HAZAZON-TAMAR
[Graba [Dalisdis] ng Puno ng Palma].
Isang lunsod na tinahanan ng mga Amorita at lumilitaw na nasa kapaligiran ng Mababang Kapatagan ng Sidim. Tinalo ni Haring Kedorlaomer at ng kaniyang mga kaalyado ang mga Amoritang tumatahan sa Hazazon-tamar. (Gen 14:5-8) Pagkaraan ng ilang siglo, ang pinagsama-samang mga hukbo ng Moab, Ammon, at ng bulubunduking pook ng Seir ay dumating laban sa Juda na dumaraan sa “Hazazon-tamar, na siyang En-gedi.” (2Cr 20:2, 10, 11) Naniniwala ang maraming iskolar na itinuturo ng pagtukoy ng Genesis ang isang lokasyon na may kalayuan sa T ng En-gedi kung kaya itinuturing nila na ang mga salitang “na siyang En-gedi,” ay idinagdag nang dakong huli. Gayunman, ang pangalang “Hazazon-tamar,” ay lumilitaw na napanatili sa Wadi Hasasa (Nahal Hazezon) na mga 10 km (6 na mi) sa H ng iminungkahing dako ng En-gedi. Gayundin, ang kahulugan ng Hazazon-tamar ay aangkop sa rehiyon ng En-gedi, isang lugar na inilarawan ni Josephus kung saan may taniman ng “pinakamaiinam na puno ng palma.” (Jewish Antiquities, IX, 7 [i, 2]) Kaya, kung ang ulat sa Genesis ay tumutukoy sa isang lokasyon na nasa gawing timog pa, posibleng dalawa ang dakong tinatawag na Hazazon-tamar: ang isa na iniugnay sa En-gedi; ang isa naman marahil ay ang dako sa TK ng Dagat na Patay na tinatawag lamang na Tamar.—Eze 47:19; 48:28.