SODYAKO
Ang pangkat ng mga bituing nakikita mula sa lupa at nasa loob ng siyam na digri sa magkabilang panig ng orbit ng planetang Lupa sa palibot ng araw. May kinalaman kay Haring Josias ng Juda, sinasabi ng 2 Hari 23:5: “At inalisan niya ng trabaho ang mga saserdote ng mga banyagang diyos, na inilagay ng mga hari ng Juda upang gumawa sila ng haing usok sa matataas na dako sa mga lunsod ng Juda at sa mga dakong nakapalibot sa Jerusalem, at gayundin yaong mga gumagawa ng haing usok para kay Baal, sa araw at sa buwan at sa mga konstelasyon ng sodyako at sa buong hukbo ng langit.” Dito, ang pananalitang isinalin bilang “mga konstelasyon ng sodyako” ay nagmula sa salitang Hebreo na maz·za·lohthʹ. Minsan lamang itong lumitaw sa Bibliya, bagaman maaaring nauugnay ito sa salitang Maz·za·rohthʹ na matatagpuan sa Job 38:32. Makatutulong ang konteksto upang linawin kung ano ang kahulugan nito.
Karaniwang kinikilala na sinaunang mga Babilonyo ang nakatuklas sa tinatawag na zodiacal zone. Tiyak na pinagmasdan nila ang nakikitang taunang landas ng araw sa gitna ng mga bituin. Sa ngayon, ang landas na ito ay tinatawag na ecliptic. Napansin ng mga astronomo na sa isang sona na may lapad na mga 18 digri, anupat may saklaw na 9 na digri sa magkabilang panig ng ecliptic, ay naroroon ang nakikitang mga landas ng araw, buwan, at ng pangunahing mga planeta, kung titingnan mula sa lupa. Gayunman, noon lamang ikalawang siglo B.C.E. hinati-hati ng isang Griegong astronomo ang sodyako sa 12 magkakasinlaking bahagi na tig-30 digri bawat isa. Nang maglaon, ang mga bahaging ito ay tinawag na mga sagisag ng sodyako at pinangalanan ayon sa kaugnay na mga konstelasyon. Ang salitang Ingles na “zodiac” ay nagmula sa Griego at nangangahulugang “circle of animals,” yamang ang pangalan ng karamihan sa 12 konstelasyon ng sodyako ay kinuha sa pangalan ng mga hayop o mga nilalang sa dagat.
Sa ngayon, ang mga sagisag na ito ay hindi na katugma ng mga konstelasyong orihinal na pinagkunan ng kanilang pangalan. Ito’y resulta ng tinatawag na precession of the equinoxes, anupat dahil dito ay unti-unting umuusog nang mga isang digri pasilangan ang mga konstelasyon tuwing ika-70 taon sa isang siklo na inaabot nang mga 26,000 taon. Kaya naman, sa nakalipas na 2,000 taon, ang sagisag ng Aries ay umusog nang halos 30 digri tungo sa dating kinaroroonan ng konstelasyon ng Pisces.
Koneksiyon sa Astrolohiya. Noon pa mang sinaunang panahon sa Mesopotamia, sinasamba na ang mga konstelasyon ng sodyako. Sinasabi na ang mga konstelasyong ito ay may kani-kaniyang katangian, at ginagamit naman ang mga ito sa paggawa ng astrolohikal na mga prediksiyon batay sa partikular na puwesto o kaugnayan ng mga bagay sa kalangitan at ng mga sagisag ng sodyako sa alinmang partikular na panahon. Gaya ng ipinakikita ng teksto sa 2 Hari 23:5, mga saserdote ng mga banyagang diyos, na dinala ng ilang hari, ang nagpasok ng ganitong astrolohiya sa bansang Juda. Bago pa nito ay matagal nang ipinagbawal ng Diyos na Jehova ang ganitong pagsamba sa bituin, at tinakdaan ito ng parusang kamatayan.—Deu 17:2-7.
Ang astrolohiya ay pangunahing aspekto ng pagsambang Babilonyo. Gayunpaman, ang mga prediksiyon ng kaniyang mga astrologo, na ibinatay sa sodyako, ay hindi nakapagligtas sa Babilonya mula sa pagkawasak, gaya ng tumpak na inihula ng propetang si Isaias.—Isa 47:12-15; tingnan ang ASTROLOGO.
Sa ngayon, gumaganap pa rin ng mahalagang papel sa pagsamba ng maraming tao ang mga sagisag ng sodyako. Kapansin-pansin na ang mga sagisag ng sodyako ay nakapasok sa ilang katedral ng Sangkakristiyanuhan at sa ngayon ay makikita sa mga lugar na gaya ng Cathedral of Notre Dame sa Paris, gayundin sa mga katedral ng Amiens at Chartres, sa Pransiya.