PUSO
Ang mahalagang sangkap ng katawan na ang pangunahing gawain ay magbomba ng dugo upang matustusan ang mga selula ng katawan.—Lev 17:14.
Ang puso ay napakadalas na lumilitaw sa Kasulatan, anupat binabanggit ito nang mga isang libong ulit sa iba’t ibang paraan. Ang mga salitang Hebreo (lev, le·vavʹ) at Griego (kar·diʹa) para sa “puso” ay ginagamit ng mga manunulat ng Bibliya kapuwa sa literal at sa makasagisag na mga paraan.
Ang Literal na Puso. Ilang ulit lamang tinukoy ng mga manunulat ng Bibliya ang literal na puso. Halimbawa, nang panain ni Jehu si Jehoram “sa pagitan ng mga bisig . . . ang palaso ay lumabas sa kaniyang puso.”—2Ha 9:24; tingnan din ang Exo 28:30.
Ang Makasagisag na Puso. Sa karamihan ng mga paglitaw nito sa Kasulatan, ang salitang “puso” ay ginagamit sa makasagisag na paraan. Sinasabing sumasagisag ito sa “sentrong bahagi sa pangkalahatan, ang nasa loob, at sa gayon ay sa panloob na pagkatao ng isa na makikilala sa lahat ng kaniyang iba’t ibang gawain, sa kaniyang mga pagnanasa, mga naisin, mga emosyon, mga pita, mga layunin, sa kaniyang mga kaisipan, mga pagkaunawa, mga imahinasyon, sa kaniyang karunungan, kaalaman, kasanayan, sa kaniyang mga paniniwala at sa kaniyang mga pangangatuwiran, sa kaniyang alaala at sa kaniyang kamalayan.”—Journal of the Society of Biblical Literature and Exegesis, 1882, p. 67.
Kaya naman sa Kasulatan, ang makasagisag na puso ay hindi lamang tumutukoy sa sentro ng damdamin at motibo, ni limitado man ito sa talino. “Sa mga Semita . . . ang lahat ng bagay na natatangi sa tao, sa kategorya ng mga damdamin at gayundin ng talino at kalooban, ay itinuturing na sa puso nagmumula.” Ito ang “kabuuan ng panloob na pagkatao bilang kabaligtaran ng laman, na siyang panlabas na pagkatao na nahihipo.”—The Metaphorical Use of the Names of Parts of the Body in Hebrew and in Akkadian, ni E. Dhorme, Paris, 1963, p. 113, 114, 128 (sa Pranses).
Para sa Diyos na tagasuri ng mga puso, hindi ang panlabas na kaanyuan ang mahalaga kundi kung ano talaga ang panloob na pagkatao ng isa. (Kaw 17:3; 24:12; Aw 17:3; 1Sa 16:7) Kaya naman ipinapayo ng Kasulatan: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso [ang buong panloob na pagkatao], sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.” (Kaw 4:23) At hinihimok ang mga Kristiyanong asawang babae na huwag bigyan ng pangunahing pansin ang panlabas na kagayakan, kundi ang “lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu, na malaki ang halaga sa paningin ng Diyos.”—1Pe 3:3, 4.
Sa ilang paglitaw ng terminong “puso” sa Bibliya, maliwanag na ang pangunahing tinutukoy ay ang mga kakayahan sa pag-iisip, ngunit hindi naman sa diwa na ibinubukod ang gayong mga kakayahan mula sa iba pang mga bagay na bumubuo sa panloob na pagkatao. Hinimok ni Moises ang mga Israelita, “Alalahanin mo sa iyong puso [“alalahanin mo sa iyong isip,” tlb sa Rbi8] na si Jehova ang tunay na Diyos.” At nang maglaon ay sinabi niya sa kanila, “Hindi kayo binigyan ni Jehova ng isang pusong [“pag-iisip,” tlb sa Rbi8] makakakilala.” (Deu 4:39; 29:4) Kung minsan, gaya ng pagtukoy rito kapuwa sa Hebreong Kasulatan at sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, kalakip sa puso ang talino, halimbawa ay kapag iniuugnay ito sa ‘pag-iisip’ (Mat 9:4), ‘pangangatuwiran’ (Mar 2:6), ‘unawa’ (1Ha 3:12; Mar 6:52), at “kaalaman” (Kaw 15:14).
Ang motibo, ang nag-uudyok na puwersa na sanhi ng ating paggawi, ay isa pang mahalagang aspekto ng panloob na pagkatao, na kinakatawanan ng “puso.” Kaya naman yaong mga nag-abuloy para sa pagtatayo ng tabernakulo ay ‘lumapit, ang bawat isang naudyukan ng kaniyang puso.’ (Exo 35:21, 26, 29; 36:2) Ang balakyot na si Haman ay “naglakas-loob” (sa literal, napuno siya may kinalaman sa kaniyang puso) na magpakana laban sa mga Judio. (Es 7:5, tlb sa Rbi8; Gaw 5:3) Ipinaliliwanag ng Hebreo 4:12 na ang salita ng pangako ng Diyos, tulad ng isang tabak na matalas, ay may-kakayahang “umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” Sinabi rin ni Jesus na sa puso nagmumula ang nag-uudyok na puwersa na sanhi ng ating paggawi, mabuti man ito o masama. (Mat 15:19; Luc 6:45) Upang malinang natin ang tamang mga motibo, pinapayuhan tayo ng Bibliya na huwag nating pahintulutan na mabahiran ng pagnanasa sa makasariling pakinabang ang ating pakikitungo sa iba (Jud 16) ni pahintulutan man natin na pag-ibig sa salapi, o paghahangad sa kayamanan, ang makaimpluwensiya sa landasin ng ating buhay. (1Ti 6:9, 10; Kaw 23:4, 5) Sa halip, pinasisigla tayo nito na linangin ang tunay na pag-ibig sa Diyos bilang saligan ng ating paglilingkod sa kaniya (1Ju 5:3; Deu 11:13) at ang mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig bilang pamantayan sa pakikitungo sa mga kapananampalataya (Ju 15:12, 13); pinasisigla rin tayo nito na ugaliing ibigin ang iba pang mga tao gaya ng pag-ibig natin sa ating sarili (Luc 10:27-37; Gal 6:10). Maliwanag, kasangkot ang kakayahan sa pag-iisip sa paglinang ng gayong mga motibo.—Aw 119:2, 24, 111.
Nakikita ang kalagayan ng ating makasagisag na puso sa ating disposisyon, sa ating saloobin, kung tayo ay mapagmapuri o mapagpakumbaba. (Kaw 16:5; Mat 11:29) Bahagi rin ng panloob na pagkataong ito ang ating mga damdamin at mga emosyon. Kasama sa mga ito ang pag-ibig (Deu 6:5; 1Pe 1:22), kagalakan (Deu 28:47; Ju 16:22), kirot at pamimighati (Ne 2:2; Ro 9:2), poot (Lev 19:17). Kaya naman ang puso ay maaaring ‘mabalisa’ (Isa 35:4), ‘maulos’ ng kapighatian (Aw 109:22), “matunaw” dahil sa takot sa mga kabagabagan (Deu 20:8). Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, kapag binabanggit ang pag-iisip kasama ng puso, ang “pag-iisip” ay tumutukoy sa talino samantalang ang “puso” naman ay tumutukoy sa mga emosyon, mga pagnanasa, at mga damdamin ng panloob na pagkatao. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mat 22:37) Sa gayon ay ipinakita niya na dapat ipamalas ng mga pagnanasa, mga damdamin, at mga emosyon ng isang tao ang kaniyang pag-ibig sa Diyos, ngunit dapat din niyang ipamalas ang pag-ibig na iyon sa paraan ng paggamit niya sa kaniyang mental na mga kakayahan, gaya ng pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos at kay Kristo.—Ju 17:3.
Ang lahat ng gayong mga gawain, kakayahan, emosyon, at katangian ay iniuugnay, hindi sa literal na puso, kundi sa makasagisag na puso na kumakatawan sa buong panloob na personalidad.
Ang Puso ay Maaaring Maging “Mapandaya.” Bagaman sakdal si Adan, hinayaan niyang matukso ang kaniyang puso. Itinakwil niya ang katotohanan at tinalikuran ang Diyos. (Tingnan ang San 1:14, 15.) Dahil dito, lahat ng tao, na mga supling ng nagkasalang si Adan, ay ipinaglihi sa kasalanan at iniluwal sa kamalian. (Aw 51:5) Pagkatapos ng Baha, sinabi ng Diyos may kinalaman sa makasalanang sangkatauhan sa pangkalahatan: “Ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula sa kaniyang pagkabata.”—Gen 8:21.
Sinabi ng Diyos sa mapaghimagsik na bansang Juda: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib.” (Jer 17:9) Ipinahihiwatig ng seryosong babalang ito na dapat bigyang-pansin niyaong mga nagnanais na paluguran ang Diyos hindi lamang yaong nakikita ng ibang tao kundi kung anong uri talaga sila ng tao, ang panloob na pagkatao. Baka maraming taon nang namumuhay ang isang tao bilang Kristiyano, malawak ang kaniyang kaalaman sa Bibliya, at nagtitiwala siyang matagumpay niyang mahaharap ang anumang situwasyon na maaaring bumangon. Gayunman, kahit alam na alam niya na ang isang gawa ay mali at espesipikong hinahatulan ng kautusan ng Diyos, ang mga kaisipan at mga pagnanasa na palihim niyang binubulay-bulay ay maaaring umakit sa kaniya na gumawa ng kasalanan.
Dahil dito, bagaman alam ng isang Kristiyano ang katotohanan at itinuturing niyang may-gulang na siya, dapat niyang tandaan na maaaring maging mapandaya ang kaniyang puso kung kaya dapat niyang pakaingatan na huwag siyang mahantad sa tukso.—Mat 6:13; 1Co 10:8-12.
Paglilingkod Taglay ang “Sakdal na Puso.” Kailangang buo ang literal na puso upang gumana ito nang normal, ngunit ang makasagisag na puso ay maaaring mabahagi. Nanalangin si David: “Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan,” anupat nagpapahiwatig na maaaring mabahagi ang puso ng isang tao may kinalaman sa mga kinalulugdan at mga kinatatakutan nito. (Aw 86:11) Ang gayong tao ay maaaring “may pusong hati”—malahininga sa pagsamba sa Diyos. (Aw 119:113; Apo 3:16) Ang isang indibiduwal ay maaari ring may ‘salawahang puso’ (sa literal, may isang puso at isang puso), anupat nagsisikap na maglingkod sa dalawang panginoon, o mapanlinlang na nagsasabi ng isang bagay gayong iba naman ang nasa isip. (1Cr 12:33; Aw 12:2, tlb sa Rbi8) Mariing tinuligsa ni Jesus ang gayong pagpapaimbabaw ng salawahang puso.—Mat 15:7, 8.
Kung nais ng isa na paluguran ang Diyos, hindi siya dapat magkaroon ng pusong hati ni ng salawahang puso kundi dapat niyang paglingkuran ang Diyos taglay ang isang sakdal na puso. (1Cr 28:9) Nangangailangan ito ng marubdob na pagsisikap dahil ang puso ay mapanganib at nakahilig sa kasamaan. (Jer 17:9, 10; Gen 8:21) Makatutulong sa pagpapanatili ng isang sakdal na puso ang mga sumusunod: taos-pusong pananalangin (Aw 119:145; Pan 3:41), regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos (Ezr 7:10; Kaw 15:28), masigasig na pakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita (ihambing ang Jer 20:9), at pakikisama sa iba na ang mga puso ay sakdal kay Jehova.—Ihambing ang 2Ha 10:15, 16.
Ano ang kahulugan ng pagiging “kapos ang puso”?
Maraming ulit na binabanggit sa Kasulatan ang pagiging “kapos ang puso” ng isang tao. Sinasabi ng Lexicon in Veteris Testamenti Libros (nina Koehler at Baumgartner, Leiden, 1958, p. 470) na nangangahulugan ito ng “kawalang-katalinuhan.” Sinasabi naman ng A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament ni William Gesenius (isinalin ni E. Robinson, 1836, p. 517) na ang gayong tao ay “salat sa unawa.” Ang pagiging “kapos ang puso” ay makikita sa isang tao na kulang sa mabuting pagpapasiya o kaunawaan. Kaya naman ang ‘kakapusan ng puso’ ay ipinakikitang naiiba sa “unawa” (Kaw 10:13) at “kaunawaan.” (Kaw 11:12; 15:21) Sa ibang mga teksto, ang isa na “kapos ang puso” ay inilalarawan bilang “walang-karanasan,” “mangmang,” anupat kulang sa karunungan. (Kaw 7:7; 9:1-9, 16; 10:21) Sa paggamit ng terminong “puso,” ipinakikita ng mga kasulatang ito na salat sa positibong mga katangian ang buong panloob na pagkatao ng isa.
Makikita mula sa konteksto ng Kasulatan kung saan ginamit ang pananalitang “kapos ang puso” na ito ay nagsasangkot ng ideya ng pagiging kulang sa mabuting pagpapasiya o kaunawaan. Sa Kawikaan 6:32, sinasabi ng taong marunong na ang isa na nangangalunya ay “kapos ang puso.” Ang ibang mga salin dito ay kababasahan: “salat sa katinuan” (Ro), “walang katinuan” (RS, JB), “kulang sa mahusay na pagpapasiya” (NIV), “isang hangal na mangmang” (NE). Ang nangangalunya ay “isang hangal na mangmang” dahil mapait ang bunga ng gayong seksuwal na imoralidad. (Kaw 1:2-4; 6:23-35; 7:7, 21-27) Sa panlabas ay maaari siyang magtinging isang taong kagalang-galang, ngunit ang kaniyang panloob na pagkatao ay hindi sumusulong sa tamang paraan.
Isa pang kawikaan ang nagsasabi: “Ang taong kapos ang puso [“salat sa katinuan,” Ro] ay nakikipagkamay [isang pagkilos na ginagawa kapag nagtitibay ng isang kasunduan], na lubusang nananagot sa harap ng kaniyang kapuwa.” (Kaw 17:18) Palibhasa’y naiimpluwensiyahan marahil ng sentimyento, pinapasok ng gayong tao ang isang kasunduan na malamang na maging dahilan ng pagkaubos ng kaniyang salapi at ng malubhang kahirapan sa kabuhayan. Bagaman maaaring mabuti ang layunin niya at kapuri-puri ang kaniyang mga motibo, makikitang kulang siya sa mabuting pagpapasiya.
Kabaligtaran naman ng pagiging “kapos ang puso,” binabanggit din ng mga kawikaan ang isang tao na “nagtatamo ng puso.” Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 19:8: “Siyang nagtatamo ng puso ay umiibig sa kaniyang sariling kaluluwa. Siyang nag-iingat ng kaunawaan ay makasusumpong ng mabuti.” Isa siyang tao na seryosong nagbibigay-pansin sa kaniyang tunay na panloob na pagkatao. Ginagamit niya ang kaniyang pag-iisip upang magtamo ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos at sa Kaniyang mga daan. Binubulay-bulay niya ang mga bagay na ito at sinisikap niyang ikapit ang mga ito. Maingat niyang hinuhubog ang kaniyang mga pagnanasa, mga naisin, mga emosyon, at mga tunguhin sa buhay kasuwato ng natatanto niya na sasang-ayunan ng Diyos. Sa paggawa nito, nakikinabang siya, anupat ipinakikitang ‘iniibig niya ang kaniyang sariling kaluluwa.’ Sa pamamagitan ng pagpapatibay niya sa kaniyang panloob na pagkatao sa gayong paraan, ‘iniingatan niya ang kaunawaan,’ sapagkat pinalalakas niya sa kaayaayang mga paraan yaong mga salik na makatutulong sa kaniya nang malaki upang makapag-isip nang malinaw at makakilos nang may karunungan.
Ang Puso ng Diyos. Isinisiwalat ni Jehova na siya ay may mga damdamin at mga emosyon, anupat inilalarawan ng Bibliya na mayroon siyang “puso.” Noong panahon ng Baha, “siya ay nasaktan sa kaniyang puso,” sapagkat ikinalungkot niya na itinakwil ng mga tao ang kaniyang matuwid na pamamahala, anupat kinailangan niyang magbago ng papel mula sa pagiging kanilang tagapagpala tungo sa pagiging kanilang tagapuksa. (Gen 6:6) Sa kabaligtaran naman, ang “puso” ng Diyos ay ‘sumasaya’ kapag nananatiling tapat ang kaniyang mga lingkod. (Kaw 27:11) Ang may-kalupitang paghahandog ng mga tao bilang mga haing sinusunog, na isinagawa ng ilan sa mga Israelitang lumihis ng landas, ay hindi kailanman pumasok sa puso ng Diyos, anupat nagpapakita rin na hindi siya isang Diyos ng walang-hanggang pagpapahirap.—Jer 7:31; 19:5.
Ang Sentro, o Gitna, ng Isang Bagay. Dahil ang literal na puso ay isang sangkap na nasa bandang gitna ng katawan, kung minsan ay ikinakapit ang terminong “puso” sa sentro, o gitna, ng isang bagay, gaya ng “mapapasapuso ng lupa” (Mat 12:40), “kalagitnaan [sa literal, puso] ng dagat” (Exo 15:8; Jon 2:3), at “gitna [sa literal, puso] ng malaking punungkahoy” (2Sa 18:14). Sa Deuteronomio 4:11, ang pananalitang “kalagitnaan ng langit” ay literal na nangangahulugang “puso ng langit.”—Tingnan ang tlb sa Rbi8.
Makahula. Lumilitaw ang makasagisag na paggamit ng “puso” sa isang makahulang paraan sa Daniel 7:4, kung saan ang tulad-leong hayop na kumakatawan sa kaharian ng Babilonya ay pinatindig sa dalawang paa at binigyan ng “puso ng tao,” samakatuwid nga, hindi na nito taglay ang may-lakas ng loob na “puso ng leon.” (2Sa 17:10) Pagkatapos ay tinalo ito ng makasagisag na “oso,” ang Medo-Persia.—Dan 7:5; tingnan ang HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA.