HINLALAKI
Ang daliri sa kamay ng tao na naigagalaw nang pakontra sa iba pang mga daliri. Ang mga tao ay nakahahawak ng mga bagay-bagay at nakapagsasagawa ng maraming masalimuot na gawain na imposibleng magawa kung wala silang pasalungat na mga hinlalaki sa kamay. Noong sinauna, kung minsan ay binabalda ang isang bihag sa pamamagitan ng pagputol sa mga hinlalaki ng kaniyang mga kamay at mga paa upang hindi na siya makapaglingkod sa militar.—Huk 1:6, 7.
Ang salitang Hebreong boʹhen ay ginagamit upang tumukoy sa hinlalaki kapuwa ng kamay at ng paa; ang nakaungos na sangkap na tinutukoy ng boʹhen sa alinmang teksto ay ipinahihiwatig ng kalakip na mga pananalitang ‘ng kamay’ at ‘ng paa.’ Kailanma’t binabanggit sa Kasulatan ang hinlalaki ng kamay, tinutukoy rin sa tekstong iyon ang hinlalaki ng paa.—Exo 29:20; Lev 14:14, 17, 25, 28.
Noong italaga si Aaron at ang kaniyang mga anak bilang mga saserdote, isang barakong tupa ang pinatay, at naglagay si Moises ng dugo nito sa pingol ng kanang tainga ni Aaron, sa hinlalaki ng kanang kamay nito, at sa hinlalaki ng kanang paa nito. Pagkatapos ay ganoon din ang ginawa niya sa bawat isa sa mga anak ni Aaron. (Lev 8:23, 24) Sa makasagisag na paraan, ang dugo sa hinlalaki ng kanang kamay ay kumakatawan sa obligasyon nilang isagawa ang kanilang makasaserdoteng mga tungkulin sa abot ng kanilang makakaya.