NAKATALAGANG BAGAY
Sa kaniyang mga pakikitungo sa bansang Israel, may mga bagay, mga tao, o buu-buong mga lunsod pa nga na iniutos ng Diyos na Jehova na ilagay sa ilalim ng sagradong pagbabawal, anupat hindi maaaring gamitin ang mga ito sa anumang pangkaraniwan o di-banal na layunin. Binigyang-katuturan nina Koehler at Baumgartner ang cheʹrem bilang isang “bagay o tao na nakatalaga (sa pagpuksa o sagradong paggamit at samakatuwid ay ibinukod mula sa di-banal na paggamit),” at ang anyong causative ng pandiwang cha·ramʹ bilang “palayasin (sa pamamagitan ng pagbabawal . . . ibukod mula sa lipunan at buhay, italaga sa pagkapuksa).” (Lexicon in Veteris Testamenti Libros, Leiden, 1958, p. 334) Samakatuwid, sa gayong diwa, ang mga bagay na nakatalaga ay naging “bawal” sa mga Israelita. Ang kaugnay nitong salita sa Arabe ay may ganito pa ring kahulugan hanggang sa ngayon. Sa mga Arabeng Muslim, ang sagradong teritoryo ng Mecca at Medina ay itinuturing na haram; at ang harim ng isang shik ay matagal nang ipinagbabawal sa lahat maliban sa panginoon ng harem o sa kaniyang mga bating.
Unang binanggit ang sagradong pagbabawal nang ibigay ang Kautusan. Sa Exodo 22:20 ay mababasa natin: “Ang maghahain sa alinmang diyos maliban lamang kay Jehova ay itatalaga sa pagkapuksa [isang anyo ng cha·ramʹ].” Ang batas na ito ay walang-pagtatanging ikinapit mismo sa mga Israelita, gaya noong magsagawa sila ng idolatriya sa Sitim, na ikinamatay ng mga 24,000 sa bansa. (Bil 25:1-9) Maaari ring sumailalim sa pagbabawal ang isa na nagtataglay ng isang bagay na nakatalaga sa pagkapuksa. Kaya naman may kinalaman sa relihiyosong mga imahen ng mga bansa ng Canaan, binabalaan ng Diyos ang mga Israelita: “Huwag kang magpapasok ng karima-rimarim na bagay [imahen] sa iyong bahay at ikaw ay maging isang bagay na nakatalaga sa pagkapuksa [cheʹrem] na tulad niyaon. Dapat kang lubos na marimarim doon at talagang kasuklaman mo iyon, sapagkat iyon ay isang bagay na nakatalaga sa pagkapuksa.”—Deu 7:25, 26.
Ang sagradong pagbabawal ay hindi laging nangangahulugan ng pagkapuksa. Ang mga kagamitan, mga hayop, at pati mga bukid ay maaaring italaga kay Jehova at sa gayo’y magiging mga banal na bagay ukol sa sagradong paggamit ng mga saserdote o para sa paglilingkod sa templo. Gayunman, ang mga taong isinailalim sa sagradong pagbabawal ay walang pagsalang papatayin. Ang nakatalagang bagay ay hindi maaaring tubusin ng anumang halaga, at ito ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng isang bagay na nakatalaga at ng isang bagay na pinabanal.—Lev 27:21, 28, 29; ihambing sa mga talata 19, 27, 30, 31; Bil 18:14; Jos 6:18, 19, 24; Eze 44:29; Ezr 10:8.
Mga Canaanita. Lubhang naitampok ang sagradong pagbabawal na ito noong panahon ng pananakop sa Canaan. Bago opisyal na pumasok ang Israel sa lupain, sinang-ayunan ni Jehova ang panata ng mga Israelita na italaga sa pagkapuksa ang mga lunsod ng kaharian ng Canaanitang hari ng Arad na sumalakay sa kanila sa Negeb. (Bil 21:1-3) Matapos sumalakay sina Sihon at Og sa Israel, ang kanilang mga kaharian, na nasa S ng Jordan, ang sumunod na sumailalim sa pagbabawal, anupat humantong iyon sa pagkapuksa ng lahat ng tao sa kanilang mga lunsod at tanging mga alagang hayop at iba pang mga samsam ang itinira. (Deu 2:31-35; 3:1-7) Nang maglaon, sa Kapatagan ng Moab, bago tumawid sa Jordan ang mga Israelita, muling idiniin ni Jehova ang kahalagahan ng malinis na pagsamba at ang pag-iwas sa lahat ng nakasasamang impluwensiya. Iniutos niya na pitong bansa sa Lupang Pangako ang ilagay sa ilalim ng sagradong pagbabawal at na ang idolatrosong mga mamamayan ng mga ito ay italaga sa pagkapuksa na isasagawa ng mga Israelita bilang tagapaglapat ng kaniyang mga hatol. (Deu 7:1-6, 16, 22-26) Tanging ang malalayong lunsod na hindi kabilang sa mga bansang ito ang bibigyan ng pagkakataong makipagpayapaan; subalit dapat lipulin yaong mga bansang tinukoy ng Diyos bilang nakatalaga sa pagkapuksa, “upang hindi nila kayo maturuang gawin ang ayon sa lahat ng kanilang mga karima-rimarim na bagay, na ginagawa nila sa kanilang mga diyos, at magkasala nga kayo laban kay Jehova na inyong Diyos.” (Deu 20:10-18) Kung hindi nila lilipulin ang alinman sa mga ito, tiyak na mahahawa sila sa mga ito at marurumhan dahil sa kanilang huwad na relihiyon. Ang paglipol naman sa kanila ay mag-iingat sa buhay ng mga Israelita; ngunit lalong mahalaga, mapananatili nito ang kadalisayan ng pagsamba sa Soberano ng Sansinukob, ang Diyos na Jehova. Isasagawa rin ang pagbabawal na ito sa sinumang nag-aapostatang miyembro ng kanilang pamilya o sa mga tatahan sa alinmang Israelitang lunsod na itatatag sa Lupang Pangako.—Deu 13:6-17.
Sa kanluran ng Jordan, ang Jerico ang kauna-unahang lunsod na itinalaga sa pagkapuksa, anupat walang anumang itinira roon maliban sa mga metal na gagamitin sa templo. Dahil sa pananampalataya ni Rahab, siya at ang kaniyang pamilya ay hindi isinama sa pagbabawal. Bagaman mahigpit na nagbabala si Josue na posibleng maitalaga sa pagkapuksa ang buong bansa kung hindi nila susundin ang pagbabawal na iyon, kinuha pa rin ni Acan ang ilan sa ipinagbabawal na mga bagay at sa gayo’y ginawa ang kaniyang sarili na “isang bagay na nakatalaga sa pagkapuksa.” Tanging ang kamatayan niya ang nagligtas sa buong bansa mula sa gayunding pagbabawal.—Jos 6:17-19; 7:10-15, 24-26.
Mga Gibeonita. Pagkatapos nito, maraming lunsod pa ang itinalaga sa pagkapuksa. (Jos 8:26, 27; 10:28-42; 11:11, 12) Hinggil sa mga lunsod na iyon, sinasabi ng ulat: “Walang lunsod na nakipagpayapaan sa mga anak ni Israel maliban sa mga Hivita na tumatahan sa Gibeon. Ang lahat ng iba pa ay kinuha nila sa pamamagitan ng pakikipagdigma. Sapagkat naging pamamaraan nga ni Jehova na hayaang magpakasutil ang kanilang mga puso anupat magdeklara ng digmaan laban sa Israel, nang sa gayon ay maitalaga niya sila sa pagkapuksa, upang hindi sila tumanggap ng anumang paglingap, kundi malipol nga niya sila, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.”—Jos 11:19, 20.
Ang Pagkabigo ng Asirya. Ipinaghambog ng Asiryanong si Senakerib na walang diyos ang nakapagligtas sa mga bansang itinalaga ng kaniyang mga ninuno sa pagkapuksa. (2Cr 32:14) Subalit hindi naipatupad ng huwad na mga diyos ng Asirya ang gayong pagbabawal sa Jerusalem, at ipinakita ng tunay na Diyos na si Jehova na ang banta ni Senakerib ay walang saysay. Gayunpaman, nang maglaon, dahil sa pagkasutil at paghihimagsik ng taong-bayan, ang mismong lupain ng Juda ay itinalaga ng Diyos sa pagkapuksa, at dumanas ito ng pagkawasak sa mga kamay ni Nabucodonosor. (Jer 25:1-11; Isa 43:28) Pagkatapos nito, ang Babilonya naman ang lubusang itinalaga sa pagkapuksa.—Jer 50:21-27; 51:1-3; ihambing ang Apo 18:2-8.
Iba Pang Pagbanggit. Nang mamayan na ang Israel sa lupain, ang mga Israelitang tumatahan sa Jabes-gilead ay sumailalim sa pagbabawal dahil hindi nila sinuportahan ang nagkakaisang pagkilos laban sa tribo ni Benjamin bilang parusa sa kabalakyutan nito. (Huk 21:8-12) Hindi isinakatuparan ni Haring Saul nang lubusan ang mga kundisyon ng pagbabawal sa Amalek at sa hari nito, anupat idinahilan niya na ang mga bagay na hindi nilipol ay ihahandog kay Jehova bilang hain. Sinabihan siya na “ang pagsunod ay mas mabuti kaysa sa hain” at na ang paghahari ay ibibigay sa iba. (1Sa 15:1-23) Halos gayundin ang naging pagkakasala ni Haring Ahab may kinalaman sa Siryanong si Ben-hadad II. (1Ha 20:42) Itinalaga ng mga Ammonita at mga Moabita sa pagkapuksa ang mga tumatahan sa Bundok Seir.—2Cr 20:22, 23.
Binabanggit sa maraming hula ang sagradong mga pagbabawal. Inihula sa Malakias 4:5, 6 ang gawain ni “Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova,” upang si Jehova ay ‘hindi dumating at saktan nga ang lupa sa pamamagitan ng pagtatalaga nito sa pagkapuksa.’ (Ihambing ang Mat 24:21, 22.) Inilalarawan sa Daniel 11:44 ang makasagisag na “hari ng hilaga” na humahayo dahil sa matinding pagngangalit upang “lumipol at magtalaga ng marami sa pagkapuksa.” Dahil sa kaniyang galit, si Jehova ay inilalarawan bilang nagtatalaga ng “lahat ng mga bansa” sa pagkapuksa. (Isa 34:2; ihambing ang Apo 19:15-21.) Sinasabi na sa pamamagitan ng isang pagbabawal, itatalaga ng matagumpay na “anak na babae ng Sion” ang di-tapat na pakinabang at yaman ng mga kaaway na bayan ukol “sa tunay na Panginoon ng buong lupa.” (Mik 4:13) Inihula na ang Jerusalem, kapag nailigtas na mula sa lahat ng kaniyang mga kaaway, ay tatahanan at “hindi na magkakaroon ng pagtatalaga sa pagkapuksa.”—Zac 14:11; ihambing ang Apo 22:3.
Idiniriin ng mga kasulatang ito ang sinabi ng Diyos sa Deuteronomio 7:9, 10: “At nalalaman mong lubos na si Jehova na iyong Diyos ang tunay na Diyos, ang tapat na Diyos, na nag-iingat ng tipan at maibiging-kabaitan para roon sa mga umiibig sa kaniya at doon sa mga tumutupad ng kaniyang mga utos hanggang sa isang libong salinlahi, ngunit gumaganti nang mukhaan doon sa napopoot sa kaniya sa pamamagitan ng pagpuksa rito. Hindi siya mag-aatubili roon sa napopoot sa kaniya; gagantihan niya ito nang mukhaan.” Ipinahayag naman ng Anak ng Diyos, na nagbigay ng kaniyang buhay bilang pantubos: “Siya na nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; siya na sumusuway sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay nananatili sa kaniya.” (Ju 3:36) Maliwanag na ang isinumpang “mga kambing” sa makahulang talinghaga sa Mateo 25:31-46 ay mga tao na sa kanila’y nananatili ang poot ng Diyos at samakatuwid ay itinalaga sa walang-hanggang pagkapuksa.
Sa Septuagint, ang salitang cheʹrem ay karaniwang isinasalin sa pamamagitan ng Griegong a·naʹthe·ma.—Tingnan ang PANATA; SUMPA Blg. 2.