ISMAELITA
[Ni (Kay) Ismael].
Isang inapo ni Ismael, ang panganay na anak na lalaki ni Abraham kay Hagar na Ehipsiyong utusang babae ni Sara. (Gen 16:1-4, 11) Si Ismael naman ay nag-asawa ng isang Ehipsiyo na dito ay nagkaroon siya ng 12 anak na lalaki (sina Nebaiot, Kedar, Adbeel, Mibsam, Misma, Duma, Masa, Hadad, Tema, Jetur, Napis, Kedema), mga pinuno ng iba’t ibang liping Ismaelita. (Gen 21:21; 25:13-16) Samakatuwid, sa pasimula, ang lahi ng mga Ismaelita ay isang-kapat na Semitiko at tatlong-kapat na Hamitiko.
Gaya ng ipinangako ng Diyos, ang mga Ismaelita ay dumami at naging “isang dakilang bansa” na ‘hindi mabilang dahil sa dami.’ (Gen 17:20; 16:10) Ngunit sa halip na mamayan (iilang lunsod ang kanilang itinayo), mas ginusto nila ang buhay na pagala-gala. Si Ismael mismo ay “isang tao na tulad ng sebra,” samakatuwid nga, isang walang-tigil na palaboy na nagpagala-gala sa Ilang ng Paran at namuhay sa pamamagitan ng kaniyang busog at mga palaso. Sa kalakhang bahagi, ang kaniyang mga inapo ay mga Bedouin na namuhay rin sa mga tolda, mga taong gumala-gala sa Peninsula ng Sinai mula sa “tapat ng Ehipto,” samakatuwid nga, sa dakong S ng Ehipto at sa kabila ng hilagang Arabia hanggang sa Asirya. Kilala sila sa pagiging mga taong mababangis, paladigma at mahirap pakitunguhan, gaya rin ng sinabi tungkol sa kanilang amang si Ismael: “Ang kaniyang kamay ay magiging laban sa lahat, at ang kamay ng lahat ay magiging laban sa kaniya.”—Gen 16:12; 21:20, 21; 25:16, 18.
Sa higit pang paglalarawan sa mga Ismaelita, ganito ang sinasabi: “Namayan [sa Heb., na·phalʹ] siya sa harap ng lahat ng kaniyang mga kapatid.” (Gen 25:18) Sa katulad na paraan, sinabi na ang mga Midianita at ang kanilang mga kaalyado ay “nakalatag [no·phelimʹ, isang anyong pandiwari ng na·phalʹ] sa mababang kapatagan” sa teritoryo ng Israel hanggang noong buong lakas silang daigin ng hukbo ni Gideon. (Huk 7:1, 12) Samakatuwid, nang “namayan” ang mga Ismaelita, maliwanag na iyon ay sa layuning manatili sa rehiyong iyon hanggang sa puwersahan silang mapaalis doon.
Sa paglipas ng panahon, malamang na nagkaroon ng pakikipag-asawa sa pagitan ng mga Ismaelita at ng mga inapo ni Abraham sa pamamagitan ni Ketura (Gen 25:1-4), anupat nagkaroon ng mga tumatahan sa mga bahagi ng Arabia. Yamang si Ismael at si Midian ay magkapatid sa ama, anumang pakikipag-asawa ng kanilang mga inapo lakip ang paghahalo ng kanilang lahi, mga kinaugalian, mga katangian, at mga hanapbuhay ay maaaring naging dahilan upang pagpalit-palitin ang paggamit sa mga terminong “mga Ismaelita” at “mga Midianita,” gaya ng mapapansin sa paglalarawan ng pulutong na nagbili kay Jose sa pagkaalipin sa Ehipto. (Gen 37:25-28; 39:1) Noong mga araw ni Gideon, ang mga pulutong na sumalakay sa Israel ay kapuwa inilarawan bilang mga Midianita at mga Ismaelita, anupat ang isa sa mga pagkakakilanlan ng huling nabanggit ay ang kanilang mga gintong singsing na pang-ilong.—Huk 8:24; ihambing ang Huk 7:25 at 8:22, 26.
Ang matinding poot ni Ismael kay Isaac ay waring naipasa sa kaniyang mga inapo, maging hanggang sa punto na kapootan nila ang Diyos ni Isaac, sapagkat nang isa-isahin ng salmista “ang mga masidhing napopoot” kay Jehova, inilakip niya ang mga Ismaelita. (Aw 83:1, 2, 5, 6) Gayunman, maliwanag na hindi laging ganito ang kalagayan. Sa ilalim ng kaayusang pang-organisasyon na itinatag ni David, si Obil, tinukoy bilang isang Ismaelita, ang namahala sa mga kamelyo ng hari.—1Cr 27:30, 31.
Inangkin ni Muhammad (mga 570-632 C.E.), tagapagtatag ng Islam, na isa siyang Ismaelitang inapo ni Abraham.