SAGRADONG POSTE
Ang salitang Hebreo na ʼashe·rahʹ (pm., ʼashe·rimʹ) ay ipinapalagay na tumutukoy (1) sa isang sagradong poste na sumasagisag kay Asera, isang Canaanitang diyosa ng pag-aanak (Huk 6:25, 26), at (2) sa diyosang si Asera mismo. (2Ha 13:6, tlb sa Rbi8) Ngunit hindi laging posible na matiyak kung ang tinutukoy ng isang partikular na kasulatan ay ang idolatrosong bagay o ang diyosa. Gayunman, ang salita sa orihinal na wika ay isinasalin ng ilang makabagong bersiyon ng Bibliya bilang “(mga) sagradong poste” ngunit tinutumbasan nila ito ng transliterasyon kapag malinaw na tumutukoy sa diyosa. (AT, JB) Samantala, hindi na gumamit ang iba ng magkaibang salin anupat tinumbasan na lamang nila ng transliterasyon ang salitang Hebreo (RS) o isinalin nila ito nang pare-pareho bilang “(mga) sagradong poste.” (NW) Sa mas matatandang bersiyon ng Bibliya, ang salitang Hebreo ay kadalasang isinasaling “(mga) taniman.” (KJ, Le) Ngunit hindi angkop ang saling ito sa mga tekstong gaya ng Hukom 3:7 at 2 Hari 23:6 (KJ), kung saan may binabanggit na paglilingkod sa “mga taniman” at paglalabas ng “taniman” mula sa templo sa Jerusalem.
Ang mga Sagradong Poste. Lumilitaw na ang mga sagradong poste ay patayo at gawa sa kahoy, o may ilang bahagi na kahoy, yamang inutusan ang mga Israelita na putulin at sunugin ang mga iyon. (Exo 34:13; Deu 12:3) Maaaring ang mga iyon ay basta mga poste lamang na hindi inukit, marahil ay mga punungkahoy pa nga sa ilang kaso, sapagkat tinagubilinan ang bayan ng Diyos: “Huwag kang magtatanim para sa iyong sarili ng anumang uri ng punungkahoy bilang sagradong poste.”—Deu 16:21.
Ipinagwalang-bahala kapuwa ng Israel at ng Juda ang tuwirang utos ng Diyos na huwag magtayo ng mga sagradong haligi at mga sagradong poste; inilagay nila ang mga iyon sa ibabaw ng “bawat mataas na burol at sa ilalim ng bawat mayabong na punungkahoy” sa tabi ng mga altar na ginagamit sa paghahain. Ipinapalagay na ang mga poste ay kumakatawan sa babae, samantalang ang mga haligi naman ay kumakatawan sa lalaki. Ang mga kagamitang ito sa idolatriya, malamang na mga sagisag ng ari ng lalaki, ay iniuugnay sa napakaimoral na pagpapakasasa sa sekso, gaya ng ipinahihiwatig ng pagbanggit na may mga patutot na lalaki sa lupain noon pa mang paghahari ni Rehoboam. (1Ha 14:22-24; 2Ha 17:10) Iilang hari lamang, gaya ni Hezekias (at ni Josias), ang “nag-alis ng matataas na dako at nagputul-putol ng mga sagradong haligi at pumutol sa sagradong poste.”—2Ha 18:4; 2Cr 34:7.
Si Asera. Ipinakikilala ng mga teksto ng Ras Shamra ang diyosang ito bilang asawa ng diyos na si El, ang “Maylalang ng mga Nilalang,” at tinutukoy siya ng mga iyon bilang “Ginang Asera ng Dagat” at “Ninunong Babae ng mga Diyos,” sa gayo’y ina rin siya ni Baal. Gayunman, lumilitaw na maraming pagkakatulad ang mga papel ng tatlong prominenteng diyosa ng Baalismo (sina Anat, Asera, at Astoret), gaya ng makikita sa di-Biblikal na mga reperensiya at pati sa rekord ng Kasulatan. Bagaman si Astoret ang tinutukoy bilang asawa ni Baal, maaaring ganito rin ang turing kay Asera.
Noong panahon ng mga Hukom, mapapansin na ang mga apostatang Israelita ay ‘naglingkod sa mga Baal at sa mga sagradong poste [mga Asherim].’ (Huk 3:7, tlb sa Rbi8; ihambing ang 2:13.) Maaaring ipinahihiwatig ng pagtukoy sa mga bathalang ito sa anyong pangmaramihan na ang bawat lokalidad ay may sariling Baal at Asera. (Huk 6:25) Si Jezebel, ang Sidoniong asawa ni Ahab na hari ng Israel, ay nagpapakain noon sa kaniyang mesa ng 450 propeta ni Baal at ng 400 propeta ng sagradong poste, o ni Asera.—1Ha 18:19.
Nang maglaon, ang mahalay na pagsamba kay Asera ay isinagawa sa mismong templo ni Jehova. Inilagay pa nga roon ni Haring Manases ang isang inukit na imahen ng sagradong poste, maliwanag na isang representasyon ng diyosang si Asera. (2Ha 21:7) Dinisiplina si Manases sa pamamagitan ng pagdadala sa kaniya bilang bihag sa Babilonya at, pagkabalik niya sa Jerusalem, ipinakita niyang nakinabang siya sa disiplinang iyon at inalis niya sa bahay ni Jehova ang mga kagamitan sa idolatriya. Gayunman, ibinalik ng kaniyang anak na si Amon ang mahalay na pagsamba kina Baal at Asera, pati na ang seremonyal na pagpapatutot. (2Cr 33:11-13, 15, 21-23) Dahil dito, kinailangan ng matuwid na si Haring Josias, na siyang humalili kay Amon sa trono, na ibagsak “ang mga bahay ng mga lalaking patutot sa templo na nasa bahay ni Jehova, kung saan ang mga babae ay naghahabi ng mga toldang dambana para sa sagradong poste.”—2Ha 23:4-7.