PAGSULAT
Ang pagbuo ng mga titik sa isang materyales na mapagsusulatan upang magtawid ng mga salita o mga ideya. Ang unang taong si Adan ay pinagkalooban ng kakayahang magsalita ng isang wika. Subalit sa pasimula, walang gaanong dahilan, kung mayroon man, upang sumulat siya. Nagagawa noon ni Adan ang lahat ng pakikipagtalastasan sa pamamagitan ng pagsasalita at, bilang isang taong sakdal, hindi niya kailangang umasa sa isang nakasulat na rekord bilang pantulong sa isang di-sakdal na memorya. Gayunpaman, tiyak na may kakayahan si Adan na makaisip ng paraan upang makagawa ng isang nakasulat na rekord. Subalit hindi naglalaan ang Bibliya ng tuwirang patotoo na sumulat siya bago ang kaniyang pagsalansang o pagkatapos nito.
Ipinapalagay na maaaring ipinahihiwatig ng mga salitang “ito ang aklat ng kasaysayan ni Adan” na si Adan ang sumulat ng “aklat” na ito. (Gen 5:1) Bilang komento sa pariralang “ito ang kasaysayan” (“ito ang mga pinagmulan”), na madalas lumitaw sa buong Genesis, ganito ang sinabi ni P. J. Wiseman: “Ito ang pangwakas na pangungusap ng bawat seksiyon, at samakatuwid ay tumuturo ito pabalik sa salaysay na naitala na. . . . Karaniwan nang tumutukoy ito sa manunulat ng kasaysayang iyon, o sa may-ari ng tapyas na naglalaman niyaon.”—New Discoveries in Babylonia About Genesis, 1949, p. 53.
Ang pagsusuri sa nilalaman ng mga kasaysayang ito ay nagbabangon ng malaking pag-aalinlangan hinggil sa kawastuan ng pangmalas na iniharap ni Wiseman. Halimbawa, ayon sa pangmalas na ito, ang magiging konklusyon ng seksiyong nagsisimula sa Genesis kabanata 36, talata 10, ay ang mga salita sa Genesis 37:2 na, “Ito ang kasaysayan ni Jacob.” Subalit halos ang buong ulat ay may kinalaman sa mga supling ni Esau at pahapyaw lamang nitong binanggit si Jacob. Sa kabilang dako, ang kasunod na impormasyon ay naghaharap ng detalyadong impormasyon tungkol kay Jacob at sa kaniyang pamilya. Karagdagan pa, kung tama ang teoriyang iyon, mangangahulugan ito na sina Ismael at Esau ang mga manunulat o mga may-ari ng pinakadetalyadong mga dokumento tungkol sa mga pakikitungo ng Diyos kina Abraham, Isaac, at Jacob. Waring hindi ito makatuwiran, sapagkat lilitaw na yaong mga walang bahagi sa tipang Abrahamiko ang siya pang may pinakamalaking interes sa tipang iyon. Mahirap isiping gayon na lamang ang pagkabahala ni Ismael sa mga pangyayaring may kaugnayan sa sambahayan ni Abraham anupat nagsikap siyang kumuha ng detalyadong ulat tungkol sa kanila, isang ulat na sumasaklaw ng maraming taon matapos siyang paalisin kasama ng kaniyang inang si Hagar.—Gen 11:27b–25:12.
Sa katulad na paraan, yamang hindi nagpahalaga si Esau sa mga bagay na sagrado (Heb 12:16), walang dahilan upang sumulat siya o magmay-ari kaya ng isang ulat na detalyadong tumatalakay sa mga pangyayari sa buhay ni Jacob, mga pangyayaring hindi naman nasaksihan ni Esau. (Gen 25:19–36:1) Gayundin, waring hindi makatuwirang isipin na ipagwawalang-bahala nina Isaac at Jacob ang kalakhang bahagi ng mga pakikitungo ng Diyos sa kanila, anupat kontento na lamang sila na magkaroon ng maiikling ulat tungkol sa mga talaangkanan ng ibang tao.—Gen 25:13-19a; 36:10–37:2a.
Pagsulat Bago ang Baha. Walang paraan upang masabi nang tiyakan kung ang ilan sa mga kasaysayang binanggit sa aklat ng Genesis ay isinulat bago ang Baha, at walang binabanggit ang Bibliya kung nagkaroon ng pagsulat bago ang Baha. Gayunman, dapat pansinin na ang pagtatayo ng mga lunsod, paglikha ng mga panugtog, at pagpapanday ng mga kasangkapang bakal at tanso ay matagal nang nagsimula bago pa ang Baha. (Gen 4:17, 21, 22) Kaya naman makatuwirang isipin na hindi rin gaanong mahirap sa mga tao ang bumuo ng isang paraan ng pagsulat. Yamang may iisang wika lamang noong una (na nakilala nang bandang huli bilang Hebreo; tingnan ang HEBREO, II) at yamang ang mga taong patuloy na nagsasalita ng wikang iyon, ang mga Israelita, ay kilalang gumagamit ng alpabeto, ipinahihiwatig nito na maaaring bago pa ang Baha ay mayroon nang pagsulat na ginagamitan ng alpabeto.
Binanggit ng Asiryanong si Haring Ashurbanipal na bumasa siya ng “mga inskripsiyon sa bato mula sa panahon bago ang baha.” (Light From the Ancient Past, ni J. Finegan, 1959, p. 216, 217) Ngunit ang mga inskripsiyong ito ay maaaring nauna lamang sa isang malaking lokal na baha o maaaring mga ulat na nag-aangking naglalahad ng mga pangyayari bago ang Baha. Halimbawa, matapos nitong banggitin na walong hari ang namahala sa loob ng 241,000 taon, ang tinatawag na “The Sumerian King List” ay nagsabi: “(At) umapaw (sa lupa) ang Baha.” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 265) Maliwanag na hindi mapananaligan ang gayong ulat.
Ayon sa kronolohiya ng Bibliya, ang pangglobong Baha ng mga araw ni Noe ay naganap noong 2370 B.C.E. Mas maaga rito ang mga petsang itinakda ng mga arkeologo sa maraming tapyas na luwad na kanilang nahukay. Ngunit ang mga tapyas na luwad na ito ay mga dokumentong walang petsa. Samakatuwid, ang mga petsang itinakda sa mga ito ay pala-palagay lamang at hindi matibay na saligan upang maiugnay ang mga ito sa panahon ng Bahang tinutukoy sa Bibliya. Wala ni isa man sa sinaunang mga kasangkapang nahukay ang natiyak na mula pa noong mga panahon bago ang Baha. May mga arkeologo na nagtakda ng mga bagay bilang nagmula sa panahon bago ang Baha ngunit, sa paanuman, ang mga tuklas na naging saligan nila ay maipangangahulugan lamang na katibayan ng isang malaking lokal na baha.
Pagsulat Pagkaraan ng Baha. Matapos guluhin ang orihinal na wika ng tao sa Babel, nagkaroon ng iba’t ibang sistema ng pagsulat. Ang mga Babilonyo, mga Asiryano, at iba pang grupo ng mga tao ay gumamit ng sulat na cuneiform (hugis-tatsulok), na ipinapalagay na binuo ng mga Sumeriano mula sa kanilang pictographic na pagsulat. May katibayan na nagpapakitang mahigit sa isang sistema ng pagsulat ang magkakasabay na ginagamit noon. Halimbawa, sa isang sinaunang ipinintang larawan sa pader sa Asirya ay makikita ang dalawang eskriba, ang isa ay gumagawa ng mga markang cuneiform sa isang tapyas gamit ang isang panulat na stylus (malamang na sa Akkadiano) at ang isa naman ay sumusulat sa isang piraso ng balat o papiro sa pamamagitan ng isang pinsel (posibleng sa Aramaiko). Ang sulat na hieroglyphic ng mga Ehipsiyo ay binubuo ng malilinaw na pagsasalarawan at mga hugis na heometrikal. Bagaman patuloy na ginamit ang sulat na hieroglyphic sa mga inskripsiyon sa mga bantayog at mga ipinintang larawan sa pader, dalawa pang anyo ng pagsulat (ang una ay hieratic at ang sumunod ay demotic) ang ginamit noon. (Tingnan ang EHIPTO, EHIPSIYO.) Sa mga sistemang walang alpabeto, ang isang pagsasalarawan (o ang mas huling anyo nito, kadalasa’y di-makilala, na binubuo ng mga patuwid o kabit-kabit na porma) ay maaaring kumatawan sa bagay na tinutukoy, sa isang ideya na ipinahihiwatig ng bagay na iyon, o sa isa pang salita o pantig na may kaparehong bigkas. Bilang paghahalimbawa, ang simpleng drowing ng isang mata ay maaaring gamitin sa Ingles upang tumukoy sa “eye,” sa panghalip panao na “I,” sa pandiwang “see,” sa pangngalang “sea,” o sa unang pantig ng salitang “season.”
Ang sistemang alpabetiko na ginamit ng mga Israelita ay ponetiko, anupat ang bawat nakasulat na simbolo ng katinig ay kumakatawan sa isang partikular na tunog ng katinig. Gayunman, ang tunog ng patinig ay kailangang idagdag ng bumabasa, anupat konteksto ang tutulong upang matiyak kung anong salita ang tinutukoy sakaling may mga terminong pareho ng baybay ngunit magkaiba ang kombinasyon ng mga tunog ng patinig. Hindi ito naging problema noon; kahit sa makabagong mga magasin, pahayagan, at aklat sa Hebreo, halos lahat ng mga tuldok-patinig ay inalis na.
Kakayahan ng mga Israelita sa Pagbasa at Pagsulat. Ang mga saserdote ng Israel (Bil 5:23) at ang mga prominenteng tao, tulad nina Moises (Exo 24:4), Josue (Jos 24:26), Samuel (1Sa 10:25), David (2Sa 11:14, 15), at Jehu (2Ha 10:1, 6), ay marunong bumasa at sumulat, gayundin ang taong-bayan sa pangkalahatan, maliban sa ilan. (Ihambing ang Huk 8:14; Isa 10:19; 29:12.) Bagaman lumilitaw na makasagisag lamang, ang utos sa mga Israelita na sumulat sa mga poste ng pinto ng kanilang bahay ay nagpapahiwatig na marunong silang bumasa at sumulat. (Deu 6:8, 9) At kahilingan ng Kautusan na ang hari, sa pag-upo niya sa kaniyang trono, ay sumulat para sa kaniyang sarili ng isang kopya ng Kautusan at basahin iyon araw-araw.—Deu 17:18, 19; tingnan ang AKLAT.
Bagaman maliwanag na pangkaraniwan noon ang nakasulat na materyal sa wikang Hebreo, iilan lamang ang inskripsiyong Israelita na natagpuan. Malamang na ito ay dahil hindi nagtayo ang mga Israelita ng maraming bantayog na dumadakila sa kanilang mga nagawa. Ang kalakhang bahagi ng pagsulat, kabilang na ang mga aklat ng Bibliya, ay walang alinlangang ginawa sa papiro o pergamino gamit ang tinta, kaya naman hindi tatagal ang mga ito sa mamasa-masang lupa ng Palestina. Gayunman, naingatan ang mensahe ng Kasulatan sa paglipas ng maraming siglo sa pamamagitan ng napakaingat na pagkopya at paulit-ulit na pagkopya. (Tingnan ang ESKRIBA; MANUSKRITO NG BIBLIYA, MGA; TAGAKOPYA.) Tanging ang kasaysayan ng Bibliya ang sumasaklaw sa mismong pasimula ng tao at maging sa panahon bago pa nito. (Gen kab 1, 2) Sa ilang kaso, maaaring ang mga rekord na nakalilok sa bato at nakasulat sa mga tapyas na luwad, mga prisma, at mga silinder ay higit na matatanda kaysa sa pinakasinaunang manuskrito ng Bibliya na umiiral pa, gayunma’y walang namamalaging epekto ang mga rekord na iyon sa buhay ng mga tao sa ngayon—ang marami sa mga iyon (tulad ng The Sumerian King List) ay naglalaman ng mga tahasang kabulaanan. Kaya naman sa gitna ng sinaunang mga akda, ang Bibliya ay namumukod-tangi dahil naghaharap ito ng isang makahulugang mensahe na dapat pakadibdibin.