PAGLULUTO NG TINAPAY, MAGTITINAPAY
Ang pinakakaraniwang terminong Hebreo para sa pagluluto ng tinapay, na isinalin lamang bilang ‘magluto,’ ay ʼa·phahʹ, salitang-ugat ng ʼo·phehʹ (magtitinapay). (Gen 19:3; 40:2) Ang isa pang salitang Hebreo para rito (ʽugh; Eze 4:12) ay maliwanag na nauugnay sa ʽu·ghahʹ, nangangahulugang “tinapay na bilog.”—Gen 18:6; tingnan ang TINAPAY (Tinapay na Lapad, Tinapay na Walang Pampaalsa).
Sa tahanang Hebreo, pangunahing tungkulin ng mga babae ang pagluluto ng tinapay, bagaman sa ilang mas malalaking sambahayan ay mga alipin ang gumagawa nito. Nang magsalita si Samuel para kay Jehova sa mga Israelitang humihiling ng isang taong hari, sinabi niya: “Ang inyong mga anak na babae ay kukunin niya bilang mga tagapaghalo ng ungguento at mga tagapagluto at mga magtitinapay.” (1Sa 8:13) Gayunman, maaaring pangasiwaan ng mga lalaki ang gawaing ito o sila mismo ang magluto ng tinapay, gaya ng ipinahihiwatig ng ginawa ni Lot nang dalawin siya sa Sodoma ng dalawang anghel. “Nagluto siya ng mga tinapay na walang pampaalsa, at sila ay kumain” sa inihandang piging.—Gen 19:1-3.
Noong panahon ng Bibliya, karaniwan nang sa mga pugon niluluto ang tinapay. (Tingnan ang PUGON.) Ngunit kung minsan, ang pagluluto ng tinapay ay ginagawa sa pamamagitan ng pagpapaningas ng apoy sa ibabaw ng mga batong pinagtabi-tabi. Kapag mainit na mainit na ang mga ito, pinapalis ang mga baga at inilalagay ang masa sa ibabaw ng mga bato. Pagkalipas ng ilang sandali, ibinabaligtad ang tinapay at saka iniiwan sa ibabaw ng mga bato hanggang sa lubusang maluto. (Os 7:8) Ang mga naglalakbay ay makapagluluto naman ng magaspang na tinapay sa isang mababaw na hukay na punô ng maliliit na bato na pinaiinit sa pamamagitan ng pagpapaningas ng apoy sa ibabaw ng mga iyon. Pagkatapos alisin ang mga baga, ipinapatong ang masa sa pinainit na mga bato, anupat marahil ay ilang ulit na ibinabaligtad habang naluluto ang tinapay.—1Ha 19:6.
Kadalasan, ang mga handog na mga butil na inihahain ng mga Israelita ay “niluto sa pugon,” “mula sa ihawan,” o kaya ay “mula sa kawa.” (Lev 2:4-7) Noon, ang ihawan ay isang makapal na platong yari sa luwad na may mga uka (maihahambing sa makabagong waffle iron), bagaman ginagamit din ang mga ihawang bakal.—Eze 4:3.
May mga nagnenegosyo noon sa mga lunsod bilang mga magtitinapay. Samantalang si Jeremias ay nasa ilalim ng pag-iingat sa Looban ng Bantay sa Jerusalem noong panahon ng kakapusan bago bumagsak ang lunsod na iyon noong 607 B.C.E., nirarasyunan siya ng isang bilog na tinapay araw-araw “mula sa lansangan ng mga magtitinapay” hanggang sa maubos ang suplay. (Jer 37:21) Kaya maliwanag na may isang partikular na lansangan sa Jerusalem kung saan nakapuwesto ang mga negosyanteng magtitinapay. Pagkaraan ng maraming taon, nang muling itayo ang mga pader ng Jerusalem sa ilalim ng pangangasiwa ni Nehemias, kinumpuni rin ang “Tore ng mga Lutuang Pugon.” (Ne 3:11; 12:38) Hindi tiyak kung bakit gayon ang ipinangalan sa tore, ngunit posibleng dahil matatagpuan dito ang mga pugon ng mga negosyanteng magtitinapay kung kaya binigyan ito ng gayong di-pangkaraniwang pangalan.
Sa sinaunang Ehipto, maliwanag na itinuturing na isang importanteng tao ang magtitinapay ng hari. Makikita sa isang ipinintang larawan sa pader mula sa libingan ni Ramses III sa Libis ng mga Hari sa Thebes ang isang abalang-abalang gawaan ng tinapay ng isang Ehipsiyong hari, anupat ipinakikita roon ang pagmamasa ng harina sa pamamagitan ng paa, paggawa ng mga limpak ng tinapay, at ang paghahanda ng pugon. Gaya ng iniulat sa Genesis, isang Ehipsiyong magtitinapay ng hari ang partikular na napabantog sa kaniyang pagkakasala sa hari anupat siya ay ipinabilanggo. Sa bilangguan ay nanaginip siya kung saan nakita niya ang kaniyang sarili na may sunong na tatlong basket ng tinapay sa kaniyang ulo, at may mga ibon na kumakain mula sa pinakaibabaw na basket. Noong ikatlong araw, ang “pinuno ng mga magtitinapay” na ito ay inilabas at “ibinitin,” sa gayo’y natupad ang pakahulugang ibinigay ni Jose: “Ang tatlong basket ay tatlong araw. Tatlong araw mula ngayon ay iaangat ni Paraon ang iyong ulo mula sa iyo at tiyak na ibibitin ka sa isang tulos; at tiyak na kakainin ng mga ibon ang iyong laman mula sa iyo.”—Gen 40:1-3, 16-22.