MANGHUHULA NG MGA PANGYAYARI
Isang indibiduwal na nag-aangking makapagsasabi ng mga mangyayari sa hinaharap. Ayon sa Bibliya, kasama rito ang mga mahikong saserdote, espiritistikong mga manghuhula, mga astrologo, at iba pa. (Tingnan ang ESPIRITISMO; PANGHUHULA.) Ang salitang Hebreo na yid·deʽo·niʹ, na isinalin bilang “manghuhula ng mga pangyayari,” ay nagmula sa salitang-ugat na ya·dhaʽʹ (alam) at nagpapahiwatig ng kaalamang lingid sa pangkaraniwang tao. Madalas itong lumitaw kasama ng ʼohv, na nangangahulugang “espiritista.” (Deu 18:11) May mga indibiduwal na nagkaroon ng kapangyarihan ng okultismo dahil nakipag-ugnayan sila sa mga demonyo, ang balakyot na mga anghel na kaaway ng Diyos at nasa ilalim ni Satanas na Diyablo, na tagapamahala ng mga demonyo. (Luc 11:14-20) Noong sinaunang mga panahon, iba’t ibang pamamaraan ang ginagamit ng mga manghuhulang ito para makuha ang kanilang mga mensahe ng prediksiyon: pagmamasid sa mga bituin (Isa 47:13), pagsusuri sa atay at iba pang mga lamang-loob ng mga hayop na inihain (Eze 21:21), pagpapakahulugan sa mga tanda (2Ha 21:6), pagsangguni sa diumano’y mga espiritu ng mga patay, at iba pa.—Deu 18:11.
Ang buhay ng mga Ehipsiyo, tulad ng mga Babilonyo, ay kontrolado ng kanilang mga manghuhula. (Isa 19:3) Samantala, ang tunay na mga lingkod ng Diyos ay hindi kailanman umaasa sa gayong mga tao para sa impormasyon. Nang ibigay ang Kautusan sa Israel di-nagtagal matapos silang lumaya sa pagkaalipin sa Ehipto, mahigpit silang pinagbawalan na huwag sumangguni sa “mga manghuhula ng mga pangyayari.” (Lev 19:31) Ang isa na magkakaroon ng “imoral na pakikipagtalik” sa mga iyon ay lilipulin mula sa bayan ng Diyos. At kung tungkol sa isa na nagsasagawa nito, ganito pa ang sabi ng kautusan: “Kung tungkol sa isang lalaki o isang babae na may espiritung sumasanib o espiritu ng panghuhula, sila ay papatayin nang walang pagsala.” (Lev 20:6, 27) Pagkaraan ng halos 40 taon, noong nakahanda nang pumasok ang Israel sa Lupang Pangako at palayasin ang mga tumatahan doon, pinaalalahanan ito: “Huwag mong pag-aralang gawin ang ayon sa mga karima-rimarim na bagay ng mga bansang iyon. Huwag masusumpungan sa iyo . . . ang sinumang sumasangguni sa espiritista o ang manghuhula ng mga pangyayari o ang sinumang sumasangguni sa patay.”—Deu 18:9-11.
Pagkaraan ng mahigit na 350 taon, inalis ng unang hari ng Israel, si Saul, mula sa lupain ang lahat ng manghuhula ng mga pangyayari. Gayunman, bago siya namatay, lumayo na siya nang husto kay Jehova anupat personal siyang sumangguni sa isang “dalubhasang espiritista sa En-dor” para magpahula. Noong una ay natatakot ang babae na isagawa ang kaniyang sining, ngunit dahil sa pagpupumilit ni Saul na “iahon [niya] si Samuel,” pinalitaw niya ang isang pangitain. Inilarawan niya ito bilang ‘isang matandang lalaking nadaramtan ng isang damit na walang manggas.’ Kumbinsido si Saul na iyon ang propetang si Samuel. (1Sa 28:3, 7-19) Ngunit hindi maaaring si Samuel iyon, sapagkat patay na siya, at ang mga patay “ay walang anumang kabatiran.” (Ec 9:5) Noong nabubuhay pa si Samuel, tiyak na hindi siya makikipag-ugnayan sa isang espiritista, at hindi makikipagtulungan sa mga iyon ang Diyos na Jehova at ang kaniyang mga banal na anghel. Sinabi mismo ng Diyos sa kaniyang bayan: “Kung sasabihin nila sa inyo: ‘Sumangguni kayo sa mga espiritista o sa mga may espiritu ng panghuhula na humuhuni at nagsasalita nang pabulong,’ hindi ba sa Diyos nito dapat sumangguni ang alinmang bayan? Dapat bang sumangguni sa mga patay para sa mga buháy? Sa kautusan at sa katibayan!” Sinabi pa ni Jehova: “Tiyak na lagi nilang sasalitain ang ayon sa kapahayagang ito na hindi magkakaroon ng liwanag ng bukang-liwayway.”—Isa 8:19, 20.
Halos 400 taon pagkaraang maghari si Saul, “ginawa [ni Haring Manases ng Juda] nang lansakan ang masama sa paningin ni Jehova, upang galitin siya,” kasama na rito ang pagsangguni sa mga manghuhula ng mga pangyayari, na dumami sa ilalim ng kaniyang pamamahala. (2Ha 21:6; 2Cr 33:6) Inalis ng matuwid na si Haring Josias, apo ni Manases, ang lahat ng mga ito mula sa lupain.—2Ha 23:24.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang tanging pagbanggit sa makademonyong panghuhula ay noong palayain ng apostol na si Pablo ang “isang alilang babae na may espiritu, isang demonyo ng panghuhula” sa lunsod ng Filipos. Nakapaglaan siya sa kaniyang mga panginoon ng maraming pakinabang “sa pagsasagawa ng sining ng panghuhula.” Talagang makademonyo at tahasang salansang sa Diyos ang gawaing ito. Lumikha ng malaking kaguluhan para kay Pablo sa Filipos ang mga panginoon ng batang babae na mula sa kaniya’y pinalayas ang demonyo. Dinala nila si Pablo at ang kaniyang kasamahang si Silas sa harap ng mga mahistrado, at iniutos naman ng mga ito na hampasin sila at pagkatapos ay itapon sila sa piitan.—Gaw 16:12, 16-24.