TAGAPAMAGITAN
Isa na namamagitan sa dalawang magkasalungat na partido upang pagkasunduin sila; isang tagapag-ugnay; isa na nagsisilbing tulay. Sa Kasulatan, ang terminong ito ay ikinakapit kay Moises, na tagapamagitan ng tipang Kautusan, at kay Jesus, na Tagapamagitan ng bagong tipan.—Gal 3:19; 1Ti 2:5.
Kailangan ang Dugo Upang Bigyang-bisa ang Tipan. Dalawang pangunahing tipan ang tinatalakay ng kinasihang manunulat ng aklat ng Mga Hebreo, ang tipang Kautusan at ang bagong tipan. Sa pagtalakay na iyon, binanggit niya na naglilingkod si Kristo bilang Tagapamagitan ng bagong tipan. (Heb 9:15) Matagal nang pinagtatalunan ng mga iskolar ng Bibliya ang pananalita ng manunulat sa Hebreo 9:16. Dahil dito, ang teksto ay isinasalin sa sumusunod na mga paraan: “Sapagkat kung saan mayroong tipan doo’y kinakailangan ang kamatayan ng gumawa niyaon.” (AS-Tg) “Sapagkat kung may testamento, kailangan munang mamatay ang gumawa nito.” (BSP) “Kapag may testamento, kailangang mapatunayang patay na ang gumawa niyon.” (MB) “Tungkol sa testamento, kailangang patunayang patay na ang gumawa nito.” (NPV) “Sapagkat kung saan may tipan, ang kamatayan ng taong nagpangyari ng tipan ay kailangang ilaan.”—NW.
Ang literal na salin na masusumpungan sa interlinear na mga salin ng tekstong Griego ay gaya ng sumusunod: “Kung saan sapagkat tipan, kamatayan kailangan dalhin ng isa na gumawa ng tipan para sa sarili.” (Heb 9:16, Int) “Sapagkat kung saan may tipan, ang kamatayan ay kailangang ihandog ng isa na gumagawa ng tipan.”—The Interlinear Greek-English New Testament, isinalin ni Alfred Marshall.
Ang pagkakasalin sa di·a·theʹke bilang “tipan” ay may-kawastuang nagtatawid sa nais ipangahulugan ng manunulat. Ang salin na “testamento,” na masusumpungan sa maraming bersiyon, ay hindi kasuwato ng pagkakagamit sa di·a·theʹke sa Griegong Septuagint at gayundin sa maraming talata sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Luc 1:72; Gaw 3:25; 7:8; Ro 9:4; 11:27; Heb 8:6-10; 12:24) Bukod diyan, ang “testamento” ay hindi tugma sa tinatalakay ni Pablo, yamang ang tinutukoy niya sa konteksto ay ang tipang Kautusan at ang bagong tipan. Hindi matatawag na “testamento” ang tipang Kautusan at ang bagong tipan.
Sa Hebreo 9:16, maliwanag na ang tinutukoy ng apostol na si Pablo ay mga tipan sa pagitan ng Diyos at ng tao (hindi sa pagitan ng dalawang tao), mga tipan na humihiling ng mga hain. At mapapansin, partikular na sa mga Hebreo, na ang paglapit sa Diyos at ang pakikipagtipan sa Diyos ay karaniwan nang nakasalig sa mga hain, anupat kung minsan ay pinuputol ang mga hayop na inihahain kapag pinagtitibay ang isang tipan. Maliwanag na kinailangan ang pagtitigis ng dugo upang magkabisa sa harap ng Diyos ang tipang Kautusan at ang bagong tipan. Kung walang ititigis na dugo, hindi kikilalanin ng Diyos ang mga iyon bilang may bisa, ni makikitungo man siya sa mga taong nasasangkot salig sa isang tipan. (Heb 9:17) Nang bigyang-bisa ang tipang Kautusan, ang ginamit na hain ay mga hayop—mga toro at mga kambing—na nagsilbing panghalili kay Moises, ang tagapamagitan. (Heb 9:19) Nang bigyang-bisa naman ang bagong tipan, ang hain ay ang buhay-tao ni Jesu-Kristo.—Luc 22:20; tingnan ang apendise ng Rbi8, p. 1584.
Ang Tagapamagitan ng Tipang Kautusan. Si Moises ang naging tagapamagitan ng tipang Kautusan sa pagitan ng Diyos na Jehova at ng bansang Israel. Nakipag-usap si Jehova sa kaniya nang “bibig sa bibig” (Bil 12:8), bagaman anghel ni Jehova ang talagang nagsalita bilang kinatawan ng Diyos. (Gaw 7:38; Gal 3:19; Heb 2:2) Si Moises ay naging tagapagsalita ni Jehova para sa Israel. (Exo 19:3, 7, 9; 24:9-18) Bilang tagapamagitan, sa kaniya ‘ipinagkatiwala ang buong sambahayan ni Jehova.’ (Bil 12:7) Sa kaniyang pagganap sa papel na tagapamagitan ng tipang Kautusan, tinulungan niya ang bansang Israel na ingatan ang tipan at tamuhin ang mga kapakinabangang dulot nito.
Pagbibigay-bisa sa tipang Kautusan. Sinabi ng apostol na si Pablo: “Ngayon ay walang tagapamagitan kapag iisang persona lamang ang nasasangkot, ngunit ang Diyos ay iisa lamang.” (Gal 3:20) Sa tipang Kautusan, ang Diyos ang isang partido; ang bansang Israel naman ang kabilang ‘partido.’ Palibhasa’y makasalanan ang mga Israelita, hindi sila makalalapit sa Diyos upang makipagtipan. Kailangan nila ng isang tagapamagitan. Nakita ang kahinaan nilang ito nang hilingin nila kay Moises: “Ikaw ang magsalita sa amin, at makikinig kami; ngunit huwag magsalita sa amin ang Diyos dahil baka kami mamatay.” (Exo 20:19; Heb 12:18-20) Udyok ng awa, inatasan ni Jehova si Moises na maging tagapamagitan ng tipang Kautusan at itinagubilin Niya ang paghahain ng mga hayop upang bigyang-bisa ang tipan. Sabihin pa, si Moises din ay di-sakdal at makasalanan; gayunman, mayroon siyang kaayaayang katayuan sa harap ng Diyos, gaya ni Abraham noong una. (Heb 11:23-28; tingnan ang IPAHAYAG NA MATUWID [Kung paano ‘ibinibilang’ na matuwid].) Nang pasinayaan ang tipan, si Moises ang nanungkulan at nangasiwa sa paghahain ng mga hayop. Pagkatapos ay iwinisik niya ang dugo ng mga ito sa balumbon o “aklat ng tipan.” Binasa niya sa bayan ang aklat upang iharap ang mga kundisyon ng tipan, at sumang-ayon sila na sundin ang mga iyon. Pagkatapos ay winisikan ni Moises ng dugo ang bayan (walang alinlangang kinakatawanan ng matatandang lalaki), na sinasabi: “Narito ang dugo ng tipan na ipinakipagtipan ni Jehova sa inyo may kinalaman sa lahat ng mga salitang ito.”—Exo 24:3-8; Heb 9:18-22.
Pagpapasinaya sa pagkasaserdote. Ang inatasang mga saserdote mula sa sambahayan ni Aaron ay hindi maaaring maglingkod bilang mga saserdote sa ganang sarili nila. Kailangan muna silang italaga sa katungkulan sa ilalim ng pangangasiwa ng tagapamagitan ng Diyos na si Moises. Nang maganap ito, noong Nisan 1-7, 1512 B.C.E., pinahiran ni Moises ang tabernakulo at ang mga muwebles at mga kagamitan nito at gayundin si Aaron ng langis na may pantanging halo. Pagkatapos na punuin ng mga bagay na inihahain ang mga kamay ni Aaron at ng kaniyang mga anak, ikinaway ni Moises sa harap ni Jehova ang kanilang punóng mga kamay, sa gayo’y itinalaga sila o ‘pinuspos ng kapangyarihan ang kanilang mga kamay’ para sa pagkasaserdote. Pagkatapos ay winisikan niya sila ng langis na pamahid at ng dugo mula sa altar. Kaya ang isang naging tungkulin ni Moises bilang tagapamagitan ay ang pagtatalaga at pagpapasinaya ng pagkasaserdote, na isang pitak ng tipang Kautusan.—Lev 8; Heb 7:11; tingnan ang PAGTATALAGA.
Nagkaroon din si Moises ng mahalagang bahagi sa unang mga paglilingkod ng bagong-itinalagang pagkasaserdote, noong Nisan 8, 1512 B.C.E., nang magbigay siya ng mga tagubilin hinggil sa paghahandog at nang pagpalain nilang dalawa ni Aaron ang bayan. (Lev 9) Sa pagpapasinaya ng lahat ng bagay na may kinalaman sa tipang Kautusan, gumanap siya sa kaniyang opisyal na katungkulan bilang tagapamagitan.
Iba pang gawain bilang tagapamagitan. Sa pamamagitan ni Moises, ibinigay sa Israel ang isang kalipunan ng mahigit sa 600 kautusan, kabilang na ang mga batas hinggil sa pagkasaserdote. Nagsagawa si Moises ng maraming himala para sa bayan sa tulong ng kapangyarihan ng Diyos. Namagitan siya para sa kanila, anupat nakiusap kay Jehova na huwag silang lipulin alang-alang sa Kaniyang pangalan. (Exo 32:7-14; Bil 14:11-20; 16:20-22; 21:7; Deu 9:18-20, 25-29; 10:8-11) Higit na ikinabahala ni Moises ang kapakanan ng pangalan ni Jehova at ng bayan kaysa sa kaniyang sariling kapakanan.—Exo 32:30-33; Bil 11:26-29; 12:9-13.
Mga Pagkakatulad Bilang mga Tagapamagitan. Hinggil sa mga dinala sa bagong tipan, may masusumpungan tayong isang kalagayan na katulad niyaong sa sinaunang Israel. Makasalanan din ang mga Kristiyano. Yamang hindi aktuwal na nakapag-aalis ng mga kasalanan ang dugo ng mga hayop (Heb 10:4), isang mas mabuting hain ang kailangan. Si Jesu-Kristo ang mas mabuting haing iyon. (Heb 10:5-10) Ang bagay na ito ay ipinahayag ng manunulat ng Mga Hebreo sa ganitong paraan. Matapos banggitin ang mga haing inihahandog sa ilalim ng Kautusan, sinabi niya: “Gaano pa ngang higit na ang dugo ng Kristo . . . ay makapaglilinis ng ating mga budhi mula sa patay na mga gawa upang makapag-ukol tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy? Kaya iyan ang dahilan kung bakit siya ay isang tagapamagitan ng isang bagong tipan, upang sa gayon, dahil isang kamatayan ang naganap upang palayain sila sa pamamagitan ng pantubos mula sa mga pagsalansang sa ilalim ng naunang tipan, yaong mga tinawag ay tumanggap ng pangako ng walang-hanggang mana. Sapagkat kung saan may tipan, ang kamatayan ng taong nagpangyari ng tipan ay kailangang ilaan. Sapagkat ang isang tipan ay may bisa dahil sa patay na mga handog, yamang ito ay walang bisa samantalang buháy pa ang taong nagpangyari ng tipan.”—Heb 9:11-17.
Pagkatapos ay itinawag-pansin ni Pablo na hindi pinasinayaan nang walang dugo ang naunang tipan. Nang pangasiwaan ni Moises ang paggawa ng tipang iyon, inihandog niya ang mga hain at iwinisik niya ang dugo sa “aklat ng tipan.” (Heb 9:18-28) Sa gayunding paraan, si Jesu-Kristo, bilang Tagapamagitan ng Diyos para sa bagong tipan, ay naghandog ng kaniyang hain at pagkatapos ay humarap sa Diyos na Jehova taglay ang halaga ng kaniyang dugo. Ang tipang Kautusan ay ipinakipagtipan sa isang bansa, hindi sa mga indibiduwal (Exo 24:7, 8); gayundin naman, ang bagong tipan ay ipinakipagtipan sa “banal na bansa” ng Diyos, ang “Israel ng Diyos.”—1Pe 2:9; Gal 6:15, 16.
Yaong mga Pinaglilingkuran ni Kristo Bilang Tagapamagitan. Sinabi ng apostol na si Pablo na may “isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, isang tao, si Kristo Jesus, na nagbigay ng kaniyang sarili bilang katumbas na pantubos para sa lahat”—kapuwa para sa mga Judio at mga Gentil. (1Ti 2:5, 6) Siya ang namamagitan sa bagong tipan sa pagitan ng Diyos at niyaong mga dinadala sa bagong tipan, ang kongregasyon ng espirituwal na Israel. (Heb 8:10-13; 12:24; Efe 5:25-27) Naging Tagapamagitan si Kristo upang yaong mga tinawag ay “tumanggap ng pangako ng walang-hanggang mana” (Heb 9:15); hindi mga anghel ang tinutulungan niya kundi “ang binhi ni Abraham.” (Heb 2:16) Tinutulungan niya yaong mga dadalhin sa bagong tipan upang ‘ampunin’ sa sambahayan ng espirituwal na mga anak ni Jehova; ang mga ito sa kalaunan ay aakyat sa langit bilang mga kapatid ni Kristo at makakasama niya bilang bahagi ng binhi ni Abraham. (Ro 8:15-17, 23-25; Gal 3:29) Ipinadala niya sa kanila ang ipinangakong banal na espiritu, na siyang espiritu na ipinantatak sa kanila at ibinigay sa kanila bilang palatandaan o tanda niyaong darating, ang kanilang makalangit na mana. (2Co 5:5; Efe 1:13, 14) Sa Apocalipsis 7:4-8, isinisiwalat na 144,000 ang kabuuang bilang niyaong mga tatanggap ng pangwakas at permanenteng pagtatatak.
Pagpapasinaya ng Bagong Tipan. Pagkatapos na mamatay at buhaying-muli, si Jesus ay pumasok sa langit at humarap sa mismong persona ng Diyos upang iharap ang kaniyang handog, na ang mga kapakinabangan ay unang matatamo niyaong mga dinala sa bagong tipan. (Heb 9:24) Noon ay gumanap siya kapuwa bilang Mataas na Saserdote at Tagapamagitan. Kasuwato ng parisang sinunod noong pasinayaan ang tipang Kautusan, iniharap ni Jesu-Kristo ang halaga ng kaniyang hain sa harap ng Diyos sa langit (kung paanong iwinisik ni Moises ang dugo sa aklat ng Kautusan [sapagkat hindi personal na naroroon ang Diyos]). Pagkatapos, noong araw ng Pentecostes, 33 C.E., ibinuhos ni Jesus ang banal na espiritu mula sa Diyos sa mga unang dinala sa bagong tipan, na mga 120 katao. Nang maglaon noong araw ring iyon, humigit-kumulang sa 3,000, na mga Judio at mga proselita, ang naparagdag sa kongregasyon. (Gaw 1:15; 2:1-47; Heb 9:19) At kung paanong ang Kautusan ay binasa ni Moises sa bayan, malinaw ring ipinahayag ni Jesu-Kristo sa mga kabahagi sa bagong tipan ang mga kundisyon at mga kautusan niyaon.—Exo 24:3-8; Heb 1:1, 2; Ju 13:34; 15:14; 1Ju 5:1-3.
Sa kaniyang panunungkulan bilang Tagapamagitan at Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo, yamang imortal, ay laging buháy at may kakayahang makiusap para sa mga kabilang sa espirituwal na Israel na lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sa gayo’y maaari siyang mamagitan sa bagong tipan hanggang sa mailigtas nang lubusan yaong mga tumatanggap ng kaniyang tulong bilang Tagapamagitan. (Heb 7:24, 25) May kakayahan siyang pangasiwaan ang mga bagay-bagay hanggang sa matagumpay na matupad ang bagong tipan. Sa bandang huli, yaong mga kasama sa tipan ay itatalaga sa makalangit na pagkasaserdote bilang mga katulong na saserdote na kasama ni Kristo, ang kanilang dakilang Mataas na Saserdote.—Apo 5:9, 10; 20:6.
Mga Pagpapala Para sa Sangkatauhan sa Pangkalahatan. Bagaman ang paglilingkod ni Jesus bilang Tagapamagitan ay para lamang sa mga kabilang sa bagong tipan, siya rin ay Mataas na Saserdote ng Diyos at Binhi ni Abraham. Sa pagganap sa mga tungkuling kaakibat ng dalawang posisyong ito, magdudulot siya ng mga pagpapala sa iba pa sa sangkatauhan, sapagkat ang lahat ng mga bansa ay pagpapalain sa pamamagitan ng binhi ni Abraham. Yaong mga kabilang sa bagong tipan ang unang pagpapalain ni Kristo, ang pangunahing Binhi (Gal 3:16, 29), anupat kukunin sila bilang mga kasamang miyembro ng binhi. Yamang gagawin silang mga hari at mga saserdote salig sa bagong tipan na pinamagitanan ni Kristo, makikibahagi sila sa pagtulong sa lahat ng mga bansa sa lupa upang tamuhin ng mga ito ang mga pagpapalang dulot ng hain ni Jesus at ng pamamahala ng kaniyang Kaharian. Kung magkagayon, ang paglilingkod ni Kristo bilang Tagapamagitan, matapos maisagawa ang layunin nito na dalhin sa gayong posisyon ang “Israel ng Diyos,” ay magbubunga ng mga kapakinabangan at mga pagpapala sa buong sangkatauhan.—Gal 6:16; Gen 22:17, 18.
Kaya may iba pa na hindi kabilang sa 144,000 na “tinatakan” na nananalangin din sa Diyos na Jehova sa pangalan ni Kristo at nananampalataya sa bisa ng kaniyang haing pantubos. Ang haing ito ay hindi lamang para sa mga pinaglilingkuran ni Jesus bilang Tagapamagitan ng bagong tipan kundi para rin sa lahat ng mga tao na nananampalataya kay Kristo. (1Ju 2:2) Kinikilala rin ng mga taong ito, bagaman hindi sila kabilang sa bagong tipan, na “walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na siya nating dapat ikaligtas.” (Gaw 4:12) Umaasa rin sila kay Jesu-Kristo bilang ang kanilang dakilang makalangit na Mataas na Saserdote, na sa pamamagitan niya ay makalalapit sila sa Diyos at sa pamamagitan ng kaniyang paglilingkod ay maaari silang magtamo ng kapatawaran ng kasalanan. (Heb 4:14-16) Itinatawag-pansin ng Apocalipsis 21:22-24 na ‘ang mga bansa ay lalakad sa liwanag ng Bagong Jerusalem,’ na doo’y ang Diyos na Jehova ang liwanag at ang Korderong si Jesu-Kristo ang lampara.