REYNA NG LANGIT
Titulo ng isang diyosa na sinamba ng mga apostatang Israelita noong mga araw ni Jeremias.—Jer 44:17-19.
Bagaman mga babae ang pangunahing kasangkot dito, lumilitaw na ang buong pamilya ay nakibahagi sa pagsamba sa “reyna ng langit.” Ang mga babae ay nagluluto ng mga haing tinapay, ang mga anak ay namumulot ng panggatong, at ang mga ama naman ay nagpapaningas ng apoy. (Jer 7:18) Ang pagsamba sa diyosang ito ay nagkaroon ng malakas na impluwensiya sa mga Judio. Nang mapaslang si Gobernador Gedalias, inakala ng mga tumakas patungong Ehipto na ang kapahamakang sumapit sa kanila ay dahil napabayaan nila ang paggawa ng haing usok at mga handog na inumin para sa “reyna ng langit.” Gayunman, tahasang ipinakita ng propetang si Jeremias na mali ang kanilang akala.—Jer 44:15-30.
Hindi ipinakikilala ng Kasulatan kung sino ang “reyna ng langit.” Iminumungkahi na ang diyosang ito ay ang Sumerianong diyosa ng pag-aanak na si Inanna, na katumbas ni Ishtar ng Babilonya. Ang pangalang Inanna ay literal na nangangahulugang “Reyna ng Langit.” Ang katumbas nitong si Ishtar na diyosa ng Babilonya ay inilarawan sa mga tekstong Akkadiano gamit ang mga bansag na “reyna ng langit” at “reyna ng langit at ng mga bituin.”
Lumilitaw na lumaganap sa iba pang mga bansa ang pagsamba kay Ishtar. Sa isa sa mga Amarna Tablets, nang sumulat si Tushratta kay Amenophis III, binanggit niya si “Ishtar, senyora ng langit.” Sa Ehipto, isang inskripsiyon ni Haring Horemheb, na pinaniniwalaang naghari noong ika-14 na siglo B.C.E., ang bumanggit kay “Astarte [Ishtar] na ginang ng langit.” Sa isang piraso ng stela na natagpuan sa Memfis at mula pa noong panahon ni Merneptah, isang Ehipsiyong hari na ipinapalagay na namahala noong ika-13 siglo B.C.E., si Astarte ay inilarawan sa ganitong inskripsiyon: “Si Astarte, ginang ng langit.” Noong yugtong Persiano, sa Seyene (makabagong Aswan), si Astarte ay binigyan ng karugtong na titulong “ang reyna ng langit.”
Nagpatuloy ang pagsamba sa “reyna ng langit” hanggang noong ikaapat na siglo C.E. Noong mga 375 C.E., sa kaniyang akdang Panarion (79, 1, 7), sinabi ni Epiphanius: “Pinapalamutian ng ilang babae ang isang uri ng karo o isang bangkô na may apat na kanto at, pagkatapos itong latagan ng isang piraso ng lino, sa isang partikular na araw ng kapistahan ay naglalagay sila sa harap nito ng tinapay sa loob ng ilang araw at inihahandog iyon sa pangalan ni Maria. Pagkatapos ang lahat ng babae ay kumakain ng tinapay na iyon.” Iniugnay ni Epiphanius (79, 8, 1, 2) ang mga kaugaliang ito sa pagsamba sa “reyna ng langit” na binanggit sa Jeremias at sinipi niya ang Jeremias 7:18 at 44:25.—Epiphanius, inedit ni Karl Holl, Leipzig, 1933, Tomo 3, p. 476, 482, 483.