ASIN, LIBIS NG
Isang libis kung saan tinalo ng mga Israelita ang mga Edomita sa dalawang pagkakataon. (2Sa 8:13; 2Ha 14:7) Hindi tiyak kung saan ang eksaktong lokasyon nito, ngunit karaniwang inirerekomenda ng mga iskolar ang alinman sa dalawang lokasyon, ang isa ay malapit sa Beer-sheba at ang isa naman ay nasa dakong T ng Dagat Asin.
Sa gawing silangan mula sa Beer-sheba sa Negeb, matatagpuan ang isang libis na ang pangalang Arabe (Wadi el-Milh) ay nangangahulugang Libis ng Asin. Posibleng magkasagupa sa lugar na ito ang mga Judeano mula sa H at ang mga Edomita na manggagaling sa TS. Gayunman, palibhasa’y mas pinapaboran ng ilang iskolar ang isang lokasyon na nasa teritoryo ng Edom, ipinapalagay nila na ang Libis ng Asin sa Kasulatan ay ang kapatagang nasa TTK ng Dagat Asin. Sa ngayon, ang mababang lupain sa T ng Dagat Asin ay matubig at hindi mapipili bilang isang lokasyon para sa pagbabaka. Ngunit, yamang tumaas na ang lebel ng tubig ng Dagat Asin, maaaring mas tuyo ang kapatagan noong maganap ang mga pagbabaka, o maaaring ang labanan ay nagsimula sa isang bahagi ng libis na hindi matubig. Pagkatapos ng ikalawang labanan, 10,000 Edomita ang inihagis mula sa isang malaking bato at namatay, ngunit hindi binanggit ang lokasyon ng malaking batong iyon.—2Cr 25:11, 12.
Sa unang pagbabaka, sina David at Joab (maliwanag na namuno rin si Abisai sa ilang tropang sundalo) ay nagpabagsak ng 18,000 Edomita sa Libis ng Asin. (2Sa 8:13; 1Ha 11:15; 1Cr 18:12; Aw 60:Sup) Pagkalipas ng ilang panahon, si Haring Amazias (858-830 B.C.E.) ay sumalakay at pumatay ng 10,000 Edomita sa libis ding iyon. Pagkatapos nito’y pinatay niya ang 10,000 Edomitang binihag nila, at inagaw niya ang Edomitang moog ng Sela.—2Ha 14:7; 2Cr 25:11, 12; tingnan ang EDOM, MGA EDOMITA.