MALINIS, KALINISAN
Maraming salitang Hebreo at Griego ang naglalarawan sa anumang bagay na malinis at dalisay, at pati sa pagpapadalisay, samakatuwid nga, ang pagsasauli tungo sa isang kalagayan na walang dungis, walang batik, malaya sa anumang bagay na nagpaparumi, nagbabanto, o nagpapasama. Bagaman ang mga salitang ito ay naglalarawan ng pisikal na kalinisan, mas madalas na ang mga ito ay naglalarawan ng moral o espirituwal na kalinisan. Kadalasan, ang pisikal at seremonyal na kalinisan ay nagkakatulad. Ang pandiwang Hebreo na ta·herʹ (maging malinis; linisin) ay karaniwan nang tumutukoy sa seremonyal o moral na kalinisan. Ang isang salitang Hebreo na singkahulugan ng ta·herʹ ay ba·rarʹ, na ang iba’t ibang anyo ay nangangahulugang “linisin; piliin; manatiling malinis; magpakilalang malinis.” (Eze 20:38; Ec 3:18; Aw 18:26; Jer 4:11) Ang salitang Griego naman na ka·tha·rosʹ, nangangahulugang “malinis; dalisay,” ay ginagamit sa pisikal, moral, at relihiyosong diwa. (Mat 23:26; Mat 5:8; Tit 1:15) Ang “karumihan” ay hinalaw sa Hebreong ta·meʼʹ at isa itong salin ng Griegong a·ka·thar·siʹa.—Lev 5:3; Mat 23:27; Gal 5:19.
Pisikal na Kalinisan. Dahil sa kanilang personal na mga kaugalian, ang bansang Israel ay naging isang bayan na maituturing na malusog, bagaman nagpagala-gala sila noon sa ilang sa loob ng 40 taon. Walang alinlangan na ito’y dahil sinunod nila ang mga kautusan ng Diyos sa kanilang buhay sa kampo, anupat kalakip doon ang diyagnosis at paggamot sa mga sakit. Sa ilalim ng kaayusang ito, idiniin ang kahalagahan ng malinis na tubig. Hindi lahat ng hayop ay inuri bilang malinis na pagkain. (Tingnan ang HAYOP, MGA.) Inugitan ng mga tuntunin na nagsilbing proteksiyon ang paghawak at pagtatapon, o paglilibing, ng mga bangkay. Nahadlangan ng pagkukuwarentenas ang pagkalat ng mga sakit na nakahahawa. Noon pa man ay isa nang kahilingan sa sanitasyon na ibaon sa hukay at tabunan ang dumi ng tao. (Deu 23:12-14) Ang mga kahilingan na paliligo nang malimit at paglalaba ng mga damit ay kapaki-pakinabang na mga probisyon din sa kodigo ng mga kautusan ng bansang iyon.
Madalas na ginagamit ng Kasulatan ang pisikal na kalinisan bilang sagisag o larawan ng espirituwal na kalinisan. Halimbawa, dito ay may binabanggit na “maningning, malinis, mainam na lino,” at sinasabing lumalarawan iyon sa “matuwid na mga gawa ng mga banal.” (Apo 19:8) Hinalaw rin ni Jesus ang isang simulain ng pisikal na kalinisan nang itinatawag-pansin niya ang espirituwal na karumihan at ang pagpapaimbabaw ng mga Pariseo. Ang mapandayang paggawi ng mga ito ay inihalintulad sa paglilinis ng labas ng isang kopa o pinggan nang hindi nililinis ang loob nito. (Mat 23:25, 26) Noong panahon ng huling hapunan ng Paskuwa, isang kahawig na ilustrasyon ang ginamit ni Jesus nang nakikipag-usap siya sa kaniyang mga alagad samantalang naroroon pa si Hudas Iscariote. Bagaman nakapaligo na sila at nahugasan na ng Panginoon ang kanilang mga paa, at samakatuwid ay ‘lubusan na silang malinis’ sa pisikal na paraan, gayunma’y sa espirituwal na paraan, “Hindi lahat sa inyo ay malinis,” sabi ni Jesus.—Ju 13:1-11.
Mga 70 sanhi ng pisikal na karumihan at seremonyal na karungisan ang nakatala sa Bibliya. Ang ilan sa mga ito ay: pagkasaling o paghipo sa mga bangkay (Lev 11:32-40; Bil 19:11-19); pagkasaling o paghipo sa mga tao o mga bagay na marumi (Lev 15:4-12, 20-24; Bil 19:22); ketong (Lev 13:1-59); mga agas mula sa ari, kasali na ang semilyang lumabas sa panahon ng seksuwal na pagtatalik (Lev 15:1-3, 16-19, 32, 33); panganganak (Lev 12:1-5); pagkain ng karne ng maruruming ibon, isda, o hayop (Lev 11:41-47). Ang mga saserdote ay lalo nang obligado na maging malinis sa pisikal na paraan, gayundin sa seremonyal na paraan, kapag naglilingkod sila sa harap ni Jehova. (Exo 30:17-21; Lev 21:1-7; 22:2-8) Sa isang diwa, ang lupain ay maaaring marumhan sa pamamagitan ng pagpaslang at idolatriya.—Bil 35:33, 34; Eze 22:2-4; 36:25.
Seremonyal na Kalinisan. Tinutupad ito noon sa gitna ng mga Israelita anupat ang paglabag dito ay may parusang kamatayan. “Iingatan ninyong hiwalay ang mga anak ni Israel mula sa kanilang karumihan, upang hindi sila mamatay sa kanilang karumihan dahil sa pagpaparungis nila ng aking tabernakulo, na nasa gitna nila.” (Lev 15:31) Kadalasang isinasagawa ang paglilinis sa pamamagitan ng paggamit ng tubig at abo ng isang pulang baka, at ang seremonyang ito ay ginagawa para sa mga tao, mga lugar, at mga bagay. (Bil 19:2-9) Sa Bilang 5:2, binabanggit ang tatlo sa pinakakaraniwang sanhi ng karumihan ng mga tao: “[1] lahat ng taong ketongin at [2] lahat ng inaagasan at [3] lahat ng marumi dahil sa isang namatay na kaluluwa.”
Ketong. Ito noon ang pinakakarima-rimarim sa lahat ng mga sakit at ito’y nangailangan ng matitinding paghihigpit upang makontrol, lakip na rito ang matagal na pagbubukod sa maysakit at ang maingat at paulit-ulit na pagsusuri sa ketong upang matiyak kung gumaling na ito. (Lev 13:1-46; Deu 24:8) Kaya naman napakalaking pananampalataya ang kinailangan upang masabi ng maruming ketongin kay Jesus: “Panginoon, kung ibig mo lamang, mapalilinis mo ako.” Hindi lamang ibig ni Jesus na gawin iyon kundi ipinakita rin niya na may kakayahan siyang pagalingin ang karima-rimarim na sakit na ito nang iutos niya: “Luminis ka.” Pagkatapos ay sinabihan ni Jesus ang napagaling na lalaking iyon: “Humayo ka, magpakita ka sa saserdote, at maghandog ka ng kaloob na itinakda ni Moises.”—Mat 8:2-4; Mar 1:40-44; tingnan ang KETONG.
Noong una, sa ilalim ng itinakdang mga tuntunin ng Kautusan, bago makabalik sa normal na pamumuhay ang isang biktima ng ketong na magaling na, isang seremonyang masalimuot at may dalawang bahagi ang kailangang gawin, anupat ang unang bahagi ay ginagamitan ng tubig, tablang sedro, sinulid na iskarlatang kokus, isopo, at dalawang ibon. Ang mga bagay na ito ay inilalaan ng ketonging gumaling na kapag iniharap na niya ang kaniyang sarili sa saserdote sa labas ng kampo ng Israel. Sa pagkakataong iyon, ang isa sa mga ibon ay papatayin sa ibabaw ng sariwang tubig, at isasahod ang dugo nito sa isang sisidlang luwad. Pagkatapos, ang sedro, sinulid na iskarlata, isopo at ang buháy na ibon ay isasawsaw sa dugo; ang gumaling na ketongin ay pitong ulit na wiwisikan ng saserdote ng dugong iyon, at ang buháy na ibon ay pakakawalan. Kapag naihayag na siyang malinis, ang taong iyon ay mag-aahit, maliligo, maglalaba ng kaniyang mga kasuutan, at papasok sa kampo, ngunit kailangan siyang tumahan sa labas ng kaniyang tolda nang pitong araw. Sa ikapitong araw, muli niyang aahitin ang lahat ng kaniyang buhok, pati na ang kaniyang mga kilay. Kinabukasan, magdadala siya ng dalawang barakong tupa at isang babaing kordero, na wala pang isang taon, kasama ng kaunting harina at langis, bilang handog ukol sa pagkakasala, handog ukol sa kasalanan, handog na sinusunog, at handog na mga butil. Ang handog ukol sa pagkakasala na isang barakong tupa at ang langis ang siyang unang ihahandog ng saserdote bilang handog na ikinakaway sa harap ni Jehova, pagkatapos ay papatayin ng saserdote ang barakong tupa; lalagyan niya ng dugo nito ang pingol ng kanang tainga, ang hinlalaki ng kanang kamay, at ang hinlalaki ng kanang paa ng taong nililinis. Sa katulad na paraan, maglalagay siya ng langis sa ibabaw ng dugo sa nabanggit na tatlong bahagi; magwiwisik din siya ng langis nang pitong ulit sa harap ni Jehova, at ang matitira rito ay ilalagay sa ulo niyaong nililinis. Pagkatapos nito, ihahandog ng saserdote ang hain ukol sa kasalanan, ang haing sinusunog, at ang haing mga butil, anupat ipinagbabayad-sala at inihahayag na malinis ang gumaling na ketongin. Kung, dahil sa mga kalagayan, ang taong lilinisin ay napakadukha, maaari niyang ihalili ang dalawang batu-bato o dalawang inakáy na kalapati para sa kordero at sa isa sa mga barakong tupa na ginagamit bilang handog ukol sa kasalanan at handog na sinusunog.—Lev 14:1-32.
Mga agas. May mga kautusan noon hinggil sa mga agas na likas at mga agas na dulot ng sakit; ang mga ito ay yaong nagmumula sa katawan kapuwa ng mga lalaki at mga babae, samakatuwid nga, mga agas mula sa ari. Kung ang isang lalaki ay kusang nilabasan ng semilya sa gabi, maliligo at maglalaba siya ng kaniyang mga kasuutan at mananatili siyang marumi hanggang sa sumunod na gabi. Ang isang babae naman ay bibilang ng pitong araw bilang ang yugto ng karumihan ng kaniyang karaniwang pagreregla.
Gayunman, kapag ang agos ng dugo ng isang babae ay di-pangkaraniwan, di-normal, o matagal, bibilang siya ng pitong araw pa pagkatapos na huminto iyon. Gayundin, ang isang lalaki ay bibilang ng pitong araw pagkatapos na huminto ang agas. (Ang gayong karamdaman ng kaniyang sistema sa pag-ihi ay hindi dapat ipagkamali sa normal na paglalabas niya ng semilya.) Anumang bagay na mahipo o maupuan (higaan, silya, síya, mga kasuutan, at iba pa) ng lalaking iyon o ng babaing iyon sa panahon ng kanilang karumihan ay nagiging marumi rin, at gayundin naman, ang sinumang humipo sa mga bagay na ito o sa taong marumi mismo ay dapat na maligo at maglaba ng kaniyang mga kasuutan, at mananatili siyang marumi hanggang sa kinagabihan. Bukod sa paliligo at paglalaba ng kanilang mga kasuutan, kapuwa ang lalaki at ang babae ay magdadala, sa ikawalong araw, ng dalawang batu-bato o dalawang inakáy na kalapati sa tolda ng kapisanan, at ihahandog ng saserdote ang mga iyon, ang isa bilang handog ukol sa kasalanan at ang isa naman bilang haing sinusunog, upang magbayad-sala para sa taong nilinis na.—Lev 15:1-17, 19-33.
Kapag nagtalik ang isang lalaki at ang kaniyang asawa at nilabasan ng semilya ang lalaki, dapat silang maligo at magiging marumi sila hanggang sa gabi. (Lev 15:16-18) Kung sa di-inaasahan ay magsimula ang regla ng asawang babae sa panahon ng pagtatalik, magiging marumi nang pitong araw ang asawang lalaki, gaya ng kaniyang asawang babae. (Lev 15:24) Kung sasadyain naman nilang hamakin ang kautusan ng Diyos at magtatalik sila samantalang nireregla ang babae, papatawan ng parusang kamatayan ang lalaki at ang babae. (Lev 20:18) Dahil sa mga nabanggit na dahilan, kapag kahilingan ang seremonyal na kalinisan, gaya halimbawa kapag pinababanal ang mga lalaki para sa isang pakikipagbakang militar, kailangan silang umiwas sa pakikipagtalik sa kani-kanilang mga asawa.—1Sa 21:4, 5; 2Sa 11:8-11.
Ang panganganak ay nangangahulugan din ng isang yugto ng karumihan para sa ina. Kung lalaki ang sanggol, magiging marumi siya sa loob ng pitong araw, gaya sa panahon ng kaniyang pagreregla. Sa ikawalong araw ay tutuliin ang bata, ngunit sa loob ng 33 araw pa ay mananatiling marumi ang ina may kinalaman sa paghipo sa anumang bagay na banal o sa pagpasok sa santuwaryo, bagaman hindi naman magiging marumi ang lahat ng hihipuin niya. Kung babae ang sanggol, madodoble ang 40 araw na yugtong ito: 14 na araw at 66 na araw. Sa gayon, mula pa sa kapanganakan, ipinakikita na ng Kautusan ang kaibahan sa pagitan ng lalaki at ng babae, anupat itinatalaga nito ang babae sa isang mas nakabababang posisyon. Sa alinmang kaso, sa katapusan ng yugto ng pagpapadalisay, ang ina ay magdadala ng isang barakong tupa na wala pang isang taon bilang handog na sinusunog at isang inakáy na kalapati o isang batu-bato bilang handog ukol sa kasalanan. Kung napakadukha ng mga magulang anupat hindi sila makapagbibigay ng isang barakong tupa, gaya sa kaso nina Maria at Jose, dalawang kalapati ang maaaring gamitin bilang mga hain para sa paglilinis.—Lev 12:1-8; Luc 2:22-24.
Bakit sinasabi sa Kautusang Mosaiko na nagiging “marumi” ang isang tao dahil sa seksuwal na pakikipagtalik at panganganak?
Bumabangon ang tanong: Bakit ang normal at wastong mga bagay gaya ng pagreregla, seksuwal na pagtatalik ng mag-asawa, at panganganak ay itinuturing sa Kautusan bilang ‘nagpaparumi’ sa isa? Una sa lahat, itinaas nito sa antas ng kabanalan ang pinakamatalik na ugnayang pangmag-asawa, anupat tinuturuan nito ang mag-asawa ng pagpipigil sa sarili, pagpapahalaga sa mga sangkap sa pag-aanak, at paggalang sa pagiging sagrado ng buhay at dugo. Kapaki-pakinabang din sa kalusugan ang mahigpit na pagsunod sa mga tuntuning ito. Ngunit may isa pang aspekto hinggil sa bagay na ito.
Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang unang lalaki at babae taglay ang seksuwal na mga simbuyo at ang kakayahang magkaanak at inutusan niya sila na magsiping at magluwal ng mga anak. Samakatuwid, hindi kasalanan para sa sakdal na mag-asawa ang magtalik. Gayunman, nang suwayin nina Adan at Eva ang Diyos sa pagkain ng ipinagbabawal na bunga at hindi sa seksuwal na pagtatalik, nagkaroon ng malalaking pagbabago. Dahil sa kanilang mga budhing nakadama ng pagkakasala, natanto nilang sila ay hubad, at agad nilang tinakpan ang kanilang mga ari mula sa paningin ng Diyos. (Gen 3:7, 10, 11) Mula noon, hindi na maisakatuparan ng tao ang utos na magpakarami taglay ang kasakdalan, kundi, sa halip, ang namamanang bahid ng kasalanan at ang parusang kamatayan ang naipasa ng mga magulang sa kanilang mga anak. Kahit ang pinakamatuwid na mga magulang na lubos na may-takot sa Diyos ay nagluluwal ng mga anak na nahawahan ng kasalanan.—Aw 51:5.
Ang mga kahilingan ng Kautusan may kinalaman sa layunin ng mga sangkap sa pag-aanak ay nagturo sa mga lalaki at mga babae ng disiplina sa sarili, pagsupil sa mga pagnanasa, at paggalang sa paraang inilaan ng Diyos para sa pagpaparami. Mariing ipinaalaala ng mga tuntunin ng Kautusan sa mga nilalang ang pagiging makasalanan nila; ang mga ito ay hindi lamang pangkalusugang mga pag-iingat upang matiyak ang kalinisan o mga pananggalang laban sa pagkalat ng mga sakit. Bilang isang tagapagpaalaala ng minanang pagkamakasalanan ng tao, angkop na kapuwa ang lalaki at ang babae na may mga agas ng ari dahil sa normal na paggana ng kanilang mga katawan ay mangilin ng isang yugto ng karumihan. Kapag ang isa ay dumanas ng di-normal at matagal na agas dahil sa depektibong mga sangkap, isang mas mahabang yugto ng karumihan ang dapat ipangilin; at sa katapusan nito, gaya rin kapag nanganak ang isang ina, bukod sa paliligo ay kailangan ang isang handog ukol sa kasalanan, upang makapagbayad-sala ang saserdote ng Diyos para sa taong iyon. Sa gayon, inamin ng ina ni Jesus na si Maria na nagmana siya ng kasalanan, anupat kinilala niyang hindi siya isang taong walang kasalanan, walang bahid dungis, sa pamamagitan ng paghahandog ng nagbabayad-salang hain pagkatapos niyang maipanganak ang kaniyang panganay.—Luc 2:22-24.
Mga bangkay. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko may kaugnayan sa mga bangkay, may iba’t ibang antas ng karumihan: Kapag nakahipo ng patay na hayop ang isang tao, magiging marumi siya sa loob lamang ng araw na iyon; kapag nakahipo naman siya ng isang taong patay, magiging marumi siya sa loob ng isang linggo. Sa unang kaso, hinihilingan lamang ang isa na labhan ang kaniyang mga kasuutan, o kung sa di-sinasadya ay nakakain siya ng karne ng hayop na basta na lamang namatay o kaya’y nilapa ng mabangis na hayop, kailangan niyang maligo bukod pa sa maglaba ng kaniyang mga kasuutan. (Lev 5:2; 11:8, 24, 27, 31, 39, 40; 17:15) Ang ganito ring tuntunin ay ipinatupad sa mga saserdote, lakip ang karagdagang utos na kung kakain sila ng anumang bagay na banal samantalang nasa maruming kalagayan, sila ay papatayin.—Lev 22:3-8.
Para sa mga taong nakahipo ng bangkay ng tao, isang mas masalimuot na seremonya ng pagpapadalisay ang kailangang gawin. Para sa layuning ito, may abo na inihahanda sa pamamagitan ng pagpatay sa isang pulang baka sa labas ng kampo. Pitong ulit na iwiwisik ng saserdote ang dugo nito sa harap ng tolda ng kapisanan. Pagkatapos, ang buong baka (balat, karne, dugo, dumi) ay susunugin, at ihahagis sa liyab nito ang tablang sedro, isopo, at sinulid na iskarlatang kokus. Ang abo ay iingatan at gagamitin “para sa tubig na panlinis,” na sa ikatlo at ikapitong araw ay iwiwisik para sa pagpapadalisay sa isa na nakahipo ng bangkay ng tao. Sa pagwawakas ng pitong araw, lalabhan niya ang kaniyang mga kasuutan at maliligo siya, at pagkatapos ay ihahayag siya bilang malinis.—Bil 19:1-13.
Sa ilalim ng batas na ito, ang lahat ng taong nasa bahay o tolda nang mamatay ang isang tao, pati ang mismong tahanan at ang lahat ng bukás na sisidlan, ay magiging marumi. Magiging marumi rin ang isa kapag nakahipo siya ng kahit buto lamang ng isang taong patay sa lugar na pinangyarihan ng pagbabaka o kapag nakahipo siya ng anumang dakong libingan, o puntod. Ito ang dahilan kung bakit noong mga araw ni Jesus, isang kaugalian na paputiin ang mga libingan isang buwan bago ang Paskuwa upang huwag aksidenteng matalisod sa isang libingan ang mga tao at sa gayo’y hindi sila maging kuwalipikadong makibahagi sa piging. (Bil 19:14-19; Mat 23:27; Luc 11:44) Kapag may taong namatay sa harap o sa tabi ng isa na nasa ilalim ng panata ng pagka-Nazareo, nakakansela ang panahong nagugol na niya sa ilalim ng panata, at isang hain ang kailangang ihandog.—Bil 6:8-12; tingnan ang NAZAREO; SAMSON.
Sa ilalim ng tipang Kautusan, ang mga lugar at mga bagay na narumhan ay kailangang linisin. Kapag may naganap na pamamaslang ng isang di-nakikilalang salarin, una ay inaalam sa pamamagitan ng pagsukat kung aling lunsod ang pinakamalapit sa krimen. Pagkatapos, ang mga matatanda ng lunsod na iyon ay kailangang kumuha ng isang batang baka na hindi pa nagagamit na pantrabaho (bilang kapalit ng mamamaslang) at babaliin nila ang leeg nito sa isang agusang libis na dinadaluyan ng tubig, at sa ibabaw ng hayop ay kailangan nilang linisin ang kanilang sarili sa makasagisag na paraan mula sa anumang pananagutan sa pamamagitan ng paghuhugas ng kanilang mga kamay sa kawalang-sala, anupat nakikiusap na huwag ipataw sa kanila ang pagkakasala.—Deu 21:1-9.
Ang mga kasuutan at mga sisidlan na nasaling sa mga bangkay o narumhan sa iba pang mga paraan ay kailangang linisin ayon sa itinakdang mga pamamaraan. (Lev 11:32-35; 15:11, 12) Isang mas seryosong bagay naman ang pagkakaroon ng ketong sa isang kasuutan o sa mga dingding ng isang bahay, dahil kung hindi ito mapigilan sa pagkalat, kakailanganing sunugin ang kasuutan o lubusang gibain ang bahay.—Lev 13:47-59; 14:33-53.
Dapat munang linisin ang mga samsam sa digmaan bago ipasok ang mga ito sa kampo. Ang mga bagay na madaling magningas ay huhugasan sa tubig, ngunit ang mga bagay na metal ay dapat paraanin sa apoy.—Bil 31:21-24.
Kristiyanong Kalinisan. Ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Kautusan at ng mga kahilingan nito hinggil sa paglilinis, bagaman ang gayong Kautusan at ang mga kaugalian nito ay ipinatutupad pa rin noong mga araw na naririto si Jesus sa lupa. (Ju 11:55) Ang Kautusan ay may “anino ng mabubuting bagay na darating”; ‘ang katunayan ay kay Kristo.’ (Heb 10:1; Col 2:17) Kaya naman, sumulat si Pablo may kinalaman sa mga pagpapadalisay na ito: “Oo, halos lahat ng bagay ay nililinis ng dugo ayon sa Kautusan [winisikan ni Moises ng dugo ang aklat, ang bayan, ang tolda, at ang mga sisidlan], at malibang magbuhos ng dugo ay walang kapatawarang magaganap. Samakatuwid ay kinakailangan na ang makasagisag na mga paglalarawan ng mga bagay sa langit ay linisin sa ganitong mga paraan.” “Sapagkat kung ang dugo ng mga kambing at ng mga toro at ang abo ng dumalagang baka na iwinisik doon sa mga nadungisan ay nakapagpapabanal hanggang sa ikalilinis ng laman, gaano pa ngang higit na ang dugo ng Kristo, na sa pamamagitan ng walang-hanggang espiritu ay naghandog ng kaniyang sarili nang walang dungis sa Diyos, ay makapaglilinis ng ating mga budhi mula sa patay na mga gawa upang makapag-ukol tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy?”—Heb 9:19-23, 13, 14.
Sa gayon, ang dugo ng Panginoong Jesu-Kristo ang naglilinis sa mga Kristiyano mula sa lahat ng kasalanan at kalikuan. (1Ju 1:7, 9) ‘Inibig ni Kristo ang kongregasyon at ibinigay niya ang kaniyang sarili ukol dito, upang mapabanal niya ito, na nililinis ito sa paghuhugas ng tubig sa pamamagitan ng salita’ para ito ay maging walang batik, banal, at walang dungis, “isang bayan na katangi-tanging kaniya, masigasig sa maiinam na gawa.” (Efe 5:25-27; Tit 2:14) Samakatuwid, ang bawat miyembro ng Kristiyanong kongregasyong ito ay hindi dapat ‘maging malilimutin sa paglilinis sa kaniya mula sa kaniyang mga kasalanan noong matagal nang panahon’ kundi dapat na patuloy niyang ipamalas ang mga bunga ng espiritu ng Diyos (2Pe 1:5-9), anupat inaalaalang “ang bawat isa na namumunga ay nililinis niya [ng Diyos], upang mamunga iyon nang higit pa.”—Ju 15:2, 3.
Samakatuwid, ang mga Kristiyano ay dapat mag-ingat ng isang mataas na pamantayan ng pisikal, moral, at espirituwal na kalinisan, anupat nagbabantay laban “sa bawat karungisan ng laman at espiritu.” (2Co 7:1) Dahil sa sinabi ni Jesus, na ‘hindi ang bagay na pumapasok sa isang tao kundi ang bagay na lumalabas sa kaniya ang nagpaparungis,’ ang mga benepisyaryong ito ng naglilinis na dugo ni Kristo ay higit na nagbibigay-pansin sa espirituwal na kalinisan. Nag-iingat sila ng “isang malinis na puso” at “isang malinis na budhi” sa harap ng Diyos. (Mar 7:15; 1Ti 1:5; 3:9; 2Ti 1:3) Sa gayong mga tao na may malinis na budhi, ang “lahat ng bagay ay malinis,” na kabaligtaran naman ng mga taong walang pananampalataya na may mga budhing nadungisan, anupat sa kanila ay “walang anumang malinis.” (Tit 1:15) Yaong mga nagnanais na manatiling malinis at may dalisay na puso ay sumusunod sa payo ng Isaias 52:11, na nagsasabi: “Huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi; . . . manatili kayong malinis, kayong mga nagdadala ng mga kagamitan ni Jehova.” (Aw 24:4; Mat 5:8) Sa paggawa nila nito, ang kanilang “mga kamay” sa makasagisag na diwa ay nalilinis (San 4:8), at pinakikitunguhan sila ng Diyos bilang mga taong malinis.—2Sa 22:27; Aw 18:26; tingnan din ang Dan 11:35; 12:10.
Noong isang pagkakataon, bagaman wala na siya sa ilalim ng Kautusan, isinagawa ng apostol na si Pablo ang mga kahilingan ng Kautusan sa pamamagitan ng paglilinis ng kaniyang sarili sa seremonyal na paraan sa templo. Nangangahulugan ba ito na siya ay pabagu-bago? Hindi sinalansang ni Pablo ang Kautusan o ang mga alituntunin nito; ipinakita lamang niya na hindi hinihiling ng Diyos sa mga Kristiyano ang pagsunod dito. Kapag hindi naman salungat sa bagong mga katotohanang Kristiyano ang mga alituntunin nito, walang dahilan na tutulan ang pagsasagawa ng mga bagay na itinakda ng Diyos sa ilalim ng Kautusan. Gayong pagkilos ang ginawa noon ni Pablo upang hindi magkaroon ng di-kinakailangang hadlang sa pakikinig ng mga Judio sa mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo. (Gaw 21:24, 26; 1Co 9:20) Sa katulad na paraan, ipinangatuwiran din ng apostol na maaaring ang isang pagkain, sa ganang sarili nito, ay malinis, ngunit kung dahil sa pagkain niya nito ay matitisod ang kaniyang kapatid, iiwasan niyang kumain nito. (Ro 14:14, 15, 20, 21; 1Co 8:13) Sa lahat ng ito, nagpakita si Pablo ng malaking pagkabahala sa kaligtasan ng iba at ginawa niya ang kaniyang buong makakaya upang matamo nila ito. Kaya naman maaari niyang sabihin: “Ako ay malinis sa dugo ng lahat ng tao.”—Gaw 20:26; 18:6.