ALPILER
Isang pampalamuting pang-ipit na gawa sa metal at may aspile o pinakadila upang maikabit ito sa damit ng isang tao. Noong sinaunang mga panahon, kapuwa ang mga lalaki at mga babae ay nagsusuot ng alpiler, gaya sa mga Griego at mga Romano. Kung minsan, ang alpiler o fibula ng mga Romano ay binubuo ng isang nakakurbang piraso ng metal na may kawitan sa isang dulo at aspile naman sa kabilang dulo, anupat parang perdible. Ang alpiler ay hindi lamang pampalamuti kundi kapaki-pakinabang din, yamang madalas na ginagamit ito sa mga layuning gaya ng pagkakabit ng dalawang bahagi ng bandana o balabal. Ang mga alpiler noong sinaunang panahon ay gawa sa bronse, bakal, ginto, o pilak. Pinatunayan ng mga tuklas sa arkeolohiya na ginagamit ang mga ito sa sinaunang Palestina, anupat kabilang sa mga tuklas na iyon ang hugis-busog na mga alpiler na natagpuan sa Tell en-Nasbeh.
Nang ipagkaloob sa mga Israelita ang pribilehiyong mag-abuloy para sa pagtatayo ng tabernakulo, nagdala ang mga lalaki at mga babae ng sari-saring palamuti na kinabibilangan ng “mga alpiler” o “mga hibilya.” (Exo 35:21, 22) Maliwanag na ang mga alpiler na ito ay isang klase ng mga palamuting ikinakawit, yamang ang salitang Hebreo na ginamit para sa mga ito (chach) ay isinasalin din sa ibang talata bilang “pangawit.” (2Ha 19:28) Gayunman, hindi inilalarawan ng Kasulatan ang mga alpiler na ito.—Tingnan ang PALAMUTI.