TRUMPETA
Isang panugtog na hinihipan at binubuo ng isang bokilya, isang mahabang metal na tubo, at dulo na hugis-imbudo.
Sa ilang, bago lumikas ng kampo ang Israel sa kauna-unahang pagkakataon, inutusan ni Jehova si Moises na gumawa ng “dalawang trumpetang pilak . . . na yari sa gawang pinukpok.” (Bil 10:2) Bagaman wala nang ibinigay na ibang paglalarawan ng mga panugtog na ito, makikita sa mga baryang ginagamit noong panahon ng mga Macabeo at sa isang relyebe na nasa Arko ni Tito na ang mga trumpeta ay may haba na mga 45 hanggang 90 sentimetro (1.5 hanggang 3 piye), tuwid, at hugis-kampana ang dulo. Sinabi ni Josephus na ang ginawa ni Moises ay isang uri ng clarion na may “makitid na tubo, mataba nang kaunti kaysa sa isang plawta, may isang bokilya na sapat ang laki upang makaraan ang hangin at may dulong hugis-kampana na gaya ng sa mga trumpeta.” (Jewish Antiquities, III, 291 [xii, 6]) Noong pasinayaan ang templo ni Solomon, 120 trumpeta ang pinatunog.—2Cr 5:12.
Tatlong hudyat ang inilalarawan, na ginagamitan ng dalawang paraan ng pagpapatunog: (1) Kapag parehong hinipan ang mga trumpeta, tinatawagan ang buong kapulungan ng Israel upang magtungo sa tolda ng kapisanan; (2) kapag isang trumpeta ang hinipan, ang tinatawagan lamang ay ang mga pinuno na mga ulo ng libu-libo; at (3) ang paghihip ng pabagu-bagong tunog ay naghuhudyat ng paglikas ng kampo.—Bil 10:3-7.
Iniutos din ni Jehova na kapag panahon ng digmaan, ang mga trumpeta ay dapat na magpatunog ng “panawagan sa pakikipagdigma.” (Bil 10:9) Mula noon, ang saserdoteng sumasama sa hukbo ang gumagawa nito. (Bil 31:6) Noong sinisikap ni Abias ng Juda na iwasan ang pakikipagdigma kay Jeroboam ng Israel, itinawag-pansin niya ang gayong “mga trumpetang panghudyat para sa pagpapatunog ng hudyat ng pagbabaka” bilang katiyakan mula sa Diyos na magtatagumpay ang Juda sa pakikipagdigma. Nang si Jeroboam ay magpumilit pa ring sumalakay, ang kaniyang mga hukbo ay natalo ng isang hukbong Judeano na lubhang napasigla ng ‘malakas na pagpapatunog ng mga saserdote sa mga trumpeta.’—2Cr 13:12-15.
Kabilang sa mga panugtog sa templo ang mga trumpeta. (2Cr 5:11-13) Ang mga anak ni Aaron, na mga saserdote, ang tagapagpatunog ng mga trumpetang iyon. (Bil 10:8; 2Cr 29:26; Ezr 3:10; Ne 12:40, 41) Kapag ang isang ulat ay bumabanggit sa trumpeta (sa Heb., chatso·tserahʹ) ngunit hindi naman malinaw na tinutukoy na ang mga saserdote ang nagpatunog nito, iyon ay isang okasyon na may pambansang kahalagahan anupat maaasahang naroroon ang mga saserdote. Kung gayon, makatuwirang ipalagay na sila ang nagpapatunog sa mga trumpeta. (2Cr 15:14; 20:28; 23:13; ihambing ang 1Cr 15:24 sa tal 28.) Ngunit posible rin na may iba’t ibang uri ng trumpeta noon, at maaaring hindi mga saserdote ang may-ari ng ilan sa mga ito.
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig na huwag silang “hihihip ng trumpeta” (sa Gr., sal·piʹzo, nauugnay sa salʹpigx, nangangahulugang “trumpeta”) upang itawag-pansin ang kanilang pagkakawanggawa gaya ng mga mapagpaimbabaw. (Mat 6:2) Karaniwan nang ipinapalagay na ang paghihip ng trumpeta rito ay makasagisag, anupat nagbababala si Jesus laban sa pagpapasikat kapag nagbibigay ng mga kaloob ng awa.