, 16; Jer 24:1; 29:1, 2.